Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 9/8 p. 15-19
  • Pagkasira ng Hubble—Ano ang Kinalabasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkasira ng Hubble—Ano ang Kinalabasan?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglunsad​—Katuwaan at Kabiguan
  • Sino ang Nagkamali?
  • Nabigo ang mga Pag-asa
  • “Ang Misyon ng NASA na Magtagumpay sa Anumang Paraan”
  • Anu-ano ang Pakinabang?
  • Ano Kaya ang Kinabukasan?
  • Ang “Kaluwalhatian” ng mga Bituin
    Gumising!—2012
  • Uniberso—Punô ng Sorpresa
    Gumising!—2009
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1991
  • Pakikinig sa Uniberso sa Australia
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 9/8 p. 15-19

Pagkasira ng Hubble​—Ano ang Kinalabasan?

‘Anong pagkasira ng Hubble?’ maitatanong mo. Ang pagkasira ng HST (Hubble Space Telescope) ang aming tinutukoy​—ang magastos (mahigit na $1.6 na bilyon) napakamasalimuot na pangmasid sa sansinukob na biglang nagsisiwalat na ito’y nagkadepekto noong 1990.

ANG Hubble Space Telescope ay “malamang na siyang pinakamasalimuot na siyentipikong satelayt na kailanma’y nagawa,” sabi ni Dr. R. W. Smith ng The Johns Hopkins University, Baltimore, sa The International Encyclopedia of Astronomy.a “Ang pinakamalaki, pinakamasalimuot, at pinakamalakas na obserbatoryo na kailanma’y nailagay sa kalawakan” ang paglalarawan dito ni Eric Chaisson sa kaniyang aklat na The Hubble Wars. Binanggit din niya sa magasing Astronomy: “Ang apat na milyong linya ng kodigo sa computer na kinakailangan upang utusan at supilin ito araw-araw​—isa sa pinakamaraming kodigo sa daigdig ng karaniwang tao​—ay patotoo ng matinding pagkasalimuot ng Hubble.” Ang obserbatoryong ito ay umiikot sa taas na mga 615 kilometro sa ibabaw ng lupa, at sa gayo’y malayo na sa mga bagay na tumatabing-sa-liwanag sa atmospera ng lupa.

Bago ilunsad, binanggit ni Dr. Smith na “ang kahusayan ng mga larawan nito ay . . . titiyakin lamang ng mga batas ng optiko, ng kalidad ng mga salamin nito, at kung gaano kawasto at katatag maaaring itutok nang tuwiran ang HST sa mga sinisipat nito.” Hindi niya natalos noon kung magiging gaano kahalaga ang kaniyang mga salita!

Paglunsad​—Katuwaan at Kabiguan

Ang mahalagang araw ng paglulunsad ay dumating noong Abril 1990. Ang HST ay ipinadala sa orbita sakay ng sasakyang pangkalawakang Discovery. Ang mga inhinyero sa flight-control ay tuwang-tuwa sa mga resulta. Si John Noble Wilford ay nag-ulat sa The New York Times na ang mga impormasyon sa inhinyeriya ay “nagpapakita na naligtasan ng teleskopyo ang paglulunsad nang walang anumang pinsala at waring handa nang simulan ang misyon ng kosmikong panggagalugad na maaaring tumagal ng mahigit na 15 taon.” Sinabi pa niya na ito ay “inaasahang magmamasid sa malalayong bituin at mga galaksi na 10 ulit ang kalinawan kaysa kailanma’y nagawa noon.” Isang ulong-balita sa magasing Time ang punô ng pag-asang nagpahayag na “Bagong Bintana sa Sansinukob” at isinusog pa: “Palibhasa’y malinaw na makikita ang pinakamalalayong bituin, masusuri ng matalas-matang teleskopyong Hubble ang nakaraan.” Ang katuwaan ay tumitindi habang hinihintay ng mga astronomo at mga nagdisenyo ang unang mga larawang ibabalik sa lupa. Ano nga ba ang nangyari?

Gaya ng nangyari, ayon sa kasabihan, ang mga sisiw ay binilang na bago pa man ito mapisa! Ang unang mga larawan ay dumating noong Mayo 1990. Sa halip na ubod nang linaw na mga larawan na inaasahan, malabong liwanag ang nakita ng sabik na mga astronomo. Si Eric Chaisson ay sumulat: “Ipinakita ng mga obserbasyong ito ang talagang nakatatakot na idea na ang umiikot na obserbatoryo ay may malaking optikal na depekto.” Ang teleskopyo ay nagkaroon ng isang di-inaasahang depekto​—isang napakaliit na pagkakamali sa isa sa dalawang nagpapaaninag na mga salamin! Ang pagkakamali ay mas manipis pa kaysa hibla ng buhok ng tao, subalit sapat na upang palabuin ang paningin. Ito’y isang malaking kabiguan.

Sino ang Nagkamali?

Ano ang nagpangyari sa magastos na mga problema ng Hubble? Si Eric Chaisson, na nagtrabaho sa proyektong Hubble, ay nagtala ng maraming dahilan sa kaniyang aklat na The Hubble Wars. Sabi niya: “Ang kapuna-punang pagkasira ng mga aparato sa Hubble ay mula sa kaso ng myopia sa inhinyeriya, isang maliwanag na hindi pagkakita ng mas malalaking larawan. Halimbawa: ang mga salamin ng teleskopyo na di-wasto ang pagkakagawa at di-sapat na nasubok ng sobrang tiwalang mga inhinyero, na walang makabuluhang teknikal o siyentipikong payo mula sa malihim na kontratista . . .  [at] ang paglalagay sa Hubble ng gamít nang mga kagamitan, gaya ng matanda nang mga gyroscope [mga gyros na nagamit na ng mga 70,000 oras bago gamitin sa teleskopyo​—‘sagad-sagad nang sinubok,’ gaya ng sabi ng isang inhinyero] at mga memory board na angkop para sa matanda nang mga sasakyang pangkalawakan.”

Nang matapos ang 2.4 na metrong pangunahing salamin ng Hubble, dapat itong subukin sa huling pagkakataon. Subalit, ayon sa The New York Times, ang mga planong ito ay tinalikdan dahil sa limitadong panahon at pinansiyal na halaga. Ang yumaong Dr. Roderic Scott, noo’y punong siyentipiko para sa kompanya ng optikal na pananaliksik na gumawa ng salamin, ay humiling ng higit pang mga pagsubok. Ang kaniyang mga payo ay niwalang-bahala. Kaya nga, ang HST na nasa malayong kalawakan ay nakapaghatid lamang ng malabong mga larawan.

Ang opinyon ni Chaisson ay: “Marahil ang sasakyang pangkalawakan at ang laksa-laksang mga bahagi nito [kasali na ang mahigit na 400,000 bahagi at 42,000 kilometrong mga kawad nito] at ang napakaraming umaalalay na kagamitan nito mula sa sentrong pangkalawakan sa lupa ay napakasalimuot para sa ating lubhang bagitong teknolohikal na sibilisasyon. Nang sikapin ng mga inapo ni Noe na magtayo sa sinaunang lungsod ng Babel ng isang tore na napakataas anupat ito’y aabot sa langit, ang Aklat ng Genesis ay nagsasabi sa atin na pinarusahan sila ng Diyos dahil sa kanilang kapangahasan. Marahil ang hindi gaanong masalimuot na teleskopyong pangkalawakan​—isang mas mahusay, makabagong kagamitan​—ay baka hindi gaanong pinagwikaan.” Sabi pa ni Chaisson: “Ang malaganap na idea na ang siyentipikong paraan ay walang kinikilingan at makatuwiran, na ang mga siyentipiko ay at laging walang damdaming makatao sa paraan ng kanilang paggawa, ay katawa-tawa. Ang pagsisikap ng siyensiya ngayon ay apektado ng mga pamantayan ng mga taong nasasangkot na gaya ng maraming bagay sa buhay.” Ayon kay Chaisson, ang ambisyon at paninibugho ay naging mga salik sa pagkasira ng Hubble.

Nabigo ang mga Pag-asa

Ang pagrerepaso sa ilang ulong-balita sa media ay naglalarawan sa madulang mga pangyayari na nakapaligid sa mahaba’t detalyadong ulat ng pagkasira ng Hubble. “Pumailanglang ang Sasakyang Pangkalawakan sa Taas na 615 Kilometro, Dala ang Teleskopyo at Isang Pangarap,” sabi ng isang pahayagan. Ang Scientific American ay nagsabi: “Pamana ng Hubble​—Naglulunsad ang Teleskopyong Pangkalawakan ng Isang Bagong Panahon sa Astronomiya.” Noong Hulyo 1990, kinailangang baguhin ng Time ang taya nito, na sinasabi: “Malungkot na Hinaharap Para sa Kilalang Siyensiya​—Naparam ang Pag-asa ng Sasakyang Pangkalawakan ng NASA [National Aeronautics and Space Administration], at ang Hubble ay Nagkaproblema sa Paningin.” Ipinaliwanag ng magasing Science ang problema sa mas makatuwirang pananalita: “Sinurbey ng mga Astronomo ang Pinsala ng Hubble​—Bihirang ang Napakaliit na Pagkakamali ay Nagpangyari ng Napakalaking Gulo—​Ngunit sa Isang $1.6-Bilyon na Teleskopyo, Lumikha ang Napakaliit na Pagkakamali ng Malaking Problema.” Ang magasin ding iyon ay nag-ulat noong Disyembre 1990: “Ang Labis na Pagtitiwala sa Sarili ng Hubble: Isang Kaso ng ‘Tiyak’ na Pagkabulag.” Sinabi nito: “Ang kapaha-pahamak na depekto sa salamin ng Hubble Space Telescope ay bunga ng kawalang-ingat sa bahagi ng maraming tao, hinuha ng pangwakas na report ng hurado ng NASA na nagsagawa ng imbestigasyon.”

Subalit, hindi naman nawalang kabuluhan ang lahat. Noong Marso 1992, ang magasing Smithsonian ay nag-ulat: “Napakagandang mga Larawan Mula sa May Depektong Teleskopyo sa Kalawakan.” Sabi nito: “Bagaman ang marami sa mga gawain nito ay patuloy na malubhang napinsala, gayunman ang teleskopyo ay nagbibigay ng napakaraming mahalagang impormasyon sa mga astronomo. . . . Ito’y nagdulot ng mga sorpresa, gaya ng bilugang mga kumpol ng bituin (dating ipinalalagay na kabilang sa pinakamatandang kayarian sa Sansinukob) na tila namumukadkad sa kagandahan; sinuri nito ang sentro ng isang malayong galaksi upang tiyakin ang teoriya na ang mga black hole na kumakain ng bituin ay nasa gitna ng galaksi.”b

“Ang Misyon ng NASA na Magtagumpay sa Anumang Paraan”

Pagkatapos, noong Nobyembre 1993, dumating ang ulong-balita sa Science News na hinihintay ng mga siyentipiko at mga astronomo: “Ang Malaking Pag-aayos​—Sinisikap Kumpunihin ng NASA ang Hubble Space Telescope.” Ayon sa New Scientist, ito’y nagsasangkot ng “pinakaambisyosong misyon ng pagkukumpuni sa kasaysayan ng paglipad sa kalawakan.” Kailangang makuhang muli ng pangkat ng pitong astronaut ang HST at kumpunihin ito sa kanilang cargo bay doon sa kalawakan. Ito ay tinawag na “Misyon ng NASA na Magtagumpay sa Anumang Paraan” at isang “Pakikipagtipan sa Tadhana.” Ito ba’y nagtagumpay?

Sinabi ng direktor ng paglipad na si Milt Heflin sa Newsweek: ‘Kumilos kami nang husto upang magtagumpay sa pagkumpuni sa teleskopyo.’ Ang mga optalmologong astronaut ay nakapagsagawa ng isang matagumpay na siyentipikong paraan​—sa limang ulit na paglalakad sa kalawakan (space walk), inayos nila ang mga salamin ng HST at naglagay ng isang bagong kamera na kasinlaki ng isang piyano! Tatlong taon bago sila makapunta roon upang palitan ang may depektong mga elemento at ikabit ang tamang mga salamin. Subalit ito’y isang magastos na pag-aayos ng mga salamin. Ayon sa isang babasahin, ang operasyon sa pagkumpuni upang ayusin ang mga lente ay nagkakahalaga ng $263 milyon!

Ang drama ay umabot sa sukdulan nito noong Enero 1994 na may mga ulong-balita na gaya ng “Ang Teleskopyong Hubble ay Hindi Na Myopic” at “Ang Hubble sa Wakas ay Nakakukuha ng Kaayaayang Tanawin.” Ang magasing Astronomy ay nagpahayag: “Ang Hubble​—Mas Mabuti Kaysa Bago.” Iniulat nito ang mga reaksiyon ng mga astronomo sa Space Telescope Science Institute nang dumating ang unang mga larawan: “Lubusang Hindi Kapani-paniwala.” “Ang unang mga larawang ipinadala ay nagdulot ng malaking katuwaan sa amin.” “Ang Hubble ay naayos nang higit pa sa aming inaasahan,” masayang nasabi ni Dr. Edward J. Weiler, ang punong siyentipiko ng proyekto.

Anu-ano ang Pakinabang?

Ang pagwawasto sa mga salamin ay agad na pinakinabangan. Noong Hunyo 1994, ang Time ay nag-ulat na ang HST ay nakatuklas ng matibay na ebidensiya upang suportahan ang pag-iral ng mga black hole. Ipinahayag ng NASA na natuklasan nito ang isang “hugis-bilog na ulap ng gas na umiikot sa nakalilitong 1.9 na milyong kilometro sa isang oras.” Ito’y halos 50 milyong light-years ang layo at nasa gitna ng galaksi M87. Ito’y sinasabing binubuo ng mula dalawang bilyon hanggang tatlong bilyong bituin na sinlaki ng ating araw ngunit siksik sa kalawakan na sinlaki ng ating sistema solar! Tinataya ng mga siyentipiko na ang bilog na gas ay may temperatura na 10,000 digri Celsius. Ang tanging paliwanag lamang sa kababalaghang ito ay ang di-kapani-paniwalang puwersa ng grabidad ng isang pagkalaki-laking black hole kung saan umiikot ang bilog na ito.

Ang Hubble ay nagbigay rin ng ekselenteng mga larawan ng kometang Shoemaker-Levy 9 habang ito’y patungo sa sariling-pagkawasak na landasin nito tungo sa Jupiter, kung saan ito nagkapira-piraso noong Hulyo 1994. Ang larawan na ipinadadala ng HST tungkol sa mga galaksi ay napakalinaw anupat isang siyentipiko ang nagsabi tungkol sa trabahong pagkukumpuni: “Isang maliit na pagpapalit ng salamin, isang malaking pagsulong para sa astronomiya.” Ngayon, ayon sa Scientific American, “ang Hubble ay may kakayahan ng di-kukulanging 10 ulit na mas mahusay kaysa anumang kagamitang nasa lupa, anupat nakikita nitong malinaw ang lahat ng kalawakan na 1,000 ulit na mas malaki [kaysa ibang teleskopyo].”

Ginagawa ng Hubble na baguhin ng mga teorista ang ilan sa kanilang mga idea tungkol sa edad ng sansinukob. Sa katunayan, naengkuwentro nila ang isang kabalighuan habang ang mga bagay ay nauunawaan sa kasalukuyan. Ang pinakabagong ebidensiya na ibinigay ng HST ay naglalaan, ayon sa manunulat sa siyensiya ng New York Times na si Wilford, ng “matibay na ebidensiya na ang sansinukob ay maaaring mas bata kaysa dating tantiya ng mga siyentipiko. Maaaring ito ay wala pang 8 bilyong taóng gulang,” kung ihahambing sa dating tantiya na hanggang 20 bilyong taon. Ang problema ay na “ang ilang bituin ay mapaniniwalaang 16 na bilyong taóng gulang.” Hindi kataka-taka na, gaya ng sabi niya, “ang sansinukob ay waring nakalilito sa mga kosmologo habang natutuklasan nila ang kahanga-hangang mga bagay tungkol sa sansinukob, isinisiwalat ang nakalulungkot na mga limitasyon ng kanilang kaalaman.” Sabi pa niya: “Dapat tanggapin niyaong tumatanggap sa sansinukob bilang isang larangan ng pag-aaral na kahit na taglay ang lahat ng kanilang katalinuhan at kahusayan, marami sa ultimong mga kasagutan ay mananatiling hindi maaabot.”

Dapat matutuhan ng tao ang pagpapakumbaba na itinuro kay Job nang tanungin siya ni Jehova mula sa ipu-ipo: “Matatali mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan mo ba ang tali ng mga bituin na Orion? Magagabayan mo ba ang bituin sa umaga sa kanilang kapanahunan at mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na Oso kasama ang kaniyang mga anak? Nauunawaan mo ba ang mga batas ng kalangitan?”​—Job 38:31-33, The Jerusalem Bible.

Ano Kaya ang Kinabukasan?

Ang teleskopyong Hubble ay nangangako ng higit na mga pagsisiwalat para sa malapit na hinaharap. Isang astronomo ang sumulat: “Sa pamamagitan ng Hubble Space Telescope, makikita natin ang mga hugis ng maraming galaksi sa palibot ng kapaligiran ng mga quasar [ang pinagmumulan ng quasi-stellar radio, ang pinakamaliwanag na mga bagay sa sansinukob].” Kung tungkol sa pag-unawa sa pinagmulan ng mga galaksi, si Richard Ellis ng University of Cambridge, Inglatera, ay nagsasabi: “Tayo’y papasók na sa kapana-panabik na panahon.”

Ang pagkausyoso ng tao ay patuloy na mag-uudyok sa pananaliksik para sa kaalaman tungkol sa sansinukob, sa pasimula nito at sa layunin nito. Ang kaalamang iyon ay dapat pumukaw sa ating mga puso ng pagpipitagan sa Maylikha ng malawak na sansinukob, ang Diyos na Jehova, na nagsabi: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.”​—Isaias 40:26; Awit 147:4.

[Mga talababa]

a Bakit ito tinawag na teleskopyong Hubble? Ito’y ipinangalan sa kilalang Amerikanong astronomo na si Edwin Powell Hubble (1889-1953) na nagbigay sa mga siyentipiko ng higit na pang-unawa tungkol sa nakikilala ngayong mga galaksi. Ano ba ang hitsura nito? Ang teleskopyo sa kalawakan ay halos kasinlaki ng isang tangke na pandaang-bakal na nagdadala ng petrolyo o ng isang apat na palapag na gusali, mga 13 metro ang haba, 4 na metro ang diyametro at tumitimbang ng mahigit 12 tonelada sa paglunsad.

b Ang mga black hole ay ipinalalagay na mga rehiyon ng kalawakan kung saan ang isang bituin o mga bituin ay bumagsak at “kung saan ang mga puwersa ng grabitasyon ay naging napakatindi anupat hinahadlangan nila ang pagtakas ng kahit katiting na bagay na kumikilos sa bilis ng liwanag [300,000 kilometro por segundo].” Kaya nga, “walang liwanag, bagay o hudyat ng anumang uri ang makatatakas.”​—The International Encyclopedia of Astronomy.

[Dayagram/Larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

A: Pangunahing salamin

B: Pangalawang salamin

C: Apat na gyroscope, ginamit upang asintahin ang teleskopyo, ay inilagay

D: Pinalitan ang nasirang solar panel

E: Inilagay ang bagong wide-field/planetary na kamera

F: Ang Corrective Optics Space Telescope Axial Replacement ang siyang nagpúpunô sa may depektong salamin

G: Mga elektronik para ipuwesto ang pinalitang mga solar panel

[Larawan sa pahina 16]

Itaas kaliwa: Paningin ng HST sa galaksi M100 bago ang pagkumpuni

[Credit Line]

Kuha ng NASA

[Larawan sa pahina 17]

Itaas gitna: Paglalagay ng bagong planetaryong kamera

[Credit Line]

Kuha ng NASA

[Larawan sa pahina 17]

Itaas kanan: Paningin ng HST sa Galaksi M100 pagkatapos makumpuni

[Credit Line]

Kuha ng NASA

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Kuha ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share