Pagtatayo ng Kingdom Hall—Isang Mahalagang Bahagi ng Sagradong Paglilingkod
1. Ano ang nagawa na sa pagtatayo ng Kingdom Hall, subalit ano pa ang kailangan?
1 Sa nakalipas na tatlo at kalahating taon, 150 Kingdom Hall na ang naitayo sa teritoryong saklaw ng sangay ng Pilipinas. Taimtim nating pinasasalamatan ang pagpapagal ng mga Kingdom Hall Construction Group at ng lahat ng tumulong sa kanila. Bagaman napakarami na ang nagawa, marami pa ring Kingdom Hall ang kailangang itayo. Paano natin masusuportahan ang mahalagang bahaging ito ng ating sagradong paglilingkod kay Jehova?—Apoc. 7:15.
2. Paano natin tuwirang masusuportahan ang gawain sa pagtatayo ng Kingdom Hall?
2 Magkusa: Kung isa kang bautisadong mamamahayag, inaanyayahan ka naming magboluntaryong kasama ng Kingdom Hall Construction Group at punan ang isang Application for Kingdom Hall Construction Volunteer Program (A-25). Ang form na ito ay makukuha sa inyong kongregasyon o maaaring hilingin ng mga elder sa tanggapang pansangay. Kung aaprubahan, aanyayahan kang magtrabaho sa isang proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall sa loob ng tatlo hanggang amin na buwan. Ang isa pang paraan upang makapagtrabaho ka nang hindi na gumagamit ng application form ay sa pamamagitan ng pagboboluntaryo nang isa o dalawang araw o kahit isang linggo sa anumang proyekto sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa inyong sirkito o sa kalapit na sirkito. Ang lahat ng boluntaryo ay dapat na mga manggagawang nagkukusa at nakikipagtulungan. (Awit 110:3; 133:1) Kahit na wala kang kasanayan sa konstruksiyon, malaki pa rin ang maitutulong mo sa tagumpay ng isang proyekto sa pagtatayo. Maaari ka ring tumanggap ng pagsasanay sa konstruksiyon na lubusan mong magagamit sa hinaharap.
3. Sa anu-ano pang mga paraan natin maipakikita ang ating pagsuporta sa kaayusang ito?
3 Kung hindi ka makapagboboluntaryo, maipakikita mo ang iyong suporta sa pamamagitan ng pagpapasigla sa iba na nakikibahagi sa kaayusang ito. Maaari mong gawin ang mga atas sa kongregasyon ng mga nagtatrabaho sa proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Sa pamamagitan ng patiunang pagpaplano, matitiyak ng mga elder na ang kongregasyon ay naaasikasong mabuti kung ang ilan ay nagtatrabaho sa isang proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Tiyak na nalulugod si Jehova kapag tayo ay sama-samang nagkakaisa sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian.—Heb. 13:16.
4. Paano natin mapatitibay ang mga nakikibahagi sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall?
4 Maging Positibo: Ang pagtatayo ng mga dako ng pagsamba ay nangangailangan ng maraming panahon at pagpapagal. Sabihin pa, ang mga inanyayahang tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo ay mawawala sa kanilang sariling kongregasyon kung minsan. Maging mabilis sana tayo sa pagbibigay ng papuri at pampatibay-loob sa mga boluntaryo sa pagtatayo, na nagsasakripisyo upang masuportahan ang “mahalagang gawaing” ito.—Gawa 6:3; Roma 14:19.
5. Paano maipakikita ng mga boluntaryo sa pagtatayo ang kanilang pagiging timbang?
5 Maging Timbang: Ang pangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos ang ating pangunahing teokratikong gawain. (Mar. 13:10) Taglay ito sa isipan, sinisikap ng Kingdom Hall Construction Desk at ng mga Regional Kingdom Hall Office na mag-iskedyul ng mga proyekto upang ang mga boluntaryo ay regular na makakasama sa ministeryo sa larangan. Gayundin, sinisikap ng mga boluntaryo sa pagtatayo na maging timbang sa pag-aasikaso sa kanilang espirituwal na mga pananagutan.
6. Ano ang nagagawa kung ang lahat sa kongregasyon ay nagtutulungan upang mapasulong ang tunay na pagsamba?
6 Inilarawan ni apostol Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon bilang sama-samang gumagawa sa pagkakaisa “sa ikalalaki ng katawan sa ikatitibay nito sa pag-ibig.” (Efe. 4:16) Pinakikilos tayo ng ating pag-ibig kay Jehova at sa tunay na pagsamba na magtulungan upang maipangaral ang mabuting balita at masuportahan ang pagtatayo ng Kingdom Hall.