Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 3/1 p. 25-28
  • Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Humayo sa Pagpapayunir!
  • Ang Ireland Noong mga Taon ng Digmaan
  • Mga Panustos na Pagkaing Espirituwal
  • Pananaig sa Pagsalansang
  • Pagbabalik sa Inglatera
  • Pinagpapala ang Tumutupad sa Hinihiling ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Patuloy na Maghasik ng Binhi—Palalaguin Iyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Magkasama sa Pagpapayunir Habang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 3/1 p. 25-28

Ang Pinakamabuting Bagay na Dapat Gawin sa Aking Buhay

AYON SA PAGKALAHAD NI BOB ANDERSON

Mga sampung taon na ang nakalipas, itinanong sa akin ng ilang kaibigan: “Bakit matagal ka nang nagpapayunir, Bob?” “Buweno,” ngumiti ako at nagsabi, “may maiisip pa ba kayong mas mainam na gawin kaysa magpayunir?”

AKO’Y 23 taóng gulang noong 1931 nang magpayunir ako. Ngayon ako ay nasa aking ika-87 taon at nagpapayunir pa rin. Alam kong wala na akong mas mabuting bagay na pag-ukulan ng aking buhay. Hayaan ninyong ipaliwanag ko kung bakit.

Noong 1914 isang tract ang iniwan sa aming tahanan. Iyon ay inilathala ng International Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang bumalik ang Saksi, tinanong siyang mabuti ng aking ina tungkol sa apoy ng impiyerno. Siya’y pinalaki bilang isang mahigpit na Wesleyan Methodist ngunit hindi kailanman maitugma ang doktrinang ito ng walang-hanggang pagpapahirap sa isang Diyos ng pag-ibig. Nang sandaling matutuhan niya ang katotohanan tungkol sa bagay na ito, sinabi niya: “Kailanma’y hindi pa ako naging ganito kaligaya sa aking buhay!”

Agad na huminto ang aking ina sa pagtuturo sa Methodist Sunday school at sumali sa isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya. Nagsimula siyang mangaral sa aming bayan ng Birkenhead, na nasa tapat ng daungan ng Liverpool sa kabilang ibayo ng Mersey River, at di-nagtagal ay regular na namimisikleta sa maraming karatig na bayan. Nagpatotoo siya sa malawak na teritoryong ito sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay at naging totoong kilala, anupat nagbigay ng mainam na halimbawa sa kaniyang mga anak. Totoong matanda na siya nang mamatay noong 1971 sa edad na 97, isang aktibong Saksi hanggang sa kamatayan.

Kami ng aking ate, si Kathleen, ay inilipat mula sa Methodist Sunday school upang samahan si Inay sa kaniyang mga pagpupulong kasama ng mga Estudyante ng Bibliya. Nang dakong huli, nang sumama na rin ang aking ama, isinaayos ng aking mga magulang ang isang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa aklat na The Harp of God. Di-pangkaraniwan ang gayong pag-aaral noong mga panahong iyon, subalit naging isang mayamang pagpapala ang maagang pagsasanay na ito sa katotohanan ng Bibliya, yamang kaming magkapatid ay kapuwa nagpayunir pagkalipas ng ilang panahon.

Naniwala si Inay na ang panonood ng “Photo-Drama of Creation” sa Liverpool noong 1920 ang nagdulot ng malaking pagbabago sa espirituwal para sa aming mga bata, at tama siya. Bagaman bata pa ako, ang palabas na iyon ay nagkintal sa aking isip ng malinaw na mga larawan. Di ko malilimutan ang bahaging naglalarawan sa buhay ni Jesus, lalo na nang ipinakita nito ang paglakad niya patungo sa kaniyang kamatayan. Tinulungan ako ng pangyayaring ito na magpako ng pansin sa pinakamahalagang gawain sa buhay​—ang pangangaral!

Maaga noong mga taon ng 1920, sinimulan kong mamahagi ng mga tract kasama ng aking ina tuwing Linggo ng hapon. Sa simula ay itinuro sa amin na iwan ang mga ito sa mga tahanan; nang bandang huli ay sinabihan kami na iabot iyon sa mga maybahay at saka dumalaw muli sa mga interesado. Malimit kong malasin ito bilang ang maagang pundasyon para sa ating gawaing pagdalaw muli at pag-aaral ng Bibliya, na napakamabunga sa ngayon.

Humayo sa Pagpapayunir!

Kami ni Kathleen ay nabautismuhan noong 1927. Nagtatrabaho ako bilang isang analytical chemist sa Liverpool noong 1931 nang, marinig ko ang resolusyon na tanggapin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Madalas kong makita ang mga colporteur ng Samahan (ngayon ay tinatawag na mga payunir) na gumagawa sa mga lugar ng negosyo sa Liverpool, at labis kong hinangaan ang kanilang halimbawa. Ako’y totoong nananabik na makalaya buhat sa mga kasamahang tagasanlibutan, upang gugulin ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova!

Nang tag-araw ng taón ding iyon, sinabi sa akin ng kaibigan kong si Gerry Garrard na tinanggap niya ang atas buhat sa ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower, si Joseph F. Rutherford, upang mangaral sa India. Bago maglakbay, dinalaw niya ako at ipinakipag-usap ang tungkol sa pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkuran. Habang namamaalam, pinasigla pa niya ako sa pagsasabing, “Natitiyak kong di-magtatagal at magpapayunir ka, Bob.” At gayon nga ang nangyari. Nagpatala ako noong Oktubre. Anong laking kagalakan at kalayaan ang nadama ko habang namimisikleta sa mga lansangan sa mga lalawigan, na nangangaral sa malalayong pamayanan! Batid ko noon na pinasimulan ko ang pinakamahalagang gawain na magagawa ko kailanman.

Ang aking unang atas bilang payunir ay sa South Wales kung saan sumama ako kay Cyril Stentiford. Nang bandang huli ay nagpakasal si Cyril kay Kathleen, at magkasama silang nagpayunir nang maraming taon. Ang kanilang anak, si Ruth, ay nagpayunir din nang malaunan. Pagsapit ng 1937, ako’y nasa Fleetwood, Lancashire​—bilang kapareha ni Eric Cooke. Hanggang sa panahong iyon, gumagawa ang mga payunir sa mga kabukiran lamang ng Britanya, sa labas ng teritoryo ng kongregasyon. Subalit si Albert D. Schroeder, na may pananagutan noon sa gawain ng sangay ng Samahan sa London, ay nagpasiyang ilipat kami sa lunsod ng Bradford, Yorkshire. Ito ang unang pagkakataon na ang mga payunir sa Britanya ay inatasan upang tumulong sa isang espesipikong kongregasyon.

Noong 1946, nag-aral si Eric sa Watchtower Bible School of Gilead at naatasan sa Timugang Rhodesia, na ngayon ay Zimbabwe, at silang mag-asawa ay buong-katapatan pa ring naglilingkod bilang mga misyonero sa Durban, Timog Aprika.

Nagkaroon ako ng iba pang atas noong taóng 1938, ngayon naman bilang isang lingkod ng sona (ngayo’y tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito) para sa hilagang-kanlurang Lancashire at sa magandang Lake District. Doon ko nakilala si Olive Duckett, at pagkatapos ng aming kasal, agad niya akong sinamahan sa pansirkitong gawain.

Ang Ireland Noong mga Taon ng Digmaan

Di-nagtagal pagkatapos na magdeklara ng digmaan ang Britanya laban sa Alemanya noong Setyembre 1939, Ireland ang naging aking atas. Ang pangangalap para sa hukbo ay nagsimula na sa Britanya ngunit hindi sa timugang Republika ng Ireland, na nanatiling isang neutral na bansa noong panahon ng digmaan. Ang Republika ng Ireland at ang Hilagang Ireland ay nakatakdang maging isang sirkito. Gayunman, umiiral ang mga pagbabawal, at kailangang kumuha ng mga permiso sa paglalakbay upang makaalis sa Britanya patungo sa alinmang bahagi ng Ireland. Pinayagan ako ng mga awtoridad na umalis, ngunit kailangang sumang-ayon ako na bumalik kaagad sa Inglatera kapag sumapit na ako sa edad upang makalap. Sumang-ayon ako nang bibigan, ngunit sa aking pagtataka, nang ipagkaloob na ang aking permiso, walang mga kondisyon na nakakabit doon!

Nang panahong iyon, mayroon lamang mahigit na 100 Saksi sa buong Ireland. Pagdating namin sa Dublin noong Nobyembre 1939, sinalubong kami ni Jack Corr, isang matagal nang payunir. Sinabi niya sa amin na may dalawa pang payunir sa karatig na bayan at ilang taong interesado sa Dublin, mga 20 sa kabuuan. Umupa si Jack ng isang silid sa Dublin na doo’y pinagkasunduan naming gamitin sa pagpupulong tuwing Linggo. Nagpatuloy ang kaayusang ito hanggang sa maitatag ang isang kongregasyon noong 1940.

Ang Hilagang Ireland, bilang bahagi ng United Kingdom, ay nakikipagdigma sa Alemanya, kaya nang lumipat kaming pahilaga sa Belfast, kinailangan naming pagtiisan ang rasyon ng pagkain at blackout kung gabi. Bagaman kailangang lumipad ng distansiyang mahigit sa 1,600 kilometro ang mga eroplano ng Nazi upang makarating sa Belfast at makabalik sa kanilang mga base sa Europa, nagawa ng mga ito na bombahing mabuti ang lunsod. Noong unang pambobomba, napinsala ang aming Kingdom Hall at nawasak ang aming apartment samantalang dinadalaw namin ang mga kapatid sa isa pang bahagi ng lunsod, kaya kapansin-pansin ang aming pagkaligtas. Nang gabi ring iyon, isang pamilyang Saksi ang tumakbo sa isang bomb shelter. Nang makarating sila roon, iyon ay punô na kung kaya napilitan silang bumalik sa kanilang bahay. Ang shelter ay tuwirang tinamaan ng bomba, at namatay ang lahat ng naroon, subalit nakaligtas ang ating mga kapatid na nagtamo lamang ng ilang sugat at pasa. Sa mahihirap na taóng ito ng digmaan, wala ni isa sa ating mga kapatid ang grabeng nasaktan, kung kaya kami’y nagpasalamat kay Jehova.

Mga Panustos na Pagkaing Espirituwal

Habang tumatagal ang digmaan, naging mas mahigpit ang mga pagbabawal, at sa dakong huli ay pinairal ang pagsusuri sa koreo. Nangahulugan ito na Ang Bantayan ay hinarang at di-pinahintulutang makapasok sa bansa. Bagaman inisip namin kung ano ang magagawa namin, hindi naging maikli ang kamay ni Jehova. Isang umaga ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang “pinsan” sa Canada na sumulat sa akin tungkol sa pamilya. Hindi ko alam kung sino siya, subalit sa pahabol na sulat ay sinabi niyang naglakip siya ng “isang kawili-wiling artikulo sa Bibliya” para mabasa ko. Iyon ay isang kopya ng Ang Bantayan, ngunit dahil walang sulat ang pabalat niyaon, hindi iyon inalis ng tagasuri.

Karaka-raka kaming mag-asawa, sa tulong ng mga Saksi sa lugar na iyon, kasali na si Maggie Cooper na nakibahagi noon sa gawain sa “Photo-Drama,” ay nagsimulang gumawa ng mga kopya ng mga artikulo. Di-nagtagal at inorganisa namin ang pagdadala ng 120 kopya sa buong bansa, habang ang mga magasing Bantayan na may walang-sulat na pabalat ay regular na dumarating buhat sa maraming bagong mga kaibigan sa Canada, Australia, at sa Estados Unidos. Dahil sa kanilang kasipagan at kabaitan, hindi kami nawalan ni isa mang isyu sa buong panahon ng digmaan.

Nakapagdaos din kami ng mga asamblea. Tampok ang kombensiyon noong 1941 nang ilabas ang bagong publikasyon na Children. Waring walang tutol ang tagasuri sa isang aklat na kaniyang inakalang tungkol sa mga bata, kaya hindi kami nagkasuliranin sa pagpasok sa bansa ng aming suplay! Sa isa pang pagkakataon, doon mismo namin inilimbag ang buklet na Peace​—Can It Last? dahil imposibleng umangkat ng mga kopya buhat sa London. Sa kabila ng lahat ng pagbabawal na pinairal sa amin, napangalagaan kaming mabuti sa espirituwal na paraan.

Pananaig sa Pagsalansang

Isang klerigo na nasa isang nursing home sa Belfast na pinamamahalaan ng isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagpadala ng kopya ng aklat na Riches sa kaniyang maybahay sa Inglatera. Siya ay salansang sa katotohanan, at malinaw na sinabi niya ito sa kaniyang sagot. Iginiit din niya na tayo ay “isang organisasyong di-makabayan.” Napansin ito ng tagasuri ng koreo at iniulat ang bagay na ito sa Criminal Investigation Department. Bilang resulta, pinapunta ako sa presinto upang magpaliwanag at hinilingan na magdala ng kopya ng Riches. Kapuna-puna, nang sa dakong huli ay isauli ang aklat, napansin ko na ang mga bahaging sinalungguhitan ay pawang tungkol sa Iglesya Katolika Romana. Nadama kong mahalaga ito, yamang batid ko na ang pulisya ay alerto laban sa gawain ng IRA (Irish Republican Army).

Ako’y tinanong na mabuti tungkol sa ating pagkaneutral kung panahon ng digmaan, sapagkat nahihirapan ang pulisya na maunawaan ang ating paninindigan. Ngunit kailanman ay hindi kumilos ang awtoridad laban sa amin. Sa bandang huli, nang humiling ako ng permiso upang magdaos ng asamblea, iginiit ng pulisya na magpadala ng dalawang reporter. Sabi ko, “Malugod namin silang tatanggapin!” Kaya dumating sila at dumalo sa pulong sa hapon, na kumukuha ng mga nota sa paraang takigrapiya. Pagkatapos ng sesyon, itinanong nila, “Bakit kaya kami pinaparito? Kami’y lubos na nasiyahan!” Bumalik sila kinabukasan at malugod na tumanggap ng isang libreng kopya ng ating buklet na Peace​—Can It Last? Walang anumang naging suliranin sa nalabing bahagi ng asamblea.

Nang sandaling matapos ang digmaan at lumuwag na ang mga pagbabawal sa paglalakbay, pumunta sa Belfast si Pryce Hughes buhat sa London Bethel. Sinamahan siya ni Harold King, na nang maglaon ay inatasan sa Tsina bilang isang misyonero. Pagkatapos ng anim na taon ng pagiging hiwalay sa tanggapang pansangay sa London, lahat kami ay lubhang napatibay ng mga pahayag na ibinigay ng mga kapatid na ito. Di-nagtagal pagkatapos, ipinadala mula sa Inglatera si Harold Duerden, isa pang tapat na payunir, upang palakasin ang gawaing pang-Kaharian sa Belfast.

Pagbabalik sa Inglatera

Napamahal na sa amin ang mga kapatid na taga-Ireland, at masakit para sa amin ang magbalik sa Inglatera. Subalit kaming mag-asawa ay inatasang bumalik sa Manchester at nang dakong huli ay lumipat sa Newton-le-Willows, isa pang bayan sa Lancashire na mas malaki ang pangangailangan. Ang aming anak na si Lois ay isinilang noong 1953, at nakapagpapasigla sa puso ang siya’y makitang pumasok sa ministeryo ng pagpapayunir sa edad na 16. Pagkatapos magpakasal sa payunir na si David Parkinson, nagpatuloy sila sa kanilang buong-panahong paglilingkod sa Hilagang Ireland, anupat sa maraming paraan ay sinusundan ang yapak namin ni Olive. Ngayon ay nakabalik na sila sa Inglatera kasama ang kanilang mga anak, at kaming lahat ay naglilingkod sa iisang kongregasyon.

Sa kabila ng mga pagbabago sa aming kalagayan, hindi ako kailanman huminto sa pagpapayunir​—ayaw gawin iyan ni Olive, ako’y gayundin. Palagi kong nadarama na angkop lamang na kabahagi ko ang aking asawa sa aking rekord bilang isang payunir, sapagkat kung hindi dahil sa kaniyang walang-sawa at maibiging pag-alalay, hindi sana ako nakapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod. Mangyari pa, mas madali kaming mapagod ngayon, ngunit isang kagalakan pa rin ang pagpapatotoo, lalo na kapag magkasama kami, na nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa aming mga kapitbahay. Sa nagdaang mga taon, nagkapribilehiyo kami na tumulong sa humigit-kumulang isang daang tao na maging nakaalay, bautisadong mga lingkod ni Jehova. Anong laking kagalakan nga! At sa palagay ko’y dumami pa ngayon ng ilang ulit ang bilang na ito yamang naging mga Saksi rin ang kanilang mga apo at apo sa tuhod.

Madalas naming pag-usapan ni Olive ang maraming pribilehiyo at mga karanasan namin sa lumipas na mga taon. Kay liligayang mga taon nga iyon, at kay daling nakalipas ang mga ito! Batid kong wala na akong ibang magagawang mas mabuti sa aking buhay kaysa sa maglingkod sa aking Diyos, si Jehova, bilang payunir sa lahat ng mga taóng ito. Ngayon, nililingon man nang may pasasalamat ang nakaraan o tinatanaw ang hinaharap nang may pananabik, nasumpungan kong totoong makabuluhan ang mga salita ni Jeremias: “Dahil sa mga gawa ng maibiging-kabaitan ni Jehova kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang kaawaan ay tiyak na hindi mauubos. Ang mga ito ay bago tuwing umaga. . . . Kaya ako’y magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa kaniya.’”​—Panaghoy 3:22-24.

[Larawan sa pahina 26]

Sina Bob at Olive Anderson

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share