Kapag Inilihim ang Kanser
ISANG araw noong Mayo 1987, dinampot ko ang Hunyo 8 na labas ng Gumising! at sinimulan kong basahin ang pitak na “Mula sa Aming mga Mambabasa.” Kapagdaka, napansin ko ang isang balita buhat sa Hapón na kababasahan ng ganito:
“Nais namin kayong pasalamatan sa inyong mga artikulo tungkol sa kanser na inyong inilathala. (Marso 8 at Marso 22, 1987) Noong nakaraang taon ang aming anak na babae, na hindi kailanman nagkasakit sa loob ng 16 na taon, ay biglang narikonosi na may tuberkulosis at naospital sa loob ng anim na buwan. Pagkatapos, palibhasa’y wala namang tubercle bacilli, siya ay pinalabas na sa ospital.”
‘Kataka-taka!’ naisip ko. ‘Pareho kami ng naranasan ng babaing ito.’ Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa:
“Subalit nang sumunod na buwan napag-alaman namin na siya ay may kanser sa thyroid at na ang kanser ay lumipat sa kaniyang bagà. Agad siyang inoperahan upang alisin ang kaniyang thyroid at ang nakapaligid na lymp glands, at inalis rin ang ilang bahagi ng kaniyang bagà. Siya ngayon ay nagpapa-cobalt.”
Gayunding operasyon ang naranasan ko. Naghinala ako. ‘Ako kaya ang pinag-uusapan dito?’ naitanong ko. ‘Pero wala akong kanser, di ba?’ Ang dibdib ko’y kumakaba habang binabasa ko ang natitirang bahagi ng balita:
“Ang kaniyang operasyon ay matagumpay, at siya ay namumuhay na normal. Subalit bilang mga magulang, lagi kaming nababahala at nag-aalala kung ano ang aming gagawin upang tulungan ang aming anak na babae. Dahil sa mga artikulo ninyo nakadama kami ng katiyakan at minsan pa’y nagkaroon kami ng kapayapaan ng isip. Ang mga artikulong ito ay nagbibigay ng mainam na patnubay sa kung paano namin mapatitibay-loob ang aming anak na babae sa hinaharap.—H. K., Hapón.”
Aba, ito ang mga unang tiktik ng pangalan ni Itay! Kung gayon ako kaya ang babaing ito? Sinugod ko si Inay. “Nalaman mong tungkol ito sa iyo, di ba?” sabi niya at ngumiti. Sinisikap niyang basahin ang ekspresyon ng aking mukha. Ganiyan ko unang nalaman na ako ay may kanser.
Kung Bakit Hindi Ipinaalam Nang Mas Maaga
Sa Hapón hindi ugali na sabihin sa isang pasyente kapag narikonosi na siya ay may kanser. Ang aking mga magulang ay sinabihan ng mga doktor na makipagtulungan sa patakarang iyon. Sa katunayan, gusto sanang sabihin ito sa akin ni Inay, subalit hindi sumang-ayon si Itay. Inaalala niya na baka ako masiraan ng loob kaya atubili sila. Kaya hindi nila malaman kung sasabihin nila sa akin ang karamdaman o hindi.
Pagkatapos isang serye ng mga artikulo tungkol sa paksang kanser ang lumitaw sa Marso 8 at 22, 1987, na mga labas ng Gumising! Pagkabasa nito, ipinasiya ng aking mga magulang na sa angkop na panahon, sasabihin nila sa akin ang tungkol sa aking kanser. Gayunman, sumulat muna ang aking tatay ng isang liham ng pasasalamat sa mga artikulo sa Samahan ng Watch Tower sa Hapón. Nang ang kaniyang liham ay mailathala sa Gumising!, inaakala ng aking mga magulang na ang kamay ni Jehova, ang Diyos ng Bibliya, ay nasa likuran ng mga pangyayaring ito. Ito’y isang mabait na paraan ng pagpapaalam sa akin tungkol sa aking kanser, yamang ang pagkagulat ko nang makita ko ang liham ni itay nang sandaling iyon ay nangibabaw sa lahat ng iba pang damdamin.
Ang nadama ko ay hindi takot, sapagkat ako’y taimtim na naniniwala sa turo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. Sabi nito na sila ay “walang nalalamang anumang bagay.” (Eclesiastes 9:5) Nagtitiwala rin ako sa pangako ng Bibliya na “lahat niyaong nasa alaalang libingan” ay babalik sa isang pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Sa kabilang dako, ang nakapanlumo sa akin ay ang kaisipang: ‘Kung mamatay ako, anong lungkot ng aking mga magulang samantalang hinihintay ang aking pagkabuhay-muli.’ Alam mo, ako ang kanilang kaisa-isang anak. ‘Tiyak na aalalayan ni Jehova ang aking mga magulang sa mga taon ng kanilang kalungkutan,’ katuwiran ko at inalis ko sa isipan ang nakapanlulumong kaisipang ito.
Naospital
Noong Abril 1985, dalawang taon lamang bago ko nadampot ang Gumising! na may liham ng aking tatay, ako’y nakapatala sa high school. Ako’y 15 anyos lamang. Pagkatapos bigyan ng isang physical checkup, tumanggap ako ng isang paunawa noong Mayo na nagsasabi sa akin: “Bronchiectasis—Needs thorough examination.”
Kahit na inaakala kong wala naman akong diperensiya, ang hindi maunawaang salitang iyon ay nagkaroon ng malungkot na epekto sa akin. Kailanman ay hindi pa ako nagkasakit nang malubha, at sa pagkaalam ng lahat ako ay isang malusog na bata. Gayumpaman, nagtungo ako sa isang ospital sa aming lugar para sa isang ganap na pagsusuri. Doon ako ay narikonosi na may tuberkulosis at agad akong naospital.
Ang buhay sa tuberkulosis ward ay hindi kaaya-aya. Sa loob ng anim na buwan walang sinuman sa labas ng ospital ang pinapayagang dumalaw sa akin maliban sa aking mga magulang. Ang mga sulat mula sa mga kaibigang Kristiyano at mga tape recording ng mga pulong Kristiyano ang nagpalakas sa akin at tumulong sa akin na labanan ang aking kalumbayan. Karagdagan pa riyan, ang pagbabasa ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay nakahadlang din sa akin na maging maka-ako sa aking pag-iisip. Ngunit higit sa lahat, ang personal na kaugnayan sa Diyos ay nakatulong sa akin na panatilihin ang isang positibong pangmalas.
Ang Pasiya Kong Maglingkod sa Diyos
Alam mo, sinimulan akong turuan ng aking mga magulang sa Bibliya nang ako ay apat na buwang gulang, at pinalaki nila ako na tanggapin ang mga turo ng Bibliya bilang katotohanan. Nang ako’y lumaki na, dahil sa pagsasanay ng aking mga magulang, minahal ko ang aking kaugnayan kay Jehova at nilinang ko ang pananampalataya sa kaniya sa aking sariling pagkukusa. Inialay ko ang aking sarili kay Jehova at sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong Disyembre 4, 1982, nang ako ay 13 anyos.
Bueno, pagkatapos halos ng anim na buwan sa ospital, ako’y napalabas noong Oktubre 1985. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, natanto ko kung gaano kasarap ang hangin kapag ang isa ay malayang nakakikilos. Upang ipakita ang aking pagpapahalaga, nagpasiya akong maglingkod bilang isang pansamantalang buong-panahong ministro, o auxiliary payunir. Kaya noong Nobyembre at Disyembre, ako’y gumugol ng 60 oras sa Kristiyanong boluntaryong paglilingkod. Gayunman, noong Disyembre nalaman ko na ako’y kailangang maospital muli upang operahan sa thyroid. Ang maisip ko lamang na ako’y maoospital ay naiyak na ako.
Ang Isyu sa Dugo
Ang Salita ng Diyos ay nagtatagubilin sa mga Kristiyano na “patuloy na umiwas . . . sa dugo,” at bilang isang nag-alay na lingkod ni Jehova, nais kong gawin ang lahat ng bagay upang palugdan siya. (Gawa 15:29) Yamang isasagawa ang operasyon, kinausap ko ang aking doktor at ipinaliwanag ko kung bakit hindi ako maaaring pasalin ng dugo. Iginalang niya ang aking paninindigan at sinabi sa akin na huwag akong mag-alala tungkol dito.
Gayunman, noong araw bago ang operasyon, ako’y ipinasok sa isang silid sa ospital kung saan mahigit sa isang dosenang mga doktor ang naghihintay sa akin. Ang mga seruhanong ito, na hinding-hindi ko nakikilala, ay magiging presente sa aking operasyon. Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa nakaharap ko ang napakaraming propesyonal.
“Nais naming talakayin sa iyo ang tungkol sa operasyon bukas,” sabi ng namamahalang doktor. “Bubuksan namin ang iyong bagà gayundin ang iyong thyroid. Ngayon, may kaugnayan sa sinabi mo tungkol sa hindi pagsasalin ng dugo, talaga bang nais mong sundin namin ang sinabi mo kahit na kung may bumangong di-inaasahang emergency?”
“Opo, tiyak ko po,” sagot ko habang ang mga doktor ay matamang nakikinig. “Pakisuyo pong gawin ninyo kung ano ang kahilingan ko.”
Pagkatapos ang iba ay nagsimulang magtanong, gaya ng: “Bakit ayaw mong pasalin ng dugo?” “Iyan ba talaga ang nadarama mo?” Lahat sila ay magalang na nakinig habang sinasagot ko ang kanilang mga tanong. Ang dati kong kaigtingan ay unti-unting naglaho, at ipinaliwanag ko kung paano ko tinanggap ang pangmalas ng Diyos tungkol sa dugo. Nilinaw ko rin na ito’y aking sariling pagpapahalaga sa kautusan ng Diyos, hindi anumang panggigipit mula sa aking mga magulang, ang nag-udyok sa akin na humiling ng operasyong walang dugo. May kabaitang iginalang ng mga doktor ang aking saloobin at pinalakas ang loob ko na huwag mag-alala, yamang maghahanda silang mainam para sa operasyon.
Ang Operasyon at Paggagamot sa Pamamagitan ng Cobalt
Ang operasyon ay nagsangkot ng pagbubukas sa aking leeg at pag-aalis sa thyroid, lymph glands, at isang bahagi ng bagà. Natuklasan ng mga doktor na ang una nilang rikonosi na tuberkulosis ay sa katunayan kanser na lumipat mula sa thyroid. Gayunman, hinding-hindi ako sinabihan na pinatunayan ng operasyon na ako’y may kanser.
Yamang, sa pag-oopera, nagalaw ng mga doktor ang aking vocal cords, binabalaan nila ang mga magulang ko na maaaring kailanganin ko ang isa pang operasyon upang makapagsalita. Kaya ang mga doktor gayundin ang aking mga magulang ay labis na natuwa nang ako’y magkamalay at nagtanong: “Hindi kayo gumamit ng dugo, di ba?”
Dahil sa taimtim na pagsisikap ng mga doktor, ang operasyon ay matagumpay, at naingatan ko ang isang malinis na Kristiyanong budhi. Gayunman, sinabi ng mga doktor sa aking mga magulang: ‘Marahil mabubuhay lamang siya ng apat na taon. Maaari pa nga siyang mamatay sa loob ng isang taon. Sa katapusan mahihirapan siyang huminga, at siya’y mamamatay sa hirap. Mula ngayon ay mamamayat siya gaano man kalakas siyang kumain. Pakisuyong maging handa kayong harapin ang gayong mga kahihinatnan.’ Mangyari pa, wala akong kamalay-malay tungkol sa nakatatakot na kahihinatnang ito. Ngunit ang mga magulang ko ay nasindak, at napakalaki ng kanilang kalungkutan.
Pagkatapos ng operasyon noong Enero 1986, ako’y naospital para sa paggagamot sa pamamagitan ng cobalt noong Pebrero at muli noong Nobyembre nang taon ding iyon. Ang doktor na pumapasok sa silid ng paggamot ay protektado ng isang pantanging epron at guwantes. Kumuha siya ng dalawang kapsula mula sa isang maliit na bilog na sisidlang metal at ibinigay ito sa akin upang lunukin. Kinain ko ang radyoaktibong bagay, na magtatrabaho sa loob ng katawan. Kaya nga, ako’y naglalabas ng radyasyon anupa’t ako’y kailangang ikulong sa isang pribadong silid sa loob ng isang linggo. Maliban sa mga narses na pumapasok upang pakanin ako, walang dumadalaw sa akin.
Ang masasabi ko, gulat na gulat akong makita ang lahat ng masalimuot na mga paghahanda at humanga ako sa kaselangan ng paggamot. Gayunman, gaya ng kaugalian sa Hapón, ang bagay na ako’y may kanser ay maingat na inilihim sa akin.
Yamang ang silid ay nasa ilalim ng lupa at may ginawang halang upang hadlangan ang pagtakas ng radyasyon, wala akong gaanong makita sa bintana. Anong laking kagalakan ang nadarama ko kapag dumadalaw at kumakaway sa akin ang mga kaibigang Kristiyano! Nadarama ko ang kanilang pag-ibig, na nagpalakas sa akin noong ako’y nag-iisa sa silid sa ospital.
Katuparan ng Tunguhin Ko sa Buhay
Samantalang ako’y nagpapa-cobalt, tinanong ako ng isang nars kung ano ang nagpapangyari sa aking maging masaya. Sinabi ko sa kaniya na ang pag-aaral ng Bibliya ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isip. (Awit 41:3) Ang pag-uusap na ito ay pumukaw ng kaniyang interes, at siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya.
Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking Diyos ay laging nagpapaligaya sa akin. Kaya mula noong aking kabataan, naging tunguhin ko na ang maging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Upang makamit ang tunguhing iyan, kailangang timbangin ko ang aking gawain sa paaralan at ministeryo kasama na ang paglaban ko sa kanser. Anong ligaya ko na ako’y mahirang sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular payunir pagkatapos kong mag-aral noong Marso 1988!
Mangyari pa, ang aking karamdaman ay hindi pa ganap na gumagaling. Bagaman ako ngayon ay hindi gaanong mahina, kailangan kong maospital sa pana-panahon para sa mga checkup. Subalit kahit na sa ospital, nakakausap ko ang mga doktor, narses, at kapuwa mga pasyente tungkol sa pag-asang buhay na walang-hanggan na ibinibigay ng Diyos sa bagong sanlibutan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Minsan sinabi ng isang manggagawa sa ospital sa aking mga magulang: “Dahil sa naapektuhan nang gayon na lamang ang kaniyang bagà, dapat sana’y humihingal siya at kinakapos ng hininga, nahihirapan habang siya’y humihinga at basta nauupo na walang ginagawa. Subalit si Rie ay kung saan-saan nakakarating. Hindi ko ito maintindihan. Ang relihiyon ba ninyo ang gumagawa sa kaniyang napakaaktibo at masayahin?”
Oo, mayroon akong sekreto na nagpapalakas sa akin anupa’t hindi ako nasisiraan ng loob. Ito’y ang kaugnayan ko sa Diyos na Jehova. Binibigyan niya ako ng lakas upang huwag akong sumuko sa aking karamdaman. (Filipos 4:13) Iyan ang dahilan, bagaman ako’y may sakit na kanser, napananatili ko ang kapayapaan ng isip at hindi ako nawawalan ng pag-asa. Mangyari pa, nais kong mabuhay hanggang sa bagong sanlibutan na gawa ni Jehova kung saan “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) Subalit anuman ang mangyari, kahit na kung mamatay ako, nagtitiwala ako kay Jehova na hindi niya ako kalilimutan kung patuloy ko siyang palulugdan.—Gaya ng isinaysay ni Rie Kinoshita.
[Larawan sa pahina 23]
Naglingkod ako bilang isang buong-panahong ministro mula noong Marso 1988