Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 1b—Talaga Bang Kailangan Natin ang Gobyerno?
ANARKIYA: ang kawalan ng anumang uri ng pulitikal na autoridad, na ang resulta’y isang lipunan ng mga indibiduwal na walang gobyerno, na nag-aangkin ng ganap na kalayaan para sa kanilang sarili.
TINAWAG ng Griegong pilosopo na si Aristotle ang lahat ng uri ng gobyerno ng tao na likas na di-matatag at nagbabago. Sabi niya, sang-ayon sa isang manunulat, na “ang katatagan ng lahat ng rehimen ay sinisira ng umaagnas na kapangyarihan ng panahon.”
Dahil sa gayong mga kalagayan, hindi nakapagtataka na itinaguyod ng ilang tao ang hindi pagkakaroon ng gobyerno, o sa papaano man ay kaunting gobyerno lamang hangga’t maaari. Subalit ang pagtataguyod ng ‘walang gobyerno’ ay sa katunayan ang pagtawag ng anarkiya, isang katagang hinango buhat sa isang salitang Griego na nangangahulugan ng “hindi pagkakaroon ng pinuno.”
Ang salitang “anarkiya” ay ginamit noong 1840, eksaktong 150 taon ang nakalipas, ni Pierre-Joseph Proudhon, isang Pranses na pulitikal na manunulat. Subalit ang pilosopya ng anarkismo ay malinaw na binalangkas mga 200 taóng maaga ng Ingles na si Gerrard Winstanley. Gaya ng ipinaliwanag sa The New Encyclopædia Britannica, “Si Winstanley ang nagpasimuno ng kung ano ang naging pangunahing simulain sa gitna ng mga anarkista: na ang kapangyarihan ay sumisira; na ang ari-arian ay hindi katugma ng kalayaan; na ang autoridad at ari-arian ay mga pinagmumulan ng krimen; at na sa isang lipunan lamang na walang mga pinuno, kung saan ang trabaho at ang mga produkto nito ay pinagsasaluhan, na ang mga tao ay magiging malaya at maligaya, kumikilos hindi ayon sa mga batas na ipinatutupad mula sa itaas kundi ayon sa kanilang mga budhi.”
Ngunit hindi ba itinuturo sa atin ng karanasan na ang bawat grupo ay nangangailangan ng isang balangkas na pamamahalaan nito? “Mula sa pinakamaagang panahon,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “ang ilang uri ng gobyerno ay naging mahalagang bahagi ng bawat lipunan.” Ipinaliliwanag nito na “bawat grupo ng mga tao—mula sa isang pamilya hanggang sa isang bansa—ay may mga tuntunin ng paggawi upang mamahala sa buhay ng mga miyembro nito.” Paano pa nito matutupad ang mga layunin nito sa kapakanan ng lahat ng mga miyembro nito?
Kaya nga agad na tatanggapin ng karamihan ng mga tao ang ideya na ang ilang institusyon ay may lehitimong karapatan na magsagawa ng autoridad at gumawa ng mga pasiya para sa kabutihan ng lahat. Palibhasa’y walang gobyernong gagawa ng mga pasiya para sa pamayanan, ang lahat ng indibiduwal ay hinahayaang sundin ang iniuutos ng kaniya mismong budhi, gaya ng iminungkahi ni Winstanley. Ito ba’y magtataguyod ng pagkakaisa? O malamang kaya na ang bawat indibiduwal ay waring magtataguyod ng kaniyang sariling interes, kadalasa’y sa kapinsalaan ng lehitimong karapatan ng iba?
Hindi napabuti ng mga eksperimento sa anarkiya ang kalagayan ng sangkatauhan. Hindi rin nakabuti ang mga pagsisikap ng mga terorista ng ika-20 siglo na gawing mabuway ang lipunan, upang wasakin ang inaakala nilang sumisira sa kanila.
Sa simpleng pananalita, ang ‘hindi pagkakaroon ng gobyerno’ ay nag-aanyaya ng kaguluhan. Ang problema samakatuwid ay hindi ang ‘pagkakaroon ng gobyerno o hindi pagkakaroon ng gobyerno?’ kundi, bagkus, ‘kung anong uri ng gobyerno ang para sa pinakamabuting resulta?’
Ang Pinagmulan ng Pamamahala ng Tao
Ang pamamahala ng Diyos ang orihinal na huwaran para sa tao sa hardin ng Eden mahigit na anim na libong taon ang nakalipas. Idiniin ng Maylikha ang pagkaumaasa ng tao sa kaniya at sa kaniyang direksiyon ng mga bagay na kasuwato ng isang simulain na nang maglao’y ipinahayag sa Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) O gaya ng isinasaysay ng isang kasabihang Intsik: “Kung walang tulong ang Langit ang tao’y hindi makalalakad ng kahit isang dalì.”
Iba naman ang hinuha ng unang mag-asawa. Pinili nilang lumakad “nang walang tulong ang Langit” at pagkatapos ay napilitang lumakad sa kanilang daan palabas sa Paraiso na ibinigay sa kanila ng Diyos. Nang maglaon, habang lumalaki ang pamilya ng tao, lumaki rin ang pangangailangan para sa mga tuntunin ng pamamahala upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng kaayusang ito. Nang ang pamamahala-ng-Diyos ay tanggihan, ang pamamahala ng tao, na kailangang-kailangan, ay pumasok upang punan ang kahungkagan.—Genesis 3:1-5.
Pawang Magkamukha —Gayunma’y Magkaiba
Mula sa di-magandang pasimula nito, ang mga gobyerno ng tao ay nagkaroon ng maraming uri. Ito man ay napakasimple o lubhang masalimuot, lahat ng ito ay may ilang pagkakatulad. Narito ang ilan:
Pinangangalagaan ng mga gobyerno ang pangangailangan ng kanilang mga sakop. Ang isang gobyerno na hindi gumagawa nito ay hindi nagiging marapat dito.
Ang mga gobyerno ay nagbibigay ng isang kodigo ng paggawi, na kung hindi susundin ng kanilang mga sakop, ay nagbubunga ng kaparusahan. Ang kodigong ito ay binubuo ng mga tuntunin at mga batas, gayundin ng mga tradisyon sa loob ng mga dantaon. Karaniwan nang sinusunod ng mga mamamayan ang kodigo ng paggawi sapagkat talos nila ang mga pakinabang na nakukuha sa paggawa nito, sapagkat inaakala nilang ‘ito ang nararapat gawin,’ sapagkat sila ay ginigipit ng mga kasama, o basta kasi sila’y parurusahan kung hindi sila susunod.
Ang mga gobyerno ay nagsasagawa ng mga paglilingkod na pambatasan, tagapagpaganap, at panghukuman sa pamamagitan ng ilang uri ng kaayusang pang-organisasyon. Ang mga batas ay ginagawa, ang katarungan ay iginagawad, at ang mga patakaran ay isinasagawa.
Pinananatili ng mga gobyerno ang matibay na mga kaugnayang pangkabuhayan sa daigdig ng komersiyo.
Ang mga gobyerno ay karaniwang umaanib sa ilang uri ng relihiyon, ang iba ay mas malapit kaysa iba. Ginagawa nila ito upang ang kanilang pamamahala ay maging karapat-dapat—‘sa pagpapala ng langit’—na hindi maaaring makamit sa ibang paraan.
Mangyari pa, nagkakaiba rin ang mga gobyerno. Inuuri at kinaklase ng pulitikal na mga siyentipiko ang mga ito sa maraming paraan. “Halimbawa, nariyan,” sulat ng The New Encyclopædia Britannica, “ang klasikal na pagkakakilanlan sa pagitan ng mga gobyerno ayon sa dami ng mga pinuno—gobyerno ng isang tao (monarkiya o paniniil), gobyerno ng iilan (aristokrasya o oligarkiya), at ang gobyerno ng nakararami (demokrasya).”
Kung minsan ang mga gobyerno ay inuuri ayon sa kanilang pangunahing mga institusyon (parlamentarismo, pamahalaang gabinete), ayon sa kanilang pangunahing mga simulain ng pulitikal na autoridad (tradisyunal, karismatiko), ayon sa kanilang kayarian sa ekonomiya, o ayon sa kanilang paggamit o pag-abuso sa kapangyarihan. “Bagaman walang panlahatan,” sabi ng reperensiyang ito, “ang bawat simulaing ito ng pagsusuri ay may katumpakan.”
Subalit paano man natin uriin ang mga ito, ang mahalagang bagay na dapat tandaan ay na ang iba’t ibang uri ng pamamahala ng tao—walang itinatangi—ay tinitimbang ngayon. Ito’y magkakaroon ng pangmalawakang mga resulta para sa ating lahat.
[Kahon sa pahina 6]
Sumusulat tungkol sa mga autoridad ng gobyerno na namamahala hanggang sa kasalukuyang panahong ito, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga autoridad.” (Roma 13:1, 7) Kaya, ang mga Kristiyanong sumusunod sa patnubay ng Bibliya ay masikap na sinusunod ang lahat ng batas ng bansa na pinamumuhayan nila, malibang sila’y hinihiling na labagin ang mga batas ng Diyos, na pinakamataas.
[Larawan sa pahina 7]
Kailangan ang gobyerno—kung paanong kailangan ang pangangasiwa sa trapiko—upang maiwasan ang kaguluhan