Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 10/22 p. 14-15
  • Ang Pinakamahalagang Likido sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakamahalagang Likido sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tunay na Halaga ng Dugo
    Gumising!—2006
  • Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo
    Gumising!—2006
  • Ang Pagkaliliit na “Trak” ng Iyong Katawan
    Gumising!—2001
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 10/22 p. 14-15

Ang Pinakamahalagang Likido sa Daigdig

ANG isang patak ng dugo ay napakadaling ipagwalang-bahala. Mula ito sa isang galos o durò ng aspili, isang munting simboryo ng nagniningning na pula, at agad nating hinuhugasan o pinapahiran ito nang hindi iniisip.

Ngunit kung paliliitin natin ang ating sarili hanggang sa tayo ay maging napakaliit anupa’t ang simboryong ito ay nanganganinag sa unahan natin na parang isang bundok, makikita natin sa pulang kalaliman nito ang isang daigdig ng hindi kapani-paniwalang kasalimuutan at kaayusan. Sa loob ng isang patak na iyon, may pagmamadalian ng malaking hukbo ng mga selula: 250,000,000 pulang selula ng dugo, 400,000 puting selula ng dugo, at 15,000,000 platelets, na ilan lamang sa mga ranggo nito. Inilulunsad sa pagkilos sa daluyan ng dugo, ang bawat hukbo ay nagtutungo sa kani-kaniyang atas.

Ang pulang mga selula ay nagkukumamot sa masalimuot na network ng sistema vascular, na nagdadala ng oksiheno mula sa mga bagà tungo sa bawat selula sa katawan at inaalis ang carbon dioxide. Pagkaliliit ng mga selulang ito anupa’t ang isang talaksan ng 500 nito ay 0.1 centimetro lamang ang taas. Gayunman, ang talaksan ng lahat ng pulang selula sa iyong katawan ay aabot ng 50,000 kilometro ang taas! Pagkaraan ng halos 120 araw ng paglalakbay sa buong katawan 1,440 ulit sa isang araw, ang pulang selula ay nagreretiro. Ang pinakasentro nito na mayaman sa iron ay may kahusayang niriresiklo, at ang iba ay itinatapon. Sa bawat saglit, tatlong milyong pulang selula ang inaalis, samantalang gayunding dami ng bagong pulang selula ang ginagawa sa utak ng buto. Paano nalalaman ng katawan na ang isang pulang selula ay nasa hustong gulang na upang magretiro? Ang mga siyentipiko ay nagtataka. Ngunit kung wala ang sistemang ito ng pagpapalit ng lumang pulang mga selula, ayon sa isang kemiko, “ang ating dugo ay magiging malapot na gaya ng kongkreto sa loob ng dalawang linggo.”

Samantala, ang puting mga selula ay umaali-aligid sa sistema, hinahanap at sinisira ang inaayawang mga mananalakay. Ang platelets ay agad na nagtitipun-tipon kung saan may hiwa at sinisimulan ang proseso ng pamumuo ng dugo at tinatakpan ang hiwa. Lahat ng selulang ito ay nakabitin sa isang malinaw, kulay-garing na likidong tinatawag na plasma, na sa ganang sarili ay binubuo ng daan-daang sangkap, marami sa mga ito ay gumaganap ng mahahalagang bahagi sa pagsasagawa ng mahabang listahan ng mga tungkulin ng dugo.

Ang mga siyentipiko taglay ang lahat ng kanilang pinagsama-samang talino ay nalilito at hindi nila maunawaan ang lahat ng ginagawa ng dugo, gaano pa kaya ang gayahin ito. Ang makahimalang masalimuot na likido kayang ito ay gawa ng isang Dalubhasang Disenyador? At hindi ba makatuwiran na ang nakahihigit-sa-taong Maylikha ay may lahat ng karapatang magsaayos kung paano dapat gamitin ang kaniyang mga nilikha?

Gayon ang palagay ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang itinuturing ang Bibliya na isang liham buhat sa ating Maylikha na naglalaman ng kaniyang mga panuntunan sa kung paano mabubuhay nang pinakamagaling na buhay hangga’t maaari; isa itong aklat na hindi nananahimik sa paksang ito tungkol sa dugo. Ang Levitico 17:14 ay nagsasabi: “Ang kaluluwa ng lahat ng uri ng laman ay ang kaniyang dugo”​—mangyari pa, hindi sa literal na paraan, yamang sinasabi rin ng Bibliya na ang nabubuhay na organismo sa ganang sarili ay isang kaluluwa. Bagkus, ang buhay ng lahat ng kaluluwa ay lubhang di maiiwasang kaugnay at sinusustinihan ng dugo nito anupa’t ang dugo ay angkop na minamalas bilang isang sagradong likido na kumakatawan sa buhay.

Para sa iba, mahirap unawain iyan. Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na walang gaanong pinahahalagahang bagay. Ang buhay mismo ay bihirang pinahahalagan na gaya ng nararapat. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang dugo ay binibili at ipinagbibili na gaya ng anumang iba pang paninda. Subalit hindi ito tinatrato nang gayon niyaong mga gumagalang sa kagustuhan ng Maylikha. ‘Huwag kang kakain ng dugo’ ang utos ng Diyos kay Noe at sa kaniyang mga inapo​—ang lahat ng sangkatauhan. (Genesis 9:4) Pagkalipas ng walong siglo inilagay Niya ang utos na iyon sa kaniyang Kautusan sa mga Israelita. Labinlimang siglo pagkatapos ay muli niyang sinabi ito minsan pa sa kongregasyong Kristiyano: ‘Umiwas kayo sa dugo.’​—Gawa 15:20.

Ang mga Saksi ni Jehova ay nanghahawakan sa kautusang iyon pangunahin na dahil sa nais nilang sundin ang kanilang Maylikha. Sa pamamagitan ng mapagsakripisyong kamatayan ng kaniya mismong minamahal na Anak, ang Maylikha ay nakapagbigay na sa sangkatauhan ng nagliligtas-buhay na dugo. Mapahahaba nito ang buhay hindi lamang sa loob ng mga ilang buwan o taon kundi magpakailanman.​—Juan 3:16; Efeso 1:7.

Isa pa, ang pag-iwas sa pagsasalin ng dugo ay nag-ingat sa mga Saksi mula sa laksa-laksang panganib. Parami nang paraming tao bukod sa mga Saksi ni Jehova ang tumatanggi sa pagsasalin ng dugo ngayon. Dahan-dahan ang pamayanang pangmedisina ay tumutugon at binabawasan nito ang paggamit ng dugo. Gaya ng pagkakasabi rito ng Surgery Annual: “Maliwanag, ang pinakaligtas na pagsasalin ay hindi siyang ibinibigay.” Binanggit ng babasahing Pathologist na malaon nang iginigiit ng mga Saksi ni Jehova na ang pagsasalin ng dugo ay hindi marapat na paggamot. Sabi pa nito: “Maraming katibayan upang suportahan ang kanilang paninindigan, sa kabila ng mga pagtutol mula sa mga tagapagbangko ng dugo.”

Sino ang mapaniniwalaan mo? Ang matalinong Persona na nagdisenyo ng dugo? O ang mga taong ginawang malaking negosyo ang pagbibili ng dugo?

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang sistema vascular ng tao, na may mga dulong ugat (nakasingit) na napakapino anupa’t ang mga selula ng dugo ay napipilitang maglakbay rito nang isahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share