Pagmamasid sa Daigdig
NAKALILITONG ESTADISTIKA
“Ang daigdig ngayon ay may 157 mga bilyonaryo, marahil 2 milyong milyonaryo, at 100 milyong walang tahanan,” sulat ni Alan Durning, isang mananaliksik para sa magasing World Watch. “Ito ay may kalahating bilyon [500,000,000] na kumakain nang labis, at gayunding dami ng mga kumakain nang hindi sapat basta mabuhay lamang. . . . Ang pagkamakatarungan sa kinikitang suweldo ay masahol ngayon kaysa anumang panahon mula nang ingatan ang mga rekord. Ang bilyong pinakamayayamang tao ay kumukunsumo ng hindi kukulanging 20 beses ng mga paninda at mga paglilingkod na nakukunsumo ng pinakamahihirap. . . . Tayong mga tao ay gumugugol ng $200 isang taon sa bawat lalaki, babae at bata para sa mga sandata sa pakikidigma, subalit waring hindi tayo makasumpong ng $1 na gugugulin ng bawat isa sa atin upang iligtas ang 14 na milyong mga bata na namamatay taun-taon mula sa simpleng sakit na gaya ng diarrhea.” Sang-ayon sa Worldwatch Institute, mga 1.2 bilyon katao ang dukha—23.4 porsiyento ng kabuuang populasyon ng daigdig.
“PINAKAMABUTING PANAHON PARA SA MGA MAGNANAKAW”
“Ang pinakamabuting panahon para sa mga magnanakaw, manloloob, negosyante ng droga, at iba pang manggagawa ng masama,” upang isagawa ang kanilang ilegal na mga gawain sa distrito ng Attica sa Gresya “ay bandang hapon ng Linggo,” sabi ng pahayagang Elefterotypia ng Atenas. Bakit? Sapagkat halos 3,800 pulis at 500 opisyal ang inililihis ng tungkulin sa panahong iyon upang panatilihin “ang kaayusan at seguridad” sa mga laro ng soccer at iba pang paligsahang atletiko. At kung ang Linggo ay nagkataon ding isa sa mga laro ng “Derby,” ang hukbo ay dinaragdagan ng 700 pulis at 100 opisyal. Sabi pa ng pahayagan: “Ang pagkanaroroon ng mga pulis sa bawat labanang atletiko ay mas kailangang-kailangan kaysa pagkanaroroon ng mga manlalaro.”
BINAGO ANG ORASAN
Sa loob ng 43 taon ang “Doomsday Clock” ng Bulletin of the Atomic Scientists ay nagpapahiwatig ng pandaigdig na kalagayan ng seguridad may kaugnayan sa digmaang nuklear. “Ang panganib na ang pangglobong digmaang nuklear ay magsisimula sa Europa ay lubhang nabawasan,” sabi ng magasin noong Abril. “Bagaman ang tagumpay ay hindi iginagarantiya, ito ang pinakamalaking pagkakataon sa loob ng apat na dekada upang lumikha ng isang ligtas, mananatiling daigdig. Bilang tugon, ibinabalik namin ang mga kamay ng orasan ng Bulletin ng apat na minuto, upang maging 10 minuto bago maghatinggabi.” Gayunman, hindi ito ang pinakamalayong pag-aatras ng kamay ng orasan. Noong 1963 at noong 1972, ang mga kamay ay orasan ay inilagay sa 12 minuto bago maghatinggabi nang ang mga kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet ay lagdaan, bagaman ang “Cold War” ay nagpapatuloy. “Ang labanan ay malamig lamang sa bagay na hindi nangyari ang Digmaang Pandaigdig III,” sabi ng Bulletin. “Sa nakalipas na 45 taon mga 125 digmaan ang ipinakipagbaka, mahigit na 20 milyon katao ang namatay.”
MGA BIKTIMA NG BOMBA ATOMIKA
Gaano karaming tao talaga ang namatay bilang resulta ng pagbagsak ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki noong 1945? Sang-ayon sa isang surbey na inilabas kamakailan ng Health and Welfare Ministry ng Hapón, 295,956 na mga kamatayan ang ipinalalagay na dahil sa mga bomba ayon sa ulat noong 1988. Sa mga ito, 25,375 katao sa Hiroshima at 13,298 sa Nagasaki ang sinasabing namatay noong araw ng pagbomba; ang iba pa ay namatay mula noon, sa loob ng mga ilang araw ng pagbomba, dahil sa mga karamdaman na dala ng radyasyon. Pinuna ng mga kamag-anak ng mga namatay ang gobyerno sa paghihintay nang ganoong katagal upang isagawa ang surbey. Isa pa, “talagang hindi nito sinasabi ang lahat ng aspekto ng mga pagbomba o ang kabuuang bilang niyaong namatay bunga nito,” sabi ni Yoshio Saito, pangalawang kalihim-panlahat ng Japan Confederation of A- and H-Bomb Sufferers Organizations.
PAMBIHIRANG BAGONG ESTADO
Noong Lunes, Abril 23, 1990, ang Namibia ay tinanggap sa United Nations bilang ang ika-160 miyembrong estado. Ang bagong estado, na nagkamit ng kalayaan nito buhat sa Timog Aprika noong Marso 21, 1990, ay pambihira sa ilang paraan. Sa isang bagay, ito’y mas malaki kaysa Pakistan, gayunman ang populasyon nito ay wala pang dalawang milyon. Ang Greenland at Mongolia lamang ang mas malaki sa Namibia at mayroong mas kaunting populasyon. Ang Namibia ay pambihira rin sa dami ng wikang sinasalita ng maliit na populasyon nito, ang ilan sa mga ito ay kilala sa kanilang pambihirang klik na mga tunog. “Napakaraming katutubong wika at diyalektong Aprikano upang isa-isahin,” sabi ng isang brosyur para sa mga turista sa Namibia. Gayunman, ang opisyal na wika ay Ingles.
“MGA SANGGOL” NA ARINA
Sa isang bagong paraan upang ituro sa kaniyang mga estudyante ang pananagutan at mga katotohanan ng pagiging magulang, binibigyan ng isang guro sa high-school sa San Francisco ang bawat isa sa kaniyang mga estudyante ng isang dalawa’t kalahating-kilong sako ng arina na pinaka-sanggol. “Dapat ninyong tratuhin ang iyong sanggol na para bang ito’y totoo beinte-kuwatro oras isang araw sa susunod na tatlong linggo,” sabi niya sa kanila. Kasali rito ang pagbibihis sa sako ng mga baro ng bata, pati lampin, blangket, at bote, at pagdala rito at maibigin at maingat na pag-aalaga rito sa lahat ng panahon. Kapag ang mga estudyante ay lalayo sa kani-kanilang mga sanggol, dapat silang humanap ng mga tagapag-alaga. Kung ang sanggol ay mawala o masira, ang estudyante ay bibigyan ng mas mabigat na sanggol—isang limang-kilong sako ng arina. Agad natutuhan ng mga estudyante kung paanong ang pagkakaroon ng isang sanggol ay makaaapekto sa kanilang buhay, at ang paaralan ay may mababang bilang ng mga tin-edyer na nagdadalang-tao. Sabi ng isang estudyante: “Sako lamang ito ng arina na hindi umiiyak o tumitili, hindi mo kailangang pakanin o patulugin, gayunma’y gusto kong mawala na ito.”
ISANG MONUMENTO SA KAYABANGAN
Tatlong ulit ang laki nito sa palasyo sa Versailles, 12 palapag ang taas, may mahigit na 360,000 metro kudrado ng espasyo ng sahig, ipinagmamalaki ang ikalawa sa pinakamalaking chandelier sa Europa na may 980 bumbilya ng ilaw, at may silungan para sa bomba 90 metro sa ilalim ng lupa. Ito ang “kitang-kitang monumento ng Romania sa mga kalabisan ni G. Ceaucescu, na nagpuno sa bansa sa loob ng 24 na taon,” sabi ng The Wall Street Journal, at “isa sa maraming sakit ng ulong iniwan [niya] sa mga tao.” Ang palasyo ay itinayo ng mga 100,000 manggagawa sa nakalipas na sampung taon sa halagang mahigit na $1,000,000,000. Sangkapat ng dating Bucharest ay sinunog upang magbigay-daan sa napakaluwang na lansangan na iniutos ni Ceaucescu na itayo sa labas ng pangunahing pasukan—2 metrong mas malapad kaysa Champs Élysées. Ngayon walang nakakaalam kung ano ang gagawin dito. “Ito’y pawang isang panaginip ni Faraon,” sabi ng propesor sa kasaysayan sa Bucharest na si Stefan Andreescu.
UTANG NG E.U.
Noong Abril 1990, ang pambasang utang ng Estados Unidos ay umabot ng $3 trilyon (3 na may 12 sero) sa kauna-unahang pagkakataon, ulat ng Kagawaran ng Pananalapi ng E.U. Ang unang trilyon ay naabot noong 1981. Ang bagong antas ng utang, kung ikakalat sa populasyon, ay umaabot ng $12,000 sa bawat lalaki, babae, at bata. Ipagpalagay nang hindi na magkakaroon ng utang at ang interes ay hindi madaragdagan, kung pagreretiruhin ang pambansang utang sa bilis na $1,000 isang segundo, nang walang tigil, ito’y kukuha ng isang daang taon.
MUSEO NG BASURA
Samantalang karaniwang inilalaan ng mga museo ang sarili nito sa mas masining na mga paksa, isang museo ang nagbukás sa estado ng New Jersey, E.U.A., na nakatalaga sa basura. Ipinadarama ng bagong museo sa mga bisita kung ano ang pakiramdan ng nasa loob ng isang basurahan, itinatanghal ang itinapong mga bagay na nakakalat sa sahig, sa mga dingding, at hanggang sa kisame. Lahat ng bagay ay galing sa mga basurahan, ang tuntunin lamang ay na wala rito ang mangangamoy. Ipinakikita ng biodegradability display (nabubulok at sumasama sa kapaligiran) sa mga manonood kung ano ang nangyayari sa basura paglipas ng panahon. Bagaman ang ani at mga kahon ng cardboard ay pawang naglaho sa paglipas ng 100 taon, ang mga gamit na plastik at mga bote ng soda ay nanatili. Idiniriin ng iba pang eksibit ang pangangalaga at pagreresiklo. Inaasahang gagawin ng museo lalo na ang mga kabataan na magkaroon ng kabatiran tungkol sa lumalaking problema ng daigdig na pagtatapon ng basura.
SALIK SA PAGKONTROL NG TIMBANG
Hindi lamang kung ano ang kinakain ng isang tao kundi kung gaano rin karami ang kasama niya sa pagkain ay nakikita ngayon na isang salik sa pagkontrol ng timbang. Natuklasan ng mga mananaliksik sa Georgia State University, E.U.A., na mientras mas maraming tao ang kumakain sa isang pananghalian, malamang na mas marami ang nakakain ng bawat isa. “Ipinahihiwatig nito na ang mga salik na panlipunan ay maaaring magbigay ng malakas na mga pahiwatig sa pagkain, at na ang mga taong nagsisikap magbawas ng timbang ay dapat na maging lalo pang maingat kapag kumakain na kasama ng iba,” sabi ng University of California, Berkeley Wellness Letter.
KAMANGMANGANG PANDAIGDIG
“Isang bilyon [1,000,000,000] katao sa daigdig ang hindi marunong bumasa—kahit na ng kanila mismong pangalan, sa kalakhang bahagi,” sabi ng magasing Asiaweek. “Ang hindi marunong bumasa’t sumulat [mangmang] ay hindi umuunti, gaya ng inaakala ng karamihan ng edukadong mga tao.” Ang India ay nangunguna sa daigdig na may 290 milyon katao na hindi makabasa’t makasulat, samantalang sumusunod naman ang Tsina na may 250 milyon. Sa maraming bansa, ang mga lalaki ay mas malamang na tumanggap ng isang edukasyon kaysa mga babae. Ang pangglobong katumbasan ay 1 lalaki sa 5 ang hindi makabasa, kung ihahambing sa 1 sa 3 sa mga babae.
MAS PABOR PA SA MGA HAYOP
Ang mga pangkat ng pamayanan ay hindi nagtagumpay sa pakikiusap sa mga opisyal na tigilan na ang pag-iisprey ng pamatay-insektong Malathion na ginagamit sa mataong mga dako upang sawatain ang Mediteraneong langaw, ulat ng magasing Time. Iginiit ng mga opisyal na ang pag-iisprey ay hindi mapanganib sa mga tao. Subalit nang ang U.S. Fish and Wildlife Service ay nagbabala na ang isprey ay maaaring makapinsala sa 8-centimetrong panggabing daga na tinatawag na Stephen’s kangaroo rat, isang nanganganib malipol na uri, ang mga opisyal ay sumang-ayon na hindi iispreyhan ang 13-kilometro kudradong lugar kung saan nasumpungan ang mga daga. “May halaga pa ang mga daga, ang mga tao ay wala,” sabi ng Time.