Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 7—Ang Paghahanap ng Sakdal na Kalagayan sa Pamamagitan ng Pulitika
Sosyalismo: isang sistemang panlipunan na nagtataguyod sa pagmamay-ari at pagkontrol ng Estado sa paraan ng produksiyon na itinuturing ng mga komunista bilang panggitnang yugto sa pagitan ng kapitalismo at komunismo; Komunismo: sistemang panlipunan na nagtataguyod sa kawalan ng mga klase, ang pagmamay-ari ng lahat sa mga paraan ng produksiyon at ikinabubuhay, at ang karampatang pamamahagi ng mga paninda.
ANG mitolohiyang Griego ay nagsasaysay tungkol sa isang Griegong diyos na nagngangalang Cronus, na sa panahon ng kaniyang paghahari ay tinamasa ng Gresya ang ginintuang taon. “Ang lahat ay pare-pareho ang kalagayan, walang pribadong pag-aari, at ang kapayapaan at pagkakaisa ay nagharing walang tinag,” sabi ng Dictionary of the History of Ideas. Ganito pa ang sabi ng aklat na iyon: “Ang unang mga bakas ng sosyalismo ay lumilitaw sa pagdadalamhati sa nawalang ‘Ginintuang Panahon.’ ”
Gayunman, noon lamang maaga at gitnang mga dekada ng ika-19 na siglo lumitaw ang sosyalismo bilang isang makabagong kilusan sa pulitika. Madali itong tinanggap, lalo na sa Pransiya, kung saan lubhang niyanig ng Rebolusyong Pranses ang kombensiyunal na mga ideya. Doon, gaya sa ibang bansa sa Europa, ang Industrial Revolution (Pagbabago sa Industriya) ay lumikha ng marahas na mga suliraning panlipunan. Ang mga tao ay handa na sa ideya na ang pagmamay-ari ng bayan sa halip ng pribadong pagmamay-ari ng mga yaman ay magpapangyari sa masa na pantay-pantay na makibahagi sa mga bunga ng pinagsamang paggawa.
Ang sosyalismo ay hindi bagong ideya. Ang mga pilosopong Griego na sina Aristotle at Plato ay sumulat tungkol dito. Nang maglaon, noong Repormasyong Protestante ng ika-16 na siglo, hiniling ni Thomas Müntzer, isang radikal na Katolikong paring Aleman, ang isang lipunang walang mga klase. Subalit ang kaniyang mga pangmalas ay kontrobersiyal, lalo na ang kaniyang panawagan para sa rebolusyon, kung kinakailangan, upang makamit ang tunguhing ito. Noong ika-19 na siglo, ang Welshman na si Robert Owen, ang Pranses na si Étienne Cabet at si Pierre-Joseph Proudhon, at maraming iba pang mga repormador ng lipunan, kabilang dito ang kilalang mga klerigo, ay nagturo na ang sosyalismo ay Kristiyanismo sa ibang pangalan.
Ang Sakdal na mga Kalagayan ni Marx at ng Iba Pa
Subalit “wala sa mga tagapagsalita para sa sosyalismo,” sabi ng nabanggit na reperensiyang aklat, “ang nagkaroon ng bisa na maihahambing sa ginawa ni Karl Marx, na ang mga isinulat ay naging uriang bato ng sosyalistang pag-iisip at pagkilos.”a Itinuro ni Marx na sa pamamagitan ng labanan ng mga klase, ang kasaysayan ay unti-unting sumusulong; minsang ang minimithing sistema ng pulitika ay masumpungan, ang kasaysayan sa diwang iyon ay magwawakas. Ang huwarang sistemang ito ang lulutas sa mga suliranin ng naunang mga lipunan. Ang lahat ay mamumuhay sa kapayapaan, kalayaan, at kasaganaan, na wala nang pangangailangan para sa mga gobyerno o mga hukbong militar.
Ito ay para bang kahawig ng inilarawan ng Britanong estadistang si Sir Thomas More noong 1516 sa kaniyang aklat na Utopia. Ang salita, isang Griegong pangalan na inimbento ni More, ay nangangahulugang “walang dako” (ou-topos), at marahil ay patudyong gamit ng kahawig na salitang eu-topos, na ang ibig sabihin ay “mabuting dako.” Ang Utopia na isinulat ni More ay isang guniguning bayan (walang gayong dako), gayumpaman, isang huwarang bayan (mabuting dako). Kaya, ang “Utopia” ay nangahulugan ng “isang dako ng huwarang kasakdalan lalo na sa mga batas, gobyerno, at mga kalagayang panlipunan.” Ang aklat ni More ay isang malinaw na pagsasakdal sa hindi gaanong huwarang mga kalagayang pangkabuhayan at panlipunan na umiral noong kaniyang panahon sa Europa, lalo na sa Inglatera, at nang maglaon ay nakatulong sa pag-unlad ng sosyalismo.
Ipinababanaag din ng mga teoriya ni Marx ang mga opinyon ng pilosopong Aleman na si Georg Wilhelm Friedrich Hegel. Sang-ayon sa Dictionary of the History of Ideas, “ang sukdulan, medyo-relihiyosong katangian ng sosyalismo ni Marx ay hinubog sa pilosopikong muling sinabi ni Hegel tungkol sa radikal na teolohiyang Kristiyano.” Mula sa “radikal na teolohiyang Kristiyano” na pinagmulang ito, sabi ng awtor na si Georg Sabine, ginawa ni Marx ang “isang lubhang malakas na pagsamo sa moral, na itinataguyod ng medyo-relihiyosong paniniwala. Isa lamang itong pagsamo na makisama sa martsa ng sibilisasyon at ng katwiran.” Ang sosyalismo ang daluyong ng hinaharap; marahil, akala ng iba, ito nga ang Kristiyanismo na nagmamartsa tungo sa tagumpay sa ilalim ng isang bagong pangalan!
Ang Daan Mula sa Kapitalismo Tungo sa Sakdal na Kalagayan
Si Marx ay nabuhay upang ilathala ang unang tomo lamang ng kaniyang akda na Das Kapital. Ang huling dalawang tomo ay isinaayos at inilathala noong 1885 at 1894 ayon sa pagkakasunod ng kaniyang pinakamalapit na katulong, si Friedrich Engels, isang sosyalistang pilosopong Aleman. Ipinaliwanag ng Das Kapital ang makasaysayang pinagmulan ng kapitalismo, ang sistema ng ekonomiya na likas sa Kanluraning-istilo ng kinatawang demokrasya. Batay sa walang-kontrol na kalakalan at kompetisyon na hindi kontrolado ng Estado, ang kapitalismo gaya ng paliwanag ni Marx ay nagtutuon ng pansin sa pagmamay-ari ng mga paraan ng produksiyon at pamamahagi sa pribadong mga kamay at sa mga korporasyon. Sang-ayon kay Marx, ang kapitalismo ay lumilikha ng gitnang klase at isang klaseng manggagawa, na pumupukaw ng samaan ng loob sa pagitan ng dalawa at humahantong sa paniniil sa manggagawa. Ginagamit ang mga gawa ng ortodoxong mga ekonomista upang itaguyod ang kanilang mga palagay, si Marx ay nangatuwiran na ang kapitalismo ay sa katunayan hindi demokratiko, at na ang sosyalismo ang pinakasukdulan sa demokrasya, nakatutulong sa mga tao sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng tao at kalayaan.
Ang sakdal na kalagayan ay mararating kapag ang mga manggagawa ay maghimagsik at ibagsak ang paniniil ng mga kapitalista, itinatatag ang tinatawag ni Marx na “diktadura ng mga manggagawa.” (Tingnan ang kahon sa pahina 21.) Gayunman, ang kaniyang mga palagay ay lumamig at huminahon sa paglipas ng panahon. Pinayagan niya ang dalawang magkaibang ideya ng rebolusyon, isang marahas na uri at ang isa naman ay ang mas permanente, unti-unting uri. Ito’y nagbangon ng isang kawili-wiling tanong.
Ang Sakdal na Kalagayan sa Pamamagitan ng Rebolusyon o Ebolusyon?
Ang “komunismo” ay galing sa salitang Latin na communis, na nangangahulugang “karaniwan, para sa lahat.” Tulad ng sosyalismo, ang komunismo ay nagsasabing ang malayang pangangalakal ay nauuwi sa kawalan ng trabaho, karalitaan, mga siklo ng negosyo, at mga labanan sa pagitan ng manggagawa at namamahala. Ang lunas sa mga suliraning ito ay ipamahagi ang yaman ng bansa nang pantay-pantay at makatarungan.
Subalit sa pagtatapos ng huling siglo, ang mga Marxista ay hindi na magkasundo sa kung paano makakamit ang pinagkasunduang mga layuning ito. Noong maagang 1900’s, ang bahaging iyon ng kilusang sosyalista na tumanggi sa marahas na rebolusyon at itinaguyod ang paggawa sa loob ng parlamentaryong sistemang demokratiko na natamo sa pamamagitan ng lakas, ay naging kung ano ang tinatawag ngayon na demokratikong sosyalismo. Ang sosyalismong ito ay masusumpungan ngayon sa mga demokrasya na gaya ng Pederal na Republika ng Alemanya, Pransiya, at Britaniya. Sa lahat ng balak at layunin nito, tinanggihan ng mga partidong ito ang tunay na kaisipang Marxista at interesado lamang sa paggawa ng isang welfare state para sa kanilang mga mamamayan.
Gayunman, ang isang nakatalagang Marxista na lubhang naniniwala na ang komunistang Utopia o sakdal na kalagayan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng marahas na rebolusyon ay si Lenin. Ang kaniyang mga turo, pati na ang Marxismo, ay nagsilbing batayan para sa kapanahong komunismong orthodoxo. Si Lenin, isang sagisag ng Vladimir Ilich Ulyanov, ay isinilang noong 1870 sa ngayo’y tinatawag na Unyong Sobyet. Noong 1889 siya’y nakumberte sa Marxismo. Pagkatapos ng 1900, kasunod ng isang panahon bilang isang tapon sa Siberia, siya’y nanirahan sa kalakhang bahagi sa Kanlurang Europa. Nang ang rehimen ng mga czar ay naibagsak, siya’y nagbalik sa Russia, itinatag ang Rusong Partido Komunista, at pinangunahan ang Rebolusyong Bolshevik ng 1917. Mula noon siya ay naglingkod bilang ang unang pinuno ng Unyong Sobyet hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1924. Nakita niya ang Partido Komunista bilang isang lubhang disiplinado, sentralisadong grupo ng mga rebolusyunistang naglilingkod bilang mga pamunuan ng mga manggagawa. Ang mga Menshevik ay hindi sumang-ayon.—Tingnan ang kahon sa pahina 21.
Ang linya na naghihiwalay sa pagitan ng rebolusyon at ebolusyon ay hindi na halata. Noong 1978 ganito ang sabi ng aklat na Comparing Political Systems: Power and Policy in Three Worlds: “Ang komunismo ay naging higit na magkasalungat sa kung paano tatamuhin ang mga tunguhing Sosyalista. . . . Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Komunismo at Demokratikong Sosyalismo ay lubhang nabawasan.” Ngayon, sa 1990, ang mga salitang ito ay lalo pang nagkaroon ng kabuluhan habang ang komunismo ay dumaranas ng malaking mga pagbabago sa Silangang Europa.
Muling Ipinakikilala ng Komunismo ang Relihiyon
“Kailangan natin ng espirituwal na mga pamantayan . . . Ang moral na mga pamantayan na ginawa at isinama ng relihiyon sa loob ng mga dantaon ay makatutulong din sa gawaing pagbabago ng ating bansa.” Iilang tao ang nag-akalang maririnig nila ang mga salitang ito mula sa bibig ng panlahat na kalihim ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet. Subalit noong Nobyembre 30, 1989, ipinahayag ni Mikhail Gorbachev ang madulang pagbabalik na ito sa relihiyon noong panahon ng kaniyang pagdalaw sa Italya.
Itinataguyod kaya nito marahil ang teoriya na ang sinaunang mga Kristiyano ay mga komunista mismo, isinasagawa ang uri ng sosyalismong Kristiyano? Ganito ang sabi ng ibang tao, binabanggit ang Gawa 4:32, na nagsasabi tungkol sa mga Kristiyano sa Jerusalem: “Lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.” Gayunman, isinisiwalat ng imbestigasyon na ito ay isa lamang pansamantalang kaayusan dala ng di-inaasahang pangyayari, hindi isang permanenteng sistema ng sosyalismong “Kristiyano.” Sapagkat kanilang ipinamahagi ang materyal na mga bagay sa maibiging paraan, “walang sinumang kinapos sa kanila.” Oo, “ipinamahagi iyon sa bawat isa, ayon sa pangangailangan niya.”—Gawa 4:34, 35.
“Glasnost” at “Perestroika”
Mula noong mga huling buwan ng 1989, ang Unyong Sobyet at ang kapuwa nito komunistang mga gobyerno sa Silangang Europa ay dumaranas ng nakalilito-isipang pagkayanig sa pulitika. Dahil sa patakarang glasnost, o pagiging bukás, ang mga pagbabagong ito ay nakita ng lahat. Ang mga taga-Silangang Europa ay humiling ng pangmatagalang mga pagbabago na, sa paano man, ay ipinagkaloob. Inamin ng komunistang mga lider ang pangangailangan para sa mas makatao at mahabaging sistema at nanawagan para sa isang “muling pagsilang ng sosyalismo sa kakaiba, mas maliwanag at mahusay na anyo,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang ekonomistang Polako.
Pangunahin sa mga lider na ito si Gorbachev, na, pagkaraang mailuklok sa kapangyarihan noong 1985, ay ipinakilala ang ideya ng perestroika (muling pagtatayo). Noong kaniyang pagdalaw sa Italya, ipinagtanggol niya ang perestroika na kinakailangan upang matugunan ang mga hamon ng 1990’s. Sabi niya: “Palibhasa’y pumasok sa daan ng radikal na pagbabago, ang mga bansang sosyalista ay tumatawid sa kabila pa roon kung saan walang pagbabalik sa nakalipas. Gayumpaman, maling igiit, gaya ng ginagawa ng marami sa Kanluran, na ito ang pagbagsak ng sosyalismo. Sa kabaligtaran, ito’y nangangahulugan na ang prosesong sosyalista sa daigdig ay patuloy na itataguyod ang pagkakaroon ng maramihang mga anyo.”
Kaya nga ang mga lider ng komunista ay hindi handang sumang-ayon sa pagtatasang ginawa ng kolumnistang si Charles Krauthammer, na sumulat: “Ang taun-taong katanungan na pinag-iisipan ng bawat pulitikal na mga pilosopo mula kay Plato na—ano ang pinakamabuting anyo ng pamamahala?—ay nasagot na. Pagkaraan ng ilang milenyo ng pagsubok sa lahat ng anyo ng pulitikal na sistema, isasara natin ang milenyong ito taglay ang tiyak na kaalaman na sa liberal, pluristang kapitalistang demokrasya nasumpungan natin kung ano ang hinahanap natin.”
Gayunman, prangkahang inaamin ng pahayagang Aleman na Die Zeit ang malungkot na larawan na inihaharap ng Kanluraning-istilo ng demokrasya, itinatawag pansin ang “kawalang trabaho, pagmamalabis sa alkohol at sa droga, prostitusyon, pagbawas sa mga programang panlipunan, pagbabawas sa buwis at mga kakulangan ng badyet,” at saka nagtanong: “Ito nga ba ang sakdal na lipunan na magtatagumpay magpakailanman sa sosyalismo?”
Isang pamilyar na kawikaan ang nagsasabi na ang mga taong nakatira sa bahay na salamin ay hindi dapat magbato ng bato. Anong anyo ng di-sakdal na gobyerno ng tao ang magagawang pintasan ang kahinaan ng iba? Ipinakikita ng katotohanan na ang sakdal na gobyerno ng tao—isang Utopia—ay hindi umiiral. Hinahanap pa rin ng mga pulitiko ang “mabuting dako.” Hindi pa rin masumpungan ang “walang gayong dako.”
[Talababa]
a Si Marx, na isinilang sa Judiong mga magulang noong 1818 sa noo’y Prussia, ay nag-aral sa Alemanya at nagtrabaho roon bilang isang peryudista; pagkaraan ng 1849 ginugol niya ang nalalabing bahagi ng kaniyang buhay sa London, kung saan siya namatay noong 1883.
[Kahon sa pahina 21]
SOSYALISTA AT KOMUNISTANG TERMINOLOHIYA
BOLSHEVIKS/MENSHEVIKS: Ang Rusong Social Democratic Labor Party na itinatag noong 1898 ay nahati sa dalawang grupo noong 1903; ang mga Bolshevik, na literal na nangangahulugang “mga miyembro ng nakararami,” sa ilalim ni Lenin, ay pabor sa pagpapanatili sa partido na maliit, na may limitadong bilang ng disiplinadong mga rebolusyunaryo; ang mga Menshevik, nangangahulugang “mga miyembro ng minoridad,” ay pabor sa mas maraming miyembro ng partido na ginagamit ang demokratikong mga paraan.
BOURGEOISIE/PROLETARIAT: Itinuro ni Marx na ibabagsak ng proletariat (ang klaseng manggagawa) ang bourgeoisie (ang kalagitnaang klase, pati na ang mga mag-ari ng pabrika), na magtatatag ng “diktadura ng mga manggagawa,” sa gayo’y gagawa ng isang lipunang walang mga klase.
COMINTERN: Pinaikling anyo ng Communist International (o, Third International), isang organisasyong itinatag ni Lenin noong 1919 upang itaguyod ang komunismo; nabuwag noong 1943, nauna rito ang First International (1864-76), na pinagmulan ng maraming Europeong sosyalistang mga grupo, at ang Second International (1889-1919), isang internasyonal na parlamento ng mga partido sosyalista.
COMMUNIST MANIFESTO: Isang pahayag noong 1848 nina Marx at Engels tungkol sa pangunahing mga turo ng siyentipikong sosyalismo na malaon nang naglingkod bilang saligan para sa Europeong mga partido Sosyalista at Komunista.
EUROCOMMUNISM: Ang komunismo ng mga partido Komunista sa Kanlurang Europa; hiwalay sa liderato ng Sobyet at handang maglingkod sa koalisyong mga gobyerno, ito’y nangangatuwiran na ang “diktadura ng proletariat” ay hindi na kailangan.
SIYENTIPIKO/UTOPIAN SOCIALISM: Mga terminong ginamit ni Marx upang makilala ang kaibhan ng kaniyang mga turo, na sinasabing batay sa siyentipikong pagsusuri ng kasaysayan at mga gawa ng kapitalismo at ng purong Utopian na mga turong sosyalista ng kaniyang mga tagapagpauna.