Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Nawawalang” mga Babae
  • Mga Armas o Pag-unlad?
  • Panganib ng Moose na Tumatawid sa Daan
  • Kalagayan ng Nauru
  • Naglalaho ang Sakit na “Guinea Worm”
  • Umabante ang “Doomsday Clock”
  • Pinabayaang mga Bagong Silang na Sanggol
  • Hindi Sapat ang Pagkauhaw
  • Nagbukas ang Bantog na Libingan ng Ehipto
  • Ang Moose—Pambihirang Higante ng Kagubatan
    Gumising!—2013
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?
    Gumising!—2004
  • Tapos Na ba ang Bantang Nuklear?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Nawawalang” mga Babae

“Sa mga lipunan na tumatrato sa kababaihan nang walang pagtatangi kung may kinalaman sa kalusugan, may 106 na babae sa bawat 100 lalaki. Ito’y isang biyolohikal na katotohanan,” sabi ng The Courier, isang magasin na inilathala ng European Union. Subalit binabanggit din ng mga pagsusuri ng UN ang isa pang totoong bagay: Sa mga bansa sa Asia, gaya ng Tsina, India, Republika ng Korea, at Pakistan, mayroon lamang, sa katamtaman, 94 na babae sa bawat 100 lalaki. Bakit? “Ginawang posible ng mga pagsulong sa siyensiya na matiyak ang kasarian ng di pa naisisilang na sanggol nang patiuna” at pinatindi nito ang “mga anomalya tungkol sa katumbasan ng pagsilang ng babae at lalaki,” paliwanag ng The Courier. Halimbawa, sa Republika ng Korea noong 1982, 94 na batang babae ang isinilang sa bawat 100 batang lalaki, subalit noong 1989, ang katumbasan na iyan ay bumaba tungo sa 88 sa bawat 100. Ganito pa ang sabi ng publikasyon ng UN na Our Planet: “Nakagugulat ang mga estadistika: 100 milyon babae sa Asia ang ‘nawawala’ dahil sa pagpatay sa mga sanggol at pagpapalaglag sa di pa naisisilang na mga sanggol na babae.”

Mga Armas o Pag-unlad?

Makabibili ang isang daang dolyar ng E.U. ng alin sa isang AK-47 na baril o sapat na mga kapsula ng bitamina A upang maiwasan ang pagkabulag ng 3,000 bata na isang taon ang edad. Makabibili ang isang daang milyong dolyar ng alin sa sampung milyong mina o sapat na bakuna upang maingatan ang 7.7 milyong bata laban sa anim na nakamamatay na sakit ng mga bata. Makabibili ang walong daang milyong dolyar ng alin sa 23 F-16 eruplanong pandigma o asin na may iodine para sa sampung taon, iniingatan ang 1.6 na bilyong tao mula sa mga sakit dahil sa kakulangan ng iodine, gaya ng sakit sa isip. Halos mabibili ng 2.4 na bilyong dolyar ang alin sa isang nuklear na submarino o mga kagamitan para sa tubig at kalinisan para sa 48 milyon katao. Ano nga ba ang mga priyoridad ng daigdig? Ayon sa The State of the World’s Children 1996, ang mga benta ng armas sa nagpapaunlad na mga bansa noong 1994 lamang ay may kabuuang $25.4 bilyon, salapi na maaari sanang ginugol sa mga gawaing pagpapaunlad.

Panganib ng Moose na Tumatawid sa Daan

Bakit ang isang usa na moose ay tumatawid sa daan? Ito’y isang seryosong katanungan para sa mga biyologo ng buhay-iláng sa Newfoundland o sa mga nagmamaneho sa lugar na iyon at sa libu-libong turista na nagdaraan sa mga haywey ng lalawigan. “May halos 300 aksidente dahil sa banggaan ng kotse at moose sa isang taon sa mga haywey sa Newfoundland, ang ilan dito ay nagbunga ng pagkamatay ng mga nagmamaneho,” sabi ng pahayagang The Globe and Mail. “Ang timbang ng moose na hanggang 450 kilo [1,000 libra] ay maaaring lumagapak sa bubungan ng kotse na gaya ng isang malaking bato, na makamamatay o makababalda.” Ang basta pagbawas ng dami sa kasalukuyang bilang ng moose na 150,000 sa isla ay hindi epektibo, sabi ni Shane Mahoney ng Natural Resources Department, sapagkat ang maraming lugar kung saan may mababang bilang ng moose, ay may mataas na bilang ng mga aksidente. Sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa ikinikilos ng kawan, umaasa ang mga siyentipiko na malaman kung bakit ang moose, na likas na takót sa trapiko, ay nagpasiyang tumawid sa daan.

Kalagayan ng Nauru

Ang Nauru, ang pinakamaliit at pinakaliblib na republika sa daigdig, ay kilala noon sa tropikal na kagandahan nito. Tinawag ng mga marinong Europeo na unang nakakita sa dalawampung kilometro kudradong isla na ito noong ika-18 siglo na Pleasant Island (Kaayaayang Isla). Gayunman, sa ngayon ang makitid na baybayin na lamang ang natitirhan, at ang Nauru ay naging “ang pinakanapinsalang bansa sa daigdig kung tungkol sa kapaligiran,” sabi ng The New York Times. Bakit? Dahil sa strip mining. Sa loob ng 90 taon ang phosphate, ang produkto ng dumi ng ibon sa loob ng libu-libong taon at ng mga mikroorganismo ng dagat, ay namina na, “nag-iwan ng mga hukay, nakatatakot na tila mga uka ng buwan ng nagtataasang abuhing batong-apog, ang ilan ay kasintaas ng 22 metro.” Ang init na sumisingaw mula sa walumpung porsiyento ng isla na namina na ay nakaapekto rin sa kalagayan ng panahon, nagtataboy sa mga ulap ng ulan at sumasalot sa lupa dahil sa tagtuyot. Ang pinakahuling deposito ng phosphate ay inaasahang bubungkalin sa loob ng limang taon. Maraming taga-Nauru ang nag-iisip na ang tanging paraan ay iwan ang Nauru at gamitin ang kanilang kayamanan upang bumili ng isang bagong titirhang isla na kanilang malilipatan.

Naglalaho ang Sakit na “Guinea Worm”

“Pagkatapos ng bulutong, waring ang guinea worm ang ikalawang sakit ng tao na malilipol,” sabi ng The Economist. “Ang dami ng iniulat na mga kaso, na halos 900,000 sa buong daigdig nito lamang 1989, ay bumaba sa 163,000 noong nakaraang taon at sa karamihan ng mga bansa ay bumababa ng kalahati sa bawat taon.” Ang isang eksepsiyon ay ang Sudan, “nagpapatunay na ang digmaan at sakit ay magkaagapay.” Ang parasito na nakukuha sa tubig na nagpapasimula sa pagkaliit-liit na uod, ang guinea worm ay nalipol na mula sa Gitnang Asia, Pakistan, at maraming bansa sa Aprika. Nasugpo ito ng mga ahensiya sa kalusugan sa pamamagitan ng paggamit ng kemikal na nagdadalisay sa tubig, pagtuturo sa mga tao na salain ang kanilang inuming tubig sa pamamagitan ng tela, at paghadlang sa mga maysakit nito na maligo o tumawid sa pinagmumulan ng inuming tubig. Minsang pumasok sa katawan, ang lalaking bulati ay namamatay pagkatapos magparami, at ang mga babae ay umaabot ng hanggang isang metro ang haba bago unti-unting lumalabas sa loob ng ilang linggo mula sa makirot na mga paltos sa binti ng biktima, kung minsan ay sinisira o pinipinsala ang mga kalamnan.

Umabante ang “Doomsday Clock”

Ikinilos kamakailan ang kamay ng kilalang doomsday clock sa pabalat ng The Bulletin of the Atomic Scientists ng tatlong minuto bago ang hatinggabi. Makasagisag na ipinakikita ng orasan kung gaano kalapit ang daigdig sa nuklear na digmaan. Sapol nang ipakilala ito noong 1947, ang orasan ay binago ng 16 na ulit bilang pagkilala sa nagbabagong kalagayan sa daigdig. Ang pinakamalapit na ikinilos nito kailanman sa nuklear na hatinggabi​—dalawang minuto​—ay noong 1953 pagkatapos ng unang pagsabog ng bombang hydrogen ng Estados Unidos. Ang huling pagbabago ay noong 1991 nang ito’y ikinilos nang paatras ng 17 minuto bago ang hatinggabi dahil sa optimismo pagkatapos ng Cold War. Ang pag-abante sa orasan ng 14 na minuto ay nagpapabanaag ng lumalagong pagkabahala sa tumitinding tensiyon sa daigdig, ang kawalang-kasiguruhan sa mga talaksang nuklear, at ang banta ng nuklear na terorismo. “Ang daigdig ay nananatiling napakapanganib na lugar,” sabi ni Leonard Rieser, ang tagapangulo ng The Bulletin.

Pinabayaang mga Bagong Silang na Sanggol

Sa Italya magagawang legal ng isang ina na tanggihan ang kaniyang bagong silang na sanggol, iniiwan ang pananagutan sa mga may awtoridad sa bata na siyang maghahanap ng mag-asawa na handang umampon dito. Subalit, noong 1995 kasindami ng 600 bata ang pinabayaan pagkasilang, “marami ang nasa basurahan, ang iba ay malapit sa mga simbahan o mga center ng lingkod-pangkalusugan,” sabi ng pahayagang La Repubblica sa Italya. Ang mga pangyayaring ito ay nagaganap sa pinakamaunlad at mariwasang mga lugar ng bansa gayundin sa pinakamahirap at pinakamabagal umunlad na bansa. Ayon kay Vera Slepoj, presidente ng Italian Society of Psychology, ito’y isang “babala sa diwa ng kamatayan” na lumalaganap sa lipunan sa ngayon.

Hindi Sapat ang Pagkauhaw

“Kung umaasa lamang ang isang tao sa pagkauhaw, hindi siya gaanong iinom,” sabi ni Dr. Mark Davis, isang propesor sa exercise physiology. Maraming tao ang nananatili sa kalagayang bahagyang natutuyuan ng tubig sa katawan, yamang ang pagkauhaw ay nagaganap pagkatapos na bumaba nang husto ang likido sa katawan. At mientras tumatanda ang mga tao, lalong nagmimintis ang kanilang mekanismo sa pagkauhaw. Gaya ng iniulat ng The New York Times, mas kailangan natin ang tubig kapag mainit o labis na malamig o tuyot ang panahon, kapag tayo’y nag-eehersisyo o nagdidiyeta, at kapag tayo’y nagkakasakit na may kasamang diarrhea, lagnat, at pagsusuka, na sanhi ng pagkawala ng likido. Ang mga pagkain na maraming hibla ay nangangailangan din ng maraming likido upang mailabas ang hibla sa dumi. Bagaman ang mga prutas at gulay ay maaaring nagtataglay ng mataas na porsiyento ng tubig, ang karamihan sa ating pangangailangan ay nasasapatan sa pamamagitan ng pag-inom. Ang tubig ang pinakamabuti, yamang ito’y mabilis na tinatanggap ng katawan. Mientras mas matamis ang iniinom, mas mabagal itong tinatanggap. Ang mga soda ay talagang higit na makapagpapauhaw sa iyo, yamang kailangang tunawin ng likido ang asukal. Yamang ang caffeine at alkohol ay nakapagpapaihi, ang pagdepende sa inumin na nagtataglay ng mga ito ay maaaring humantong sa pagkawala ng tubig. “Ang mga nasa hustong gulang ay dapat na uminom ng di-kukulangin sa walong 2.4 desilitrong baso ng tubig sa isang araw,” sabi ng Times.

Nagbukas ang Bantog na Libingan ng Ehipto

Ang libingan ni Nefertari sa Libis ng mga Reyna sa Luxor, sarado sa loob ng maraming taon, ay nabuksan sa publiko. “ ‘Ang libingan na ito ang talagang pinakakahanga-hanga sa kanluraning pampang ng Luxor, o maging sa buong Ehipto,’ sabi ni Mohammed el-Soghayer, pinuno ng Supreme Council for Antiquities sa sangay ng Luxor. ‘Walang alinlangan na ito’y ginawa ng pinakabihasang mga dalubsining noong panahon ni Ramses II na nagtayo ng maharlikang monumentong ito dahil sa kaniyang malaking pag-ibig kay Nefertari. Ibig niya na magkaroon siya ng pinakamagandang libingan hangga’t maaari.’” Gayunman, ang 430 metro kudrado ng matingkad at magandang mga pinta ay halos nasira ng baha, putik, at nanunuot na butil ng asin. Noong 1986, pagkatapos ng mga taon ng pagsangguni, isang internasyonal na pangkat ang nagpasimula ng napakaingat na pagsama-sama ng mga piraso sa mga labí ng miyural na gumagamit ng mga larawang kuha ng Italyanong nag-aaral ng antigong mga bagay sa Ehipto na si Ernesto Schiaparelli, na nakatuklas sa libingan. Gayunman, ang bilang ng mga bisita ay nilimitahan dahil sa halumigmig. Pinarangalan din ni Ramses II si Nefertari nang kaniyang ialay ang isa sa mga templo sa Abu Simbel para sa kaniya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share