Mga Tanong na Kailangang Sagutin
MINSAN sa iyong buhay, baka naitanong mo: ‘Kung umiiral ang Diyos, bakit niya pinapayagan ang labis-labis na paghihirap? At bakit niya pinayagan ito sa loob ng gayon kahabang panahon, sa buong kasaysayan ng tao? Magwakas pa kaya ang paghihirap?’
Dahil sa hindi pagkakaroon ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong na iyon, sumamâ ang loob ng marami. Ang iba ay tumalikod pa nga sa paniniwala sa Diyos, o sinisisi nila ang Diyos sa kanilang mga kasawian.
Halimbawa, isang lalaking nakaligtas sa Holocaust, ang pagpatay ng mga Nazi sa milyun-milyon noong Digmaang Pandaigdig II, ay lubhang sumamâ ang loob anupa’t sabi niya: “Kung didilaan mo ang aking puso, malalason ka nito.” Isa pang lalaking naghirap bunga ng etnikong pag-uusig, na ikinamatay ng mga kaibigan at miyembro ng pamilya sa Digmaang Pandaigdig I, ay may kapaitang nagtanong: “Nasaan ang Diyos nang kailangan namin siya?”
Kaya, maraming tao ang naguguluhan ang isip. Mula sa kanilang punto de vista, lumilitaw na ito ay hindi kasuwato ng isang Diyos ng kabutihan at pag-ibig na payagang mangyari ang masasamang bagay sa gayon kahabang panahon.
Kung Ano ang Nagawa ng Tao
Totoo na ang mga tao ay nakagawa ng lubhang masasamang bagay sa iba sa nakalipas na mga dantaon—sa katunayan, sa loob ng libu-libong taon. Ang laki at kakilabutan ng lahat ng mga ito ay nakalilito sa guniguni.
Habang ipinalalagay na sumusulong ang sibilisasyon, ang mga tao ay nakagawa ng mas nakapangingilabot na mga instrumento sa paglipol o pagpinsala sa iba: artilyeria, machine guns, mga eruplanong pandigma, tangke, missiles, flamethrowers, kemikal at nuklear na mga sandata. Bunga nito, sa siglo lamang na ito, ang digmaan ng mga bansa ay kumitil ng halos isang daang milyon katao! Daan-daang milyon pa ang napinsala o nasaktan sa ibang paraan. At ang halaga ng nasirang mga ari-arian, gaya ng mga tahanan at pag-aari, ay di-masukat.
Isip-isipin ang katakut-takot na dalamhati, hirap, at luha na dala ng digmaan! Kadalasan ang walang-malay na mga tao ang naghihirap: matatandang lalaki at babae, mga bata, mga sanggol. At kadalasan, karamihan niyaong nagsigawa ng masama ay hindi pinapanagot.
Sa buong daigdig, ang paghihirap ay nagpapatuloy hanggang sa mga sandaling ito. Araw-araw, ang mga tao ay pinapatay o kaya’y nabibiktima ng krimen. Sila’y nasasaktan o namamatay sa mga aksidente, pati na ang ‘mga gawa ng kalikasan’ gaya ng bagyo, baha, at mga lindol. Sila’y naghihirap dahil sa kawalan ng katarungan, di matuwid na opinyon, karalitaan, gutom, o sakit, o sa maraming iba pang paraan.
Paano nga nagawa ng isang mabait na Diyos ang isang bagay—ang sangkatauhan—na lubhang naghihirap, nang napakadalas, sa mga dantaon?
Isang Problema sa Katawan ng Tao
Ang problemang ito ay ipinababanaag sa katawan ng tao. Ang mga siyentipiko at iba pa na pinag-aralan ito ay sumasang-ayon na ang katawan ng tao ay kamangha-mangha, kahanga-hanga ang pagkakagawa.
Isaalang-alang ang ilan lamang sa kagila-gilalas na bahagi nito: ang hindi kapani-paniwalang mata ng tao, na hindi matutularan ng anumang kamera; ang kasindak-sindak na utak, na gumagawang kakatuwa sa pinakabagong computer; ang pagtutulungan ng masalimuot na mga bahagi ng katawan nang hindi natin namamalayan; ang himala ng pagsilang, paggawa ng kaibig-ibig na sanggol—isang kopya ng mga magulang nito—sa loob lamang ng siyam na buwan. Maraming tao ang naghihinuha na ang obra maestrang ito ng disenyo, ang katawan ng tao, ay nilalang ng isang dalubhasang Disenyador—ang Maylikha, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Gayunman, nakalulungkot sabihin, ang kagila-gilalas na katawang iyon ay nasisira. Sa madaling panahon ito ay nadadaig ng karamdaman, pagtanda, at kamatayan. Sa wakas ito ay nauuwi sa alabok. Kahabag-habag! Kung kailan ang isang tao ay kailangang makinabang sa mga dekada ng karanasan at maging mas matalino, ang katawan naman ay humihina. Sa wakas, anong laking pagkakaiba nito sa kalusugan, lakas, at kagandahan na taglay ng katawan sa simula!
Bakit gagawa ang isang maibiging Maylikha ng isang bagay na kasinggaling ng katawan ng tao, upang wakasan lamang ito na gayong kalungkot? Bakit siya gagawa ng isang mekanismo na nagsisimulang mahusay, taglay ang napakaraming potensiyal, subalit nagwawakas na gayon na lamang kasama?
Kung Paano Ipinaliliwanag Ito ng Iba
Sinasabi ng iba na ang kabalakyutan at paghihirap ay mga instrumento ng Diyos upang pagbutihin ang ating pagkatao sa pamamagitan ng kahirapan. Isang klerigong Methodista ang nagsabi: “Ang pagganti ng mabuti sa masama ay bahagi ng plano ng Diyos sa kaligtasan.” Ibig niyang sabihin na upang magkaroon ng mahusay na pagkatao at maligtas, ang mabubuting tao ay dapat maghirap sa mga gawa ng masasamang tao bilang bahagi ng plano ng Diyos.
Subalit sisikapin ba ng isang maibiging ama na pasulungin ang pagkatao ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagpaplano na sila’y mabiktima ng imbing kriminal? Isaalang-alang din, na maraming kabataan ang namamatay sa mga aksidente o pinapatay o namamatay sa digmaan. Ang mga kabataang biktimang iyon ay wala ng pagkakataon pa na pasulungin ang kanilang pagkatao sapagkat sila’y patay na. Kaya ang ideya na ang paghihirap ay pinapayagan upang pasulungin ang pagkatao ay walang saysay.
Walang makatuwiran at maibiging ama ang magnanais ng paghihirap o malaking sakuna na mangyari sa kaniyang mga mahal sa buhay. Sa katunayan, ang isang ama na magpaplanong ang kaniyang mga mahal sa buhay ay maghirap upang ‘magkaroon ng pagkatao’ ay ituturing na hindi matino, maaari pa ngang di-timbang ang pag-iisip.
Kaya makatuwiran kayang sabihin na ang Diyos, ang kataas-taasang maibiging Ama, ang matalino-sa-lahat na Maylikha ng sansinukob, ay sadyang isinaayos ang paghihirap bilang bahagi ng kaniyang ‘plano para sa kaligtasan’? Iyan ay paglalagay ng lubhang malupit at imbing katangian sa kaniya, isang katangian na nasusumpungan nating lahat na hindi kaaya-aya kahit na sa nakabababang mga tao.
Paghanap sa mga Sagot
Saan tayo babaling para sa mga sagot sa mga tanong tungkol sa pagpapahintulot ng Diyos ng paghihirap at kabalakyutan? Yamang ang mga tanong ay may kaugnayan sa Diyos, makatuwirang alamin kung ano mismo ang inilalaan niyang kasagutan.
Paano natin masusumpungan ang kaniyang mga kasagutan? Sa pagtungo sa aklat na sinasabi ng Diyos na siya ang may akda bilang isang giya para sa mga tao—ang Banal na Bibliya, ang Sagradong Kasulatan. Anuman ang iniisip ng isa tungkol sa aklat na iyon, makabubuting suriin ito, sapagkat, gaya ng sabi ni apostol Pablo: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang . . . sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Isinulat din niya: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na narinig ninyo sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.”a—1 Tesalonica 2:13.
Ang paghanap ng kasagutan sa mga tanong tungkol sa pagpapahintulot sa paghihirap ay higit pa sa basta isang ehersisyo lamang ng isipan. Ang mga sagot ay mahalaga sa ating pag-unawa ng kung ano ang nagaganap ngayon sa daigdig, kung ano ang mangyayari sa malapit na hinaharap, at kung paanong ang bawat isa sa atin ay apektado.
Utang natin sa ating sarili na hayaang ang Bibliya, ang komunikasyon ng Diyos sa sambahayan ng tao, ay magsalita sa ganang sarili. Ano, kung gayon, ang sinasabi nito tungkol sa kung paano nagsimula ang paghihirap at kung bakit pinapayagan ito ng Diyos?
Isang susi upang maunawaan ang sagot ay may kaugnayan sa kung paano ang pagkakagawa sa atin sa mental at emosyonal na paraan. Ipinakikita ng Bibliya na inilagay ng Maylikha sa ating kayarian bilang mga tao ang mahalagang katangiang ito: ang pagnanais ng kalayaan. Isaalang-alang nating maikli kung ano nga ang nasasangkot sa kalayaang magpasiya para sa mga tao at kung ano ang kaugnayan nito sa pagpapahintulot ng Diyos sa paghihirap.
[Talababa]
a Para sa isang pagtalakay sa katibayan na ang Bibliya nga ay kinasihan ng Diyos, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.