Pagkasugapa sa Shabu—Ang Kalagayan ng Di Pa Isinisilang
NANG ang shabu ay pumasok sa eksena ng daigdig noong maagang 1980’s, iilan sa gumagamit nito ang nangahas na maniwala sa kapaha-pahamak na magiging mga epekto nito. Tutal, hindi ba’t ito ay hinihitit sa maliliit na pipang yari sa salamin o inihahalo sa tabako sa mga sigarilyo o sa marijuana? Nababalita sa lansangan na ang shabu ay isang ligtas na droga. Tiyak na ito’y mas mura kaysa heroin o iba pang anyo ng cocaine. Kaya itong bilhin ng mga taong may kakaunting kita. Ang katuwaang dulot ng shabu ay wari bang sulit, anuman ang halaga nito.
Gayunman, ang madulang katibayan ng mga panganib ng shabu ay naglitawan sa mga pahina ng mga babasahin sa medisina nang ang mga gumagamit na nagdadalang-tao ay manganak ng mga sanggol na apektado-ng-droga. Ang mga doktor ay nagbabala tungkol sa kakila-kilabot na mga epekto ng shabu sa di pa isinisilang. Ang bilang ng napinsalang mga sanggol, ang ilan ay permanenteng napinsala, ay dumami sa paglipas ng taon. “Nang mauso ang shabu,” sabi ng isang doktor, “ang bilang ng maliliit, masasakiting sanggol ay basta dumami.”
Kung saan malaganap ang gamit ng shabu, ang estadistika ay nagpapatunay sa kaniya. Sang-ayon sa isang surbey sa 36 na ospital sa Estados Unidos noong 1988 ng National Association for Perinatal Addiction Research and Education, 11 porsiyento ng bagong-silang na mga sanggol, o halos 375,000 sanggol sa E.U. sa isang taon, ang ngayo’y nalantad sa mga droga sa panahon ng pagdadalang-tao. Ang The New York Times ay nag-uulat na sa pagitan ng 1986 at 1988, “ang bilang ng bagong-silang na mga sanggol sa New York City na nasumpungang positibo sa mga droga—karamihan ay sa cocaine—ay halos apat na ulit ang idinami, mula sa 1,325 tungo sa 5,088.”
Ang Nakatatakot na mga Epekto
“Ang mga inang nagsashabu ang makikita mong pinakamasasakitin,” sabi ni Dr. Richard Fulroth, isang espesyalista sa Stanford University. “Dumarating sila kapag handa na silang manganak, at basta pigil-pigil mo ang iyong hininga sa paghihintay ng kung ano ang iyong makikita.” Kadalasan ang nabubuo sa sinapupunan ng gumagamit ng shabu ay hindi maganda. Ang shabu ay maaaring pagmulan ng mga pulikat sa mga daluyan ng dugo ng sanggol, pinipigil ang mahalagang daloy ng oksiheno at mga nutriyente sa loob ng mahahabang panahon. Ang paglaki ng ipinagbubuntis na sanggol, pati na ang laki ng ulo at utak, ay maaaring mapinsala. Ang mga atake serebral at kombulsiyon ay kadalasang nangyayari, at maaaring magkaroon ng deperensiya sa bató, sa mga sangkap sa sekso, bituka, at sa spinal cord. Nariyan din ang panganib na mahiwalay ang inunan sa matris, na papatay sa ipinagbubuntis na sanggol at maaaring makamatay sa ina.
Kapag isinisilang ang sanggol ng inang nagsashabu, nakikita ng mga doktor at mga nars ang katibayan ng pinsalang dala ng droga. Inilarawan ng isang report ang gayong sanggol na “kapirasong laman na may ulong sinlaki-ng-dalandan at mga brasong parang patpat.” Sa ilang kaso, ulat ng magasing Discover, ang mga sanggol ng inang gumamit ng cocaine ay isinilang na walang dalawang gitnang daliri sa kamay.
Si Dr. Dan R. Griffith, developmental psychologist sa Northwestern University, ay nagsabi na ang mga sanggol na nalantad-sa-cocaine ay kadalasang isinisilang na may “napakahina, madaling mag-overload na sistema nerbiyosa.” Wari bang sila ay napakasensitibo at mayayamutin, di maaliw-aliw sa kahihiyaw kahit sa kaunting pampagalit. ‘Ang biglang ingay o pagbabago ng posisyon, kahit na ang pagkausap at pagtingin sa sanggol, ay maaaring pagmulan ng mahabang pag-iyak,’ sabi ng doktor. ‘Ang iba pang nakikitang epekto ng pinsala ng droga sa bagong-silang na sanggol,’ na inilalarawan ni Dr. Griffith, ‘ay maaaring ang mga sanggol ay tumatakas tungo sa mahimbing na pagtulog sa 90 porsiyento ng panahon upang ilayo ang kanilang sarili mula sa panlabas na pangganyak. Hindi sila gumigising kahit na sila ay hubaran ng damit, kausapin, iugoy, o hawakan.’
Ang mga problemang ito sa sistema nerbiyosa ay maaaring magpatuloy sa loob ng mga buwan, sabi ng doktor, sa gayo’y pinangyayari kapuwa ang mental at pisikal na kabiguan sa ina sa panahon kung kailan ang buklod ng pag-ibig at pagmamahal ay kailangang magsimula. “Ang sanggol ay waring ayaw magkaroon ng kaugnayan sa ina at nagiging mayayamutin kapag inaasikaso ng ina ang kaniyang pangangailangan. Ang ina ay nagiging malayo sa sanggol at nagdaramdam sa kaniya dahil sa hindi niya sinusuklian ang kaniyang mga atensiyon,” sabi pa ng doktor. Ang ugaling ito sa bahagi ng sanggol at ang pagdaramdam ng ina ay kadalasang nauuwi sa pagmamalupit sa bata.
Iniwang mga Bagong-silang
Sapagkat ang kalagayan ng mga sanggol na iyon na bagong-silang ay totoong walang katiyakan, ang kanilang pananatili sa ospital ay maaaring mga ilang linggo at kung minsan ay mga buwan. Gayunman, karaniwan na ang matagal na pananatili sa ospital ay hindi dahil sa kalagayan ng bata kundi dahil sa saloobin ng ina sa kaniyang sanggol. Maraming beses na basta iniiwan ng ina ang sanggol sa ospital, ginagawa itong ampon ng lungsod. “Hindi ko maunawaan ang ina na hindi man lamang nagtatanong tungkol sa sanggol, hindi na nagbabalik,” reklamo ng isang nababahalang doktor. Ang iba pa nga ay hindi nagtatagal upang panganlan ang sanggol. Ginagawa iyon para sa kanila ng mga nars. “Ang kapansin-pansin at kakila-kilabot na aspekto ng gamit ng shabu,” sabi ng isang kawaning nars sa ospital, “ay waring ang pagguho ng katutubong pag-ibig ng ina sa anak.” Isang ospital ang nagpapadala pa nga ng telegrama sa di-interesadong mga magulang upang papirmahin sila para sa mga posmortem pagkamatay ng mga sanggol. Nakagigitla ba ito sa iyo?
Dahil sa dami ng trabaho ng mga nars sa ospital, ang mga sanggol na ito ay hindi mapagpakitaan ng pag-ibig at pansin na kailangang-kailangan nila. Sa ilang mga kaso kung hindi agad masumpungan ang mga tahanang aampon, ang nagmamalasakit na mga tao na maibigin sa mga bata ay nagboboluntaryo ng kanilang panahon, mga ilang oras sa bawat linggo, upang alagaan ang iniwang mga sanggol na ito. “Pinakakain, inaawitan, nilalaro, inuugoy at binibihisan nila ang mga ito,” sabi ng isang manggagawa. “Itinuturing nila ang mga ito na parang kanilang sariling anak. Napakahusay nito para sa mga bata. Ang ilan sa kanila ay matagal nang narito.”
Ano ang kinabukasang naghihintay sa mga sanggol na ito na pininsala-ng-cocaine? Ang kanilang mas mababa kaysa normal na antas ng IQ ay magiging problema ng mga guro sa hinaharap. “Dahil sa mahinang pangangatawan at pag-unlad,” sabi ng isang eksperto sa mga bata, “ang mga batang ito ay magiging problema mismo nila at ng lipunan sa 40 o 50 taon.” Oo, ang shabu ay gumawa ng di-mapapawing tanda sa lipunan.