Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BROSYUR SA BIBLIYA SA 192 WIKA
  • SOBRANG GAMIT NG MGA PAMAWI NG SAKIT
  • MATALINONG LALANG
  • MGA DIGMAAN NG APRIKA
  • MGA SANGGOL NA ISINISILANG PARA IHAIN
  • NAKAMAMATAY NA AKSIDENTE SA MECCA
  • ISANG BAGONG BIBLIYA PARA SA ÁRTIKÓ
  • NAKAMAMATAY NA HALO
  • BAGONG UGNAYANG SOBYET-VATICANO
  • ANG KAPANGYARIHAN NG DETERMINASYON
  • ISANG NAKAMAMATAY NA LARO
  • Bahagi 2—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Wakas ng Isang Panahon—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?
    Gumising!—1996
  • Isang Kahariang Itinayo sa Buhangin, Langis, at Relihiyon
    Gumising!—1991
  • Droga—Mapanganib at Nakamamatay
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

BROSYUR SA BIBLIYA SA 192 WIKA

Isinama ng Guinness Book of World Records sa ilalim ng pamagat na “Pinakamataas na Bilang ng Pag-iimprenta” ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala noong 1968 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Noong Mayo 1987 ang aklat na Katotohanan ay umabot na sa kabuuang bilang na 106,486,735 inilimbag na mga kopya sa 116 na mga wika, sang-ayon sa aklat na Guinness. Gayunman, kamakailan lamang ang mga Saksi ni Jehova ay namamahagi ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ang brosyur na ito, na inilathala noong 1982 ng samahang ring iyon, ay makukuha na ngayon sa 192 wika, at mahigit na 60,000,000 mga kopya na ang nailimbag.

SOBRANG GAMIT NG MGA PAMAWI NG SAKIT

Ipinahayag kamakailan ng isang Australianong opisyal na ang ‘mga Australiano ay umiinom ng apat na libong milyong analgesics sa bawat taon,’ sang-ayon sa The Courier Mail. Ang pangunahing pagkabahala ay na parami nang paraming mga kabataang mag-aaral, lalo na ang mga babae, ay nakaugalian nang gumamit ng mga gamot na ito. Ang Kagawaran ng Edukasyon ng Australia ay naghanda ng aklat na Painkillers: A Student Workbook upang ipamahagi sa lahat ng mga paaralan ng Estado. Ang layunin ng aklat na ito ay “sikaping bawasan ang pangangailangan ng mga batang mag-aaral na gumamit ng mga gamot upang makayanan ang mga problema,” sabi ng The Courier Mail. Binanggit ng isang manggagamot na “maraming babae ang lumaking nag-aakalang kailangan nilang uminom ng isang tabletang gamot para sa bawat karamdaman.” Itinala rin niya ang anemia, hindi pagdumi ng ilang araw, at sakit ng tiyan bilang posibleng masasamang epekto ng pag-abuso sa analgesic. Inirerekomenda niya ang pag-inom ng tubig, pagtulog nang maaga, ehersisyo, paglalakad sa sariwang hangin, at regular na masustansiyang pagkain bilang mga mapagpipiliang lunas para sa sakit ng ulo at bahagyang mga sakit.

MATALINONG LALANG

Nais mo ba ng mabait at magiliw na alagang hayop? Subukin mo ang bantay aso sa Silangang Alemanya. Mga 6,000 asong nagpapatrolya sa pirasong lupa sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Alemanya. Kasama ng mga bakod na de koryente, mga lupang may mina, at mga machine gun, ang mga ito ay nilayon upang hadlangan ang mga taga-Silangang Alemanya sa pagtakas tungo sa Kanluran. Gumana ito. Si Georg, isang bantay sa hangganan ng Silangang Alemanya, ay takot pa ngang lumapit sa mga ito sa kaniyang pagpapatrolya. “Pagkatapos ay napansin ko ang ilan sa kanila ay tinahol pa nga ako,” aniya. “Panakot lamang pala ito.” Tinatanaw ang nagkakaisang Alemanya sa hinaharap, ang mga taga-Kanlurang Alemanya na naghahangad na makakuha ng mga hayop bilang mababangis na mga bantay aso ay nasiraan ng loob. “Karamihan ng mga aso ay pain lamang,” sabi ni Ulrich Karlowski ng Society for the Protection of Animals ng Kanlurang Alemanya. “Ang mga ito ay sinanay upang gawin ang payak na mga bagay na gaya ng maupo at tumakbo, huwag sasalakay sa mga tao.”

MGA DIGMAAN NG APRIKA

“Marahil tatlong milyon katao o higit pa ang namatay bunga ng mga digmaan ng Aprika sa nakalipas na dekada,” ayon sa pahayagang Lesotho Today. Tinatayang ang kamatayan sa Digmaang Etiope ay nasa “pagitan ng 500,000 at isang milyon.” Sinasabi pa ng Lesotho Today na malamang na ang mahihirap na mamamayan ang higit na naghirap, binabanggit na “mga siyam hanggang 12 milyong Aprikano ay nawalan ng tahanan dahil sa digmaan, naging mga takas o mga taong walang kalagyan.” Sang-ayon sa The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, tinatayang 600,000 buhay ang nasawi sa Mozambique noong panahon ng gera sibil nito, kabilang dito ang 380,000 mga bata. Ito’y mahigit na sampung ulit ng mga Amerikanong namatay sa Digmaan sa Vietnam.

MGA SANGGOL NA ISINISILANG PARA IHAIN

Ang mga imbestigasyon sa gawain ng Satanismo sa iba’t ibang panig ng Timog Aprika ay nagpapakita na ang kapit nito sa mga kabataan ay nagiging mas malaganap. Gayunman, sang-ayon sa Saturday Star, isang pahayagan sa Timog Aprika, “pami-pamilya​—mga ama, ina at anak​—ay nasasangkot, at ang ilang Satanista ay “propesyonal na mga tao na may mataas na katayuan sa pamayanan.” Sinisiyasat ng pulisya ang mga gawain ng pag-abuso sa bata, panghahalay, pagsiping sa hayop, at pagpatay ng mga sanggol. Ibinunyag ng dating mga Satanista sa pulisya sa Cape Town na 11 sanggol ang ritwal na pinatay sa nakalipas na limang taon at na ang mga sanggol ay pantanging isinilang para ihain, sabi ng Saturday Star.

NAKAMAMATAY NA AKSIDENTE SA MECCA

Ang lungsod ng Mecca sa Saudi Arabia ang maybisita sa angaw-angaw na mga peregrinong Muslim mula sa buong daigdig taun-taon. Sa taóng ito, noong Hulyo 2, 1990, isang kakila-kilabot na aksidente ang sumira sa relihiyosong peregrinong ito. Sang-ayon sa The New York Times, iniulat ng mga opisyal sa Saudi na “1,426 na peregrinong Moslem ang namatay sa isang panakbuhan (stampede) sa isang tawirang tunél na nag-uugnay sa lungsod na ito sa isang kampo ng mga tolda para sa mga peregrino.” Iniulat, ang tunél na nakapagkakarga ng halos isang libong tao, ay nasiksik nang higit sa makakaya nitong ikarga na may 5,000 katao. Iniulat ng isang nakasaksi na karagdagan pa sa mga natapakan sa panakbuhan, marami ang nahimatay, ang iba ay namatay dahil sa kakulangan ng oksiheno. Binanggit ng Times na tinukoy ni Haring Fahd ng Saudi Arabia ang aksidente bilang “kalooban ng Diyos, na higit sa lahat ng bagay.”

ISANG BAGONG BIBLIYA PARA SA ÁRTIKÓ

Ang pagsasalin ng Bibliya sa Inuktitut, ang wika ng katutubong mga taong Inuit sa Ártikó, ay malaon nang isang hamon. Ang wika ay walang salita para sa tupa, kabayo, o buriko, subalit may 30 salita ito para sa niyebe. Ang saling kasalukuyang ginagamit, sang-ayon sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada, ay 90 taóng gulang at punô ng maling salin at hindi akmang mga parirala. Halimbawa, isinasalin nito ang pariralang ‘ang kordero ng Diyos,’ bilang “ang pantanging bagay ng Diyos na mukhang guyang caribou.” Subalit dahil sa satelayt na telebisyon at edukasyon, ang mga taong Inuit ay pamilyar na ngayon sa higit na mga salita na dati’y hindi nila kilala. Kaya, isang bagong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ginagawa. Ang “tupa” ay isasalin ngayon sa terminong Inuit na “sheepi,” subalit ang “buriko” ay mananatiling “ang bagay na may malalaking tainga.”

NAKAMAMATAY NA HALO

Ang “cocaine” na ipinagbibili sa mga sugapa sa droga sa Brazil ay naglalaman lamang ng halos 7.5 porsiyento ng purong cocaine, sang-ayon kay Paulo Sérgio Fleury, hepe ng pulisya sa State Department of Narcotics (Denarc) sa São Paulo. Ang paggamit ng may halong cocaine ay maaaring maging nakamamatay. Iniulat ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S.Paulo na ang cocaine na nasamsam ng pulisya ay nasumpungang hinaluan ng mga sangkap na gaya ng ‘boric acid (isang lason na ginagamit upang patayin ang mga langgam at ipis), confectioners’ sugar, isang lunas sa diarrhea, isang lokal na anestisya, sodium Chloride (asin), gypsum, at pinulbos na bubog pa nga.’ Ang pinulbos na bubog, kahit na ito ay giniling nang husto, “ay maaaring pagmulan ng panloob na bitak, hiwa at sugat sa gumagamit.”

BAGONG UGNAYANG SOBYET-VATICANO

Ang pulong sa pagitan ni Papa John Paul II at ng presidente ng Sobyet na si Mikhail Gorbachev noong nakaraang Disyembre ay nagbunga sa taóng ito ng isang opisyal na ugnayan sa pagitan ng Vaticano at Unyong Sobyet sa kauna-unahang pagkakataon sapol noong Rebolusyong Ruso ng 1917. Inilarawan ng Vaticanong tagapagsalitang si Joaquim Navarro bilang “bago ang mga kaugnayang diplomatiko,” ang kasunduan ay humihiling sa Vaticano na makipagpalitan ng isang kinatawan na may ranggong nuncio apostoliko para sa isang kinatawang Sobyet na may ranggong di-karaniwang embahador. Si Gorbachev ay sinasabing nangako sa papa na ang kalayaan sa pagsamba ay igagarantiya sa Unyong Sobyet.

ANG KAPANGYARIHAN NG DETERMINASYON

Nasumpungan ng mga mananaliksik sa University of California sa San Diego sa La Jolla na ang determinasyon (willpower) ay maaaring magpahaba ng buhay sa ilalim ng ilang kalagayan. Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang dami ng mga kamatayan ng mga matatanda nang babaing Intsik sa loob ng 15-taóng yugto ng panahon. Nasumpungan nila na ang dami ng namamatay ay bumababa ng 35 porsiyento sa mga linggo bago ang Kapistahang Intsik na Harvest Moon, isang taunang pangyayari kung saan ang mga babae ay gumaganap ng pangunahing bahagi sa seremonya. Sa linggo pagkatapos ng kapistahan, ang dami ng kamatayan ay 35 porsiyento mataas kaysa normal na antas. Katulad din ito sa mga lalaking Judio kung tungkol sa kapistahan ng Paskua. Ang sosyologong si David P. Phillips, na siyang nanguna sa pananaliksik, ay sinipi sa The Boston Globe na nagsasabi: “Ang mga resulta ay lubhang nagpapahiwatig na sandaling naiaantala ng ilang tao ang kamatayan upang maabot ang isang okasyon na sa kanilang isipan ay mahalaga sa kanila.”

ISANG NAKAMAMATAY NA LARO

Ang mga batang nakatira sa matataas na mga proyekto ng pabahay sa New York City ay nakasumpong ng isang nakamamatay na paraan ng paghahangad ng katuwaan: pagsakay sa tuktok ng mga elebeytor. Ang palabas o stunt ay kilala na sa loob ng di-kukulanging 20 taon, subalit sinasabi ng mga pulis na ito ay dumarami, humahantong sa halos 200 mga pag-aresto at 40 nasaktan noong 1989, doble ng bilang noong 1988. Bukod sa ito’y nagdudulot ng kakila-kilabot na pinsala, ang larong ito ay pumapatay rin. Isang 12-anyos na batang lalaki ang sumubok na magsirko mula sa isang barakilan tungo sa isang tumatakbong elebeytor at ang bata’y nadurog sa kamatayan, tatlong linggo lamang pagkaraang isang pelikulang nagbababala sa mga bata laban sa larong ito ay ginawa sa elebeytor ding iyon. Sinubok ng ilang kabataan na tumalon mula sa tuktok ng isang tumatakbong elebeytor tungo sa isa pang elebeytor. Ang iba ay sumasakay sa ilalim ng kotse ng elebeytor, bumibitin sa isang kable ng kuryente. Nilalaro ito ng batang babae gayundin ng mga batang lalaki. Ayon sa mga opisyal ng pabahay, ang mga bata ay nauudyukan ng pagkabagot at pagnanasang pahangain ang kanilang mga kaedad.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share