Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 10/22 p. 7-11
  • Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panganib na Higit Pa sa AIDS
  • Panganib at ang mga Bangko ng Dugo
  • Ang Salik na Pangangalaga-sa-Sarili
  • Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • “Mga Legal na Isyu sa Medisina Tungkol sa Pagsasalin”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Mga Tanong sa Pag-aaral ng Brochure na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 10/22 p. 7-11

Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?

“Ilang tao pa ang kailangang mamatay? Ilang kamatayan pa ang kailangan ninyo? Ibigay ninyo sa amin ang pasimula ng kamatayan na kailangan ninyo upang maniwala kayo na ito’y nangyayari.”

PINUKPOK ni Don Francis, isang opisyal ng CDC (Centers for Disease Control ng E.U.), ang mesa habang isinisigaw niya ang mga salita sa itaas sa isang pulong na kasama ng pangunahing mga kinatawan ng industriya ng pagbabangko ng dugo. Kinukumbinsi ng CDC ang mga tagapagbangko ng dugo na ang AIDS ay kumakalat sa pamamagitan ng panustos na dugo ng bansa.

Ang mga tagapagbangko ng dugo ay hindi nakumbinsi. Tinawag nila ang katibayan na kakaunti​—iilang kaso lamang—​at nagpasiyang huwag pasulungin ang pagsubok o pagsuri sa dugo. Iyan ay noong Enero 4, 1983. Pagkalipas ng anim na buwan, ang presidente ng American Association of Blood Banks ay nagsabi: “May kaunti o walang panganib sa publiko.”

Para sa maraming eksperto, mayroon nang sapat na katibayan upang kumilos. At mula noon, ang dating “iilang kaso” ay nakababahalang dumami. Bago noong 1985, marahil 24,000 katao ang nasalinan ng dugo na may HIV (Human Immunodeficiency Virus), na nagiging sanhi ng AIDS.

Ang nahawaang dugo ang pinakamabisang paraan upang ikalat ang virus ng AIDS. Ayon sa The New England Journal of Medicine (Disyembre 14, 1989), ang isang yunit ng dugo ay maaaring magdala ng sapat na virus upang pagmulan ng hanggang 1.75 milyong mga impeksiyon! Sinabi ng CDC sa Gumising! na noong Hunyo 1990, sa Estados Unidos lamang, 3,506 katao na ang nagkaroon ng AIDS buhat sa mga pagsasalin ng dugo, mga sangkap ng dugo, at mga tissue transplant.

Subalit iyon ay mga bilang lamang. Hindi nito ipinahihiwatig ang tindi ng personal na kalunus-lunos na pangyayaring nasasangkot. Isaalang-alang, halimbawa, ang malungkot na nangyari kay Frances Borchelt, 71 anyos. Matatag na sinabi niya sa mga doktor na ayaw niyang siya’y salinan ng dugo. Gayunman siya’y sinalinan din ng dugo. Siya’y hirap na hirap na namatay dahil sa AIDS habang walang magawang pinagmamasdan siya ng kaniyang pamilya.

O isaalang-alang ang kalunus-lunos na nangyari sa isang 17-anyos na babae na, malakas na dinugo dahil sa regla, ay sinalinan ng dalawang yunit ng dugo upang iwasto lamang ang kaniyang anemia. Nang siya ay 19 anyos at nagdalang-tao, nasumpungan niya na ang dugong isinalin sa kaniya ay may virus ng AIDS. Sa edad na 22 siya’y nagkaroon ng AIDS. Bukod sa pagkaalam na malapit na siyang mamatay dahil sa AIDS, nag-iisip rin siya kung naipasa kaya niya ang sakit sa kaniyang sanggol. Ang talaan ng kalunus-lunos na mga pangyayari ay marami pa, mula sa mga sanggol hanggang sa mga matatanda na, sa buong daigdig.

Noong 1987 ang aklat na Autologous and Directed Blood Programs ay nanaghoy: “Halos nang makilala ang dating nanganganib na grupo, nangyari ang di-inaakala: ang demonstrasyon na ang nakamamatay na sakit na ito [AIDS] ay maaari at inihahatid ng boluntaryong suplay ng dugo. Ito ang pinakamapait sa lahat ng kabalintunaan ng medisina; na ang mahalagang nagbibigay-buhay na kaloob ng dugo ay maaaring maging isang instrumento ng kamatayan.”

Maging ang mga medisinang galing sa plasma ay tumulong sa paglaganap ng salot na ito sa buong daigdig. Marami sa may sakit na hemophilia, na ang karamihan ay gumagamit ng gamot na pampalapot ng dugo na galing sa plasma upang gamutin ang kanilang karamdaman, ay nangamatay. Sa Estados Unidos, sa pagitan ng 60 hanggang 90 porsiyento sa kanila ang nagkaroon ng AIDS bago naitatag ang isang paraan upang initin-gamutin ang medisina upang alisin ang HIV.

Gayunman, hanggang sa ngayon, ang dugo ay hindi pa rin ligtas mula sa AIDS. At ang AIDS ay hindi siyang tanging panganib mula sa pagsasalin ng dugo. Marami pang iba.

Mga Panganib na Higit Pa sa AIDS

“Ito ang pinakamapanganib na sustansiyang ginagamit namin sa medisina,” sabi ni Dr. Charles Huggins tungkol sa dugo. Alam niya; siya ang patnugot ng pagsasalin ng dugong paglilingkod sa isang ospital sa Massachusetts. Inaakala ng marami na ang isang pagsasalin ng dugo ay kasimpayak ng paghahanap ng isa na may katugmang uri ng dugo. Subalit bukod sa mga type na ABO at sa Rh factor na kung saan ang dugo ay pinagtutugma, maaaring may 400 o higit pang mga pagkakaiba na hindi pinagtutugma. Gaya ng pagkakasabi ng cardiovascular na seruhanong si Denton Cooley: “Ang isang pagsasalin ng dugo ay isang organ transplant. . . . Inaakala kong may ilang di-pagkakatugma sa halos lahat ng pagsasalin ng dugo.”

Hindi kataka-taka na ang pagsasalin ng masalimuot na sustansiyang iyon ay maaari, gaya ng sabi rito ng isang seruhano, na “makalito” sa sistema ng imyunidad ng katawan. Sa katunayan, maaaring sugpuin ng pagsasalin ng dugo ang imyunidad ng hanggang isang taon. Sa iba, ito ang pinakamapanganib na aspekto ng pagsasalin.

At nariyan din ang nakahahawang mga sakit. Ang mga ito ay may eksotikong mga pangalan, gaya ng sakit Chagas at cytomegalovirus. Ang mga epekto ay mula sa lagnat at pangingiki hanggang sa kamatayan. Si Dr. Joseph Feldschuh ng Cornell University of Medicine ay nagsasabi na may 1 tsansa sa 10 na magkaroon ng impeksiyon mula sa isang pagsasalin ng dugo. Para itong paglalaro ng Russian roulette na may sampung-balang rebolber. Ipinakikita rin ng mga pag-aaral kamakailan na ang pagsasalin ng dugo sa panahon ng operasyon ng kanser ay maaaring aktuwal na magparami sa panganib ng muling paglitaw ng kanser.

Hindi kataka-takang sinabi ng isang balita sa telebisyon na ang isang pagsasalin ng dugo ay maaaring maging ang pinakamalaking balakid sa paggaling mula sa operasyon. Nahahawaan ng hepatitis ang libu-libo at pinapatay ang marami pang ibang tumanggap ng pagsasalin kaysa pinapatay ng AIDS, subalit hindi ito gaanong binibigyan ng publisidad. Walang nakaaalam sa dami ng mga kamatayan, subalit ang ekonomistang si Ross Eckert ay nagsasabi na ito ay maaaring katumbas ng isang eruplanong DC-10 na punô ng tao na bumabagsak buwan-buwan.

Panganib at ang mga Bangko ng Dugo

Paano tumugon ang mga bangko ng dugo sa paghahayag ng lahat ng panganib na ito ng kanilang produkto? Hindi sila gaanong tumugon, sabi ng mga kritiko. Noong 1988 ang Report of the Presidential Commission on the Human Immunodeficiency Virus Epidemic ay nagparatang sa industriya ng pagiging “napakabagal” sa pagkilos sa panganib ng AIDS. Ang mga bangko ng dugo ay hinimok na hadlangan ang mga kabilang sa lubhang-mapanganib na mga pangkat sa pagkakaloob ng dugo. Sila’y hinimok na subukin muna ang dugo mismo, sinusuri ang mga palatandaan na mula sa mga nagkaloob na lubhang-mapanganib. Ang mga bangko ng dugo ay nag-antala. Hinamak nila ang mga panganib na umano ito’y labis-labis na histirya. Bakit?

Sa kaniyang aklat na And the Band Played On, sinabi ni Randy Shilts na sinalansang ng ibang tagapagbangko ng dugo ang higit pang pagsubok “halos sa kadahilanang may kaugnayan sa pananalapi. Bagaman pangunahin nang pinatatakbo ng mga organisasyong walang patubuan na gaya ng Red Cross, ang industriya ng dugo ay kumakatawan ng malaking salapi, na may taunang salaping pumapasok na isang bilyong [isang libong milyon] dolyar. Ang kanilang negosyo na paglalaan ng dugo para sa 3.5 milyong mga pagsasalin sa isang taon ay nanganganib.”

Isa pa, yamang ang walang patubuang mga bangko ng dugo ay lubhang dumidepende sa boluntaryong mga tagapagkaloob, atubili silang saktan ang damdamin ng sinuman sa kanila sa pamamagitan ng pagpuwera sa ilang pangkat na lubhang-mapanganib, lalo na ang mga homoseksuwal. Ang mga tagapagtaguyod ng mga karapatan-ng-bakla ay nagbabala na ang pagbabawal sa kanila na magkaloob ng dugo ay lalabag sa kanilang karapatang sibil at isang bakás ng kaisipang piitang-kampo ng ibang panahon.

Ang mawalan ng mga tagapagkaloob at ang pagdaragdag ng bagong mga pagsubok ay magkakahalaga rin ng higit na salapi. Noong tagsibol ng 1983, ang Stanford University Blood Bank ang naging kauna-unahan sa paggamit ng pagsubok sa dugo, na nagpapahiwatig kung baga ang dugo ay galing sa mga nagkaloob na lubhang nanganganib sa AIDS. Pinuna ng ibang tagapagbangko ng dugo ang pagkilos na ito bilang isang komersiyal na paraan upang akitin ang higit pang mga pasyente. Ang mga pagsubok ay nagpapataas sa presyo. Subalit gaya ng sabi rito ng mag-asawa, na ang sanggol ay sinalinan ng dugo nang hindi nila nalalaman: “Tiyak na magbabayad kami ng karagdagang $5 isang pint” para sa mga pagsubok na iyon. Ang kanilang sanggol ay namatay dahil sa AIDS.

Ang Salik na Pangangalaga-sa-Sarili

Ang ilang eksperto ay nagsasabi na ang mga bangko ng dugo ay makupad tumugon sa mga panganib sa dugo sapagkat wala silang kasagutan sa mga kinalabasan ng kanila mismong mga kabiguan. Halimbawa, ayon sa ulat sa The Philadelphia Inquirer, pananagutan ng FDA (Food and Drug Administration ng E.U.) na tiyaking ang mga bangko ng dugo ay nakaaabot sa pamantayan, subalit ito’y lubusang umaasa na ang mga bangko ng dugo ang maglagay ng mga pamantayang iyon. At ang ilang opisyal ng FDA ay dating mga lider sa industriya ng dugo. Kaya, ang mga inspeksiyon sa mga bangko ng dugo ay aktuwal na dumalang habang lumalaganap ang krisis ng AIDS!

Inimpluwensiyahan din ng mga bangko ng dugo sa E.U. ang mga batas na magsasanggalang sa kanila sa mga asunto. Sa lahat halos ng estado, sinasabi ngayon ng batas na ang dugo ay isang paglilingkod, hindi isang produkto. Nangangahulugan iyan na dapat patunayan ng isang taong naghahabla sa isang bangko ng dugo ang kapabayaan sa bahagi ng bangko​—isang mahirap na legal na hadlang. Ang mga batas na iyon ay maaaring gumawa sa mga bangko ng dugo na mas ligtas sa mga asunto, subalit hindi nila ginagawang mas ligtas ang dugo para sa mga pasyente.

Gaya ng katuwiran ng ekonomistang si Ross Eckert, kung ang mga bangko ng dugo ay papanagutin sa dugong ipinagbibili nila, gagawa sila nang higit pa upang tiyakin ang kalidad nito. Ang retiradong tagapagbangko ng dugo na si Aaron Kellner ay sumasang-ayon: “Sa pamamagitan ng kapirasong legal na alchemy, ang dugo ay naging isang paglilingkod. Ang lahat ay malaya, yaon ay, maliban sa walang malay na biktima, ang pasyente.” Susog pa niya: “Sa paano man ay naipakita sana natin ang kawalang-katarungan, subalit hindi natin ginawa iyon. Nababahala tayo sa ating sariling panganib; nasaan ang pagkabahala natin sa pasyente?”

Ang konklusyon ay waring di-maiiwasan. Ang industriya ng pagbabangko ng dugo ay mas interesado sa pangangalaga sa kaniyang sarili sa pinansiyal na paraan kaysa pangangalaga sa mga tao mula sa mga panganib ng produkto nito. ‘Subalit talaga bang mahalaga ang lahat ng mga panganib na ito,’ maaaring ikatuwiran ng iba, ‘kung ang dugo ang tanging posibleng paggamot upang iligtas ang isang buhay? Hindi kaya nakalalamang ang mga pakinabang sa mga panganib?’ Magandang mga tanong ito. Kailangan nga ba ang lahat ng mga pagsasaling iyon?

[Blurb sa pahina 9]

Ginagawa ng mga doktor ang lahat upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa dugo ng kanilang mga pasyente. Ngunit ang mga pasyente ba ay sapat ding napangangalagaan mula sa isinasaling dugo?

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Ligtas ba sa AIDS ang Dugo Ngayon?

“ITO’Y Madugong Mabuting Balita,” pahayag ng isang paulong-balita sa Daily News ng New York noong Oktubre 5, 1989. Iniulat ng artikulo na ang mga tsansa na magkaroon ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo ay 1 sa 28,000. Ang proseso ng pag-aalis ng virus sa panustos na dugo, sabi nito, ay 99.9 porsiyentong mabisa ngayon.

Gayunding optimismo ang namayani sa industriya ng pagbabangko ng dugo. ‘Ang panustos ng dugo ay mas ligtas ngayon kaysa kailanman,’ sabi nila. Ang presidente ng American Association of Blood Banks ay nagsabi na ang panganib ng pagkakaroon ng AIDS mula sa dugo ay “talagang naalis.” Ngunit kung ang dugo ay ligtas, bakit binabansagan ito ng mga korte at ng mga doktor na “nakalalason” at “di-maiiwasang di-ligtas”? Bakit ang ilang doktor ay nag-oopera na nakasuot ng animo’y kasuotang pangkalawakan, kompleto na may maskara sa mukha at boots, lahat ay upang hindi mabahiran ng dugo? Bakit hinihiling ng napakaraming ospital sa mga pasyente na lumagda ng porma ng pahintulot na nagpapawalang-sala sa ospital mula sa nakapipinsalang mga epekto ng mga pagsasalin ng dugo? Talaga bang ligtas ang dugo mula sa mga sakit na gaya ng AIDS?

Ang pagiging ligtas nito ay depende sa dalawang pamamaraan na ginagamit upang pangalagaan ang dugo: sinusuri ang mga nagkaloob na nagtutustos nito at sinusubok ang dugo mismo. Ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na sa kabila ng lahat ng pagsisikap na suriin ang mga tagapagkaloob ng dugo na ang mga istilo ng buhay ay naglalagay sa kanila na lubhang mapanganib sa AIDS, mayroon pa ring ilan na nakakalusot sa pagsusuri. Sila’y nagbibigay ng maling sagot sa mga katanungan at nagkakaloob ng dugo. Ang iba naman ay nais lamang malaman kung sila mismo ay nahawaan ba nito.

Noong 1985 sinimulang subukin ng mga bangko ng dugo ang pagkanaroon ng antibodies sa dugo na ginagawa ng katawan upang labanan ang virus ng AIDS. Ang problema sa pagsubok ay na ang isang tao ay maaaring nahawaan ng virus ng AIDS sa loob ng ilang panahon bago magkaroon ng anumang antibodies na makikita sa pagsubok. Ang delikadong puwang na ito ay tinatawag na window period.

Ang ideya na may 1 tsansa sa 28,000 na magkaroon ka ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo ay galing sa isang pag-aaral na inilathala sa The New England Journal of Medicine. Inilagay ng babasahing iyon ang malamang na window period sa isang katamtamang walong linggo. Gayunman, mga ilang buwan bago nito, noong Hunyo 1989, inilathala ng babasahin ding iyon ang isang pag-aaral na naghihinuha na ang window period ay maaaring mas mahaba pa​—tatlong taon o mahigit pa. Ipinakikita ng mas naunang pag-aaral na ito na ang gayong kahabang window period ay maaaring mas pangkaraniwan kaysa dating inaakala, at pinag-isipan nito na, masahol pa, ang ilang nahawaang tao ay maaaring hindi gumawa ng antibodies sa virus! Gayunman, hindi isinama ng mas optimistikong pag-aaral ang mga tuklas na ito, tinatawag itong “hindi gaanong nauunawaan.”

Hindi kataka-taka na si Dr. Cory SerVass ng Presidential Commission on AIDS ay nagsabi: “Maaaring patuloy na sabihin ng mga bangko ng dugo sa publiko na ang panustos na dugo ay ligtas, subalit hindi na naniniwala riyan ang publiko sapagkat natatalos nila na ito’y hindi totoo.”

[Credit Line]

CDC, Atlanta, Ga.

[Kahon sa pahina 11]

Isinaling Dugo at Kanser

Natututuhan ng mga siyentipiko na ang isinaling dugo ay sumusugpo sa sistema ng imyunidad at na ang nasugpong imyunidad ay maaaring lubhang makaapekto sa kaligtasan niyaong naooperahan sa sakit na kanser. Sa labas nito noong Pebrero 15, 1987, ang babasahing Cancer ay nag-uulat tungkol sa isang impormatibong pag-aaral na ginawa sa Netherlands. “Sa mga pasyenteng may kanser sa colon o malaking bituka,” sabi ng babasahin, “nakita ang lubhang masamang epekto ng pagsasalin ng dugo sa pangmatagalang kaligtasan. Sa grupong ito may panlahatang 5-taóng kaligtasan na 48% para sa mga sinalinan ng dugo at 74% sa mga pasyenteng hindi sinalinan.”

Nasumpungan din ng mga manggagamot sa University of Southern California na mas marami sa mga pasyenteng inoperahan sa kanser ang muling nagkaroon ng kanser kung sila’y tumatanggap ng pagsasalin ng dugo. Iniulat ng Annals of Otology, Rhinology & Laryngology, ng Marso 1989, ang tungkol sa isang follow-up na pag-aaral sa isang daang pasyente ng mga manggagamot na ito: “Ang paglitaw muli ng lahat ng kanser sa gulung-gulungan ay 14% para roon sa mga hindi tumanggap ng dugo at 65% sa mga tumanggap ng dugo. Para sa kanser sa bibig, lalaugan, at sa ilong o sinus, ang muling paglitaw ay 31% sa mga hindi sinalinan ng dugo at 71% naman sa mga sinalinan ng dugo.”

Sa kaniyang artikulong “Blood Transfusions and Surgery for Cancer” (Mga Pagsasalin ng Dugo at Operasyon sa Kanser), si Dr. John S. Spratt ay naghinuha: “Ang seruhano sa kanser ay baka kailangang maging isang seruhanong hindi gumagamit ng dugo.”​—The American Journal of Surgery, Setyembre 1986.

[Mga larawan sa pahina 10]

Na ang dugo ay isang nagliligtas-buhay na medisina ay hindi tiyak subalit tiyak na ito ay pumapatay ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share