Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
“Ang pagpapala ni Jehova—iyan ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kalungkutan.”—KAWIKAAN 10:22.
1, 2. (a) Paano ipinahayag ng isang payunir ang nadarama niya tungkol sa buong-panahong ministeryo? (b) Bakit nasa kalagayan ang mga payunir na mas lubusang magtamasa ng kagalakan sa paggawa ng alagad?
“MAY hihigit pa bang kagalakan sa pagkakitang naging isang aktibong tagapuri ni Jehova ang isang tao na iyong naturuan? Totoong nakatutuwa at nakapagpapatibay ng pananampalataya na makita kung gaano kapuwersa ang makapangyarihang Salita ng Diyos sa pagganyak sa mga tao na gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay upang mapalugdan si Jehova.” Ganito ang isinulat ng isang payunir sa Canada na mahigit nang 32 taon sa buong-panahong ministeryo. Hinggil sa kaniyang ministeryong pagpapayunir, sinabi niya: “Hindi ko maisip ang sarili ko na gumagawa ng iba pang bagay. Talagang wala akong maisip na anumang bagay na makapagdudulot ng katulad na kagalakan.”
2 Sumasang-ayon ba kayo na may malaking kagalakan sa pakikibahagi sa pagtulong sa isang tao sa daan tungo sa buhay? Mangyari pa, hindi lamang mga payunir ang nakadarama ng gayong kagalakan. Lahat ng lingkod ni Jehova ay may atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao,” at sinisikap nilang gawin ito. (Mateo 28:19) Subalit yamang nakagugugol ang mga payunir ng maraming oras sa ministeryo sa larangan, malimit na sila ang nasa kalagayan na mas lubusang magtamasa ng kagalakan sa paggawa ng alagad. Ngunit may iba pang gantimpala sa pagpapayunir. Makipag-usap kayo sa mga payunir, at sasabihin nila sa inyo na ang pagpapayunir ay isang kahanga-hangang paraan upang maranasan ‘ang pagpapala ni Jehova na nagpapayaman.’—Kawikaan 10:22.
3. Ano ang maaaring magpasigla sa atin habang patuloy tayo sa paglilingkod kay Jehova?
3 Kamakailan, hinilingan ang mga payunir mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na ilarawan ang mga pagpapalang tinatamasa nila sa buong-panahong ministeryo. Isaalang-alang natin ang sinabi nila. Subalit huwag masiraan ng loob kung limitado lamang ang inyong paglilingkod dahil sa mahinang kalusugan, pagtanda, o iba pang kalagayan. Tandaan, ang mahalaga ay ang paglilingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa, sa anumang kalagayan. Gayunman, ang pakikinig sa mga komento ng ilang payunir ay maaaring magpatindi pa nga ng inyong interes na pumasok sa ganitong kasiya-siyang gawain kung posible naman.
Matinding Kasiyahan at Kagalakan
4, 5. (a) Bakit isang totoong kasiya-siyang karanasan ang pamamahagi sa iba ng mabuting balita? (b) Ano ang nadarama ng mga payunir sa buong-panahong pakikibahagi sa ministeryo?
4 “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” sabi ni Jesus. (Gawa 20:35) Oo, may gantimpala ang walang-pag-iimbot na pagbibigay. (Kawikaan 11:25) Lalo itong totoo pagdating sa pamamahagi sa iba ng mabuting balita. Sa katunayan, may hihigit pa bang kaloob na maibibigay natin sa isang kapuwa tao kaysa sa tulungan siya na magtamo ng kaalaman sa Diyos, na umaakay sa buhay na walang hanggan?—Juan 17:3.
5 Hindi nakapagtataka, yaong mga nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo ay malimit magkomento tungkol sa kagalakan at matinding kasiyahan na nadarama nila sa kanilang ministeryo. “Alam ko na wala nang iba pang gawain na makapagdudulot sa akin ng kasiyahan na nagmumula sa pamamahagi ng katotohanan sa iba,” sabi ng isang 64-na-taong-gulang na payunir sa Britanya. Ipinahayag ng isang biyuda sa Zaire kung gaano kahalaga sa kaniya ng pagpapayunir: “Ang pagpapayunir ay tunay na isang kaaliwan sa akin pagkamatay ng aking minamahal na kabiyak. Habang mas madalas akong lumalabas upang tulungan ang iba, lalong nababawasan ang aking pangungulila. Inilalagak ko ang aking tiwala sa mga pangako ni Jehova at kadalasa’y iniisip ko kung paano ko matutulungan ang aking mga inaaralan na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Sa dulo ng bawat araw, mahimbing ang aking tulog, at masayang-masaya ako.”
6. Anong pantanging kagalakan ang tinamasa ng ilang payunir?
6 Ang ilan na maraming taon nang nagpapayunir ay nagkaroon ng pantanging kagalakan na maglingkod sa malalayong lugar, anupat nagtatatag ng mga kongregasyon, na sa bandang huli ay naging mga sirkito. Halimbawa, sa Abashiri, Hokkaido (pinakadulong-hilagang isla sa Hapon), may isang kapatid na babae na 33 taon nang payunir. Natatandaan niya na sa kaniyang unang pansirkitong asamblea—para sa buong Hokkaido—ay 70 lamang ang dumalo. At ngayon? May 12 sirkito sa islang iyon, na may kabuuang 12,000 mamamahayag. Gunigunihin kung paanong nag-uumapaw sa kagalakan ang kaniyang puso kapag dumadalo siya sa mga asamblea at mga kombensiyon kasama ang pulutong ng mga kapuwa tagapaghayag ng Kaharian sa islang iyon!
7, 8. Anong kagalakan ang tinamasa ng karamihan sa matatagal nang payunir?
7 Ang iba pang matagal nang payunir ay nagalak na makita ang mga estudyante ng Bibliya na nabautismuhan at pagkatapos ay nagsumikap na maabot ang higit pang mga pribilehiyo sa paglilingkuran. Isang kapatid na babae sa Hapon na nagkaroon ng siyam na iba’t ibang atas bilang payunir sapol noong 1957 ang nakaalaala na siya ay nakapagpasakamay ng magasing Gumising! sa isang kabataang babae na nagtatrabaho sa bangko. Nabautismuhan ang kabataang babae sa loob lamang ng siyam na buwan. Pagkaraan ay nag-asawa siya, at silang mag-asawa ay naging mga special pioneer. Anong laking kagalakan ng sister na payunir nang, sa kaniyang ikatlong atas, ang kaniyang kongregasyon ay dalawin ng bagong tagapangasiwa ng sirkito at ng kabiyak nito—ang kaniyang dating estudyante sa Bibliya!
8 Hindi nakapagtataka na yaong nagpasiyang gawing karera ang ministeryong pagpapayunir ay minalas ito bilang “isang walang-katumbas na pribilehiyo na dapat pakamahalin,” gaya ng sabi ng isa na 22 taon nang nagpapayunir!
Katunayan ng Pangangalaga ni Jehova
9. Bilang ang Dakilang Tagapaglaan, ano ang ipinangako ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, at ano ang kahulugan nito sa atin?
9 Si Jehova, ang Dakilang Tagapaglaan, ay nangakong aalalay sa kaniyang mga lingkod, anupat pangangalagaan sila sa espirituwal at sa materyal na paraan. Angkop na angkop ang pagkasabi ni Haring David: “Ako’y naging bata, ako rin naman ay tumanda, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan nang lubusan ang sinumang matuwid, ni nagpalimos man ng tinapay ang kaniyang supling.” (Awit 37:25) Sabihin pa, ang garantiyang ito ng Diyos ay hindi naglilibre sa atin mula sa obligasyon na paglaanan ng materyal ang ating pamilya, ni binibigyan tayo nito ng kalayaang umasa sa pagkabukas-palad ng ating Kristiyanong mga kapatid. (1 Tesalonica 4:11, 12; 1 Timoteo 5:8) Gayunman, kapag kusa tayong nagsasakripisyo upang makapaglingkod kay Jehova nang lubusan, hindi niya tayo pababayaan kailanman.—Mateo 6:33.
10, 11. Batay sa karanasan, ano ang batid ng maraming payunir tungkol sa kakayahan ni Jehova na maglaan?
10 Batay sa karanasan ay batid ng mga payunir sa buong daigdig na si Jehova ay naglalaan para sa mga nagpapaubaya ng kanilang sarili sa kaniyang mapagpalang kamay. Isaalang-alang ang kalagayan ng isang mag-asawang payunir na lumipat sa isang munting bayan kung saan may mas malaking pangangailangan sa mga mangangaral ng Kaharian. Pagkaraan ng ilang buwan, naging mahirap humanap ng sekular na trabaho, at naubos na ang kanilang naipon. Pagkatapos ay nakatanggap sila ng kuwenta para sa seguro ng kotse sa halagang $81. “Wala kaming pambayad nito,” paliwanag ng kapatid na lalaki. “Nanalangin kami nang husto nang gabing iyon.” Kinabukasan, nakatanggap sila ng isang kard mula sa isang pamilya na nagigipit din sa pananalapi. Nakatanggap ang pamilya ng isinauling buwis, ayon sa paliwanag sa kard, at yamang iyon ay higit sa kanilang inaasahan, ibig nilang ibigay sa mag-asawang payunir ang isang bahagi nito. Kalakip ang isang tseke na may halagang $81! “Hindi ko kailanman malilimutan ang araw na iyon—tumindig ang aking mga balahibo!” sabi ng kapatid na payunir. “Gayon na lamang ang pasasalamat namin sa pagkabukas-palad ng pamilyang ito.” Pinahahalagahan din ni Jehova ang gayong kabaitan, na larawan ng bukas-palad na saloobin na pinasisigla niya sa kaniyang mga lingkod.—Kawikaan 19:17; Hebreo 13:16.
11 Maraming payunir ang makapaglalahad ng katulad na mga karanasan. Tanungin ninyo sila, at sasabihin nila sa inyo na hindi sila kailanman “pinabayaan nang lubusan.” Sa paggunita sa mahigit na 55 taon sa buong-panahong ministeryo, ganito ang sabi ng isang 72-taong-gulang na payunir, “Hindi ako kailanman binigo ni Jehova.”—Hebreo 13:5, 6.
“Isang Napakahusay na Paraan Upang Lalong Mapalapit kay Jehova”
12. Bakit isang pambihirang pribilehiyo ang gawaing paghahayag ng mabuting balita?
12 Ang bagay na hinihilingan tayo ni Jehova na ipahayag ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian ay nagbibigay sa atin ng isang pribilehiyo. Minamalas niya tayo—bagaman tayo’y di-sakdal na mga tao—bilang kaniyang “mga kamanggagawa” sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. (1 Corinto 3:9; 1 Timoteo 4:16) Habang nangangaral tayo sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, habang ipinahahayag natin ang wakas ng kabalakyutan, habang ipinaliliwanag natin sa mga tao ang kaniyang kahanga-hangang pag-ibig sa paglalaan ng pantubos, habang binubuklat natin ang kaniyang buháy na Salita at itinuturo ang mahalagang nilalaman nito sa tapat-pusong mga tao, likas lamang na lalo tayong napapalapit sa ating Maylalang, si Jehova.—Awit 145:11; Juan 3:16; Hebreo 4:12.
13. Ano ang sinasabi ng ilan tungkol sa epekto ng kanilang ministeryong pagpapayunir sa kanilang kaugnayan kay Jehova?
13 Ang mga payunir ay nakagugugol ng malaking panahon bawat buwan sa pag-aaral at pagtuturo tungkol kay Jehova. Paano nila nadarama na ito’y nakaaapekto sa kanilang kaugnayan sa Diyos? “Ang pagpapayunir ay isang napakahusay na paraan upang lalong mapalapit kay Jehova,” sagot ng isang matanda sa Pransiya na mahigit nang sampung taong nagpapayunir. Isa pang payunir sa bansang iyan, na gumugol ng 18 taon sa buong-panahong ministeryo, ang nagsabi: “Ang pagpapayunir ay nagpapangyari sa atin na ‘matikman at makita na si Jehova ay mabuti,’ anupat sa araw-araw ay nabubuo ang lalo pang matibay na kaugnayan sa ating Maylalang.” (Awit 34:8) Gayundin ang nadarama ng isang kapatid na babae sa Britanya na 30 taon nang nagpapayunir. “Lalo akong napapalapit sa kaniya dahil sa umaasa ako sa espiritu ni Jehova upang patnubayan ang aking ministeryo,” sabi niya. “Talagang nadama ko sa maraming pagkakataon na ang espiritu ni Jehova ang siyang umakay sa akin sa isang partikular na tahanan sa tamang panahon.”—Ihambing ang Gawa 16:6-10.
14. Paano nakikinabang ang mga payunir sa paggamit ng Bibliya at salig-sa-Bibliyang mga publikasyon sa araw-araw upang magturo sa iba?
14 Nasumpungan ng maraming payunir na ang paggamit ng Bibliya at salig-sa-Bibliyang mga publikasyon sa araw-araw upang ipaliwanag at ituro ang maka-Kasulatang katotohanan ay tumutulong sa kanila na lumago ang kaalaman sa Salita ng Diyos. Ganito ang paliwanag ng isang 85-taong-gulang na kapatid na lalaki sa Espanya na 31 taon nang nagpapayunir: “Natulungan ako ng pagpapayunir na magtamo ng malalim na kaunawaan sa Bibliya, isang kaalaman na ginagamit ko upang matulungan ang maraming tao na makilala si Jehova at ang kaniyang mga layunin.” Ganito naman ang sabi ng isang kapatid na babae sa Britanya na 23 taon nang nagpapayunir: “Natulungan ako ng buong-panahong ministeryo na maging ganadung-ganado sa espirituwal na pagkain.” Ang pagpapaliwanag sa iba tungkol sa “katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo” ay makapagpapatibay sa inyong sariling paninindigan hinggil sa mga paniniwalang mahalaga sa inyo. (1 Pedro 3:15) Ganito ang sabi ng isang payunir sa Australia: “Pinasusulong ng pagpapayunir ang aking pananampalataya habang ipinahahayag ko ang aking sarili sa iba.”
15. Ano ang handang gawin ng marami upang makapasok sa ministeryong pagpapayunir at makapanatili rito, at bakit?
15 Maliwanag, kumbinsido ang mga ministrong payunir na ito na pinili nila ang isang pitak ng paglilingkuran na nagdudulot ng napakaraming pagpapala mula kay Jehova. Hindi nakapagtataka na marami ang handang gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay, anupat tinalikuran pa nga ang isang sekular na karera at materyal na kayamanan, upang pumasok sa ministeryong pagpapayunir at manatili rito!—Kawikaan 28:20.
Nagnanais Ka Bang Gumawa Pa Nang Higit?
16, 17. (a) Kung iniisip mo na baka posible para sa iyo ang magpayunir, ano ang maaari mong gawin? (b) Ano ang nadarama ng ilan kapag sila’y hindi makapagpayunir?
16 Pagkatapos isaalang-alang ang sinabi ng mga payunir tungkol sa mga pagpapala sa ministeryong pagpapayunir, marahil ay iniisip mo kung praktikal para sa iyo ang pagpapayunir. Kung gayon, bakit hindi mo kausapin ang isang payunir na naging matagumpay sa buong-panahong ministeryo? Baka makatulong din sa iyo na makipag-usap sa isa sa matatanda sa kongregasyon, sa isa na nakakakilala sa iyo—nakababatid sa iyong kalusugan, limitasyon, at mga pananagutan sa pamilya. (Kawikaan 15:22) Ang makatotohanang mga komento ng iba ay maaaring makatulong sa iyo na suriing mabuti kung posible para sa iyo ang pagpapayunir. (Ihambing ang Lucas 14:28.) Kung makapagpapayunir ka, tunay na pagpapalain ka nang sagana.—Malakias 3:10.
17 Subalit kumusta naman ang maraming tapat na mamamahayag ng Kaharian na wala sa kalagayang magpayunir, bagaman nais nilang gumawa pa nang higit sa ministeryo? Halimbawa, isaalang-alang ang nadarama ng isang Kristiyanong kapatid na babae na mag-isang nagsusumikap magpalaki ng kaniyang apat na anak. “Nalulungkot ako,” sabi niya, “dahil dati akong regular pioneer, pero ngayon, dahil sa aking kalagayan, hindi na ako makalabas sa larangan na kasindalas ng dati.” Mahal na mahal ng kapatid na ito ang kaniyang mga anak at ibig niyang maglaan para sa kanila. Kasabay nito, nais niyang gumawa pa nang higit sa pangangaral. “Mahal ko ang ministeryo,” paliwanag niya. Gayundin ang nadarama ng ibang nakatalagang Kristiyano na ang pag-ibig sa Diyos ay nagpapakilos sa kanila na magnais maglingkod kay Jehova ‘nang buong puso nila.’—Awit 86:12.
18. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa atin? (b) Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob kung nahahadlangan ng mga kalagayan ang nagagawa natin?
18 Tandaan na buong-kaluluwang paglilingkuran ang inaasahan ni Jehova sa atin. Ang katumbas nito ay maaaring hindi pare-pareho sa bawat isa. Maaaring naisaayos ng ilan ang kanilang kalagayan upang makapaglingkod bilang mga regular pioneer. Marami pang iba ang nagpapatala bilang mga auxiliary pioneer sa pana-panahon o kaya’y nang patuluyan, anupat gumugugol ng 60 oras bawat buwan sa ministeryo. Subalit ang karamihan sa bayan ni Jehova ay buong-kaluluwang nangangaral at nagtuturo bilang mga mamamahayag sa kongregasyon. Kaya kung talagang nalilimitahan ka ng mahinang kalusugan, pagtanda, mga pananagutan sa pamilya, o iba pang kalagayan, huwag masiraan ng loob. Hangga’t ibinibigay mo ang iyong buong makakaya, mahalaga sa paningin ng Diyos ang iyong paglilingkuran, na kasinghalaga rin ng paglilingkod niyaong mga nasa buong-panahong ministeryo!
Maipamamalas ng Lahat ang Espiritu ng Pagpapayunir
19. Ano ba ang espiritu ng pagpapayunir?
19 Bagaman maaaring hindi ka makapagpatala bilang isang payunir, maipamamalas mo ang espiritu ng pagpapayunir. Ano ba ang espiritu ng pagpapayunir? Ganito ang sabi ng Hulyo 1988 na isyu ng Ang Ating Ministeryo sa Kaharian: “Maaari itong bigyang-katuturan bilang ang pagkakaroon ng positibong saloobin sa utos na mangaral at gumawa ng mga alagad, anupat lubusang nakatalaga sa pagpapakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa mga tao, pagiging mapagsakripisyo-sa-sarili, pagkasumpong ng kagalakan sa maingat na pagsunod sa Panginoon, at pagkakaroon ng kasiyahan sa espirituwal, hindi sa materyal, na mga bagay.” Paano mo maipamamalas ang espiritu ng pagpapayunir?
20. Paano maipamamalas ng mga magulang ang espiritu ng pagpapayunir?
20 Kung isa kang magulang na may mga anak na kabataan, buong-puso mong mairerekomenda sa kanila ang pagpapayunir bilang isang karera. Ang iyong positibong saloobin tungkol sa ministeryo ay maaaring magkintal sa kanila ng pangangailangang gawing pinakamahalaga sa kanilang buhay ang paglilingkuran kay Jehova. Maaari mong anyayahan sa inyong tahanan ang mga payunir at naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak upang makinabang ang iyong mga anak mula sa halimbawa niyaong mga nakasumpong ng kagalakan sa buong-panahong ministeryo. (Ihambing ang Hebreo 13:7.) Kahit sa mga tahanang nababahagi dahil sa relihiyon, sa pamamagitan ng kanilang salita at halimbawa ay matutulungan ng nananampalatayang mga magulang ang kanilang mga anak upang gawing tunguhin sa buhay ang buong-panahong ministeryo.—2 Timoteo 1:5; 3:15.
21. (a) Paanong tayong lahat ay maaaring tumangkilik sa mga nagpapayunir? (b) Ano ang magagawa ng matatanda upang pasiglahin ang mga payunir?
21 Sa kongregasyon, tayong lahat ay maaaring buong-pusong tumangkilik sa mga nakapagpapayunir. Halimbawa, maaari bang gumawa ka ng pantanging pagsisikap na makasama ang isang payunir sa ministeryo, lalo na sa mga panahon na ang payunir ay baka nag-iisang gumagawa? Malamang na maranasan mo ang “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Kung isa kang matanda, mas marami kang magagawa upang pasiglahin ang mga payunir. Kapag nagpupulong ang lupon ng matatanda, dapat nilang isaalang-alang sa tuwina ang mga pangangailangan ng mga payunir. Kapag ang isang payunir ay nasisiraan ng loob o dumaranas ng ilang suliranin, huwag maging padalus-dalos sa pagrerekomenda na huminto na siya sa pagpapayunir. Bagaman ang gayong rekomendasyon ay maaaring kailangan sa ilang kalagayan, huwag kalimutan na ang pagpapayunir ay isang mahalagang pribilehiyo na pinakamamahal ng isang buong-panahong lingkod. Baka ang kailangan lamang ay kaunting pampatibay-loob at ilang praktikal na payo. Ganito ang isinulat ng tanggapang pansangay ng Samahan sa Espanya: “Kapag pinasisigla ng matatanda ang pagpapayunir, inaalalayan ang mga payunir sa ministeryo sa larangan, at regular na nagpapastol sa kanila, ang mga payunir ay lalong sumasaya, nakadarama na sila’y mahalaga, at nagnanais na magpatuloy sa kabila ng mga hadlang na maaaring bumangon.”
22. Sa mapanganib na panahong ito sa kasaysayan ng tao, ano ang dapat na determinado tayong gawin?
22 Nabubuhay tayo sa isang mapanganib na panahon sa kasaysayan ng tao. Binigyan tayo ni Jehova ng isang nagliligtas-buhay na gawain na kailangang tuparin. (Roma 10:13, 14) Tayo man ay nakikibahagi sa gawaing ito nang buong-panahon bilang mga payunir o hindi, ipamalas natin ang espiritu ng pagpapayunir. Makadama sana tayo ng pagkaapurahan at magkaroon ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Maging determinado sana tayo na ibigay kay Jehova ang hinihiling niya sa atin—ang buong-kaluluwang paglilingkuran. At alalahanin natin na kapag ibinibigay natin ang ating buong makakaya, kahit iyon man ay katulad ng maliliit na barya ng babaing balo o ng mamahaling langis ni Maria, ang ating paglilingkuran ay buong-kaluluwa, at pinahahalagahan ni Jehova ang ating buong-kaluluwang paglilingkuran!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit nagdudulot ng kasiyahan at kagalakan ang buong-panahong ministeryo?
◻ Batay sa karanasan, ano ang batid ng maraming payunir tungkol sa kakayahan ni Jehova na pangalagaan ang kaniyang mga lingkod?
◻ Nadarama ng mga payunir na ang kanilang ministeryo ay may anong epekto sa kanilang kaugnayan kay Jehova?
◻ Paano ninyo maipamamalas ang espiritu ng pagpapayunir?
[Larawan sa pahina 23]
Nagtatamasa ng malaking kagalakan ang mga payunir sa paggawa ng alagad
[Larawan sa pahina 23]
Makikinabang ang inyong mga anak sa pakikipagsamahan sa buong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian
[Larawan sa pahina 23]
Mapasisigla ng matatanda ang mga payunir sa ministeryo sa larangan