Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/12 p. 15-17
  • Ang “Kaluwalhatian” ng mga Bituin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Kaluwalhatian” ng mga Bituin
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kinukulayan” ng Atmospera ng Lupa ang Araw
  • Ang Makulay na Kalangitan sa Gabi
  • Pagkasira ng Hubble—Ano ang Kinalabasan?
    Gumising!—1995
  • Bakit Bughaw ang Langit?
    Gumising!—1990
  • Abutin ang mga Bituin
    Gumising!—1988
  • Ang mga Bituin at ang Tao—May Kaugnayan Ba?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2012
g 2/12 p. 15-17

Ang “Kaluwalhatian” ng mga Bituin

NASUBUKAN mo na bang pagmasdan ang libu-libong bituin na makikita sa langit kapag maaliwalas ang gabi? Habang tinitingnan mo ang kumukutitap na mga liwanag na iyon, maaaring napansin mo na hindi pare-pareho ang kanilang ningning at kulay. Tama ang sinasabi ng Bibliya na magkakaiba ang “kaluwalhatian” ng mga bituin.​—1 Corinto 15:41.

Bakit nga ba magkakaiba ang kaluwalhatian, o ningning, ng mga bituin? Halimbawa, bakit ang ilan ay parang puti at ang iba naman ay asul, dilaw, o pula? At bakit sila kumukutitap?

Ang pinakaloob ng mga bituin ay parang mga plantang nuklear na pinagmumulan ng napakalakas na enerhiya. Ang enerhiyang iyon ay nakararating sa outer layer ng bituin at sumisinag sa kalawakan, karaniwan na bilang nakikitang liwanag at infrared rays. Baka magulat kang malaman na ang mas maiinit na bituin ay asul, samantalang ang di-gaanong maiinit ay pula. Bakit sila magkakaiba ng kulay?

Ang liwanag ay parang daloy ng mga particle, o mga photon, na para ding mga alon ng enerhiya. Ang mas maiinit na bituin ay naglalabas ng mas malalakas na photon, na may mas maiikling wavelength at nasa asul na dulo ng ispektrum. Kabaligtaran nito, ang di-gaanong maiinit na bituin ay naglalabas ng mas mahihinang photon, na nasa pulang dulo naman ng ispektrum. Ang ating bituin, ang Araw, ay nasa bandang gitna ng ispektrum dahil ang karamihan ng liwanag na inilalabas nito ay nasa pagitan ng berde at dilaw. Pero bakit hindi medyo berde ang kulay nito? Dahil naglalabas din ito ng maraming liwanag na nasa ibang nakikitang wavelength. Kaya kung titingnan ang araw mula sa kalawakan, ito’y kulay puti.

“Kinukulayan” ng Atmospera ng Lupa ang Araw

Sinasala ng atmospera ang liwanag ng araw, kung kaya parang nagbabago ang kulay nito depende sa oras. Halimbawa, sa tanghaling-tapat, ang araw ay karaniwan nang matingkad na dilaw. Pero sa pagsikat at paglubog nito, kung kailan mababa ang posisyon nito, ito’y parang kulay orange o pula pa nga. Nangyayari ang pagbabagong ito ng kulay dahil sa mga molekula ng gas, singaw ng tubig, at iba’t ibang pagkaliliit na particle sa atmospera ng lupa.

Dahil sa komposisyon ng atmospera, ikinakalat nito ang asul at violet na liwanag ng araw, kung kaya asul na asul ang kalangitan kapag walang ulap. Dahil wala na ang asul at violet na liwanag sa nakikitang ispektrum ng araw, ang makikitang liwanag nito sa tanghaling-tapat ay halos puro dilaw. Pero kapag mababang-mababa ang posisyon ng araw, mas mahaba ang nilalakbay ng liwanag nito bago makarating sa atin. Dahil dito, ang liwanag ng araw ay mas nasasala ng atmospera, na mas marami namang ikinakalat na asul at berdeng liwanag. Kaya naman ang papalubog na araw ay maaaring kulay pula o matingkad na pula.

Ang Makulay na Kalangitan sa Gabi

Ang nakikita natin sa kalangitan sa gabi ay depende sa kakayahan ng ating mata. Ang ating mata ay tumatanggap ng liwanag sa pamamagitan ng dalawang uri ng sensor​—ang cone at rod. Ang mga cone ay nakakakilala ng kulay, pero kapag napakahina ng liwanag, hindi na ito gumagana. Ang mga rod naman, bagaman hindi sensitibo sa kulay, ay napakahusay sa pagdetek ng liwanag. Sa katunayan, kapag tamang-tama ang mga kalagayan, nakikita nito kahit isang photon lang ng liwanag! Pero mas sensitibo ang mga rod sa mas maiikling wavelength na nasa asul na dulo ng ispektrum. Kaya naman kapag itiningin natin ang ating mata sa malalabong bituin na magkakasinliwanag, malamang na makikita natin ang mga kulay asul pero hindi ang mga kulay pula. Mabuti na lang at may mga instrumento tayong magagamit.

Sa tulong ng mga largabista at teleskopyo, nakikita natin nang mas malinaw ang malalabong bagay sa kalawakan, gaya ng mga bituin, galaksi, kometa, at nebula. Pero sa paanuman, apektado pa rin ng atmospera ang ating nakikita. Ang isang solusyon dito ay ang Hubble Space Telescope, o HST, na umiikot sa palibot ng lupa. Isa itong kamangha-manghang gawa ng teknolohiya na nakadedetek ng napakalalabong bagay na hindi na kayang makita ng ating mga mata! Dahil dito, ang HST ay nakakuha ng kahanga-hangang mga larawan ng mga bagay sa napakalayong kalawakan, kasama rito ang mga galaksi at makakapal na ulap ng mga alabok at gas sa gitna ng mga bituin, na tinatawag na mga nebula.

Mayroon na ring mga bagong teleskopyo sa lupa na singhusay ng HST at mas magaling pa nga rito sa ilang aspekto. Halimbawa, gamit ang kahanga-hangang mga pamamaraan para mabawasan ang epekto ng atmospera, ang mga bagong teleskopyong ito ay nakatutulong sa mga astronomo na makakita nang mas malinaw, o mas detalyado, kumpara sa makakaya ng HST. Isa na rito ang Keck I, isa sa pinakamalaking optikal na teleskopyo sa buong mundo at nasa W. M. Keck Observatory sa isla ng Hawaii. Sa tulong ng teleskopyong ito, ang astronomong si Peter Tuthill ng University of Sydney, Australia, ay nakatuklas ng mga ulap ng gas na galing sa mga binary-star system na nasa konstelasyong Sagittarius, na sa paningin nati’y waring malapit sa sentro ng ating galaksi, ang Milky Way.

Habang mas malayo ang naaabot ng teleskopyo ng mga astronomo, mas marami pa silang nadidiskubreng mga bituin at galaksi. Gaano kaya karami ang nasa kalawakan? Hindi natin alam. Pero alam iyon ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. “Tinutuos niya ang bilang ng mga bituin; silang lahat ay tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan,” ang sabi sa Awit 147:4.

Parang ganiyan din ang sinabi ng propetang si Isaias. Sa katunayan, sinabi pa niya, kaayon mismo ng katotohanan sa siyensiya, na ang pisikal na uniberso ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang di-nauubos na enerhiya. “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan,” isinulat ni Isaias. “Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isaias 40:26.

Paano nalaman ni Isaias, na nabuhay mga 2,700 taon na ang nakalilipas, na ang uniberso ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang di-nauubos na enerhiya? Tiyak na hindi niya iyon nalaman sa ganang sarili lang niya! Sa halip, isinulat niya ang ipinasulat sa kaniya ni Jehova. (2 Timoteo 3:16) Kaya naman nagawa niya, at ng iba pang manunulat ng Bibliya, ang hindi magagawa ng mga aklat sa siyensiya ni ng mga teleskopyo. Ipinakilala nila ang Isa na nagbigay sa mga bituin ng kanilang kagandahan at kaluwalhatian.

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

BAKIT KUMUKUTITAP ANG MGA BITUIN?

Ang mga bituin ay kumukutitap, o waring nagbabago ng ningning at lokasyon, dahil sa mga pagbabago sa atmospera ng lupa. Bilang halimbawa, isipin mong may maliliit na ilaw sa ilalim ng swimming pool. Ano ang mangyayari sa liwanag ng mga iyon kapag gumalaw ang tubig? Oo, kukutitap ang mga iyon, gaya ng mga bituin. Pero kung mas malaki ang mga ilaw, hindi sila gaanong apektado ng galaw ng tubig. Ang mga planeta ay gaya ng malalaking ilaw na iyon, hindi dahil mas malaki sila kaysa sa mga bituin, kundi dahil mas malapit sila sa lupa kung kaya parang mas malalaki sila.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

KULAY NG MGA LARAWAN: TUNAY O PEKE?

Dahil sa Hubble Space Telescope (HST), malamang na nakakita ka na ng magaganda at makukulay na larawan ng mga galaksi, nebula, at bituin. Pero iyon ba ang tunay na kulay ng mga ito? Ang totoo, kinulayan lang ang mga iyon sa tulong ng sining at siyensiya. Ang mga larawang kuha ng HST ay black and white pero ginagamitan ito ng mga filter na iba’t iba ang kulay. Ang mga astronomo at mga imaging specialist ay gumagamit ng makabagong teknolohiya at software para ayusin ang mga larawan. Kung minsan, sinisikap nilang gamitin hangga’t maaari ang iniisip nilang aktuwal na kulay ng mga bagay sa kalawakan.a Kung minsan naman, sinasadya talaga ng mga astronomo na gumamit ng pekeng kulay para patingkarin ang ilang detalye sa larawan, maaaring para sa kanilang pagsusuri.

[Talababa]

a Kapag gumagamit tayo ng teleskopyo sa pagtingin sa malalabong bagay sa kalawakan, hindi na ang ating mga cone cell ang gumagana kundi ang mga rod cell, na hindi nakadedetek ng kulay.

[Mga larawan]

Black and white

Pula

Berde

Asul

Larawan matapos pagsama-samahin ang tatlong kulay

[Credit Line]

J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA

[Larawan sa pahina 16]

Bituing V838 Monocerotis

[Larawan sa pahina 16]

Arp 273, mga galaksing may inter-aksiyon

[Picture Credit Line sa pahina 15]

NASA, ESA, and the Hubble Heritage (STScI/​AURA) -ESA/​Hubble Collaboration

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

V838: NASA, ESA, and H. Bond (STScI); Arp 273: NASA, ESA, and the Hubble Heritage Team (STScI/​AURA)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share