Ang “Flying Doctor”—Nagliligtas ng Buhay sa Bukid
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NANGYARI ito mahigit na 80 taon na ang nakalipas, noong maagang 1900’s. Si Jimmy, isang kabataang rantsero, ay nagtitipon ng mga baka malapit sa Hall’s Creek sa dulong hilaga ng Western Australia. Walang anu-ano, ang kaniyang kabayo ay biglang huminto. Si Jimmy ay nahulog sa lupa at malubhang nasaktan.
Isang mabagal na biyahe sakay ng isang kalesa ang naghatid sa lubhang nasaktang binata sa Hall’s Creek, kung saan ang postmaster ay naglilingkod din bilang isang “bush doctor.” Subalit ang kaniyang tanging mga kredensiyal ay na siya ay nakadalo sa isang serye ng mga lektyur sa pangunang-lunas bago magtungo sa Perth mga ilang taóng nakalipas. Ang pinakamalapit na sinanay na medikal na doktor ay daan-daang kilometro ang layo.
Ang postmaster ay nagpahatid kaagad ng isang apurahang mensahe sa pamamagitan ng telegrapo, upang malaman lamang na ang doktor ay tinawag at maaaring hindi makabalik ng ilang araw. Sa pagkasiphayo, pinadalhan din ng postmaster ng mensahe sa pamamagitan ng telegrapo ang doktor na naging instruktor niya sa pangunang-lunas sa Perth—mahigit na 3,200 kilometro ang layo. Sa linya ng telegrapo, ang doktor ay nagbigay ng hakbang-por-hakbang na mga tagubilin. Taglay ang malaking takot, isinagawa ng postmaster ang isang sinaunang operasyon sa nasaktang rantsero, ginagamit ang isang matalim na kutsilyo at isang labaha.
Ang doktor ay agad na nagbiyahe nang malayo mula sa Perth tungo sa Hall’s Creek. Kumuha ito ng 12 1/2 araw bago marating ang nabubukod na bayang ito sa lalawigan, una’y sakay ng bapor ng baka hanggang sa baybayin ng Kanlurang Australia, pagkatapos ay sa baku-bakong daan sakay ng kotse, at sa wakas sakay ng kabayo at tiburin. Kinaladkad ng doktor ang kaniyang sarili tungo sa tanggapan ng koreo, pagod na pagod. Ang kaniyang unang mga salita ay: “Kumusta ang pasyente?”
“Siya’y namatay kahapon,” malungkot na tugon ng postmaster.
Ang makabagbag-damdaming karanasang ito ay nagpangyari sa maraming maalalahaning tao na lutasin ang pinakamalaking hamon sa bukid ng Australia—ang distansiya! Paano mabilis na mararating ang mga taong nangangailangan ng apurahang medikal na tulong kung panahon ng mga emergency?
Dinadaig ang Distansiya
Sa pasimula ng dantaon, ang kahirapan na nakakaharap ng mga tao sa nabubukod na mga bukid ay kakila-kilabot. May dalawa lamang doktor sa isang lugar na 1,800,000 kilometro kudrado, isang lugar na katumbas ng tatlong Pransiya! Gayunman, naiisip ng iba ang panahon kung kailan magkakaroon ng isang magkakaugnay na sistema na pangkalusugan na sasakop sa lahat ng kabukiran. Papaano? Sa paggamit ng isang kombinasyon ng mga eruplano, radyo, at medisina. Gaya ng pagkakasabi ng isang lalaki: “Ang mapagpipilian ay isang eruplano o isang libingan.”
Noon, ang abyasyon ay hindi pa subok at kahina-hinala pa ang pagiging ligtas, at ang radyo ay nasa kamusmusan pa nito. Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang paglalakbay sa himpapawid ay naging mas makatotohanan at ang radyo ay nagkaroon ng mabilis na pagsulong. Subalit isa pang sagabal ang unti-unting lumitaw: kung paano kukuha ng lakas upang paandarin ang sagutang radyo sa bukid. Ito ang nagbukas ng daan sa imbensiyon ng . . .
Napakahusay na Radyong de Pedal
Noong dakong huli ng 1920’s, isang batang inhinyero sa radyo ang nakaisip na gamitin ang isang taong tatapak sa tulad-bisikletang mga pedal upang paandarin ang isang genereytor. Ang genereytor ay hindi na nangangailangan ng mga batirya, ginawa sa makatuwirang halaga, at naghahatid ng mensahe sa radyo na lampas pa ng 480 kilometro. Ang de pedal na radyo ay malawakang ginamit sa bukid sa loob ng maraming taon.
Sa umpisa, ang mga mensaheng sinasalita ay hindi maipadala o matanggap. Ang Telegraphic Morse code—taglay ang mga dots and dashes nito—ay kailangang gamitin. Ang hirap ng paghahatid ng mga mensahe niyaong hindi pamilyar sa Morse code ay napagtagumpayan sa pamamagitan ng napakahusay na imbensiyon ng isang pantanging teklado na ginagamit ang isang makinilya na nakakabit sa walang kawad na transmiter. Ang “bush” na mga tagapagmakinilya ay nakapaghahatid ng mga mensahe sa pamamagitan ng isang daliri. Halimbawa, ang pagpintot sa “A” sa tipahan ay nagbubunga ng hudyat na “dit-dah” sa Morse code na ipinadadala, at iba pa. Nang maglaon, isang uring-teleponong kaayusan ang ginamit, ginagawang hindi na kailangan ang Morse code.
Sa wakas, ang de pedal na radyo ay pinalitan ng mas makabagong kagamitan, at ipinakilala ang single sideband mode ng radyo transmisyon. Maraming base ang ginawang moderno sa pamamagitan ng kagamitang ito. Ngayon, mahigit na 2,600 outstation transceivers ang regular na nakikipagtalastasan sa mga baseng ito.
Nagkatotoo ang “Flying Doctor”
Noong Mayo 1928 sinimulan ang Aerial Medical Service. Ang unang eruplanong ginamit ay nakapagsasakay ng isang piloto, isang doktor, at isang nars o isang nakaupong pasyente, at isang stretcher. Ang isang-makinang de Havilland DH-50A na eruplano ang lumilipad sa bilis na 130 kilometro sa bawat oras, ngunit ito ay isang pasimula, at tiyak na daig nito ang kabayo at tiburin! Noong 1941 ang pangalan ay binago tungo sa Flying Doctor Service. Pagkatapos noong 1955 ang opisyal na pangalan ay naging Royal Flying Doctor Service.
Sa simula pa ay naroon na ang problema sa pananalapi, lalo na noong panahon ng pandaigdig na paghina ng kabuhayan ng maagang 1930’s. Gayunman, unti-unti, ang mga tulong na salapi ng pamahalaang pederal at ng estado ay nakuha sa regular na batayan, pati na ang perang tinatanggap buhat sa mga pautang at mga pagsamo sa publiko. Hanggang sa ngayon, ang Flying Doctor Service ay lubhang depende sa mga donasyon mula sa mga kompaniya ng negosyo at mga indibiduwal, sapagkat bagaman ang mga pasyente sa bukid ay inaasahang mag-abuloy para sa mga pagdalaw at paggamot, ang halagang kanilang maibibigay ay kaunti lamang kung ihahambing sa nagastos.
Unang mga Panganib
Ngayon, ang modernong eruplano at kagamitan ay ginagawa ang pagbibiyahe sa himpapawid na mas madali at mas ligtas, subalit noong unang mga panahon isinasapanganib ng mga piloto ang kanilang buhay upang lumapag sa liblib na mga kabukiran. Maraming paliparan ay baku-bako at hindi sapat ang haba para sa ligtas na pagbaba o paglipad. Kadalasan, ang piloto ay kailangang lumipad nang mababa at ikut-ikutan ang paliparan upang itaboy ang mga kabayo, kangaroo, baka, tupa, at pati na ang mga emu bago lumapag. Kung kinakailangan ang paglapag sa gabi, ang saunahing gawang-bahay na mga siklab ay kailangang sindihan. Nang maglaon, habang dumarami ang mga kotse at trak, ang mga ilaw sa harapan ng mga sasakyan ay ginamit upang ilawan ang “mga runway.”
Noong unang mga panahong iyon, ang nabigasyon ay isang hamon kung minsan. Dahil sa di-mapagkakatiwalaang mga mapa, o wala pa ngang mapa, karaniwang kinikilala ng mga piloto ang mga palatandaan mula sa himpapawid—marahil ay isang kahoy, isang hangganang bakod, isang landas, isang balon, o isang ilog.
Wala Pang Dalawang Oras ang Layo
Paglipas ng mga taon, ang Flying Doctor Service ay dumami hanggang ngayon mayroon nang 13 base na nakakalat sa lahat ng liblib na kabukiran ng Australia, at isa sa Tasmania. (Tingnan ang mapa.) Sa bawat base ay laging may isang flying doctor, at sa ilang mas malalaking base ay may tatlo o higit pa. Laging may isang piloto na naroroon, at ang ilang base ay may hanggang tatlong piloto na magagamit kung kinakailangan. Karaniwan nang may makukuhang mga narses mula sa lokal na mga ospital na malapit sa mga base.
Mayroon na ngayong pangkat ng 32 eruplano na lumilipad ng katamtamang 6,500 na mga paglipad sa isang taon at naghahatid ng mahigit 9,000 pasyente sa mga ospital taun-taon. Karagdagan pa, mga 90,000 pasyente ang sumasangguni sa flying doctor at ginagamot niya. Ang lubusang pagsaklaw sa liblib na bukid ay nangangahulugan na mararating ng flying doctor ang sinumang pasyente sa Australia sa loob ng dalawang oras.
Pati ang Pangangalaga sa Ngipin at Puso
Ngayon, kahit na ang ngipin niyaong nakatira sa liblib na kabukiran sa Australia ay maaaring bigyan ng regular na mga checkup at may kasanayang pansin. Ang pangangalaga sa ngipin ay hindi ginagawa ng flying doctor mismo kundi ng mga dentistang regular na naglalakbay sa mga eruplano ng flying-doctor. Taun-taon sa pagitan ng 5,000 at 6,000 pasyente ang ginagamot ng dumadalaw na mga dentista.
Kumusta naman ang pangangalaga sa puso? Ang magasing Australian Post ay bumabanggit ng nakapagtatakang kuwento ng isang may edad nang babae sa maliit na bayan ng Tibooburra (150 ang populasyon) sa New South Wales. Pinasuri niya ang tibok ng kaniyang puso sa pamamagitan ng radyo. Ang pinakamalapit na base ng flying-doctor ay nasa Broken Hill, 340 kilometro ang layo. Nang sumakit ang kaniyang dibdib at ayaw tumigil, ang pasyente ay ikinabit sa isang elektronikong aparato na naghahatid ng elektrikal na mga hudyat mula sa kaniyang puso tungo sa Broken Hill Base Hospital, anupa’t ang paggamot ay maaaring ireseta.
Isang Pambihirang Paglilingkod
Kung tungkol sa lawak na sakop at magagamit, ang Flying Doctor Service ng Australia ay totoong pambihira. Subalit ang ibang bansa ay may kahawig na mga kaayusan upang pangalagaan yaong mga nakatira sa liblib na mga dako. Halimbawa, ang Canada ay may mahusay na panghimpapawid na paglilingkod ng ambulansiya. Kabilang dito ang Saskatchewan Air Ambulance Service na pinasinayahan noong 1947. Ang Silangang Aprika ay nakikinabang sa pinagsamang proyekto ng Britano at Amerikano noong 1961.
Subalit, sa malawak na sakop nito na mahigit dalawang-katlo ng napakalaking sukat ng lupa na halos 7,770,000 kilometro kudrado, ang Flying Doctor Service ng Australia ay nakahihigit. Hanggang sa ngayon, wala pa rin itong nakakatulad sa anumang bahagi ng daigdig.
Hindi kataka-taka, kung gayon, ang opisyal na brosyur ng Royal Flying Doctor Service ng Australia ay nagtatapos sa pagsasabing: “Ang Flying Doctor Service ay maaaring gamitin, anuman ang kredo, kulay o lahi, isang pambihirang mapagkawanggawang paglilingkod na walang katulad nang ito’y magsimula mahigit na 50 taon ang nakalipas, at ngayon wala pa rin itong kaparis sa daigdig.”
[Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang 14 na mga base ng Flying Doctor Service na nakakalat sa liblib na kabukiran ng Australia at Tasmania
Mt. Isa
Charters Towers
Charleville
Broken Hill
Pt. Augusta
Ceduna
Kalgoorlie
Meekatharra
Carnarvon
Alice Springs
Pt. Hedland
Derby
Wyndham
Hobart
[Larawan sa pahina 17]
Ang uri ng eruplano na ginamit noong unang panahon ng Flying Doctor