Bakit Bughaw ang Langit?
Ang malalawak na rehiyon sa panlabas na kalawakan ay nalalambungan ng kadiliman. Ang tinatawag nating langit ay ang atmospera na pumapalibot sa lupa, ang rehiyon sa kalawakan na nakikita ng mata ng tao. Tumitingala sa napakalaking kalawakang ito, ang langit, marami ang nagtatanong, ‘Bakit bughaw ang langit?’ Bakit hindi biyoleta, berde, dilaw, kulay dalandan, o pula—ang iba pang pangunahing kulay ng nakikitang liwanag?
Ang liwanag ng araw ay binubuo ng liwanag na iba’t iba ang haba ng alon (wavelength), na nakikita bilang iba’t ibang kulay ng nakikitang liwanag. Ang pinakamahaba sa mga alon na ito ng liwanag ay pula, ang pinakamaikli ay ang bughaw o biyoleta. Ikinakalat ng mga molekula ng gas ng ating atmospera ang mas maraming liwanag ng mas maikling haba ng alon, ang bughaw, kaysa mas mahabang haba ng alon, ang pula. Bunga nito, ang maaliwalas na langit ay kulay bughaw. Ang hangin na pumapaligid sa lupa, taglay ang di-mabilang na mumunting solidong mga bagay, gaya ng alabok, ay nagkakalat ng liwanag upang makita, na para bang nababanaag mula sa isang salamin.
Sa kabilang dako, kapag ang araw ay malapit sa abot-tanaw, ang liwanag ng araw ay naglalakbay sa mas maraming atmospera upang marating ang mata, at ang mas mahabang mga alon ay nakapapasok na mas mabuti kaysa mas maikling mga alon, pinangyayari ang langit na maging matingkad na dalandan at pula. Pinatitingkad pa ng solidong mumunting bagay sa hangin ang pamumula. Sa gayunding paraan, kapag ang langit ay punô ng usok o makapal na ulap, ang mga alon ng liwanag ng lahat ng kulay ay sumasabog. Ito ang nagpapangyari sa langit na magmukhang kulay abo.
Ang kahanga-hangang pagtatanghal na ito ng paggamit ng Diyos sa liwanag sa langit ay nagpapagunita sa atin ng mga salita ng salmista: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at ng mga gawang-kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan.”—Awit 19:1.