Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/8 p. 3-4
  • Mga Pamahalaan—Bakit Kailangan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Pamahalaan—Bakit Kailangan?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Panahon ng Naglalabang mga Ideolohiya”
  • Bahagi 7—Ang Paghahanap ng Sakdal na Kalagayan sa Pamamagitan ng Pulitika
    Gumising!—1990
  • Bahagi 4—“Kaming mga Mamamayan”
    Gumising!—1990
  • Bahagi 1b—Talaga Bang Kailangan Natin ang Gobyerno?
    Gumising!—1990
  • Ang Pinakamabuting Pamahalaan—Malapit Na!
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/8 p. 3-4

Mga Pamahalaan​—Bakit Kailangan?

SAAN ka man naroroon sa globong ito may isang bagay na pangkaraniwan sa iyo at sa lahat ng sangkatauhan​—ikaw ay sakop ng isang pamahalaan. Maaaring ikaw ay sang-ayon o hindi sa mga patakaran ng iyong pamahalaan, ngunit malamang na aaminin mo na kailangan ang pamahalaan.

Ngunit bakit? Bakit naging mahalagang bahagi ng pamumuhay ng tao ang mga pamahalaan sa loob ng libu-libong mga taon? Ano ang iba’t ibang uri ng mga pamahalaan? Anong pakinabang nito sa iyo bilang isang indibiduwal​—kahit na kapag ikaw ay hindi sang-ayon sa mga ito?

Lalo na nang sa simula’y ipasiya ng tao na mamuhay sa mga lunsod, kinailangan ang ilang anyo ng pulitikal na pamamahala. Ang pamumuhay sa lunsod ay kailangang pamahalaan para sa kapakanan ng lahat. Sa katunayan, ang ating salitang “pulitika” ay hinango sa salitang Griego para sa “lunsod,” na polis, at ang pang-uring politikos, “ng isang mamamayan.” Mangyari pa, ang pangangailangan para sa isang anyo ng pamahalaan ay kinilala ng mga lipunan na mas matanda pa kaysa sinaunang mga estadong-lunsod na Griego. Libu-libong taon na ang nakalipas, ang Sumer, Ehipto, Israel, at Babilonya ay inorganisa sa ilalim ng iba’t ibang anyo ng pamamahala.​—Exodo 18:13-27.

Gayunman, marahil sa sinaunang Gresya, kadalasa’y tinatawag na duyan ng demokrasya, na ang pulitikal na pilosopya ay naging mas malinaw na ipinahayag at ipinakilala ang bagong mga ideya. Ang mga pilosopo, gaya ni Plato at Aristotle, ay nagtalo tungkol sa mga kagalingan ng iba’t ibang pulitikal na mga sistema. Ang palagay ni Aristotle ay na ang pulitika ang siyensiya ng kaligayahang panlahat. Naniniwala siya na ang tungkulin ng estado ay magtatag ng isang lipunan para sa lubos na kaligayahan ng pinakamaraming tao. Ang pangunahing ideya na iyan ay makikita sa ilang antas sa karamihan ng mga pamahalaan yamang sila ay naglalaan ng mahalagang mga pasilidad para sa kapakinabangan ng lahat ng mamamayan: mga lansangan, edukasyon, mga sistema ng alkantarilya, pulisya, at hudikatura​—upang banggitin lamang ang ilan.

Sa loob ng libu-libong taon ang tao ay nag-eksperimento sa lahat halos ng maiisip na anyo ng pamahalaan at pulitikal na pilosopya​—mula sa mga monarkiya (ngayo’y halos hinalinhan ng mga republika) hanggang sa iba’t ibang uri ng demokrasya, (sa wari’y, pamamahala ng mga tao), at sarisaring mga oligarkiya at pagkadiktador. (Para sa kahulugan ng mga termino, tingnan ang kahon sa pahina 4.) Mula noong 1917 nakita na natin ang pagbangon ng komunismo, fascismo, at ng pambansang sosyalismo (ang Partido Nazi sa Alemanya).

“Ang Panahon ng Naglalabang mga Ideolohiya”

Ipinakikita ng karanasan sa ikadalawampung-siglo na ang sining ng pamamahala ay lubhang nasubok. Gaya ng isinulat ni Propesor Burns sa kaniyang aklat na Ideas in Conflict: “Sa lahat ng probabilidad, ang mga mananalaysay sa hinaharap ay lilingon sa ikadalawampung-siglo bilang isa sa pinakamapanganib sa mga rekord ng sangkatauhan. Walang alinlangan na mag-iimbento sila ng magandang mga pagpapakilala rito, tatawagin ito marahil na ang Panahon ng Pandaigdig na Labanan, ang Panahon ng Rebolusyon at Kontra-rebolusyon, ang Panahon ng Naglalabang mga Ideolohiya, o basta, ang Panahon ng Matinding Paghihirap.”

Subalit dapat tanggapin na walang isa mang sistema ang nakagawa ng isang pamahalaan na nakasisiya sa bawat mamamayan. Sapat na ba iyan upang sabihin na ang pulitikal na mga sistema ay nabigo? Hindi naman. Maraming tao ang may gayong mapag-imbot o makitid na pangganyak na tanging ang kanila lamang partikular na pilosopya ang makasisiya sa kanila. At iyon, kung gayon, ay maaaring hindi makalugod sa karamihan. Kaya paano nga natin masusubok upang makita kung ang anumang anyo ng pamahalaan o pulitikal na pilosopya ang tunay at ganap na kasagutan sa mga pangangailangan ng tao?

Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng isang tuntunin na maaari rin nating ikapit sa pulitika: “Ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama . . . Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” (Mateo 7:17-20) Ikapit natin ang tuntuning iyan sa pulitikal na mga sistema ng ating ika-20 siglo taglay ang pangmalas na tuntunín ang pinakakapaki-pakinabang na anyo ng pamamahala para sa lahat ng sangkatauhan.

[Kahon sa pahina 4]

Pulitika​—Ang Iba’t Ibang Anyo Nito

Ang sumusunod na mga kahulugan ay kinuha mula sa The American Heritage Dictionary of the English Language at sa Webster’s New Collegiate Dictionary (1981 na mga edisyon).

Anarkiya: Kawalan ng anumang anyo ng pulitikal na awtoridad; isang Utopianong lipunan na binubuo ng mga indibiduwal na walang pamahalaan at na nagtatamasa ng ganap na kalayaan.

Aristokrasya: Pamahalaan ng maharlika o ng pribilehiyadong minoridad o mas nakatataas na klase.

Autokrasya: Pamahalaan ng isang tao na nagtataglay ng walang-takdang kapangyarihan; despotismo.

Kapitalismo: (Mula sa “kapital,” anumang anyo ng materyal na kayamanan) Isang sistema ng kabuhayan na kakikitaan ng kalayaan ng kompetisyon sa pamilihan, nang walang kontrol ang estado, at pagtutuon ng pansin sa pribadong pagmamay-ari o pagmamay-ari ng korporasyon sa mga pamamaraan ng produksiyon at distribusyon.

Komunismo: Isang sistemang panlipunan na kakikitaan ng kawalan ng mga klase o uri at ng pagmamay-ari ng lahat sa mga pamamaraan ng produksiyon at ikinabubuhay.

Demokrasya: Pamahalaan ng mga tao, na isinasagawa nang tuwiran o sa pamamagitan ng inihalal na mga kinatawan.

Fascismo: Isang sistema ng pamahalaan na nagtataguyod o nagsasagawa ng isang pagkadiktador, karaniwang sa pamamagitan ng pagsasama ng estado at liderato ng negosyo, pati na ang ideolohiya ng nanlalaban na nasyonalismo.

Peudalismo: Isang sistemang pampulitika at pangkabuhayan na salig sa lupain na hawak ng isang basalyo o kasamá bilang paggalang at paglilingkod sa isang panginoon.

Monarkiya: Pamahalaan ng isang monarka o soberano, gaya ng isang hari o isang emperador.

Nazismo: Pambansang Sosyalismo. Ang patakaran ng pagkontrol ng estado sa kabuhayan, nasyonalismo ng lahi, at pambansang paglawak gaya ng isinagawa ng Pambansang Sosyalismo ni Hitler sa Alemanya (1933-45).

Oligarkiya: Pamahalaan ng ilan, lalo na ng isang maliit na pangkat ng mga tao o mga pamilya.

Plutokrasya: Pamahalaan ng mga mayaman.

Republika: Isang pamahalaan na may pinuno ng estado na hindi isang monarka at na sa modernong panahon ay karaniwang isang presidente.

Sosyalismo: Isang sistemang panlipunan kung saan ang mga pabrikante o mga tagagawa ay nagtataglay kapuwa ng pulitikal na kapangyarihan at mga pamamaraan ng produksiyon at pamamahagi ng mga kalakal. Sa Marxista-Leninistang teoriya, ang sosyalismo ang materyal na saligan para sa komunismo at ang kagyat na yugto sa pagitan ng kapitalismo at komunismo.

Teokrasya: Pamahalaan ng isang diyos na itinuturing bilang ang namumunong kapangyarihan o ng mga saserdote o ng mga opisyal na nag-aangking may banal na kapahintulutan.

Totalitarianismo: (a) Sentralisadong pagkontrol ng isang autokratikong kapangyarihan; (b) ang pulitikal na ideya na ang mamamayan ay dapat lubusang pasakop sa isang ganap na pamamahala ng estado.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share