Konstruksiyon ng mga Kingdom Hall sa Pilipinas
1 Kapag pinagmamasdan natin ang pambuong daigdig na larangan, nakapagpapasigla sa puso na makita ang malaking pagsulong na nararanasan ng makalupang organisasyon ni Jehova! Noong nakaraang taon ay may kabuuang bilang na 3,288 kongregasyon ang naidagdag sa buong daigdig. Dahilan sa pagsulong na ito, hindi kataka-takang kailangang magkaroon ng mas marami pang Kingdom Hall at ayusin yaong mga dati nang nakatayo.
2 Maraming kapatid na lalaki at babae ang nagpapakita ng pambihirang sigasig at suporta sa organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang panahon at ari-arian sa konstruksiyon ng Kingdom Hall. Taun-taon, humigit-kumulang sa 50 bagong Kingdom Hall ang naitatayo rito sa Pilipinas at maraming iba pa ang kinumpuni. Ang mga Komite sa Pagtatayo ng Kongregasyon ay pinagkatiwalaan ng pangangasiwa sa mga proyektong ito, anupat ang kanilang pagpapagal ay pinahahalagahan. Ang buong kaayusan para sa konstruksiyon ng Kingdom Hall ay isinasagawa sa espiritu ng Kristiyanong pagbibigay at pagsasakripisyo-sa-sarili—ang kabaligtaran ng espiritu na karaniwang nakikita sa sanlibutan.—2 Tim. 3:2, 4.
3 Panatilihing Simple ang Disenyo ng Kingdom Hall: Dapat bigyang konsiderasyon sa tuwina ang katamtamang pagtatayo taglay ang simple at praktikal na disenyo. Yamang ang marami ay boluntaryong nagtatrabaho sa mga proyekto ng Kingdom Hall, ang mga manggagawa ay maaaring makadamang sila’y pinabibigatan kapag hinihilingang gumawa o maglagay ng masinsing mga palamuti. Ang Kingdom Hall Loans Department sa tanggapang pansangay ay makapaglalaan ng mahalagang tulong upang makagawa ng timbang na mga pasiya hinggil sa disenyo ng Kingdom Hall.
4 Bagaman ang ilang kongregasyon ay nakapagtayo sa pamamagitan ng pansariling pondo, humigit-kumulang sa 1,000 iba pang kongregasyon sa nakaraang sampung taon ang nangailangang lumapit sa Samahan para makahiram mula sa Kingdom Hall Fund. Kung ang inyong kongregasyon ay nag-iisip na ayusin ang inyong Kingdom Hall at kayo’y mangangailangan ng pinansiyal na tulong, maaari kayong makipag-ugnayan sa Samahan. Bago umutang sa Samahan, dapat na gumawa ang matatanda ng pagsusuri upang tiyakin nila (1) kung magkano muna ang maiaabuloy upang makatulong sa pagbili ng lupa at sa halaga ng konstruksiyon, (2) kung magkano ang maipahihiram ng nasasangkot na (mga) kongregasyon, at (3) kung magkano ang maiaabuloy buwan-buwan upang matakpan ang gagastusin ng kongregasyon at mabayaran ang anumang hihiramin sa Samahan. Walang dapat lumitaw na pangalan sa mga isusumiteng papel kapag ginawa ang pagsusuri. Mahalaga na ang lahat ay magbigay ng tumpak na halaga, na makatotohanang tinitiyak ang kanilang sariling maiaabuloy at maipahihiram, yamang gagamitin ng matatanda ang mga ito sa paggawa ng mabibigat na pasiya sa kapakanan ng kongregasyon. Batay sa aming karanasan makabubuting subukan kung ano ang maaaring gawin sa lokal na paraan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang Kingdom Hall Building Fund para sa ilang buwan bago umutang sa Samahan.—Luc. 4:28-30.
5 Pagtaya sa Halaga at Paraan ng Pagkukuwenta: Bago isagawa ang proyekto sa pagtatayo ng Kingdom Hall, ang gagastusin sa konstruksiyon ay dapat na tayahing maingat bago isumite ang pangwakas na kahilingan sa paghiram. Sa ganito’y hindi mabibigatan ang mga mamamahayag ng higit sa kinakailangan sa iskedyul ng pagbabayad. Gayundin, may perang maiiwan sa Kingdom Hall Fund ng Samahan para sa ibang kongregasyon na may mahigpit na pangangailangan para sa mas maayos na Kingdom Hall. (Fil. 4:5) Bagaman ang di inaasahang mga gastos ay maaaring maging sanhi ng paglampas sa badyet, ang makatuwiran at tumpak na pagtaya ay maaaring magawa sa pamamagitan ng patiunang mabuting pagpaplano at pagsusuri.
6 Ang isang proyekto sa pagtatayo ng Kingdom Hall ay nagsasangkot sa paggastos sa malaking halaga ng salapi ng kongregasyon. Titiyakin ng matatanda na ang pondo ay ginagastos sa responsableng paraan. Ang wastong rekord ng kuwenta ay dapat ingatan, at dapat na ibigay ang maliwanag na mga ulat sa nasasangkot na (mga) kongregasyon buwan-buwan. Dapat na tiyakin ng punong tagapangasiwa na ang pondo sa pagtatayo at ang lahat na kaugnay na gastos ay ma-audit tuwing tatlong buwan kasama ng regular na kuwenta ng kongregasyon. Gayunpaman, sa panahon ng konstruksiyon kapag marami ang dapat bayaran, kakailanganing suriin ang kuwenta buwan-buwan. Ang kongregasyon ay dapat na magbigay ng pangkalahatang pagsang-ayon sa proyekto pagkatapos na mapahiwatigan hinggil sa kabuuang detalye at tinayang halaga. Pagkatapos nito, ang pahintulot sa lahat ng pagbabayad ay dapat gawin sa wastong paraan bago ilabas ang anumang pondo. Sa katapusan ng proyekto, kailangang magkaroon ng maliwanag na kuwenta hinggil sa lahat ng ginastos mula sa pondo.
7 Ang mga Boluntaryo ay Nagtataguyod ng Isang Mabuting Gawa: Ang Samahan ay nagpapasalamat sa maraming boluntaryo na tumutulong sa konstruksiyon ng Kingdom Hall. Tunay na kalugud-lugod makita ang sampu-sampung libong boluntaryo na naglalaan ng sarili para sa lahat ng pitak ng gawain sa konstruksiyon ng Kingdom Hall. Ang tagumpay ng programang ito ay posible dahilan sa kusang-loob, bukas-palad, at espiritu ng pakikipagtulungan sa bahagi ng boluntaryong mga manggagawa, na nagsasakripisyo ng panahon na sana’y ginamit na mabuti kasama ng kanilang mga kongregasyon at mga pamilya. (Awit 110:3; Col. 3:23) Dahil sa maibiging pagtugong ito sila’y karapat-dapat sa ating komendasyon, pagpapahalaga, at lubusang pagsuporta.—Roma 12:10; Heb. 13:1.
8 Kapag itinatayo ang isang Kingdom Hall, ang mga mamamahayag sa kalapit na mga kongregasyon ay maaaring anyayahan upang makibahagi sa proyekto. Ito’y maaaring gawin sa pamamagitan ng pagsulat ng Komite sa Pagtatayo ng Kongregasyon sa mga punong tagapangasiwa ng mga kalapit na kongregasyon at pagsasabi sa kanila kung anong tulong ang kailangan nila. Lahat niyaong nasa kalagayang magboluntaryo ay naglalaan ng isang mahalagang paglilingkod.
9 Pagsikapang Pababain ang Halaga ng Konstruksiyon: Dapat hanapin ng mga Komite sa Pagtatayo ng Kongregasyon ang pinakamakatuwirang halaga sa pamamagitan ng paghahambing ng mga presyo at pagpapasubasta. Sa ganitong paraan, matitiyak kung aling kompanya ang gagamitin at kung aling materyales ang bibilhin. Upang matiyak na ang pondo ay matitipid hangga’t maaari, dapat sang-ayunan ng Komite sa Pagtatayo ng Kongregasyon ang lahat ng pagkakagastos mula sa pondo para sa pagtatayo.
10 Ang Lahat ay Makatutulong: Tayong lahat ay may pagkakataong mag-abuloy ng pera sa Kingdom Hall Fund ng Samahan habang ipinahihintulot ng ating mga kalagayan. Mula nang itatag ang Kingdom Hall Fund ng Samahan, libu-libong kongregasyon ang natulungang magkaroon ng mga Kingdom Hall. Maraming kongregasyon ang hindi sana magkakaroon ng gayong maiinam na pulungang dako kung hindi dahilan sa pag-ibig pangkapatiran na namalas sa inyong bukas-palad na pagsuporta sa Kingdom Hall Fund ng Samahan. Ang pondong ito ay nakapagpapahiram upang tumulong sa pagtatayo ng bagong mga Kingdom Hall. Habang masikap na binabayaran ang perang inutang, ang pondong ito ay maipahihiram sa iba pang nangangailangang kongregasyon.
11 Mga Kapahayagan ng Pagpapahalaga: Nang ang kanilang bagong Kingdom Hall ay natapos na, isang kongregasyon ang nagsabi ng ganito sa isang liham sa Samahan: “Kami ay sumusulat sa inyo upang pasalamatan kayo sa inyong maibiging tulong sa pagtatayo ng aming bagong Kingdom Hall. Ang aming gusali ay natapos nang ganap at naialay na kay Jehova, at ang kongregasyon ay lubos na nagpapasalamat sa pagkakaroon ng gayong kagandang gusali ng pagsamba kay Jehova. Ang aming kongregasyon ay laging nagagalak na sumuporta sa Kingdom Hall Fund ng Samahan at sa lokal na proyekto ng pagtatayo at patuloy naming gagawin ito, na kinikilala ang malaking pangangailangan para sa ibang kongregasyon na makinabang mula sa bukas-palad at mahalagang probisyong ito.”
12 Ang isa pang kongregasyon ay nagpahayag ng pagpapahalaga sa maibiging tulong na inilaan sa kanilang kapakanan sa pagsasabing: “Nais naming ipahayag sa inyo ang aming taos na pasasalamat sa tulong ng Kingdom Hall Fund ng Samahan. Kung wala ito ang konstruksiyon ng [aming] bulwagan ay maaaring naging mas mahirap at naatraso nang mahaba-habang panahon. Ang karunungan ni Jehova ay tunay na nakikita sa kaayusang ito.”
13 Ang Gawain sa Unahan: Tayong lahat ay may dahilan upang magalak habang ating natutugunan ang pangangailangan para sa paglalaan ng mas marami at mas maayos na mga Kingdom Hall. Dapat tayong magkaroon ng espiritu ng pagtutulungan—na gumagawang magkakasama at lubusang sumusuporta sa mahalagang gawaing ito. (Awit 133:1) Kay ligaya natin na magkaroon ng mga lalaking inatasan ng organisasyon ni Jehova upang manguna kapuwa sa espirituwal na mga bagay at sa konstruksiyon ng kinakailangang mga pasilidad! Si Pablo ay nanawagan sa mga taga-Filipos sa pagsasabing: “Lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo ay may magkatulad na kaisipan at may magkatulad na pag-ibig.” (Fil. 2:2) Tunay, taglay natin ang lahat ng dahilan upang magalak, yamang tayo’y pinagkatiwalaan ng mabuting balita ng natatag na Kaharian na “ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Ang ating matatag na paninindigan sa panig ng Kaharian at matapat na paggawa para sa kapakanan nito ay nagpapagalak sa puso ni Jehova. “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kaw. 27:11) Anong kamangha-manghang pribilehiyo ang taglay natin na gumawa at makibahaging may kagalakan kasama ni Jesu-Kristo sa gawain ni Jehova!