Ang mga Pagpapala ng Pagpapayunir
1, 2. Anong mga pagpapala ang may malapit na kaugnayan sa pagpapayunir, at bakit?
1 “Alam kong wala nang ibang gawain ang makapagdudulot sa akin ng kasiyahan na nagmumula sa pagbabahagi ng katotohanan sa iba,” ang sabi ng isang payunir. Ganito ang sabi ng isa pa: “Sa pagtatapos ng bawat araw, masarap ang tulog ko, at ang puso ko ay lipos ng kagalakan.” Kinakatawan ng mga payunir na ito ang mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng dako na nakaranas na ng mga pagpapala ng pagpapayunir.—Kaw. 10:22.
2 Ang pagtulong sa iba na magtamo ng nagliligtas-buhay na kaalaman ng Salita ng Diyos ay nagdudulot ng tunay na kasiyahan. (Gawa 20:35; 1 Tes. 2:19, 20) “Kapana-panabik at nakapagpapatibay ng pananampalataya na makita kung gaano kalakas ang Salita ng Diyos sa pag-udyok sa mga tao na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay,” ang sulat ng isang matagal nang payunir. Oo, sa pamamagitan ng pagiging handang tumulong sa mga tao at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, tatamasahin ng mga payunir ang mga pagpapalang gaya nito.
3, 4. Paano tinuturuan ng pagpapayunir ang isa na manalig kay Jehova, at paano ito tumutulong sa isa na sumulong sa espirituwal na paraan?
3 Pananalig kay Jehova: Ang pananalig sa espiritu ng Diyos sa araw-araw habang isinasagawa nila ang kanilang ministeryo ay tumutulong sa mga payunir na linangin “ang mga bunga ng espiritu” at nagsisilbing isang proteksiyon sa kanila. (Gal. 5:16, 22, 23) Bukod pa riyan, yamang palagi nilang ginagamit ang Salita ng Diyos, ang mga payunir ay kadalasang sanay sa paggamit ng Kasulatan upang ipagtanggol ang katotohanan at patibayin ang iba. (2 Tim. 2:15) Isang kapatid na lalaki na matagal nang payunir ang nagkomento: “Ang pagpapayunir ay nakatulong sa akin na kumuha ng malalim na kaalaman sa Bibliya, isang kaalaman na ginamit ko upang tulungan ang maraming tao na makilala si Jehova at ang kaniyang mga layunin.” Tunay ngang kasiya-siya!
4 Dapat ding manalig kay Jehova ang mga regular pioneer sa maraming iba pang paraan. Ang kanilang pananampalataya ay napalalakas habang nakikita nila kung paano niya pinagpapala ang kanilang mga pagsisikap upang paglaanan ang kanilang materyal na mga pangangailangan. Isang 72-taóng-gulang na regular pioneer sa loob ng 55 taon ang nagsabi: “Hindi pa ako kailanman binigo ni Jehova.” Karagdagan pa, sa pagpapanatiling simple ng kanilang buhay, naiingatan ng mga payunir ang kanilang sarili mula sa maraming kabalisahan sa buhay. Kalugud-lugod ba ito sa iyo?—Mat. 6:22; Heb. 13:5, 6.
5. Paano nakatulong ang pagpapayunir upang ang isa ay maging malapít kay Jehova?
5 Paglapit sa Diyos: Ang ating kaugnayan kay Jehova ang pinakamahalagang tinataglay natin. (Awit 63:3) Kapag tayo ay lubusang nakikibahagi sa ministeryo dahil sa pag-ibig kay Jehova, lalong nagiging malapít ang kaugnayang iyon. (Sant. 4:8) Isang payunir sa loob ng mahigit na 18 taon ang nagsabi: “Ang paglilingkod bilang payunir ay nagpangyari sa akin na ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti,’ anupat lalong napatitibay ang aking kaugnayan sa ating Maylalang sa araw-araw.”—Awit 34:8.
6. Ano ang dapat taglayin ng mga payunir, at sino bukod sa mga payunir ang nakikinabang?
6 Bukod pa sa pagkakaroon ng kinakailangang kalagayan, ang mga payunir ay dapat magkaroon ng malakas na pananampalataya, tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, at pagkukusang magsakripisyo. (Mat. 16:24; 17:20; 22:37-39) Gayunman, gaya ng pinatutunayan ng maliligayang mukha ng mga payunir saanman, nakahihigit ang mga pagpapala ng pagpapayunir. (Mal. 3:10) Hindi lamang ang mga payunir ang pinagpapala, kundi nakikinabang din nang husto ang kani-kanilang pamilya at ang kongregasyon sa mainam na espiritu na ipinakikita ng mga payunir.—Fil. 4:23.