Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/8 p. 12-15
  • Wakas ng Isang Panahon—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Wakas ng Isang Panahon—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Glasnost” at “Perestroika”
  • Nagsimulang Humina
  • Humantong sa Rebolusyon ang Pulitikal na Perestroika
  • Pagwawakas sa Cold War
  • Madilim na mga Ulap sa Abot-Tanaw
  • ‘At Gumuho ang Pader’
    Gumising!—1991
  • Ang Paghahangad ng Kapayapaan at Katiwasayan
    Gumising!—1989
  • Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
  • Madulang Pag-unlad
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/8 p. 12-15

Wakas ng Isang Panahon​—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA

SA PAGITAN ng 1987 at 1990, mga lindol na sumusukat ng 6.9 o mas mataas pa sa Richter scale ang yumanig sa mga lugar ng Armenia, Tsina, Ecuador, Iran, Pilipinas, at sa Estados Unidos. Mga 70,000 katao ang nasawi at sampu-sampung libo pa ang nasugatan, samantalang daan-daang libo naman ang nawalan ng tirahan. Ang pinsala ay umabot sa bilyun-bilyong dolyar.

Gayunman, wala sa mga lindol na ito ang umalog sa maraming tao, o umalog nang husto, gaya ng isa pang lindol na yumanig sa daigdig nang sabay-sabay. Ito ang pulitikal na lindol, isa na nagwakas sa isang panahon. Sa paggawa niyaon, binago nito ang hinaharap para sa milyun-milyon.

Ano ang umakay sa gayong kahalagang pangyayari? Ano kaya ang magiging epekto nito?

“Glasnost” at “Perestroika”

Si Mikhail Gorbachev ang hinirang na panlahat na kalihim ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet noong Marso 11, 1985. Ang mga mamamayang Sobyet, gayundin ang karamihan ng mga nagmamasid sa daigdig, ay hindi umaasa ng malaking pulitikal na mga pagbabago sa panahon ng kaniyang administrasyon.

Wala pang isang taon pagkaraan nito, si Arkady Shevchenko, isang dating pulitikal na tagapayo sa ministrong panlabas ng Sobyet, at sa loob ng limang taon na isang kalihim-panlahat ng United Nations, ay nagkomento taglay ang partikular na pang-unawa nang isulat niya: “Ang U.S.S.R. ay nasa sangandaan. Kung hindi malulunasan ang apurahang mga problemang pangkabuhayan at panlipunan sa malapit na hinaharap, hindi maiiwasan ang higit pang pagkaagnas ng sistema nito sa ekonomiya, sa gayo’y isasapanganib, sa kalaunan, ang mismong pag-iral nito. . . . Talagang pinasimulan ni Gorbachev ang isang bagong istilo . . . Subalit kung baga ang kaniyang pagiging tagapamahala ay magbubukas ng isang bagong panahon para sa U.S.S.R. ay di pa tiyak. . . . Nakakaharap niya ang halos di-malutas na mga problema.”

Ang katayuan ngayon ni Gorbachev ay nagbigay sa kaniya ng pulitikal na impluwensiyang kailangan niya upang ipakilala sa lipunang Sobyet ang isang patakaran na binanggit niya noon pang 1971. Ito ang glasnost, na nangangahulugang “impormasyon ng bayan” at kumakatawan sa isang patakaran ng opisyal na pagkaprangka tungkol sa mga problemang Sobyet. Ito’y nanawagan para sa mas bukás na lipunan, isa na doon ang mga mamamayang Sobyet at ang pamahayagan ay magkakaroon ng higit na kalayaan sa pagpapahayag. Sa wakas, ang glasnost ay nagbukas ng daan para sa pagpuna ng publiko sa pamahalaan at sa ilan sa mga kilos nito.

Ang isa pang katagang malaon nang ginamit ni Gorbachev ay ang “perestroika,” isang salita na nangangahulugang “pagbabago.” Sa isang sanaysay na inilathala noong 1982, sinabi niya ang tungkol sa “pangangailangan para sa isang angkop na sikolohikal na pagbabago” sa larangan ng agrikultura.

Pagkatapos maging pinuno ng Unyong Sobyet, si Gorbachev ay naging kumbinsido na kailangan ding baguhin ang pamamahala sa ekonomiya. Batid niyang hindi ito madaling gawin​—marahil ay imposible pa ngang gawin malibang lakipan ng pulitikal na pagbabago.

Ang sigasig ni Gorbachev sa pagpapatupad ng mga patakaran ng glasnost at perestroika ay hindi nangangahulugan na layon niyang sirain ang Komunismo. Hindi. Ganito ang paliwanag ng The Encyclopædia Britannica: “Ang tunguhin niya ay magsimula ng isang pagbabago na kontrolado ng pamahalaan. Hindi niya hangad na siraan ang sistemang Sobyet, nais niya lamang gawin itong mas mahusay.”

Ang pag-aalis ng mga pagbabawal na nangyari bilang resulta ng mga patakarang ito ang dahilan ng kaguluhan sa ilang miyembro ng liderato ng Unyong Sobyet. Totoo rin ito kung tungkol sa mga lider ng ilan sa Silanganing bloke ng mga bansa. Bagaman kinikilala ng marami sa kanila ang pangangailangan para sa pagbabago ng ekonomiya, hindi lahat ay sumasang-ayon na mahalaga o kanais-nais ang pulitikal na mga pagbabago.

Gayunman, ipinaalam ni Gorbachev sa kaniyang mga kaalyado sa Silangang Europa na malaya silang mag-eksperimento ng kanilang sariling mga programang perestroika. Samantala, si Gorbachev ay nagbabala sa Bulgaria​—at sa katunayan sa lahat din ng iba pang Silanganing bloke ng mga bansa​—na bagaman mahalaga ang mga pagbabago, kailangang maging maingat na huwag bawasan ang nangingibabaw na bahagi ng Partido Komunista.

Nagsimulang Humina

Ang pagbatikos sa Komunismo, kapuwa sa Unyong Sobyet at sa Silanganing bloke ng mga bansa, ay sumidhi sa paglipas ng mga taon. Halimbawa, mula noong pasimula ng dekada ng 1980, may pagkaagresibong hinahamon ng lingguhang magasin sa Hungary na HVG (Heti Világgazdaság) ang ortodoksong Komunistang mga pangmalas, bagaman iniwasan nito ang tuwirang pagpuna sa Partido Komunista mismo.

Ang Solidarity, ang unang independiyenteng unyon ng mga manggagawa na umiral sa Silanganing bloke, ay naitatag sa Poland noong 1980. Subalit, ang pinagmulan nito ay matutunton pabalik sa 1976, nang isang pangkat ng mga disidente ay nagtatag ng Workers’ Defense Committee. Maaga noong 1981, ang Solidarity ay may miyembro na humigit-kumulang sampung milyong manggagawa. Iginiit nito ang mga reporma sa ekonomiya at malayang mga eleksiyon, iginigiit ang mga kahilingan nito kung minsan sa pamamagitan ng mga welga. Sumusuko sa banta ng posibleng pakikialam ng Sobyet, binuwag sa wakas ng pamahalaang Polako ang unyon, bagaman ito’y patuloy na kumikilos nang pailalim. Ang mga welgang nananawagan sa pagkilala rito ng pamahalaan ay humantong sa pagiging legal na muli ng unyon noong 1989. Ang malayang eleksiyon ay ginanap noong Hunyo 1989, at maraming kandidato ng Solidarity ang nahalal. Noong Agosto, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 40 taon, isang punong ministrong hindi Komunista ang naglilingkod sa Poland.

Maliwanag na binabago ng glasnost at perestroika, pati na ang mga problemang nakaharap sa daigdig ng Komunista, ang hubog ng buong Silanganing bloke.

Humantong sa Rebolusyon ang Pulitikal na Perestroika

“Hanggang noong Hulyo 1987,” sulat ni Martin McCauley ng University of London, “ang lahat ay waring naayon sa paraang nilayon ni Mikhail Gorbachev.” Kahit na noong dakong huli ng Hunyo 1988, sa ika-19 na Komperensiya ng Partido Komunista sa Moscow, iniulat na si Gorbachev ay nagtamo ng “malawak at kung minsa’y malahiningang pag-endorso para sa kaniyang mga programa.” Subalit maliwanag na nahihirapan siya sa pagbabago sa Partido Komunista at sa pamahalaang Sobyet.

Noong 1988, ipinahintulot ng mga pagbabago sa konstitusyon ang pagpapalit sa umiiral na Supreme Soviet (ang pinakamataas na lupon ng mga mambabatas ng Unyong Sobyet) ng U.S.S.R. Congress of People’s Deputies, na ang 2,250 miyembro ay pinili isang taon pagkatapos ng malayang eleksiyon. Ang mga kinatawang ito naman, ay pumili sa gitna nila ng dalawang-kapulungan na kongreso, ang bawat bahagi ay binubuo ng 271 miyembro. Si Boris Yeltsin ang naging prominenteng miyembro ng kongresong ito. Hindi nagtagal ay ipinaliliwanag na niya ang kakulangan ng tagumpay ng perestroika at tinatawag ang pansin sa mga reporma na inaakala niyang mahalaga. Kaya nga, bagaman si Gorbachev ay naitaas sa pagkapangulo noong 1988, isang posisyon na gusto niyang balasahin at palakasin, patuloy na lumago ang pagsalansang sa kaniya.

Samantala, ang dalawang superpower, ang Unyong Sobyet at ang Estados Unidos, ay gumagawa ng malalaking pagsulong sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga hukbong militar at pinakakalma ang bantang nuklear. Ang bawat kasunduang nagawa ay nag-uudyok ng panibagong pag-asa na maaaring makamit ang pandaigdig na kapayapaan​—gayon na lamang anupat ganito ang sinabi ng manunulat na si John Elson noong Setyembre 1989: “Ang mga huling araw ng dekada ’80, sa maraming komentarista, ay kumakatawan sa isang uri ng pamamaalam sa mga sandata. Wari bang tapos na ang ‘cold war’; para bang ang kapayapaan ay namumuo sa maraming bahagi ng daigdig.”

Pagkatapos ay dumating ang Nobyembre 9, 1989. Bagaman buo pa rin, ang Berlin Wall, pagkaraan ng 28 taon, ay nabuksan at biglang-biglang naglaho sa pagiging sagisag ng hadlang sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Isa-isa, sa mabilis na pagkakasunud-sunod, itinakwil ng mga bansa sa Silangang Europa ang Sosyalistikong pamamahala. Sa kaniyang aklat na Death of the Dark Hero​—Eastern Europe, 1987-90, tinawag ito ni David Selbourne na “isa sa pinakamalaki sa lahat ng makasaysayang rebolusyon: isang demokratiko, at totoong laban sa sosyalistang rebolusyon, na ang mga epekto nito ay magpapatuloy kahit na ang mga tauhang gumanap dito, at ang kanilang mga tagamasid, ay maglaho na sa eksena.”

Minsang narating ang tugatog nito, ang mapayapang rebolusyon ay agad na natapos. Ganito ito binuod ng isang karatulang nakita sa Prague, Czechoslovakia: “Poland​—10 Taon; Hungary​—10 Buwan; Silangang Alemanya​—10 Linggo; Czechoslovakia​—10 Araw. At, pagkatapos ng isang linggo ng kakilabutan, ang Rumania​—10 Oras.”

Pagwawakas sa Cold War

Ganito ang sabi ng awtor na si Selbourne: “Ang paraan ng pagguho ng sistema sa silangang Europa ay lubhang walang pagbabago.” Pagkatapos ay susog pa niya: “Ang nag-udyok ng pagbabago ay maliwanag na ang paghawak ni Gorbachev ng kapangyarihan sa Moscow noong Marso 1985 at ang pagwawakas niya sa ‘Doktrina ni Brezhnev,’ na totoong nagkait sa mga rehimen ng silangang Europa ng katiyakan ng tulong at pakikialam ng Sobyet kung mangyari ang tinatanggap na paghihimagsik.”

Tinatawag ng The New Encyclopædia Britannica si Gorbachev na “ang nag-iisang pinakamahalagang tagapasimuno ng sunud-sunod na mga pangyayari noong dakong huli ng 1989 at 1990 na bumago sa pulitikal na balangkas ng Europa at nagtanda ng pasimula ng wakas ng Cold War.”

Mangyari pa, hindi maaaring wakasan ni Gorbachev na mag-isa ang Cold War. Nagpapahiwatig ng kung ano ang maaaring malapit na mangyari, ganito ang sabi ng Britanong punong ministro na si Margaret Thatcher pagkatapos na una siyang makatagpo: “Gusto ko si G. Gorbachev. Maaari kaming magtrabaho na magkasama.” Isa pa, ang natatanging personal na kaugnayan na tinatamasa ni Thatcher at ng pangulo ng Amerika na si Reagan ay nagpangyari sa kaniya na kumbinsihin si Reagan na isang katalinuhan na makipagtulungan kay Gorbachev. Si Gail Sheehy, awtor ng aklat na Gorbachev​—The Making of the Man Who Shook the World, ay naghinuha: “Maaaring batiin ni Thatcher ang kaniyang sarili dahil sa pagiging, ‘sa tunay na diwa nito, ninang sa ugnayang Reagan-Gorbachev.’”

Gaya ng malimit na mangyari sa kasaysayan, ang maimpluwensiyang mga tao ay nasa puwesto sa tamang-tamang panahon upang ipatupad ang mga pagbabago na maaari sanang hindi nangyari.

Madilim na mga Ulap sa Abot-Tanaw

Kahit na ang Silangan at Kanluran ay nagsasaya na magwawakas na ang Cold War, lumilitaw naman sa ibang dako ang nagbabantang mga ulap. Hindi gaanong pinansin ng daigdig noong 1988 nang mabalitaan nito buhat sa Aprika na ilang libo katao sa Burundi ang napatay sa isang pagsiklab ng etnikong karahasan. Ni binigyan-pansin man ang mga ulat na nagmula sa Yugoslavia noong Abril 1989 na nagaganap doon ang pinakagrabeng pagsiklab ng etnikong karahasan mula noong 1945. Samantala, ang mas malaking kalayaan na nakikita sa Unyong Sobyet ay nagbubunga ng malawakang kaguluhan ng bayan. Ang ilan sa mga republika ay nagtatangka pa nga upang makamit ang kasarinlan.

Noong Agosto 1990, ang mga hukbong Iraqi ay lumipat sa Kuwait, sinakop ito sa loob ng 12 oras. Wala pang isang taon pagkatapos bumagsak ng Berlin Wall, samantalang ipinagdiriwang ng mga Aleman ang pagkakaisang Aleman, ang pangulo ng Iraq ay nagmamalaki: “Ang Kuwait ay pag-aari ng Iraq, at hindi namin kailanman isusuko ito kahit na ipaglaban namin ito sa loob ng 1,000 taon.” Noong Nobyembre ang United Nations ay kumilos at nagbanta ng militar na pagkilos malibang umalis ang Iraq sa Kuwait. Ang daigdig ay minsan pang nanginginig sa bingit ng posibleng malaking kapahamakan, at ang pagkontrol sa mga panustos na langis ang pangunahing isyu.

Kung gayon, mamatay kaya ang mga pag-asa para sa kapayapaan at katiwasayan na pinagningas sa pagtatapos ng Cold War bago pa man matupad ang mga ito? Basahin ang tungkol dito sa aming susunod na labas sa artikulong “Ang ‘Bagong Daigdig na Kaayusan’​—May Mabuway na Pasimula.”

[Larawan sa pahina 15]

Ang Berlin Wall ay biglang-biglang naglaho sa pagiging sagisag ng hadlang sa pagitan ng Silangan at Kanluran

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Si Gorbachev (kaliwa) at si Reagan: Robert/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share