Mahalagang Alamin ang Inyong Garantiya
“GARANTISADONG KASIYAHAN.” “Garantisadong maibabalik ang salapi.” “Garantiyang panghabambuhay.” “Warranty na walang limitasyon.” Ang mga ito ay ilan lamang sa mga islogang ginagamit ng mga tagapaglathala upang himukin ang mamimili na bumili ng mga paninda o mga produkto. Pinahahanga ka ba ng ganiyang mga pangako? Kung gayon, mag-ingat!
Ipinaliliwanag ni Lynne Gordon sa The Consumer’s Handbook kung bakit: “Ang mga salitang yaon sa wari ay may matibay at matatag na panineguro sa ganang sarili anupa’t kakaunting mamimili ang talagang nakakaunawa ng kanilang kahulugan kapag sila’y namimili, upang masumpungan lamang sa bandang huli na, kapag kanila nang hihingin ang mga benepisyo ng isang warranty, ay wala naman pala, o na hindi nito sinasaklaw ang kinakailangang mga pagkukumpuni o mga pagpapalit.” Ang pag-alam sa inyong garantiya bago pumirma ay maaaring magligtas sa iyo mula sa kabalisahan, sama ng loob, at salaping gastusin sa dakong huli.
Ano ba ang Isang Warranty?
Bagaman ang salitang “garantiya” ay madalas gamitin, ang talagang tinutukoy ay isang warranty. Ito, ayon sa Webster’s Third New International Unabridged Dictionary, ay nangangahulugang: “Nasusulat na garantiya ng katapatan ng isang produkto at ng mabuting pangako ng maygawa ng produkto para sa mamimili at kadalasa’y nagpapaliwanag na ang maygawa ng produkto ang mananagot sa pagkukumpuni o mga pagpapalit ng may depektong mga bahagi sa loob ng ilang panahon at kung minsa’y maglalaan din ng serbisyo sa pana-panahon.”
Ang mga warranty ay maaaring maging proteksiyon mo laban sa mga tagó o madayang pamamaraan sa negosyo at di-tapat na mga ahente. Halimbawa, nang iharap ng isang dealer ng kotse ang isang segunda-manong kotse bilang nasa primera-klaseng kalagayan samantalang sa katunayan ito’y sira na, inihabla ng mamimili ang dealer sa korte. Dahilan sa ang mamimili ay protektado ng isang ipinahiwatig na warranty, ipinag-utos ng huwes sa dealer ng segunda-manong kotse na isauli nito ang salapi ng mamimili nang doble sa presyo ng pagkabili nito.
Alamin ang Inyong Warranty!
Ang mga warranty o mga garantiya ay maaaring lumitaw sa tarheta o tatak ng isang produkto o maaaring nakalimbag sa isang materyal na kasama ng produkto. Ang sumusunod ay ilan sa mga terminong madalas gamitin:
Ang isang ORAL WARRANTY (warranty na ibinigay nang bibigan) ay mas mahirap ipatupad kaysa isang nasusulat. Kung gayon, pinakamabuting tiyakin na lahat ng mga garantiya ay nasusulat kahit na ang dealer ay kilala sa pagiging matapat.
Ang isang SELLER’S WARRANTY (warranty ng nagbibili) ang pangako ng nagbibili na panagutan ang pag-andar o uri ng produktong kaniyang ipinagbibili. Ang mga garantiyang ito ay karaniwang ipinahihiwatig o hayagang mga warranty.
Ang mga IMPLIED WARRANTY (warranty na ipinahihiwatig nang di-tuwiran) ay inaakalang kasangkot sa lahat ng mga kontratang pangmamimili. Ang isang ipinahiwatig na warranty, sabi ng aklat na You and the Law, ay “tumitiyak na ang dealer ay may karapatang magbenta ng bagay na iyon, na ang mga paninda ay nakaabot sa pangkalahatang mga termino sa ibinigay na paglalarawan dito, na ang mga ito’y nasa mabuting kondisyon at pangunahin nang angkop sa layuning isinasaad para rito.” Halimbawa, ang isang toaster ay dapat na magtusta ng tinapay. Dahilan sa ang ganiyang mga pangako ay ipinahihiwatig, maaaring hindi batid ng mamimili na umiiral ang mga ito. Ang isang produktong ipinagbibili na “as is” ay walang ipinahihiwatig na warranty.
Naglalaan ang isang EXPRESS WARRANTY (hayagang warranty) ng espisipikong mga pangako hinggil sa pag-andar at uri ng mga paninda. Kadalasa’y nasusulat ang mga ito. Hindi mapapawalang-bisa ng mga express warranty ang mga garantiyang ipinahihiwatig na ng batas. Gaya ng pagpapaliwanag sa aklat na Consumer Rights and Responsibilities, “sa isang kalagayang express o warranty ang may-gawa ng produkto o ang nagbibili (kung sinuman sa kanila ang gumawa ng pangako) ay itinatalaga na tuparin ang kanilang pangako/garantiya lakip, at hindi bilang kahalili, ang mga pangakong patiuna nang hinihiling ng batas.”
Ginagarantiyahan ng MANUFACTURER’S WARRANTY (warranty ng may-gawa sa produkto) ang pangkalahatang kondisyon ng produkto at kadalasa’y lakip ang isang kasunduan na kumpunihin ang anumang depekto sa loob ng isang tiyak na yugto ng panahon at ang gastos ay sagot ng may-gawa sa produkto. Mahalagang tandaan, gaya ng ipinaliwanag sa You and the Law, na ang “mga korte ay atubiling papanagutin ang may-gawa ng produkto para sa mga depekto o pagseserbisyo na hindi espisipiko at maliwanag na sinasaklaw ng mga pananalita nito sa ilalim ng isang nasusulat na warranty.” Tandaan din, na ang pinakamabubuting garantiya ng karamihan sa mga produkto ay nasa kanilang pinakamatitibay na mga piyesa. Ang mga piyesang mas malamang na masira ay kadalasang hindi sinasaklaw. Tiyakin kung ano ang aktuwal na sinasaklaw sa warranty.
Minamalas ng ilan na ang UNCONDITIONAL GUARANTEE (garantiyang walang kondisyon) ang naglalaan ng pinakamahusay na proteksiyon sa lahat. Ang garantiyang ito ay sinasabing “walang mga kondisyon.” Gayumpaman, kumbinsido ang ibang tao na lahat ng mga garantiya ay may kalakip na tiyak na mga kondisyon.
Maging Maingat
Madaling malito sa tunay na kahulugan ng isang garantiya. Halimbawa, ang isang “lifetime guarantee” (panghabambuhay na garantiya) ay hindi nangangahulugang may bisa ito sa iyong buong-buhay. Sa halip, ito’y karaniwang tumutukoy sa panahong itatagal ng buhay ng produkto habang pag-aari mo ang partikular na produktong yaon. Ano naman kung tungkol sa terminong “satisfaction guaranteed” (garantisadong kasiyahan)? Napakalabong ituring ito bilang isang tunay na garantiya.
Tiyaking BASAHIN ANG MALILIIT NA TITIK bago pumirma. Kadalasan ang anumang tila garantisado sa malalaking titik sa harap ng isang kasunduan ay maaaring mapawalang-bisa o baguhin ng maliliit na titik na nasa likod. Oo, mahalagang alamin ang inyong garantiya sapagkat, gaya ng babala ng The Consumer’s Handbook, “nangangako ang malalaking letra at binabawi naman ito ng maliliit na titik.”
[Kahon sa pahina 26]
Suriin ang Inyong Garantiya
◻ Ito ba’y bibigan o nasusulat?
◻ Ano ang eksaktong sinasaklaw nito?
◻ Ano ang panahong sakop nito?
◻ Sino ang nagtataguyod nito, at ano ang kanilang reputasyon?
◻ Sino ang magbabayad ng mga gastusin sa pagkukumpuni?
◻ Kanino ka lalapit kapag nagkaroon ng mga suliranin?
◻ May pagkilos bang dapat gawin upang makinabang mula sa garantiya?
◻ Anong mga pananagutan mayroon ka para sa pagmamantensiyon at pangangalaga?