Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/22 p. 11-14
  • Bahagi 4—“Kaming mga Mamamayan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bahagi 4—“Kaming mga Mamamayan”
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nahigitan ng Demokrasya ang Simula Nito
  • Mga Republika
  • Pinakamabuti Lamang Kung Ihahambing?
  • Patungo sa Wakas Nito?
  • Mga Pamahalaan—Bakit Kailangan?
    Gumising!—1985
  • Nagwagi ba ang Kasamaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Bahagi 8—Ang Pulitikal na Halo ng Bakal at Putik
    Gumising!—1990
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/22 p. 11-14

Tinimbang ang Pamamahala ng Tao

Bahagi 4​—“Kaming mga Mamamayan”

Demokrasya: Gobyerno ng mga tao, isinasagawa nang tuwiran o sa pamamagitan ng inihalal na mga kinatawan.

“KAMING MGA MAMAMAYAN ng Estados Unidos . . . ay nag-uutos at nagtitibay sa Konstitusyong ito.” Ang panimulang mga salitang ito ng Konstitusyon ng E.U. ay angkop, yamang nilayon ng mga amang nagtatag sa Estados Unidos na ito’y maging isang demokrasya. Isang salitang galing sa Griego, ang “demokrasya” ay nangangahulugang “pamumuno ng mga tao,” o gaya ng pagpapakahulugan dito ni Abraham Lincoln, ang ika-16 na presidente ng Estados Unidos: “gobyerno ng mga tao, sa pamamagitan ng tao, para sa mga tao.”

Ipinagmamalaki ng sinaunang Gresya, na kadalasang tinatawag na duyan ng demokrasya, na ang demokrasya ay isinasagawa sa mga estadong-lungsod nito, lalo na sa Atenas, noon pang ikalimang siglo B.C.E. Subalit ang demokrasya noon ay hindi gaya ng demokrasya ngayon. Sa isang bagay, ang mga mamamayang Griego ay mas tuwirang nasasangkot sa paraan ng pamumuno. Ang bawat lalaking mamamayan ay kabilang sa isang kapulungan na nagtitipon sa buong taon upang talakayin ang kasalukuyang mga problema. Sa pamamagitan ng simpleng boto ng nakararami, tinitiyak ng kapulungan ang pulitika ng estadong-lungsod, o polis.

Gayunman, ang mga babae, alipin, at mga dayuhang residente ay hindi nagtatamasa ng pulitikal na mga karapatan. Kaya, ang demokrasya ng Atenas ay isang aristokratikong anyo ng demokrasya para lamang sa ilang may pantanging karapatan. Kalahati hanggang apat na kalima ng populasyon ang malamang na wala man lamang tinig sa mga bagay na may kaugnayan sa pulitika.

Gayumpaman, ang kaayusang ito ay nagtataguyod ng kalayaan ng pagsasalita, yamang ang mga botanteng mamamayan ay pinagkakalooban ng karapatang ipahayag ang kanilang mga opinyon bago gawin ang mga pasiya. Ang pulitikal na mga tungkulin ay bukás sa lahat ng lalaking mamamayan, hindi natatakdaan sa ilang maharlika. Isang sistema ng pangangasiwa ang idinisenyo upang hadlangan ang maling paggamit ng pulitikal na kapangyarihan sa bahagi ng mga indibiduwal o ng mga grupo.

“Ipinagmamalaki ng mga taga-Atenas mismo ang kanilang demokrasya,” sabi ng mananalaysay na si D. B. Heater. “Naniniwala silang ito’y isang hakbang na mas malapit kaysa mapagpipiliang monarkiya o aristokrasya sa pinakasukdulan at sakdal na buhay.” Maliwanag na mahusay ang simula ng demokrasya.

Nahigitan ng Demokrasya ang Simula Nito

Maliban sa isinasagawang mga pulong ng bayan sa maliit na bahagi sa New England, E.U.A., at sa limitadong lawak sa ilang estado ng Switzerland, ang tuwiran, o purong, demokrasya ay hindi na umiiral. Kung isasaalang-alang ang laki ng modernong mga estado at ang milyun-milyon nitong mamamayan, ang pamamahala sa ganitong paraan ay teknikal na imposible. Isa pa, ilang mamamayan sa abalang daigdig ngayon ang may kinakailangang panahon upang ilaan ang kanilang sarili sa maraming oras ng pulitikal na debate?

Ang demokrasya ay lumaki tungo sa isang kontrobersiyal na adulto​—isa na may ilang mukha. Gaya ng paliwanag ng magasing Time: “Imposibleng hatiin ang daigdig sa malinaw na demokratiko at hindi demokratikong bloke. Sa loob ng tinatawag na mga demokrasya, may iba’t ibang indibiduwal na kalayaan, pluralismo at mga karapatang pantao, kung paanong may iba’t ibang antas ng pagpipigil sa loob ng diktadura.” Gayunman, inaasahan ng karamihan na makasumpong ng ilang mahalagang bagay sa ilalim ng mga gobyernong demokratiko, mga bagay na gaya ng personal na kalayaan, pagkakapantay-pantay, paggalang sa mga karapatang pantao, at katarungan sa pamamagitan ng batas.

Ang tuwirang demokrasya noon ay naging ang kinatawang demokrasya ngayon. Ang mga lupong tagapagbatas, alin sa isahang kapulungan, yaon ay, may isang kapulungan o kamara, o dalawang kapulungan, may dalawang kapulungan, ay binubuo ng mga indibiduwal na inihahalal ng mga tao​—o kaya’y hinirang​—upang katawanin sila at gumawa ng mga batas, para sa kanilang pakinabang.

Ang hilig na ito tungo sa kinatawang demokrasya ay nagsimula noong Edad Medya. Noong ika-17 at ika-18 siglo, ang ika-13 siglong mga institusyon, gaya ng Magna Karta at ang Parlamento ng Inglatera, pati na ang pulitikal na mga teoriya tungkol sa pagkakapantay-pantay ng tao, likas na mga karapatan, at pagkasoberano ng mga tao, ay nagkaroon ng higit na kahulugan.

Noong ikalawang hati ng ika-18 siglo, ang terminong “demokrasya” ay naging panlahat na gamit, bagaman pinag-aalinlanganan. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Kahit na ang mga may-akda ng Konstitusyon ng Estados Unidos noong 1787 ay asiwa na isangkot ang mga tao sa pangkalahatan sa pulitikal na proseso. Ang isa sa kanila, si Elbridge Gerry, ay tinawag ang demokrasya na ‘ang pinakamasama sa lahat ng pulitikal na masama.’ ” Sa kabila nito, ang mga lalaking gaya ng Ingles na si John Locke ay patuloy na nangatuwiran na ang gobyerno ay nakasalalay sa pahintulot ng mga tao, na ang likas na mga karapatan ay lubhang sagrado.

Mga Republika

Maraming demokrasya ay mga republika, ang ibig sabihin ay mga gobyerno na may isang pinuno ng estado maliban sa isang monarkiya, ngayo’y karaniwang isang presidente. Ang isa sa unang republika ng daigdig ay ang sinaunang Roma, bagaman ang demokrasya nito ay sinasabing limitado. Gayumpaman, ang bahagyang demokratikong republika ay tumagal ng mahigit na 400 taon bago nagbigay-daan sa isang monarkiya at sa Imperyong Romano.

Ang mga republika ang kasalukuyang pinakakaraniwang uri ng gobyerno. Sa 219 na gobyerno at internasyonal na mga organisasyon na nakatala sa isang reperensiyang aklat noong 1989, 127 ay nakatala bilang mga republika, bagaman hindi lahat ay kinatawang mga demokrasya. Sa katunayan, maraming klase ng gobyernong republika.

Ang ilang republika ay mga sistemang unitaryo, ibig sabihin, kontrolado ng isang malakas na sentrong gobyerno. Ang iba ay sistemang pederal, ibig sabihin na may umiiral na pagkakahati ng pangangasiwa sa pagitan ng dalawang antas ng gobyerno. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang Estados Unidos ng Amerika ay mayroon nitong huling-banggit na sistema na kilala bilang pederalismo. Ang pambansang gobyerno ang nangangalaga sa mga kapakanan ng bansa sa kabuuan, samantalang ang mga gobyerno ng estado ang nakikitungo sa lokal na mga pangangailangan. Sa loob ng malawak na mga terminong ito, mangyari pa, maraming pagkakaiba-iba.

Ang ibang mga republika ay nagsasagawa ng malayang mga eleksiyon. Ang kanilang mga mamamayan ay maaari ring alukan ng maraming pulitikal na mga partido at mga kandidato na pagpipilian. Ipinalalagay naman ng ibang republika ang mga eleksiyon na hindi na kailangan, ikinakatuwiran na ang demokratikong kalooban ng mga tao ay maisasagawa sa ibang paraan, gaya ng pagtataguyod ng sama-samang pagmamay-ari sa pinagmumulan ng produksiyon. Ang sinaunang Gresya ay nagsisilbing isang tagapanguna, yamang ang malayang mga pagboto ay hindi rin kilala noon. Ang mga administrador ay pinipili sa pamamagitan ng palabunutan at karaniwang pinapayagang maglingkod sa loob ng isa o dalawang isang-taong panunungkulan. Si Aristotle ay laban sa mga eleksiyon, sinasabing ipinakikila nito ang aristokratikong elemento ng pagpili ng “pinakamagaling na mga tao.” Gayunman, ang demokrasya ay dapat sanang maging isang gobyerno ng lahat ng tao, hindi lamang ng “pinakamagaling.”

Pinakamabuti Lamang Kung Ihahambing?

Kahit na sa sinaunang Atenas, ang pamamahalang demokratiko ay kontrobersiyal. Si Plato ay nag-aalinlangan. Ang pamamahalang demokratiko ay itinuturing na mahina sapagkat ito ay nasa kamay ng ignoranteng mga indibiduwal na madaling matangay ng emosyonal na mga salita ng posibleng mga lider. Ipinahiwatig ni Socrates na ang demokrasya ay wala kundi ang pamamahala ng maraming tao. At si Aristotle, ang ikatlo sa kilalang trio na ito ng sinaunang mga pilosopong Griego, ay nangatuwiran, sabi ng aklat na A History of Political Theory, na “mientras mas nagiging demokratiko ang demokrasya, lalo itong nauuwing pamahalaan ng maraming nagkakagulong tao, . . . na sumasamâ tungo sa paniniil.”

Ang iba pa ay nagpahayag ng katulad na mga agam-agam. Tinawag ni Jawaharlal Nehru, dating punong ministro ng India, ang demokrasya na mabuti, subalit idinagdag niya ang mga salitang: “Sinasabi ko ito sapagkat ang ibang mga sistema ay masahol pa.” At si William Ralph Inge, preladong Ingles at manunulat, ay minsang sumulat: “Ang demokrasya ay isang uri ng gobyerno na maaaring makatuwirang ipagtanggol, hindi bilang mabuti, kundi bilang hindi gaanong masama na gaya ng iba.”

Ang demokrasya ay may ilang kahinaan. Una, upang ito’y magtagumpay, ang mga indibiduwal ay kailangang handang unahin ang kapakanan ng nakararami kaysa kanilang sariling kapakanan. Maaaring mangahulugan ito ng pagtaguyod sa mga batas tungkol sa buwis o iba pang batas na maaaring nakayayamot sa iyo subalit kinakailangan para sa kabutihan ng bansa sa kabuuan. Ang gayong walang pag-iimbot na interes ay mahirap masumpungan, kahit na sa demokratikong mga bansang “Kristiyano.”

Ang isa pang kahinaan ay napansin ni Plato. Ayon sa A History of Political Theory, inatake niya “ang kamangmangan at kawalang kakayahan ng mga pulitiko, na siyang pantanging sumpa ng mga demokrasya.” Ikinalulungkot ng maraming propesyonal na pulitiko ang kahirapan sa paghanap ng kuwalipikado at matalinong mga tao na maglingkod sa gobyerno. Kahit na ang inihalal na mga opisyal ay maaaring mga bagito sa pulitika. At sa panahon ng telebisyon, ang kaguwapuhan o karisma ng isang kandidato ay maaaring magpanalo sa kaniya ng mga boto na hindi maaaring makuha ng kaniyang mga kakayahan sa pamamahala.

Ang isa pang maliwanag na disbentaha ng mga demokrasya ay na ito ay mabagal-kumilos. Ang isang diktador ay nagsasalita, at ang mga bagay ay agad na nagagawa! Ang pagsulong sa isang demokrasya ay maaaring pabagalin ng walang-katapusang mga debate. Mangyari pa, ang masusing pagtalakay sa kontrobersiyal na mga isyu ay maaaring magkaroon ng tiyak na mga pakinabang. Gayunman, gaya ng minsa’y sinabi ni Clement Attlee, dating punong ministro ng Britaniya: “Ang demokrasya ay nangangahulugan ng gobyerno sa pamamagitan ng talakayan subalit mabisa lamang ito kung mapahihinto mo ang mga tao sa pag-uusap.”

Kahit na naihinto na ang pag-uusap, sa anong lawak na ang mga pasiyang nagawa ay talagang kinatawan ng kung ano ang gusto ng “mga tao” ay maaaring pagtalunan. Binoboto ba ng mga kinatawan ang paniniwala ng karamihan ng kanilang mga botante o, kadalasan pa nga, ay ang kanilang sariling kagustuhan? O basta ba nila sinasang-ayunan ang opisyal na patakaran ng kanilang partido?

Ang demokratikong prinsipyo ng pagkakaroon ng isang sistema na sumusuri at kumukontrol upang hadlangan ang katiwalian ay itinuturing na isang mabuting ideya ngunit bihirang mabisa. Noong 1989 binanggit ng magasing Time ang tungkol sa “kabulukan ng gobyerno sa lahat ng antas,” tinatawag ang isang nangungunang demokratikong gobyerno na “isang bundat, walang kakayahan, walang kayang dambuhala.” Ang tagapamanihala ng isang task force na itinatag noong kalagitnaan ng 1980’s upang imbestigahan ang isa pang gobyerno ay malungkot na nagsabi: “Kakila-kilabot ang pagpapatakbo sa gobyerno.”

Dahil dito at sa maraming iba pang kadahilanan, ang demokrasya ay hindi matatawag na huwarang gobyerno. Ang maliwanag na katotohanan, gaya ng ipinakikita ni John Dryden, makatang Ingles noong ika-17 siglo, ay na “ang karamihan ay maaaring magkamali nang husto na gaya ng ilan.” Si Henry Miller, Amerikanong manunulat, ay tahasan, gayunma’y tama, nang sabihin niya: “Ang bulag ay umaakay sa bulag. Ito ang paraang demokratiko.”

Patungo sa Wakas Nito?

Ang pamamahalang demokratiko ay lubhang tinanggap sa siglong ito kaysa kailanman. Pinatutunayan ito ng pulitikal na mga kaguluhan sa Silangang Europa kamakailan. Gayumpaman, “lubhang nanganganib ngayon ang liberal na demokrasya sa daigdig,” sulat ng peryudistang si James Reston mga ilang taon na ang nakalipas. Si Daniel Moynihan ay nagbabala na “ang liberal na demokrasya ay hindi isang sumampang ideolohiya” at na “ang mga demokrasya ay tila naglalaho.” Ang Britanong mananalaysay na si Alexander Tyler ay nagsabi na ang isang demokratikong gobyerno ay hindi magtatagal magpakailanman sapagkat ito’y “laging babagsak sa maluwag na pinansiyal na patakaran.” Mangyari pa, ang kaniyang palagay ay kontrobersiyal.

Sa paano man, ang demokrasya ay isang maliwanag na pagpapatuloy ng hilig na sinimulan sa Eden, nang ang mga tao ay magpasiyang gawin ang mga bagay sa kanilang paraan, hindi sa paraan ng diyos. Ito ang sukdulan sa pamamahala ng tao, yamang sakop nito ang lahat, sa paano man sa teoriya, sa proseso ng pamamahala. Subalit ang kasabihang Latin na Vox populi, vox Dei, “ang tinig ng bayan ay tinig ng Diyos,” ay hindi totoo. Kaya, yaong sumusuporta sa demokratikong pamamahala ng tao ay dapat na handang managot sa mga gawa nito.​—Ihambing ang 1 Timoteo 5:22.

Ang bagay na ito ay lalo pang lumala sapol noong 1914. Noong mahalagang taóng iyon, ang pamamahala ng Diyos ay umiral na sa natatanging paraan. Ang Mesianikong Kaharian ng Diyos ay nakatayo na ngayon upang lubusang pamahalaan ang mga pangyayari sa daigdig. Ang lahat ng uri ng pamamahala ng tao​—pati na ang mga uring demokratiko—​ay hinahatulan. Sa lawak na indibiduwal na itinataguyod natin ang mga ito, tayo ay hinahatulan na kasama nito.​—Daniel 2:44; Apocalipsis 19:​11-21.

[Kahon sa pahina 12]

“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23

[Kahon sa pahina  14]

“May daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit ang dulo nito ay umaakay sa kamatayan.”​—Kawikaan 14:​12, “New International Version”

[Larawan sa pahina 13]

Yaong sumusuporta sa demokratikong pamamahala ng tao ay dapat na handang managot sa mga gawa nito

[Picture Credit Line sa pahina 11]

Kuha ng U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share