Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/8 p. 17-21
  • Mula sa Hukbo ni Hitler Tungo sa Isang Ministeryo sa Espanya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Hukbo ni Hitler Tungo sa Isang Ministeryo sa Espanya
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbi-“brainwash” at Karahasan ng Nazi
  • Ang Bahagi Ko sa Digmaang Pandaigdig II
  • Nagbago Magpakailanman ang Aking Pangmalas
  • Buong-Panahong Paglilingkod sa Bethel
  • Makina ng Tren na Kusina
  • Misyonerong Paglilingkod sa Aprika at Espanya
  • Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig
    Gumising!—1995
  • Hindi Namin Itinaguyod ang Digmaan ni Hitler
    Gumising!—1994
  • Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Sa Tulong ni Jehova, Nakayanan Namin ang Pahirap ng mga Totalitaryong Rehimen
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/8 p. 17-21

Mula sa Hukbo ni Hitler Tungo sa Isang Ministeryo sa Espanya

Gaya ng pagkakalahad ni Georg Reuter

ANO ang kahulugan ng buhay? Para sa karamihan sa atin, dumarating sa ating buhay na itinatanong natin ang mahalagang tanong na iyan. Ang kamatayan sa pamilya, ang malubhang aksidente, o ang mga pinsala ng pagtanda ay maaaring pumilit sa atin na bulaybulayin ang mga bakit at dahilan ng ating pag-iral.

Sa kaso ko nangyari ito noong tag-araw ng 1930, nang ako ay anim na taóng gulang lamang. Ako’y nakatirang kasama ng aking mga magulang sa lungsod ng Essen, Alemanya. Hinding-hindi ko malilimot kung paanong ang aking masayang daigdig ay winasak nang araw na masumpungan ko ang aming mahal na kanaryo na patay sa loob ng hawla nito. ‘Bakit nangyari ito?’ tanong ko sa aking sarili. ‘Sa tuwina’y napakaganda nitong umawit.’

Magiliw kong inilagay ang patay na ibon sa isang latang walang laman at ibinaon ito sa aming hardin. Subalit hindi ko malimot ang bagay na iyon. Bagaman mga linggo at mga buwan ang lumipas, iniisip ko pa rin ang nangyari rito hanggang hindi ko na mapigil ang aking pag-uusyoso. Nagtungo ako sa hardin at hinukay ang lata. Nang buksan ko ito, nabigla ako! Wala na roon ang ibon. Ang natira lamang ay ilang buto at balahibo. Gayon na lamang ba ang buhay ng isang ibon? At kumusta naman tayo? Ano ang nangyayari sa atin pagkamatay natin?

Nang panahong iyon ang aking mga tanong ay nanatiling walang kasagutan. Subalit lingid sa kaalaman ko, katakut-takot na mga pangyayari ang nanganganinag sa abot-tanaw, mga pangyayaring gagawa sa akin na magsaliksik nang husto para sa mga kasagutan sa mga katanungang iyon noong aking kabataan.

Pagbi-“brainwash” at Karahasan ng Nazi

Mabilis na lumipas ang mga taon, at ako’y naging isang aprendis sa negosyo ng pagtatayo. Samantala, si Hitler ay naging makapangyarihan, at ang kaniyang makina sa propaganda ay tumatakbong matulin upang i-brainwash ang bayan. Ang mga tao ay magsasabi ng “Heil Hitler!” sa halip ng “Magandang umaga.” Saanman ay may mga nakauniporme: ang Jungvolk (Mga Kabataan), ang Hitler-Jugend (Kabataan ni Hitler), ang Bund Deutscher Mädchen (Liga ng mga Babaing Aleman), ang SA (Sturmabteilungen, o mararahas na pribadong hukbong Nazi), at ang SS (Schutzstaffel, o ang piling bantay ni Hitler). At tandang-tanda ko pa ang di-mabilang na mga parada, ang musika at ang tokata sa mga lansangan​—isa itong nakatutuwang panahon para sa isang mapaniwalaing kabataan.

Di-nagtagal nasumpungan ko ang aking sarili na nakikibahagi, natangay ng panlahat na kasiglahan. Ang paligid ay punô ng makabayang mga sawikain gaya ng, “Ngayon, atin ang Alemanya, bukas, atin ang buong daigdig,” at, “Ang bandila ay nangangahulugan ng higit kaysa kamatayan.” Palibhasa’y mapaniwalaing tin-edyer ako, pinaniwalaan ko ito.

Subalit kahit na noong maagang panahong iyon, may hindi magandang panig ang rehimeng Nazi. Isang umaga ng Nobyembre 1938, nakita ko ang isang sinagogang Judio na nasusunog. Kataka-taka, may mga bomberong nakatayo sa paligid, subalit hindi sila kumilos upang patayin ang apoy. Nang araw ding iyon ang pangunahing pamilihan ay punô ng basag na salamin. Ang mga tindahang Judio ay dinambong at sinira noong panahong iyon na nang maglao’y tinawag na Kristallnacht (Gabi ng Kristal). Ang mga kilos na ito ay isinaayos ng SS bilang “sabay-sabay na mga demonstrasyon” ng popular na protesta laban sa mga Judio. Ang pagkapoot sa mga Judio ay ipinangangaral sa lahat ng dako.

Ang Bahagi Ko sa Digmaang Pandaigdig II

Nang ako’y 16 anyos, narinig ko ang masamang pahayag sa radyo noong Setyembre 1, 1939: Tinawid ng mga hukbong Aleman ang Polakong hangganan. Ang pagsalakay sa Poland ay nagsimula na, at sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II.

Nang matapos ang aking pagiging aprendis, pumasok ako sa hukbong Aleman. Pagkaraan ng aking panimulang pagsasanay, ako’y ipinadala sa Poland kung saan nasaksihan ko ang pagsunog sa mga tirahang Judio sa Warsaw. Nakita ko ang mga tren na punô ng kalunus-lunos na mga tao, patungo sa nakatatakot na mga kampong piitan. Para bang may isang bagay na napakasama, subalit inalis ko ang aking mga alinlangan. Nagtitiwala pa rin ako sa hindi nagkakamaling karunungan ng Führer.

Di-nagtagal pagkaraang masalakay ang Unyong Sobyet, ako’y ipinadala sa rehiyon ng Caucasus. Kay lungkot makita ang gayong magandang lugar na tigmak ng dugo ng digmaan! Saka dumating ang nakatatakot na taglamig ng 1942-43, kung saan ang hukbong Aleman ay ganap na hindi handa. Hindi nga namin mailibing ang aming patay na mga kasama sa nagyelong putik. Ang taglamig na iyon ang nagtanda ng wakas ng aming pag-abante​—ang digmaan sa Stalingrad ay natalo, nalupig ang buong hukbo. Bagaman inilarawan ng propaganda ni Hitler ang aming pag-urong bilang isang pagtatatag ng “matibay na mga hangganan,” kaming mga sundalo ay basta nagnanais na makauwi hangga’t maaari. Ang malulupit na katotohanang iyon ng digmaan sa wakas ay kumumbinsi sa akin na ang dakilang mga pangarap ni Hitler ay wala kundi mababaw na pagkukunwari.

Noong pag-urong mula sa U.S.S.R., ako’y tinamaan ng shrapnel. Nagkaroon ako ng malubhang sugat sa aking dibdib, at ako’y dinala sa isang ospital ng militar. Doon, nakaharap ko ang nakapangingilabot na bunga ng digmaan: ang mga sundalong putol ang katawan, ang kawalan ng pag-asa, at ang miserableng kawalang-saysay ng lahat ng ito. Ang aking isip ay nagbalik sa namatay na kanaryo. May kaibhan nga ba sa pagitan ng mga tao at mga hayop?

Isa ako sa mga mapalad. Gumaling ako mula sa aking mga kapinsalaan at nakalabas din ako sa digmaan na buháy. Sa pagtatapos ng digmaan, ako’y ipinadala sa isang Pranses na kampo ng mga bilanggo-ng-digmaan, subalit sa wakas ako ay nakabalik sa aking pamilya, na pawang naligtasan ang katakut-takot na mga taóng iyon.

Nagbago Magpakailanman ang Aking Pangmalas

Noong matagal na panahong wala ako, ang aking mga magulang at kapatid na lalaki ay naging mga Saksi ni Jehova, kaya hindi nagtagal kami’y abalang-abala sa mahahabang usapan tungkol sa relihiyon. Hindi ako makapaniwala sa isang Diyos na magpapahintulot ng labis na kabalakyutan at paghihirap. Kaming mga sundalong Aleman ay nagsuot ng sinturon na may hibilyang nakasulat ang “Kasama namin ang Diyos.” Subalit nasaan, tanong ko, ang Diyos nang kami’y naghihirap at naghihingalo? Tiniyak sa amin ng klero na si Hitler ay isang kaloob buhat sa Diyos, ngunit dahil sa kaniya ang aming bansa ay nasa kaguhuan.

Ginagamit ang Bibliya na saligan ng kaniyang paliwanag, matiyagang ipinakita sa akin ng aking tatay kung bakit tayo ay nabubuhay sa mahirap na mga panahon. Tinulungan niya akong maunawaan na hindi itinataguyod ng Diyos ang alinman panig sa mga digmaan ng tao at na di na magtatagal Kaniyang “pinatitigil ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Awit 46:9) Ipinakita niya sa akin mula sa Kasulatan na kung ang kamatayan ang pag-uusapan, “ang tao ay hindi nakahihigit sa hayop.”​—Eclesiastes 3:19.

Nang sumunod na Linggo, inanyayahan ako ng aking mga magulang na sumama sa kanila sa isang pahayag pangmadla na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova. Hinding-hindi ko malilimot ang araw na iyon. Ang pulong ay ginanap sa isang paaralan kung saan ang maliliit na bangko ay nagsilbing mga upuan. Wala akong balak na bumalik sa paaralan, gayunman narito ako, nakaupo na ang aking mahahabang paa ay nasa ilalim ng isa sa maliliit na bangkong iyon. Subalit ang pahayag na iniharap ay kawili-wili anupa’t nalimutan ko ang aking hirap. Nang sumunod na oras, napansin ko na ang lahat ng tagapakinig ay masigasig na nakikibahagi sa pagsasaalang-alang ng isang paksa sa Bibliya, sinasagot ang mga tanong na ibinabangon ng tagapanguna sa pulong.

Pagkatapos ng pulong, marami sa naroroon ang lumapit upang batiin ako. Ang kanilang taimtim na pakikipagkaibigan ay lumipos sa akin. Ako’y malakas manigarilyo, kaya ang bagay na walang naninigarilyo ay nakatawag agad ng pansin ko.

Mula noon, nagtungo ako sa lahat ng mga pulong ng mga Saksi at nagkokomento pa nga ako. Sa wakas, ang mga bagay ay nagliliwanag sa akin. Natalos ko na ang Diyos ay hindi dapat sisihin sa lahat ng pagbububo ng dugo noong Digmaang Pandaigdig II. Nalaman ko na layunin niyang magtatag ng isang pambuong-daigdig na paraiso na may walang-hanggang pagpapala para sa masunuring sangkatauhan. At may dako para sa akin sa layunin na iyon ng Diyos kung nais ko.

Tiyak na ito’y isang mensahe na dapat ipahayag. Ipinagmalaki ni Hitler ang tungkol sa kaniyang “Sanlibong-Taóng Reich” subalit siya’y nagpuno lamang ng 12 taon​—at anong kalagim-lagim na bunga! Si Kristo sa halip na si Hitler, o ang sinumang pinunong tao, ang maaari at magtatatag ng sanlibong-taóng paghahari sa lupa, pagkatapos alisin ang lahat ng anyo ng kabalakyutan na kasalukuyang nagpapahirap sa tao.​—Apocalipsis 20:4.

Ang kahanga-hangang pag-asang iyon ay nakabighani sa akin, at hindi ako makapaghintay na sabihin sa aking mga kaibigan ang tungkol sa mga bagay na ito. Sa wakas nasumpungan ko ang tunay na kahulugan ng buhay. Mangyari pa, dapat ko munang ihinto ang paninigarilyo, isang bagay na hindi madali para sa akin. Subalit nagtakda ako ng araw, at mula nang araw na iyon patuloy, hindi ko na pinarumi ang aking sarili sa pamamagitan ng tabako. Natanto ko na bilang isang ministro ng Diyos, kailangang ako’y maging malinis buhat sa “bawat karumihan ng laman at espiritu.”​—2 Corinto 7:1.

Buong-Panahong Paglilingkod sa Bethel

Pagkatapos ng aking pag-aalay at bautismo, sinimulan ko agad na maglingkod bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, kasama ng aking kapatid na lalaki. Tinatapos namin ang aming sekular na trabaho sa tanghali, at saka kami maglalakbay sakay ng bisikleta sa lugar na pinangangaralan namin. Bagaman wala kaming anumang literatura noong mga panahong iyong pagkatapos ng digmaan, pinangalagaan namin nang husto ang interes na nasusumpungan namin, nag-iiwan ng mga magasin, aklat, o mga brosyur nang pansamantala upang ang hangga’t maaari’y maraming tao ay makinabang sa mensahe. Subalit di-nagtagal ang kalagayang ito ay magbabago.

Si Brother Nathan H. Knorr, na noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, ay kadadalaw lamang sa Alemanya at nakita niya ang pangangailangan para sa higit pang literatura. Di-nagtagal dumating ang unang padala mula sa Brooklyn, na nangangahulugan ng karagdagang trabaho sa tanggapang sangay sa Alemanya sa pamamahagi ng literaturang ito sa lahat ng mga kongregasyon. Isang araw kami ng kapatid kong lalaki ay tumanggap ng isang telegrama na nagsasabi: “Pumarito kayo agad sa Bible House [Bethel].”

Natatandaan kong sinabi ko sa aking kapatid na lalaki na ang gayong atas ay tiyak na magbibigay sa amin ng pagkakataon na pag-aralan ang Bibliya halos sa buong araw. Subalit ang gayong maling pang-unawa tungkol sa Bathel ay agad na naalis nang kami’y sabihan pagdating namin: “Kailangan namin ang isang tao sa palimbagan at isa pa sa Shipping Department! Kaya pakisuyong pag-isipan ito, at saka magpasiya kung sino ang magboboluntaryo sa aling trabaho.” Ako’y napunta sa Shipping Department, at ang aking kapatid ay sa palimbagan.

Noong abalang mga panahong iyon, ang aming pagbabasa ng Bibliya ay totoong limitado. Kung minsan kami’y magtatrabaho sa buong araw upang maipadala ang lahat ng literatura sa mga kongregasyon na nasa panahon. Gayumpaman, ang pakikisama sa tapat na mga kapatid, gaya nina Erich Frost, Konrad Franke, at August Peters, na pawang gumugol ng maraming taon sa mga kampong piitan, ay nakatulong nang malaki sa aming espirituwal na paglaki.

Sa departamentong pinaglilingkuran ko, may isang kabataang sister, si Magdalena Kusserow. Siya’y nagtiis ng apat na taon sa isang kampong piitan dahil sa pagtangging sumaludo ng “Heil Hitler!” samantalang ako ay ipinadala sa isang Pranses na kampo para sa mga bilanggo-ng-digmaan dahil sa pakikipagbaka ko alang-alang sa mithiing iyon. Gayumpaman, ang katotohanan ng Salita ng Diyos ang nagpalapit sa amin sa isa’t isa. Mayroon kaming magkatulad na mga tunguhin, at kami’y nagpasiyang nais naming maglingkod sa Diyos na magkasama.a

Makina ng Tren na Kusina

Pagkatapos ng aming kasal, sabik na sabik kaming magpatuloy sa buong-panahong paglilingkod, yamang nalalaman namin na napakaraming dapat gawin. At kami’y pinagpala ng maraming kawili-wiling mga atas. Halimbawa, noong 1951, ako ay naatasang pangasiwaan ang Departamento ng Kapiterya para sa tatlong-araw na kombensiyon sa Frankfurt am Main, kung saan plano naming pakanin ang mga 35,000 delegado.

Sa unahan namin ay isang nakatatakot na atas​—maglaan, taglay ang kakaunting gamit, ng mainit na pagkain para sa gayon kalaking bilang. Subalit naisip namin ang ideya na paggamit ng 51 malalaking kaldero, na maaaring painitin sa pamamagitan ng isang makina ng tren na pinatatakbo ng singaw. Saan kami makakakita ng makina ng tren? Sa wakas ay nakumbinse namin ang kompaniya ng tren na ipahiram sa amin ang isa sa kanilang mga makina, at isang kompaniya sa Frankfurt ang gumawa ng mababang-presyon na mga balbula para sa amin. Nangangahulugan ito na ang makina ng tren ay makatutustos ng singaw na tamang-tama lamang para sa pagluluto.

Anong laking ginhawa para sa aming lahat nang subukin namin ito isang araw bago ang kombensiyon at ito’y napatunayang isang malaking tagumpay! May malawak na mga report sa pahayagan na inilalarawan ang “bagong imbensiyong” ito para sa lansakang pagpapakain, kasama ng mga litrato ng aming kusina at ang makina ng tren. Kaya, maraming pabor na publisidad ang ibinigay sa “Malinis na Pagsambang” asamblea, kung saan ang dumalo ay sa wakas umabot ng mahigit 47,000.

Samantalang nasa asambleang iyon, tumanggap ako ng paanyaya na maglingkod bilang isang naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watch Tower. Kasama ng aking asawa, ako’y unang naglingkod sa gawaing pansirkito, dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon linggu-linggo, at saka sa gawaing pandistrito, dinadalaw ang lahat ng mga sirkito sa mga asamblea. Anong laking pribilehiyo na maglingkod na kasama ng mga kapatid na gaya nina Martin Poetzinger (na nang maglao’y naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova), H. Dickmann, at R. Kelsey. Marami kaming natutuhan mula sa maygulang na mga kapatid na ito. Ang bawat araw na ginugol na kasama nila ay naging isang pagpapala sapagkat ang bawat isa ay may kakaibang kaloob na ibabahagi.

Misyonerong Paglilingkod sa Aprika at Espanya

Noong 1961, ako ay nagkapribilehiyong dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead sa Brooklyn, New York, sa isang klase na binubuo ng mga kapatid na lalaki at na tumagal ng sampung buwan. Noong panahong iyon, ang aking asawa, na hindi makasama sa akin, ay nanatili sa Alemanya. Bagaman magkahiwalay, kami’y nagpalitan ng aming mga karanasan sa aming madalas na mga liham, kaya mabilis na lumipas ang panahon.

Ang aming atas misyonero ay sa Togo, isang maliit na bansa sa Kanlurang Aprika. Doon kailangan naming mag-aral ng isang bagong wika, ang Ewe, upang maabot namin ang mga puso ng mga tao sa bansang iyon. Sulit naman ang pagsisikap. Sa mapagpatuloy na mga tao sa Togo, ang sinumang dayuhan ay isang kaibigan, subalit kung siya ay nagsasalita ng kanilang wika, itinuturing nila siya na kanilang kapatid.

Di-nagluwat pagdating namin sa Togo, ako’y nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang kabataang Aprikanong nagngangalang Abraham, na nagsasalita ng Ingles. Hindi nagtagal siya ay sumasama na sa akin sa gawaing pangangaral, at siya’y naging isang mahalagang katulong ko upang ipaliwanag ang mensahe ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Ewe.

Ginamit naming mainam ang aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso, na naglalaman ng maraming larawan at mainam sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, ang ilang mga ideya ay mahirap maunawaan ng mga tagabukid. Paano nila mauunawaan ang bilang na 144,000 na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 7, yamang pamilyar sila sa mga barya lamang na 25, 50, o, ang pinakamalaki, ay 100 francs? Ang aking kasama ay magaling sa paggamit ng kaniyang mga daliri, at kung kinakailangan pati na ang kaniyang mga daliri sa paa, upang mapagtagumpayan ang problemang ito. At sa iba pang okasyon, gumagawa pa kami ng mga guhit sa buhangin.

Lungkot na lungkot kami nang, dahil sa mga suliranin sa kalusugan, kami ay kailangang magbalik sa Europa, una muna sa Luxembourg at pagkatapos ay sa Alemanya. Subalit ang espiritu ng pagmimisyonero ay nasa aming mga puso pa rin, at pagkaraan ng ilang panahon, naisip namin ang paglilingkod kung saan may malaking pangangailangan​—sa Espanya.

Pagkatapos mag-aral ng isa pang wika, kami muli ay nagkapribilehiyong maglingkod sa ating espirituwal na mga kapatid sa gawaing pansirkito, at gumugol kami ng isang taon sa lugar ng konstruksiyon sa bagong Tahanang Bethel malapit sa Madrid. Ito ay talagang kasiya-siya sa amin ni Magdalena na maglingkod dito sa Espanya. Bagaman wala kaming lakas na taglay namin noon, ang aming buhay ay makahulugan dahil patuloy kaming natututo, at patuloy naming ibinabahagi sa iba ang aming natututuhan.

Nililingon ang nakaraan, masasabi ko na ang aking paghahanap sa kahulugan ng buhay ay lubhang pinagpala. Nakita ko ang kamalian ng pagtitiwala sa mga taong gaya ni Hitler, at minsang nalaman ko ang katotohanan ng Bibliya, inialay ko ang aking sarili sa Diyos. Anong laking kasiyahan ang dulot niyan sa akin! Ngayon alam ko na ang aking kinabukasan ay hindi gaya niyaong patay na kanaryo. Mayroon akong pag-asa ng isang makahulugang buhay na hindi magwawakas!​—Apocalipsis 21:​1-4.

[Talababa]

a Ang kasaysayan ni Magdalena Kusserow Reuter ay lumilitaw sa Setyembre 1, 1985, na labas ng The Watchtower.

[Larawan sa pahina 18]

Sina Georg at Magdalena Reuter sa Espanya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share