Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/22 p. 15-18
  • Sama na sa Aming Paglalayag sa Chobe

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sama na sa Aming Paglalayag sa Chobe
  • Gumising!—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Masdan ang Malakas na Hipopotamus!
    Gumising!—2003
  • Mga Nakaliligtas sa Disyerto ng Namib
    Gumising!—1992
  • Sa Isang Ekspedisyon sa Ghana
    Gumising!—2001
  • Panahon Na ba Upang Magpaalam?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/22 p. 15-18

Sama na sa Aming Paglalayag sa Chobe

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

KAMI’Y nakaupo sa isang bapor sa Ilog Chobe sa gitna ng katimugan ng Aprika. Ang tampok ng aming bakasyon ay dumating na. Nakikinig kami sa tubig na marahang sumasalpok sa bapor habang sumasakay ang iba pang pasahero. Sa pampang, ang mga tambo ay pinagagalaw ng hangin. Kami’y nagpapasalamat sa mga ulap na nagtakip sa amin mula sa mainit na araw sa Aprika.

“Sana’y dumating ang mga elepante para sa kanilang karaniwang pag-inom kung hapon,” sabi ni Jill, ang nangangasiwa sa kaugnayang pangmadla ng otel na nagsasaayos ng paglalayag na ito. Gayundin ang inaasahan namin. Ang Ilog Chobe ay kilala sa mga elepante nito. Ang hilaga ng Botswana, na humahangga sa Ilog Chobe, ay may tinatayang 45,000 elepante​—ang pinakamarami sa gawing timog ng Aprika. “Subalit,” babala ni Jill, “dahil sa pag-ulan kamakailan, wala kaming nakikitang elepante sa loob ng tatlong araw.”

Gayunman, ang Ilog Chobe ay maraming iba pang atraksiyon. Sa isang bandehado sa bapor, nakita namin ang apat na patay na isda. “Lagi naming nasusumpungan ang mga agilang kumakain ng isda na naghihintay na hagisan sila ng isda sa tubig,” sabi ni Rainford, ang aming Botswanang kapitan ng bapor. Magtagumpay kaya kami sa paglitrato sa isa sa mga ibong ito habang sumasalimbay upang dagitin ang pagkain? Ang aming katuwaan ay tumitindi habang ang isa pang bapor ng turista, na pinanganlang The Fish Eagle, ay nagdaraan. Ang aming bapor ay pinanganlang Mosi-Oa-Tunya, isang pangalang Aprikano para sa Victoria Falls. Ang Ilog Chobe ay sumasama sa malakas na Zambezi upang tumalon sa bantog na talón o falls, na halos isang oras na biyahe mula rito.

Sa maniwala ka o hindi, pagkaalis na pagkaalis ng Mosi, nakita namin ang mga elepante sa pamamagitan ng largabista. Ngunit, sayang, samantalang kami ay malayo pa, nagbalik sila sa pulumpon. “Mga tatlong linggo na ang nakaraan,” gunita ni Sandy, ang aming giya (tour guide), “nakikita namin ang mga kawan ng daan-daan.” Pagkatapos, natawag ang aming pansin ng anim na kudu na nakatitig sa amin mula sa pampang. Kapag nilalapitan ng sasakyan, ang mga usang ito ay karaniwang nagtatatakbong palayo. “Wari bang hindi sila gaanong takot sa bapor na nasa ilog,” sabi ni Sandy.

Ang malambing na huni ng mga kalapati ay biglang binasag ng isang matining na sigaw. Anong ibon iyon? “Ang natatanging tumataginting na huni ng Aprikanong agila na kumakain ng ibon ay isang regular na tampok sa Ilog Chobe,” sabi ni Dr. Anthony Hall-Martin sa aklat na Elephants of Africa. Apat sa magandang ibong ito ay nagmamasid sa amin buhat sa mga punungkahoy na nakahilera sa ilog. Dali-dali naming inayos ang aming mga kamera habang si Sandy ay naghahagis na isda. Sa hudyat, ang unang ibon ay umaalis sa dapuan nito at sumalimbay patungo sa amin. Susunod, narinig namin ang saboy ng tubig habang ang isda ay mahigpit na hawak sa mga kuko ng ibon. Pagkatapos, sa payagpag ng malaking mga pakpak nito, ito ay tumataas buhat sa tubig, na humihiyaw ng tagumpay​—WHOW-kayow-kwow. Hangang-hanga kami sa koordinasyon ng mata, kuko, tinig, at pakpak mula sa munting utak ng agila. Nagkaroon ng katahimikan sa bapor, maliban sa tunog ng mga kamera, habang ang kahanga-hangang pagtatanghal ay inulit pa nang tatlong beses.

Habang umaandar ang bapor, nakita namin ang isang kawan ng 26 na mga elepante, pati ang mga guyang elepante, na naglalaro sa tubig. Ang pagmamasid sa kanila ay nagpapagunita sa mga salita ni Bruce Aiken sa kaniyang aklat na The Lions and Elephants of the Chobe: “Minsang mapawi ang uhaw, ginagamit ng mga adulto ang kanilang nguso upang iisprey ang malamig na tubig sa kanilang katawan. Ang iba, lalo na ang mga sub-adulto at mga lalaking elepante, ay malamang na maglakas-loob sa ilog at mapaglarong lumangoy at tumakbu-takbo nang buong sigla, kadalasan nang ang mga dulo lamang ng kanilang nguso ang nakikita sa ibabaw na parang mga snorkel. Gayunman, walang higit na nasisiyahan na gaya ng mga guya. Ito ang simula ng paglalaro, at walang-tigil silang naglululundag at naghahabulan . . . Palibhasa’y napawi na ang uhaw, panahon na para sa susunod at tiyak na paboritong gawain, ang paligo sa putik. . . . Agad-agad, ang matatanda’t walang pakisamang elepante na ang salita ay batas, ay nagpapasiyang panahon na upang umalis na.”

Nakalulungkot naman, ang paglapit ng aming malaking dalawang-palapag na bapor ay nakaasiwa sa “walang pakisamang mga elepante,” at inakay nila ang kawan papalayo subalit hindi hangga’t makakuha kami ng mga larawan.

Hindi pa tapos ang araw, at ang Ilog Chobe ay may iba pang sorpresa. Dahil sa alabok mula sa paligid na Disyerto ng Kalahari, ang paglubog ng araw sa ibayo ng ilog ay kagila-gilalas. Sa gabi ay panahon din ng tamad na mga hippopotamos ng pagkilos habang naghahanda silang umahon sa tubig sa kanilang panginginain sa gabi. Dito ang seguridad ng aming malaking bapor ay isang bentaha. “Maaari kang lumapit sa hippo nang hindi natatakot,” sabi ni Rainford.

Ang malakas, malalim na silbato ay naghuhudyat ng aming pagdating sa lawa ng mga hippo na nasa tabi ng isang isla sa ilog. Isa-isa, ang malalaking ulo ng nakalubog na mga hippo ay lumitaw sa magkabilang tabi namin. Walang anu-ano, dalawang hippo ang dumaluhong sa isa’t isa na may nakabukang bibig​—mga bibig na may sapat na laki upang tumingkayad ang isang tao sa loob. Saka, mula sa mababaw na tubig malapit sa isla, isa pang hippo ang lumakad patungo sa amin​—napakalapit nito anupa’t ang malaking katawan nito ang pumuno sa lente ng aming kamera. Habang papalalim nang papalalim ang tubig, ang kaniyang ulo ay lumulubog, iniiwan ang kaniyang malaking likod na nakalitaw. Pagkatapos, sa paglalabas ng hangin mula sa kaniyang bagà, bumababa ang dambuhalang katawan nito.

Nagulat kaming malaman na sa kabila ng bagay na ang mga ito’y tumitimbang ng hanggang apat na tonelada, ang isang hippo ay may kaliksihan sa tubig. “Maaari itong lumangoy na mas mabilis kaysa maraming isda sa kabila ng asiwang katawan nito at karaniwang makikita sa malinaw na tubig na mabilis na lumalangoy sa ilalim lamang ng ibabaw ng tubig,” sabi ni Bradley Smith sa kaniyang aklat na The Life of the Hippopotamus. O kung gugustuhin nila, ginagamit ng mga hippo ang kanilang malakas na mga paa upang sumayaw sa ibayo ng malalim na ilog. Gaya nga ito ng sinasabi ng Maylikha ng tao:

“Narito, ngayon, ang hippopotamus na aking ginawa na gaya ng paggawa ko sa iyo. Siya’y kumakain ng damo na gaya ng baka. Narito, ngayon, ang kaniyang lakas ay nasa kaniyang mga balakang, at ang kaniyang dinamikong lakas ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan. Kung bumubugso ang isang ilog, ito ay hindi natataranta. Siya’y tiwasay, bagaman umapaw ang [Ilog] Jordan hanggang sa kaniyang bunganga.” (Job 40:​15, 16, 23, Reference Bible, talababa) Napaliligiran, na gaya namin, ng nakatatakot na mga halimbawa ng “dinamikong lakas” na ito, natanto namin ang higit na pangangailangan na magpakita ng paggalang sa Isa na gumawa sa mga ito. “May kukuha ba sa kaniya kapag siya’y nagtatanod? May tutuhog ba ng kaniyang ilong sa pamamagitan ng isang silo?” tanong ng Diyos na Jehova, ipinagugunita sa atin ang ating mga limitasyon bilang mga tao.​—Job 40:24.

Hindi namin malaman kung ang maluwalhating paglubog ng araw o ang mga hippo ang aming mamasdan, ayaw pa sana naming umalis ngunit oras na upang ang aming bapor ay bumalik. Nang maglaon, mula sa aming kubo sa tabi ng ilog, minasdan namin na may paghanga habang ang langit ay nagiging kulay rosas at dalandan, na ang mga kulay ay nababanaag sa tubig. Nagmuni-muni kami sa nakatutuwang mga bagay na nakita at narinig namin. “Kung talagang nais ninyong maging malapit sa maiilap na hayop at mga pananim sa likas na kapaligiran,” payo sa amin ni Sandy, “gumamit kayo ng maliit na bangkang de motor.” Nagpasiya kaming sundin ang kaniyang payo at umarkila kami ng isang bangkang de motor ng sumunod na hapon.

Ngayon mas malapit nga naming nakita ang maiilap na hayop at mga pananim maliban sa mapanganib na hippo, at nahihipo pa nga namin ang mga tambo at mga water lily. Minasdan namin ang mga kingfisher habang ang mga ito’y walang katinag-tinag na umaaligid sa ibabaw ng tubig sa paghanap ng maliliit na isda. Iba pang makulay na mga ibon ang lumilipad sa itaas namin, mga kingfisher na kayumanggi ang ulo, mga puting ibon na kumakain ng bubuyog, at guhitang mga layang-layang. Saka, may mas malalaking ibon na nasisiyahan sa kaligtasan ng mga isla sa ilog​—Ehipsiyong gansa, jacanas, cormorants, at mga tagak, upang banggitin lamang ang ilan. Nadaanan namin ang isang puno na nakalubog ang kalahating katawan sa tubig na nagagayakan ng ilan sa mga ibong ito.

Sa wakas, dumating kami sa dako kung saan nakita namin ang kawan ng mga elepante noong nagdaang araw. Ngayon ay nasumpungan namin ang isang lalaking elepante na hindi kami pinapansin at patuloy na umiinom at kumakain. Pagkatapos, nang papaalis na kami, isang inang elepante na kasama ang kaniyang mga anak ay biglang lumitaw mula sa pulumpon. Nag-atubili siya nang makita kami. Pigil namin ang aming hininga at umasang lalabas ito. Lalabas pa kaya ito o hindi? Salamat naman, ipinasiya niyang isapanganib na ipakita ang kaniyang mga anak sa amin. Anong gandang tanawin na masdan ang ina, ang mga anak, at ang guyang elepante na tumatakbong patungo sa amin!

Ganito pa ang sabi ni Aiken sa kaniyang aklat tungkol sa mga leon at mga elepante: “Madaling maguniguni ang uhaw ng pagkalaki-laking mga hayop na ito sa araw-araw . . . habang tinatapos nila ang mahaba’t mainit na paglalakbay tungo sa ilog. Lumalakad nang may pananabik at mabilis hangga’t maaari, isang kawan ang lilitaw mula sa pulumpon at magtutungo sa dakong inuman, kadalasa’y tinatakbo ang huling limampu o isang daang metro habang naaamoy nila ang nagbibigay-buhay na tubig.” Oo, minasdan namin na may paghanga habang ang tatlo ay humilera at uminom, na ang guyang elepante ay iniingatan sa gitna. Subalit hapon na, at dapat kaming bumalik bago dumilim.

Bukod sa mga elepante, nakita namin ang mga buffalo, buwaya, puku, kudu, waterbuck, impala, baboon, at mga warthog. Hindi namin maiwasang humanga nang husto sa Isa na lumikha ng napakaganda’t sarisaring maiilap na hayop at mga pananim na ito at na pinairal ang mga ito sa gayon kagandang kapaligiran. Sa tag-araw, napakaraming ibon ang nagtitipon sa ilog, at makikita pa nga ang mga leon, leopardo, at rhino.

Maaaring malayo ang tinitirhan mo sa liblib na bahaging ito ng Aprika, subalit inaasahan namin na sa pagsama mo sa amin sa aming paglalayag, mayroon ka ngayong mas mabuting ideya tungkol sa kahanga-hangang mga tanawin na naghihintay roon sa mga naglalakbay sa Chobe.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Lahat ng inukit sa kahoy: Animals: 1419 Copyright-Free Illustrations of Mammals, Birds, Fish, Insects, etc. ni Jim Harter

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share