Kung Ano ang Nagagawa sa Iyo ng Ehersisyo
ISANG mahalagang pag-aaral sa 17,000 mga nagtapos sa Harvard, na inilarawan sa The New England Journal of Medicine apat na taon na ang nakalipas, ay nagpapakita na maaaring sawatain ng pisikal na ehersisyo ang isang minanang maagang kamatayan. “Ika’y malusog sapagkat ika’y aktibo,” hinuha ni Dr. Ralph S. Paffenbarger, Jr., patnugot ng pag-aaral.
Noong Hunyo 1989 ang The Journal of the American Medical Association ay nagsabi: “Ang pisikal na gawain ay iniuugnay sa paghadlang at pagpigil sa maraming medikal na mga kalagayan, gaya ng coronary heart disease (CHD), alta presyon, . . . at suliranin sa kalusugan ng isipan.” Sabi pa niya: “Ang CHD ay 1.9 na ulit na malamang na mangyari sa pisikal na di-aktibong tao kaysa aktibong tao. Ang kaugnayang ito ay kapansin-pansin.”
Noong Nobyembre 1989 ang babasahin ring ito sa medisina ay naglathala ng isang pag-aaral na nagsasangkot sa 13,344 katao, at ipinakita pa nito ang halaga ng ehersisyo. Isinisiwalat ng komprehensibong pag-aaral na kahit na ang kaunting ehersisyo—gaya ng maliksing paglakad kalahating-oras sa isang araw—ay nagbubunga ng malaking proteksiyon mula sa kamatayan buhat sa sarisaring dahilan.
Si Dr. Norman M. Kaplan, nauugnay sa University of Texas Southwestern Medical School sa Dallas, na isang autoridad sa alta presyon, ay nagsasabi na binago niya ang kaniyang kaisipan tungkol sa halaga ng ehersisyo sa paggamot sa alta presyon. “Yamang nakita kong dumarami ang katibayan sa nakalipas na tatlo o apat na taon pinasigla ko ang mga tao tungkol sa ehersisyo.”
Inirerekomenda ngayon ni Dr. Kaplan ang ehersisyong aerobic sa mga pasyenteng may alta presyon. “Sinasabi ko sa aking mga pasyente na pasiglahin ang kanilang mga pulso,” sabi niya. “Sinasabi ko sa mga tao na magsimulang mabagal. Huwag lulukso rito. Magsimula sa paglakad at marahang pagtakbo at saka magdagdag. Kung may makatagpo kayong anumang problema, huminto.” Upang maging tunay na pakinabang sa kalusugan, ang ehersisyo ay dapat na isagawa nang regular, marahil ay tatlo o apat na beses sa isang linggo sa loob ng 20 hanggang 30 minuto o higit pa sa bawat panahon.