Tapón—Mumunting Selula na Naglilingkod sa Iyo Nang Husto
ANG siyensiya ay kumuha ng isang malaking hakbang pasulong noong 1660’s, nang si Robert Hooke ng Inglatera ay kumuha ng isang pirasong tapón at sinilip ito sa mikroskopyo na pantanging ginawa niya. Natuklasan niya na ang materyal ay hindi homogeneous, kundi binubuo ng maraming maliliit na yunit na punô ng hangin. Tinawag niya ang mga ito na mga selula, mula sa salitang Latin na cella, ibig sabihin ay “maliit na silid.”
Ang mga selula ng tapón ay maliliit nga. Walang materyal na yari sa mga selula, natural man o sintetik, ay may napakaraming selula sa bawat sukat ng laki na gaya ng tapón. Sa katamtaman, may tinatayang 20,000 nito sa bawat milimetro cubiko! Ubod ng liit ang mga ito anupa’t hindi nga posibleng makita ang detalyadong kayarian ng selula sa isang ordinaryong mikroskopyo. Ginagamit ang electron microscopes, isiniwalat ng mga mananaliksik sa mga pamantasan sa Cambridge, Inglatera, at Luleå, Sweden, ang masalimuot na kayarian ng selula ng tapón. At ang kayariang ito—isang anim-na-gilid na prisma na may baku-bakong dingding, na parang akordiyon—iyan ang nagbibigay sa tapón ng pambihira’t pinakamahalagang katangian nito.
Ang tapón ay magaang, lumulutang, matibay, pangmatagalan, at matatag. Ito ay nababaluktok at nasisiksik. Hindi ito pinapapasok ang hangin, langis, at tubig. Tinatanggap nito ang pagyanig, hindi ito nagkikiskisan, at mababa ang thermal conductivity nito. Hindi ito napalitan ng sintetikong mga materyales bilang ang piling materyal para sa mga pantakip sa bote na madaling ipasok o alisin, at na nasasarhang mainam. Dahil sa kemikal na katatagan at elastisidad nito, naipepreserba nito ang alak ng mga ilang taon nang hindi nasisira. Ang tapón ay malaganap ding ginagamit sa insulasyon, soundproofing, pantakip sa sahig, bulletin boards, sapatilya, suwelas ng sapatos, at mga palutang at boya sa pangingisda—upang banggitin lamang ang ilan.
Ang “Cork Oak”
Bagaman isang manipis na suson ng tapón ang masusumpungan sa balat ng lahat ng punungkahoy, sa cork oak (isang uri ng punong encina) sa dako ng Mediteraneo—lalo na sa Portugal, Espanya, at Algeria—na ang karamihan ng komersiyal na tapón ng daigdig ay kinukuha. Ang cork oak ay luntian. Ang balat ng kahoy na cork oak ay maaaring alisin, at muling mag-aanyo ng bagong tapón!
Ang balat ng punong cork ay may dalawang suson. Ang makapal na panlabas na suson, na binubuo ng patay na mga selula, ay nagsisilbing isang pananggalang na takip, iniinsula ang puno mula sa init, pinsala ng makina, o kawalan ng tubig. Ang suson na ito ang inaani sa pamamaraang tinatawag na stripping (pag-aalis ng balat). Gayunman, kailangang maging maingat na huwag mapinsala ang nabubuhay na panloob na suson, kung hindi mag-iingat ay hindi mag-aanyo ng bagong tapón.
Ang pag-aalis ng balat ay maaaring gawin kapag ang puno ay magulang na at ang panlabas na balat nito ay makapal na—karaniwang kumukuha mula 20 hanggang 25 taon. Pagkaraang maalis ang balat mula sa puno, ito muna ay pinatutuyo ng ilang araw. Pagkatapos ito ay pinakukuluan upang alisin ang tannic na asido at dagta. Dinaragdagan din nito ang elastisidad nito at pinalalambot ang tapón upang ito’y maiunat at maiimpake sa mga bungkos para mailulan. Ang magaspang, panlabas na suson ay pinaluluwag din ng prosesong ito at saka kinakayas. Ang puno ay iniiwan upang tubuan muli ng panlabas na balat, mula walo hanggang sampung taon, kung kailan maaari na naman itong anihin. Ang pinakamagaling na tapón ay nakukuha pagkatapos ng ikalawang pagbabalat sa kahoy, ang isang puno ay maaaring maging produktibo sa loob ng mahigit na isang daang taon.
Ang produksiyon ng tapón ngayon ay mahigit ng kalahating milyong tonelada sa isang taon—katumbas sa dami ng 28 milyong tonelada ng bakal. Taun-taon mga 20 libong milyon na mga tapón ang ginagawa para sa mga bote lamang ng alak. Marami sa mga gamit ng tapón ay nalaman na ng mahigit na 2,000 taon na. “Iilang materyales ang may gayon katagal na kasaysayan o naligtasan ang kompetisyon mula sa gawang-taong mga kahalili,” sabi ng isang pag-aaral na ginawa sa Cambridge University. Ang sekreto nito? Ang pambihira ang pagkakagawang mumunting selula ng tapón—isang kababalaghan ng paglalang.