Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 5/1 p. 25-29
  • Patuloy na Maghasik ng Binhi—Palalaguin Iyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Maghasik ng Binhi—Palalaguin Iyon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabuting Halimbawa ng mga Magulang at Pagsasanay
  • Nagsimula sa Paglilingkurang Payunir
  • Atas​—Irlandia
  • Pang-uumog
  • Tumubo ang mga Binhi ng Katotohanan
  • Nagbabagong Saloobin
  • Pantanging Pagsasanay sa Paaralang Gilead
  • Patuloy ang Pagpapala ni Jehova
  • Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Pinagpapala ang Tumutupad sa Hinihiling ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • “Ang Anghel ni Jehova ay Nagkakampo sa Buong Palibot”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 5/1 p. 25-29

Patuloy na Maghasik ng Binhi​—Palalaguin Iyon ni Jehova

INILAHAD NI FRED METCALFE

MAAGA noong 1948, sa aking ministeryo ng pagbabahay-bahay, ako’y dumalaw sa isang sakahan sa kanugnog ng Cork sa timog ng Irlandia. Nang ipaliwanag ko sa magsasaka kung sino ako, namula ang kaniyang mukha. Sumilakbo ang kaniyang galit, ipinagsigawan na ako’y isang Komunista, at tumakbo upang kunin ang kaniyang tinidor ng dayami. Walang lingong-likod na ako’y biglang tumalilis palabas sa kamalig at buong-bilis na sumakay sa bisikleta na iniwan ko sa tabing-daan. Ang burol doon ay napakatarik, ngunit sakay ng aking bisikleta’y bumaba ako roon sa pinakamabilis na magagawa ko, nang hindi man lamang lumilingon, habang aking naguguniguni na ako’y hinahalibas ng magsasaka ng kaniyang tinidor ng dayami na naging mistulang sibat.

Nahirati na ako sa gayong mga pakikitungo sa loob ng dalawang taon sapol nang ako’y dumating sa Republika ng Irlandia galing sa Inglatera bilang isang special pioneer noong 1946. Ang munting pangkat ng mga mángangarál ng Kaharian na aking sinamahan, binubuo ng 24 lamang, ay nakaranas na ng sunud-sunod na kapootan at paninira. Ngunit ako’y may tiwala na sa wakas ang espiritu ni Jehova ay magbubunga rin.​—Galacia 6:8, 9.

Gayunman, bago ko ilahad kung papaanong naganap ang mga bagay-bagay, ikukuwento ko muna sa inyo ang tungkol sa aking kabataan at sa pagsasanay na nakatulong sa akin sa ilalim ng gayong mahihirap na kalagayan.

Mabuting Halimbawa ng mga Magulang at Pagsasanay

Ang aking ama ang unang nakatagpo ng katotohanan noong pasimula ng 1914. Samantalang nagbibiyaheng pauwi galing sa isang larong soccer sa Sheffield, Inglatera, kaniyang nabasa ang isang tract sa Bibliya na nagpapaliwanag ng kalagayan ng mga patay. Siya’y nakadalaw na sa ilang simbahan sa paghahanap ng mga kasagutan sa kaniyang mga tanong subalit walang gaanong tagumpay. Ang kaniyang nabasa ngayon sa tract na iyon ay totoong kinatuwaan niya. Siya’y pumidido ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures na nakaanunsiyo sa tract, at kaniyang puspusang binasa ang mga iyon, malimit na sa umagang-umaga. Agad namang nakilala ni Itay ang katotohanan.

Di-nagtagal siya’y nagsimulang makisama na sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang pagsasamahan na tumagal nang mahigit na 40 taon, na sa karamihan ng mga taon na iyon ay nagsilbi siyang punong tagapangasiwa. Sa lubhang ikinalugod ng aking ama, dalawa sa kaniyang mga kapatid na lalaki at lahat ng tatlo sa kaniyang mga kapatid na babae ay tumanggap ng katotohanan. Isa sa kaniyang mga kapatid na lalaki ang nagpatotoo sa isang kabataang kawani sa pagawaan, at ito pati ang kaniyang kapatid na babae ay kapuwa naging nag-alay, na pinahirang mga Kristiyano. Ang aking ama at ang kaniyang kapatid ay naging asawa ng dalawang dalagang ito.

Sa aking pamilya ay isa ako sa apat na anak na lalaking pinalaki sa “turo at saway ng Panginoon.” (Efeso 6:4, King James Version) Ako’y natutuwa na ang aking mga magulang ay gumawa ng lahat ng pagsisikap upang maitanim sa amin ang katotohanan. Noong panahong iyon walang mga publikasyon na pantanging dinisenyo na makatulong sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng mga katotohanan sa Bibliya; subalit kami ay may regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya makalawa isang linggo na kung saan ginagamit namin ang aklat na The Harp of God, at mayroon ding regular na pagtalakay sa teksto para sa kaukulang araw.​—Deuteronomio 6:6, 7; 2 Timoteo 3:14, 15.

Ang aking ina at ama ay kapuwa isang kahanga-hangang halimbawa sa kanilang pagpapahalaga sa mga pulong at sa kanilang sigasig sa ministeryo. Bukod sa kaniyang mahuhusay na mga katangiang espirituwal, ang aking ama ay mapagpatawa rin, na kaniyang ipinamana sa kaniyang mga anak. Ang pagpapagal ng aking mga magulang ay nagbunga ng mabuti. Lahat ng apat sa kanilang mga anak na lalaki, ngayo’y nasa edad na 60 taon na pataas, ay maligayang naglilingkod pa rin kay Jehova.

Nagsimula sa Paglilingkurang Payunir

Noong Abril 1939, sa edad na 16 na taóng gulang, ako’y nakatapos ng pag-aaral at naging isang regular pioneer. Ang aking ama ay sumama sa akin sa pagpapayunir at binigyan ako ng primera-klaseng pagsasanay. Sa pamimisikleta, aming lubusang nagawa ang lahat ng teritoryo na umaabot hanggang sa layong 11 kilometro sa aming tahanan. Sa araw-araw kapuwa kami kumukuha ng tig-50 bukleta, at hindi kami umuuwi hangga’t hindi namin naipamamahagi iyon.

Makaraan ang dalawang taon ako’y nagkapribilehiyo na makabilang sa mga unang special pioneer na inatasang gumawa sa Britanya. Isang kagalakan na tanggapin ang pagpapalang ito, ngunit nakalulungkot naman na lisanin ang maligayang katiwasayan ng isang tahanang teokratiko. Dumating din ang panahon lakip ang tulong ni Jehova, ako’y nasanay.

Ang aking pagpapayunir ay napahinto pansamantala noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II nang, kasama ng ibang mga kabataang Saksi, ako’y nabilanggo dahil sa isyu ng pagkaneutral. Sa Durham Prison, ako’y klasipikado bilang isang YP (Young Prisoner o Kabataang Preso). Ito’y nangangahulugan na kailangang ako’y magsuot ng pantalong korto​—na talagang mahirap kung panahong tagginaw. Gunigunihin mo lamang sina Wilf Gooch (ngayo’y Branch Committee coordinator sa Britanya), si Peter Ellis (isang miyembro ng Branch Committee ng Britanya), si Fred Adams, at ako​—lahat kami ay humigit-kumulang uno punto otso metro ang tangkad​—​na magkakasamang nakatayo at nakapantalong korto na gaya ng mga batang mág-aarál!

Atas​—Irlandia

Pagkatapos na ako’y makalaya sa bilangguan, ako’y nagpayunir sa iba’t ibang panig ng Inglatera sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos ay tumanggap ako ng atas na kapuwa nagsilbing pagsubok at nagdulot ng malaking kasiyahan​—ang Republika ng Irlandia. Wala akong alam tungkol sa timugang Irlandia kundi na halos lahat doon ay Romano Katoliko. Subalit hindi ko pinansin ang negatibong mga sabi-sabi ng ilan at hindi ako nag-atubili na tanggapin ang atas. Ito’y isang panahon ng pagpapalawak ng tunay na pagsamba, at natitiyak ko na si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ang tutulong sa akin.

Karamihan ng mga Saksi sa Republika ng Irlandia ay nasa kabisera, sa Dublin, anupa’t iisa o dadalawa ang nasa ibang lugar. Kaya naman, karamihan ng tao ay hindi kailanman nakakakita ng kahit na isang Saksi ni Jehova. Kasama ang tatlo pang mga special pioneer, ako’y nagsimulang gumawa sa siyudad ng Cork. Hindi madali na makasumpong ng isang taong nakikinig. Sa kanilang Misa, ang mga pari ay palaging nagbibigay ng babala laban sa amin, tinatawag kami na “mga diyablong Komunista.” Pati mga pahayagan ay nagbababala rin laban sa aming mga gawain.

Isang araw ako’y ginugupitan ng isang barbero na ang ginagamit ay isang deretsong (panggilit ng lalamunan na) labaha. Sa aming pag-uusap, tinanong niya kung ano ang ginagawa ko sa Cork. Nang sabihin ko kung ano iyon, siya’y biglang nagalit at nagsalita ng masama sa akin. Ang kaniyang kamay ay nangangatog sa galit, at nakinikinita ko ang paglabas sa barberyang iyon na pugot ang ulo! Kaylaki ng aking pasasalamat na ako’y may ulo pa rin na lumabas sa kaniyang barberya!

Pang-uumog

Kung minsan kami ay napapaharap sa mga mang-uumog. Halimbawa, isang araw noong Marso 1948, kami’y abala sa pagbabahay-bahay nang isang pangkat ng mga mang-uumog ang umatake sa aking kasama, si Fred Chaffin. Dahilan sa siya’y tinutugis ng mga mang-uumog, si Fred ay tumakbo sa isang ponduhan ng mga bus at humingi ng tulong sa isang tsuper at isang konduktor ng bus. Sa halip, sila’y nakisali pa sa mga mang-uumog sa pag-atake. Si Fred ay nagtatakbo sa kahabaan ng kalye at nagawa niya na magtago sa likod ng isang mataas na pader na bakod ng bahay ng pari.

Samantala, ako’y umalis upang kunin ang aking bisikleta. Upang makabalik sa kalagitnaan ng siyudad, doon ako dumaan sa isang iskinita, subalit nang marating ko ang malaking daan, naroon ang mga mang-uumog at naghihintay. Dalawang lalaki ang sumunggab ng aking bag at ang laman ay inihagis na paitaas. Pagkatapos ay pinagsusuntok ako at pinagsisipa. Biglang may dumating na isang lalaki. Siya’y isang pulis na nakasibilyan, at siya ang nagpahinto sa pang-uumog, ako at ang mga mang-uumog ay kaniyang dinala sa istasyon ng pulisya.

Ang pang-uumog na ito ang naging basehan ng ‘pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.’ (Filipos 1:7) Nang isampa sa hukuman ang kasong iyon, ang pulis na sumagip sa akin, na mismong isang Romano Katoliko, ang nagharap ng ebidensiya, at anim katao ang sinintensiyahan bilang mga mang-uumog. Pinatunayan ng kasong iyon na kami ay may karapatan na magbahay-bahay at iyon ay nagsilbing isang panghadlang sa iba na maaaring nag-iisip na gumamit ng karahasan.

Nang una ay inakalang totoong mapanganib na mga kapatid na babae ang idestino bilang mga payunir sa mga lugar na katulad ng Cork. Gayunman, kadalasa’y waring mas mabuti na ang mga kapatid na babae ang dumalaw sa mga babaing interesado. Kaya, bago naganap ang ganitong pang-uumog, ang Samahan ay nag-atas ng dalawang mainam na mga babaing payunir sa Cork. Isa, si Evelyn MacFarlane, nang dakong huli ay naging isang misyonera at napakahusay ang kaniyang nagawa sa Chile. Ang isa pa, si Caroline Francis, na nagbenta ng kaniyang tahanan sa London upang magpayunir sa Irlandia, ang naging maybahay ko.

Tumubo ang mga Binhi ng Katotohanan

Madaling isipin na aming inaaksaya lamang ang panahon namin sa paghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Sa pagkakitang kahit gayon ay tumutubo naman ang binhi ng katotohanan kung saan-saan, ito ang dahilan ng pananatili ng aking pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jehova na palaguin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, minsan ay ipinadala ng Samahan ang pangalan at direksiyon ng isang taong sumulat na humihiling ng isang kopya ng aklat na Hayaang Maging Tapat ang Diyos. Ang direksiyon ay sa Fermoy, isang munting bayan na mga 35 kilometro ang layo sa siyudad ng Cork. Kaya ako’y sumakay sa bisikleta isang Linggo ng umaga upang hanapin ang taong ito.

Nang marating ko ang Fermoy, ako’y nagtanong sa isang lalaki sa hinahanap kong lugar. “Naku,” aniya, “iyan ay isa pang labing-apat na kilometro ang layo na nasa tabi ng daan.” Nagpatuloy na naman ako ng pamimisekleta at sa wakas ay narating ko ang isang bukid na nasa tagiliran ng isang makipot na daan sa may kabukiran. Ang lalaking humingi ng aklat ay nakatayo sa pasukán ng bukid na iyon. Nang magpakilala ako, sinabi niya: “Ang aklat na iyan ay katumbas ng halaga ng ginto!” Kami’y nagkaroon ng isang mainam na talakayan, at halos hindi ko napuna ang 50-kilometrong pamimisikleta sa pag-uwi. Kahit ngayon, mahigit na 40 taon na ang nakalipas, ako’y tuwang-tuwa pagka nakakatagpo ko ang “kabataang” lalaking iyon, si Charles Rinn, taun-taon sa mga kombensiyon. Sa ngayon, may sampung kongregasyon na sa lugar ng Cork.

Sa dekada ng 1950, kami ni Caroline ay naghasik ng mga binhi ng katotohanan sa dakong interyor ng Irlandia. Ang pagpapatibay-loob na magtiyaga ay dumating noong 1951 nang ang taong maaamo na katulad ni “Lola” Hamilton at ang kaniyang manugang na babae ay dagling tumugon. Si “Lola” Hamilton ang unang nabautismuhang mamamahayag sa County Longford.​—1 Tesalonica 2:13.

Isang suliranin ang matutuluyang tirahan. Sa sandaling masulsulan ang mga may-ari ng bahay, kami’y kanilang pinaaalis. Kaya, pagkatapos na kami’y paalisin sa tatlong sunud-sunod na mga tirahan, kami’y bumili ng isang tolda, isang trapal na pansapin sa lupa, at mga bag na gamit sa pagtulog at dala-dala namin sa isang Y-modelong Ford. Ang tolda ay aming itinatayo saanman maaaring itayo iyon sa pagtatapos ng maghapong pagpapatotoo. Nang maglaon, kami’y kumuha ng isang 4 na-metro-ang haba na trailer. Iyon ay maliit, may ilang modernong gamit​—kami’y kinailangang lumakad ng kalahating kilometro para kumuha ng tubig na maiinom​—​at walang insulasyon, subalit sa amin ay luho iyon. Ang aking pagkamapagpatawa ay nasubok isang araw nang ako’y madulas sa isang basang ugat ng punungkahoy at nahulog ako nang patihaya sa isang mahaba, makitid, ngunit hindi naman gaanong malalim, na balon. Kahit na magkagayon, aming pinatuloy ang tagapangasiwa ng sirkito at ang kaniyang maybahay sa trailer na iyon nang sila’y dumalaw sa amin.

Kung minsan ay di-inaasahang kabaitan ang ipinakikita ng mga taong may mabubuting loob. Halimbawa, kami’y naparoon sa Sligo sa kanluran ng Irlandia noong 1958, walong taon matapos na isa ring mag-asawang payunir ang paalisin sa bayan. Kami’y nanalangin kay Jehova na tulungan kami na makasumpong ng isang lugar para sa trailer, at makalipas ang maraming oras ng paghahanap, kami’y nakatagpo ng isang malaking tibagan ng bato na hindi pa nagagamit. Isang lalaking nagpapastol ng mga baka sa daan ang nagsabi sa amin na ang tibagang iyon ng bato ay pag-aari ng kaniyang pamilya. “Magagamit ho ba namin iyon?” ang tanong namin, anupa’t sinabi namin sa kaniya na kami’y mga kinatawan ng isang samahan sa Bibliya. Sinabi naman niya na mabuti raw iyon.

Pagkatapos siya’y nag-usisa: “Ano bang Samahan ng Bibliya ang kinauugnayan ninyo?” Iyon ay nakababahalang sandali. Aming sinabi sa kaniya na kami’y mga Saksi ni Jehova. Kami’y nakahinga nang maluwag, palibhasa’y namalagi siyang palakaibigan sa amin. Makalipas ang mga ilang linggo, iniabot niya sa amin ang isang resibo para sa isang taóng upa para sa lugar. “Hindi namin kailangan ang anumang pera,” aniya. “Pero alam namin ang napapaharap na pananalansang sa inyo, kaya kung may magtatanong kung ano ang karapatan ninyong gamitin ang lugar na ito, nariyan ang inyong ebidensiya.”

Samantalang kami’y nasa Sligo, nabalitaan namin ang isang lalaki, isang kilalang may tindahan at manlalaro ng soccer, na kinakitaan ng kaunting interes nang naroroon pa sa lugar na iyon ang mga dating payunir. Gayunman, siya’y hindi gaanong nakipag-ugnayan sa loob ng walong taon, kung kaya naisip namin kung ano na nga kaya ang kaniyang buhay-buhay ngayon. Ang sagot ay nabanaag namin sa masiglang ngiti ni Mattie Burn ng ako’y magpakilala sa kaniya. Ang mga binhi ng katotohanan na naitanim mga ilang taon na ngayon ay buháy pa rin. Siya’y kaugnay pa rin sa masiglang munting kongregasyon sa Sligo.

Nagbabagong Saloobin

Ang isang lugar na naglalarawan sa saloobin ng maraming sumasalansang sa amin ay ang bayan ng Athlone. Nang nagsimula roon sa dekada ng 1950 ang matindihang pagpapatotoo, ang lahat ng naninirahan sa isang bahagi ng bayang iyon ay hinimok ng mga pari na lumagda sa isang petisyon na nagsasabing ayaw nila na ang mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa kanilang tahanan. Kanilang ipinadala ito sa pamahalaan, kung kaya may mga ilang taon din na naging totoong mahirap ang gawain sa Athlone. Minsan isang grupo ng mga kabataan ang nakakilala sa akin bilang isang Saksi at sinimulan nilang pagbabatuhin ako. Nang ako’y pumuwesto sa harap ng bintana ng isang tindahan, ako ay inanyayahang pumasok ng may-ari​—lalo na upang magsilbing proteksiyon sa kaniyang bintana kaysa protektahan ako​—​at payagang lumabas ako sa isang daanan.

Gayunman, kamakailan, noong Agosto 1989, nang magpahayag ako sa isang paglilibing sa Athlone para sa isang tapat na kapatid na lalaki, ako’y lubhang humanga sa paraan ng pagpapalago ni Jehova ng mga bagay-bagay doon. Bukod sa mga kaugnay sa kongregasyon, mga 50 lokal na mamamayan doon ang nakinig nang buong paggalang sa pahayag sa libing sa magandang Kingdom Hall na itinayo ng mga kapatid.

Pantanging Pagsasanay sa Paaralang Gilead

Noong 1961, ako’y inanyayahan sa isang sampung-buwang kurso sa Watchtower Bible School of Gilead. Ang pantanging kursong ito ay para sa mga kapatid na lalaki lamang, kaya ang paanyaya ay pinag-isipan naming mabuti ni Caroline kasabay ng panalangin. Kami’y hindi nagkakahiwalay sa loob ng 12 taon. Isa pa, yamang ang aking maybahay ay may matinding pagnanasang makapagsanay sa Paaralang Gilead at maging isang misyonera, siya ang lalong higit na nalungkot nang hindi maanyayahan. Subalit, palibhasa’y may marangal na kaisipan, mga kapakanang pang-Kaharian ang kaniyang inuna at pumayag naman na magsanay na ako. Ang kurso ay isang kahanga-hangang pribilehiyo. Subalit isang kagalakan ang makauwi at makabahagi sa gawain sa tanggapang sangay ng Samahan, na pinatitibay-loob ang 200 o higit pang mga Saksi na nagtatanim at nagdidilig sa Irlandia noong mga unang taon ng dekada ng 1960.

Mga ilang taon ang nakalipas, noong 1979, si Caroline ay kinailangang pumaroon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York nang ako’y anyayahan na magsanay sa isang pantanging kurso sa Gilead para sa mga kagawad ng Komite sa Sangay. Iyon ang pinakatampok ng itinuring na huling bahagi ng kaniyang buhay. Makaraan ang dalawang taon siya’y namatay. Sa lahat ng 32 taon na kami’y magkasama sa buong-panahong paglilingkod, si Caroline ay hindi kailanman nawalan ng sigasig sa paglilingkod kay Jehova ni ng tiwala man na Siya ang magpapalago sa mga bagay-bagay.

Lungkot na lungkot ako sa kaniyang pagpanaw. Ang isang nakatulong sa akin upang mapagtagumpayan ko ang suliranin ay isang artikulo sa isang magasing Gumising! noong panahong iyon, na pinamagatang “Pagkatutong Mamuhay Kahit Wala ang Inyong Minamahal.” (Pebrero 8, 1981) Ako’y napapaluha kailanma’t magugunita ko ang aking yumaong kasama, subalit ginawa ko ang iminungkahi ng artikulong iyon at ako’y patuloy na naging abala sa paglilingkod kay Jehova.

Patuloy ang Pagpapala ni Jehova

Isang taon bago pa nito, noong Abril 1980, ako’y naroroon nang si Brother Lyman Swingle ng Lupong Tagapamahala ay mag-alay ng isang bagong gusali ng sangay sa Dublin. Kaylaking kagalakan na makita ang 1,854 na mamamahayag sa larangan, na noon ay kasali rin doon ang Hilagang Irlandia! At ngayon, makalipas ang sampung taon, ang Yearbook ay nag-uulat ng isang pinakamataas na bilang na 3,451 para sa 1990!

Samantala, tumanggap ako ng isang karagdagang pagpapala. Samantalang naglilingkod bilang isang instruktor sa Kingdom Ministry School, nakilala ko si Evelyn Halford, isang kaakit-akit at masigasig na sister na lumipat sa Irlandia upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Kami’y ikinasal noong Mayo 1986, at siya’y nagsilbing isang tunay na alalay sa akin sa lahat ng aking teokratikong gawain.

Sa aking 51 taon ng buong-panahong paglilingkod sapol nang ako’y makatapos ng pag-aaral, 44 ang nagugol sa Irlandia. Nakagagalak makitang ang maraming natulungan ko ay naglilingkod pa rin kay Jehova, ang iba’y bilang matatanda at mga ministeryal na lingkod. Masasabi kong walang pag-aatubili na isa sa pinakadakilang kagalakan na maaaring kamtin ay ang tulungan ang iba na makakilala ng daan ng buhay.

Nakapagpapatibay-pananampalataya na makitang ang tunay na pagsamba ay namumukadkad sa sunud-sunod na mga lugar sa Irlandia, sa kabila ng matinding pananalansang. Ngayon, mga 3,500 mamamahayag ang kaugnay ng mahigit na 90 kongregasyon sa buong bansa. Oo, walang katapusan ang magagawa ni Jehova. Kaniyang palalaguin ang mga bagay-bagay kung tayo’y buong-kasipagang magtatanim at magdidilig. (1 Corinto 3:6, 7) Batid ko na ito’y totoo. Nakita kong nangyari ito sa Irlandia.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share