Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Kusang Inihahandog ng Bayan ng Diyos ang Kanilang Sarili
JOSE ang pangalan niya, at siya’y isang katutubo ng isla ng Ciprus. Kabilang siya sa unang-siglong mga Kristiyano na nagbili ng mga bukid at mga bahay upang makapag-abuloy ng salapi ukol sa ikasusulong ng Kristiyanismo. Dahil sa kaniyang pagkamagiliw at pagkabukas-palad, nakilala siya bilang si Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.”—Gawa 4:34-37.
Ang gayong taimtim na interes sa iba ay sa tuwina naging tatak ng tunay na mga mananamba ni Jehova. Gayundin ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, gaya ng itinatampok ng sumusunod na karanasan buhat sa Solomon Islands.
Isang grupo ng mahigit 60 Saksi buhat sa Australia at New Zealand ang naglakbay patungo sa Honiara, ang kabisera ng Solomon Islands sa Guadalcanal. Naparoon sila upang tumulong sa pagtatayo ng isang Assembly Hall para sa malalaking pagtitipong Kristiyano. Gumugol lamang sila ng halos dalawang linggo upang maitayo ang isang bulwagan na ang puwedeng makaupo ay mga 1,200!
Nang panahon ding iyon, ang lokal na mga awtoridad sa munting bayan ng Munda, sa isla ng New Georgia, ay nagkaloob sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ng isang lote sa mismong sentro ng bayan. Ibig nilang magtayo ng isang Kingdom Hall, isang dako ng pagsamba. At talagang kailangan nila iyon. Nagpupulong sila sa sala ng isang maliit na leaf house, ngunit wala silang maaaring gugulin sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall.a Ang karamihan sa bumubuo ng kongregasyon ay mga may edad na at mga maysakit at mga bata, at walang sinuman ang may karanasan sa trabahong pagtatayo.
Mga 380 kilometro ang layo, sa isla ng Guadalcanal, kusang inihandog ng mga Saksi sa lunsod ng Honiara ang kanilang mga sarili. (Awit 110:3) Ang katuwiran nila: “Kung ang ating mga kapatid buhat sa ibang bansa ay handang ipagtayo tayo ng isang Assembly Hall sa loob ng dalawang linggo, kung gayon ay tiyak na matutulungan natin ang ating mga kapatid sa Munda at maipagtatayo sila ng Kingdom Hall sa loob ng dalawang linggo.”
Ganiyan nga ang nangyari. Isang araw dumating sa Munda ang isang ferryboat na may lulan na maliligaya at sabik na mga boluntaryong Saksi. Mga lalaki at babae, matatanda at bata, ang pawang abala sa pagbababa ng kanilang kargada at nagpasimulang magtayo na ginagamit ang kahoy, semento, bakal na pambubong, at iba pang materyales na naunang dumating sa Munda.
Pagkasimulang-pagkasimula ng gawain, naputol ang serbisyo ng tubig sa bayan dahil sa isang malakas na bagyong may kulog at kidlat. Gayunman, hindi ito naging isang di-mapagtatagumpayang suliranin. Humukay ang mga Saksi ng isang balon na siyang nagtustos ng tubig sa buong panahon ng pagtatayo. Kumusta naman ang pagkain para sa lahat ng manggagawa? Hindi rin naging suliranin iyan. Nagtungo roon ang mga boluntaryo buhat sa Honiara taglay ang saganang pagkain na inilaan ng mga kongregasyon sa Honiara. Nagsama pa sila ng kanilang sariling mga tagapagluto!
Di-makapaniwala ang mga kalapit-bahay habang pinagmamasdan nila ang pagpapatuloy ng proyekto. Sabi ng isa sa kanila: “Hindi natatapos ang mga bagay-bagay rito sa loob lamang ng mga araw. Gumugugol ito ng mga taon.” Isa pang kapitbahay, na pinunong relihiyoso, ang umamin na ang kaniyang simbahan ay sinimulang itayo 20 taon na ang nakararaan at hindi pa rin ito natatapos. Sa kabaligtaran, ang bagong Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Munda ay natapos sa loob lamang ng sampung araw!
[Talababa]
a Ang isang leaf house ay yari sa materyales na pinutol buhat sa kagubatan. Ang balangkas ay yari sa mga kahoy at tikin, at ang bubong at mga dingding ay nababalutan ng mga entrepanyo na yari sa mga dahon ng palma na inilupi sa mga patpat at itinahi sa pamamagitan ng mga baging.
[Mga mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
South Pacific Ocean
SOLOMON ISLANDS
Munda
GUADALCANAL
Honiara
[Mapa]
AUSTRALIA
NEW ZEALAND