Ako’y Naging “Hostage”
“Hilingin mo sa Diyos mo na maging maayos ang lahat!” Ang mga salitang iyon ay galing sa isang estranghero na, mga ilang oras lamang ang nakalipas, ay hinawakan ako—isang mahinang babae—nang mahigpit sa leeg, pinagbabantaan ako ng isang granada. Sa labas, ang mga asintadong pulis ay nakatutok ang mga baril sa kung saan ako naroroon. Ako’y naging hostage sa isang bangko sa Lungsod ng Guatemala!
Ang lalaki ay sumigaw: “Walang kikilos! Holdup ito! Akin na ang lahat ng pera!” Sumigaw siya sa mga pulis: “Huwag kayong magpapaputok. Hindi laruan itong nasa kamay ko. Kung magpapaputok kayo, hindi lamang ako ang mamamatay. Lahat kami ay sasabog!”
NANALANGIN ako sa Diyos na Jehova, sumasamong tulungan niya ako, yamang nadarama kong nawawalan na ako ng hinahon. Hiniling kong tulungan niya akong maging mahinahon at matiis ang kakila-kilabot na karanasan. Natatandaan ko na siya ay isang matibay na moog na tinatakbuhan ng matuwid para sa proteksiyon.—Kawikaan 18:10.
Nang ako’y maging mahinahon, napansin ko na ang mga empleado sa bangko, gayundin ang mga parokyano, ay nakalabas na. Ang mga security guard, ang holdaper, at ako na lamang ang natira. Pagkatapos ay pinayagan ding umalis ang mga security guard.
Pagkatapos ng ilang panahon, apat na walang armas na mga lalaki ang pinayagang pumasok, kabilang sa kanila ang isang sikologo (na nalaman ko nang bandang huli) at isang reporter. Tinanong nila kapuwa ang lalaki, kung bakit niya ginagawa ito. Sinabi niya na ginagawa niya ito bilang paghihiganti sapagkat ang ilang mga institusyon ay masama ang pakitungo sa kaniya.
Pagpapakilala ng Aking Sarili
Nang mga sandaling iyon ako ay mahinahon, kaya sinimulan akong tanungin ng sikologo. Tinanong niya ang pangalan ng aking mga magulang at ang aking mga kapatid na lalaki at babae. Ipinakilala ko ang aking sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at ang pinakamatanda sa limang anak na tinuruan ng mga magulang na Kristiyano ng mga simulain ng Bibliya.
Habang lumalalim ang gabi, isa-isang lumabas ang mga lalaki. Hiniling ko sa bumihag sa akin na payagan na akong umalis. Ang kaniyang sagot ay negatibo. Sabi pa niya: “Huwag kang mag-alala. Maaayos din ang lahat ng bagay. Ibibigay nila ang gusto ko, at pagkatapos ay makauuwi ka na.” Sumagot ako: “Wala silang ibibigay sa iyo. Papatayin nila tayo. Pakisuyo, lumabas na tayo.” Ngunit sinabi niya: “Gugustuhin ko pang mamatay, at kung kinakailangan mamamatay tayong dalawa.”
Natatandaan kung ano ang sinabi niya kanina, sinikap kong mangatuwiran sa kaniya: “Naroon ba ako nang saktan ka nila?” “Wala,” sagot niya. “Kung gayon bakit kailangan kong pagbayaran ang isang bagay na hindi ko ginawa?” tanong ko. Siya’y sumagot: “Iyan ay tadhana. Kung kailangan nating mamatay rito, mamamatay tayo.” Subalit ako’y tumugon: “Hindi ito tadhana. Ikaw ang may ideya sa iyong isip na ikaw ay mamamatay. Si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig; siya’y nagpapatawad sa atin. Binibigyan niya tayo ng pagkakataon na iligtas ang ating sarili sapagkat hindi nagbago ang kaniyang layunin. Gagawin niya muli ang lupang ito na isang paraiso.”
Nang sandaling iyon may pumasok sa bangko at hinimok ang holdaper na isuko ang kaniyang sarili, na ang sabi: “Ayusin natin ito. Hayaan mo nang makaalis si Siomara. Kunin mo ang pera sa counter at sa kaha de yero, at sama-sama tayong umalis upang hindi ka nila saktan.” Subalit ang maybihag sa akin ay tumugon nang negatibo.
Hindi Isang Kasabwat
Lumipas ang mga oras. Pagkatapos, walang anu-ano, narinig ko ang isang lalaking nagsasalita sa isang megaphone, na ang sabi: “Sumuko na kayo! Hindi kayo maaaring magtagumpay. Lumabas kayo na nakataas ang inyong mga kamay. Sabihin mo sa holdaper na sumuko na. Hindi ka isang hostage. Ikaw ay isang kasabwat! Huwag ka nang magkunwari!” Natatakot, ako’y sumigaw: “Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatan na akusahin ako?” Ang tinig ay sumagot: “Inoobserbahan ka namin, kung gaano ka kahinahon. Sinumang nasa kalagayan mo ay hindi magiging ganiyang kahinahon.”
Pagkarinig nito, binanggit ko nang malakas ang pangalan ni Jehova at ako’y nanalangin. Pagkatapos sinabi ko sa nagpaparatang sa akin na nagsasalita sa megaphone: “Dadalhin mo ito sa iyong konsensiya sa buong buhay mo, yamang pinararatangan mo ako ng isang bagay na wala ka namang katibayan.” Nang maglaon nalaman ko na iniulat din ito ng isang pahayagan at istasyon ng TV sa Guatemala na sa wari ako’y isang kasabwat.
Nang sandaling ito ang maybihag sa akin ay sumabad: “Huwag ninyo siyang guluhin! Wala siyang kaugnayan sa akin! Nasumpungan ko siya rito, at sinusunod niya lamang ang aking mga utos.”
Sumagi sa isip ko na hindi tayo binigyan ni Jehova ng espiritu ng karuwagan kundi ng espiritu ng lakas at katinuan ng isip. (2 Timoteo 1:7) Pinatibay-loob ako nito, gaya ng kabatiran ko na ako ay hindi nag-iisa. Nakadama ako ng ginhawa sa loob ko at naisip ko: ‘Kung tayo’y nabubuhay, alam natin na ito ay para kay Jehova, at kung tayo’y mamatay, ito rin ay para sa kaniya.’—Roma 14:8.
Pagkalipas ng hatinggabi muli kong tinanong ang maybihag sa akin kung nagbago na ba siya ng isip. Nang sumagot siya na hindi pa, binanggit ko ang aking pamilya. Sinabi ko sa kaniya na mahal ko ang aking pamilya, na ayaw ko silang iwan kahit na alam kong kung kalooban ni Jehova, makikita ko silang muli sa bagong sanlibutan. Nang sandaling iyon, sinabi sa akin ng holdaper na magdasal ako sa Diyos at hingin ko sa Kaniya na sana’y maging maayos ang kalabasan ng lahat ng bagay.
Sa labas ng bangko, para bang ang ilang pulis ay may sinasabi sa akin. Nang maglaon nalaman ko na sinisikap nilang palapitin ako sa pinto upang matulungan nila akong makalabas. At narinig kong sinabi nila sa holdaper: “Kunin mo na ang salaping nariyan, at palabasin mo na siya. Alam naming walang kaugnayan dito si Siomara.”
Hindi ko alam na nasa labas pala ang aking mga magulang, kasama ng ibang kasamahan kong Kristiyano. Ipinaliwanag nila na wala akong kaugnayan sa holdaper.
Pagkatapos ay nagkaroon ng bagong kahilingan ang maybihag sa akin: “Gusto ko ng isang kotseng radio-patrol na may tsuper na walang armas upang dalhin ako kung saan ko gusto, at kapag kami’y nasa ligtas na dako na, pakakawalan ko siya. Kung babarilin ninyo ako, siya at ako ay sasabog.” Subalit iginiit ko: “Alisin mo iyan sa isip mo. Ang iniisip mo lamang ay mamatay. Subalit si Jehova ang may-ari ng ating mga katawan.”
Napalaya sa Wakas
Mga alas kuwatro na ng umaga, masama na ang pakiramdam ko. Mahigit na 16 na oras na ang nakalipas mula nang pumasok ako sa bangko. Hindi ako nakatulog, ni nakakain man, at ang tinig sa megaphone ay nakapagpapanerbiyos sa aming dalawa.
Nang mag-uumaga na isang babae na isa palang doktor ang kumausap sa akin. Sinabi niya na sa bawat sandaling lumipas ay magiging hindi mabuti sa akin. Sabi ng bumihag sa akin: “Kaunting tiis na lamang.” Pagkatapos ay sumang-ayon siya na may pumasok at tingnan ako. Ngunit yaong mga nasa labas na may gayong pananagutan ay takot at ayaw sumang-ayon na pumasok.
Mga kinse minutos bago mag-alas otso, giniginaw ang aking buong katawan. Pagkatapos ay nahilo ako at bumagsak ako sa sahig, na walang malay. Nang ako’y magkamalay, nasa labas na ako ng bangko! Tinulungan ako ng isang opisyal ng pulis na bumangon, at sa tulong ng dalawa pa, tumakbo ako sa kotse ng pulis at ako’y dinala sa ospital. Muli akong hinimatay papalabas sa kotse, at hindi na ako nagkamalay hanggang nang ako’y gamutin. Saka ako sinabihan: “Ligtas ka na. Maayos na ang lahat. Magpahinga ka.” Naisip ko ang Diyos na Jehova. Nagpasalamat ako sa kaniya sa pagtulong sa akin na matiis ko ang kakila-kilabot na karanasang ito.
Nang maglaon, sinabi sa akin ng aking mga magulang kung paano ako nakalabas ng bangko. Dinala ako sa labas ng holdaper, sinisikap na magkaroon ako ng malay. Subalit sa isang sandali, binitawan niya ako at tumalikod upang tumingin sa bangko. Nang sandaling iyon nasukol siya ng pulis, at ako’y nailigtas. Hindi malaman ng mga pulis kung ano ang nagtulak sa maybihag sa akin na bitawan ako at tumingin sa bangko samantalang alam niya na wala namang tao roon.
Pagkalipas ng apat na araw sa ospital, ako’y pinalabas, at ako’y umuwi ng bahay. Gayon na lamang ang pasasalamat ko sa pag-ibig na ipinakita ng aking mga kapatid na Kristiyano. Halos 60 sa kanila ang nagtipun-tipon sa aming tahanan. Anong laking kagalakan na malaman na ang aking pamilya at ako ay hindi nag-iisa! Naiisip ko ang aking tunguhin sa buhay, na maglingkod sa Diyos, at ang pagiging totoo ng mga salitang: “Ako’y nagtanong kay Jehova, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan.” (Awit 34:4)—Gaya ng inilahad ni Siomara Velásquez López.
[Larawan sa pahina 18]
Siomara Velásquez López