Kung Paano Ako Binago ng Katotohanan Mula sa Isang Kriminal Tungo sa Pagiging Kristiyano
AKO’Y lumaki sa isang maliit na bayan ng Maine. Wari bang lagi na lamang akong nasasangkot sa kapilyuhan. Kapag nahuhuli ako ng aking tatay sa gayong mga kalokohan, ako ay ikukulong. Malungkot ako kung minsan, lalo na nang mamatay ang aking itay—namatay siya noong aking ika-11 kompleanyo.
Nang ako’y lumipat sa isang mas malaking bayan, napasangkot ko hindi lamang sa mga kalokohan, kundi sa grabeng mga bagay na gaya ng pangungumit sa tindahan gayundin ng pagpasok at panloloob. Papasukin ko ang tindahan ng hardware upang tingnan lamang kung magagawa ko ito. Hindi naman laging marami ang aking kinukuha. Higit sa anumang bagay ito’y katuwaan lamang. Ngayong nililingon ko ang nakaraan, inaakala kong ang karamihan nito ay dahil sa labis na panonood ng TV—wari bang ako’y naaakit sa mararahas na palabas.
Ang mga kasalanan ko ay sumamâ nang sumamâ. Mientras mas marami akong natatangay, lalo akong nagiging pangahas. Pagkatapos ako’y nahuli. Ako ay 15 o 16 anyos, “namimili” sa loob ng isang supermarket ng alas dos ng umaga—hindi tamang panahon para sa pamimili. Palibhasa ako’y bata pa, ako’y inilagay sa probasyon sa loob ng anim na buwan. Wala akong natutuhan mula sa karanasang ito; nagpatuloy pa rin ang aking maliliit na pagnanakaw.
Noong ako’y 21, wala nang maliliit na pagnanakaw. Isang gabi ang aking karera sa pagnanakaw ay humantong sa pagpatay. Pagkatapos pagnakawan ang magkasamang tindahan ng hardware at feedstore, ikinarga ko ang aking ninakaw sa likod ng isa sa kanilang mga trak, pinaandar ito, at sumibat. Habang ako’y tumatakas, iniisip ko kung anong laking bagay ang nagawa ko. Ang tindahang iyon ay ilang ulit nang napagnakawan, at ginawa ito ng may-ari na isang kuta. Wala nang makakapasok muli sa lugar na iyon. Subalit napasok ko! Talagang siga ako!
Subalit sandali lamang. Ang trak ay tumirik, kaya iniwan ko ito at nagpunta ako sa isang bahay upang humanap ng ibang transportasyon. Nakita ako ng lalaki sa loob ng bahay na aali-aligid at nagbanta siyang tatawag ng mga pulis. Hindi ko mapapayagang dumating sila, yamang katatapos ko lamang pagnakawan ang tindahan. Nataranta ako, inilabas ko ang aking baril, at binaril ko siya. Ang komprontasyong iyon ay nagwakas na siya ay patay at ako naman ay tumatakas.
Butil-butil ang pawis ko. Takot na takot ako. Ako’y namamanhid. Nagmaneho muna ako patungong Augusta, inihulog ko sa bambang ang nakaw na kotse, at lumakad ako sa ibayo ng tulay. Tumingin ako sa tubig sa ibaba. ‘Talon na?’ naisip ko. Ang pagpapatiwakal ay pumasok sa aking isip maraming beses na noong mga sumunod na araw, subalit hindi ko magawa ito. Kaya patuloy akong nagtago sa loob ng dalawang taon.
Sa wakas sumakay ako ng bus patungong Boston. Ngayon hindi na ako pinaghahanap ng mga pulis, ngunit natatakot pa rin ako. Sa bus, mga taong nakauniporme ang sumasakay, at ako’y nininerbiyos. Nang panahong ito itinapon ko na ang baril. Pagkatapos kong mapatay ang lalaking iyon, ayaw ko nang mapasangkot pang muli rito. Pagdating ko sa Boston, pagala-gala ako sa araw at natutulog ako sa mga tambakan o sa mga lugar ng konstruksiyon sa gabi. Ang natitirang kaunting pera ay ginastos ko sa pagkain. Napilitan akong mangumit sa tindahan minsan o makalawa, subalit ayaw ko na niyan ngayon. Ang pangahas na espiritu, ang katuwaan, ang hamon ng pagnanakaw at pagtakas—wala na iyang lahat ngayon.
Nagtrabaho ako, humanap ng isang mumurahing silid, gumamit ng isang alyas, at ako’y nininerbiyos tuwing nakakakita ako ng pulis. Kung may makita akong dumarating na pulis, lilihis ako ng daan. Lagi akong maingat, kahit na sa pagtawid, sa takot na baka ako mahuli. Ganiyan ang buhay ko, ang dating naghahangad-katuwaan na magnanakaw, ngayo’y isang takas na sinusurot ng budhi.
Mayroon akong maliit na aklat ng mga kawikaan, at kung minsan ay binabasa ko ito. Saka ko naalaala ang aklat ng Kawikaan sa Bibliya. Bumili ako ng isang Bibliya at binasa ko ito. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman kami relihiyosong pamilya. Nang ako ay 13 anyos, ang aking nanay ay nagpunta sa ilang mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ayaw kong magkaroon ng anumang kaugnayan diyan, ni nagpatuloy man kaya si inay.
Kahit na ngayon, pagkabasa ng ilan buhat sa Bibliya, hindi ko iniisip ang pagpasok sa relihiyon. Sawang-sawa na ako ng katatago sa pagtakas, tumitingin sa aking balikat sa tuwina, nag-aalala kung ang mga autoridad ay naghihintay sa susunod na kanto upang sunggaban ako. Sa palagay ko sa kaibuturan ko ay mayroon akong hinahanap, bagaman hindi ko alam kung ano.
Binabasa ko ang mga bagay na nagpangyari sa akin na maging palatanong. Nais kong maunawaan. Napakaraming katanungan sa aking isipan, at hindi ko alam kung saan ako pupunta para sa mga kasagutan. Sa palagay ko dahil sa ang aking ina ay nagtungo sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, naipasiya kong magpunta roon. Nininerbiyos ako tungkol dito. Hindi ko tiyak kung anong salubong ang tatanggapin ko, subalit pumunta ako. Ang pagtanggap ay masigla. Marami ang tumanggap sa akin; isang Saksi ang nakipag-aral ng Bibliya sa akin.
Sa sumunod na mga buwan, sinurot akong muli ng aking budhi. Mientras marami akong natututuhan, lalo ko naman naaalaala, ‘Hindi ako maaaring magpatuloy na ganito. Kailangang may mangyari. Alin sa itigil ko ang pag-aaral ng Bibliya o isuko ko ang aking sarili.’ Natanto ko na hindi ko maihinto ang aking pag-aaral ng Bibliya, subalit ang isa pang pagpipilian ay nakakatakot. Ayaw ko niyaon. Ayaw kong mabilanggo.
Ito ang pinakamahirap na desisyon na nagawa ko, subalit nagawa ko. Sa gulang na 24, nagtungo ako sa isa sa mga matatanda sa kongregasyon, si Willard Stargell. Sinabi ko sa kaniya na ako ay nakapatay ng isang tao at na nais kong sumuko.
“Tiyak mong iyan ang gusto mong gawin?” tanong niya.
“Tiyak ko po.”
“Tutulong ako sa anumang paraang magagawa ko. Nais mo bang samahan kita sa istasyon ng pulis?”
“Sige po.”
“Bueno, may pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova itong dulo ng sanlinggong ito,” paalala niya sa akin. “Maaari nating daluhan iyan, saka na tayo magtungo sa istasyon ng pulis sa Lunes ng umaga.”
Naibigan ko ang ideyang iyon. Nais kong dumalo sa asamblea, subalit kinatatakutan ko rin ang kaisipang magtungo sa istasyon ng pulis. Binalak ko pa ngang iantala ito. Kaya sumama ako sa kaniya sa asamblea at nasiyahan ako rito. Noong Lunes ng umaga nagtungo kami sa istasyon ng pulis, at isinuko ko ang aking sarili.
Ang pulis ay hindi makapaniwala. Bibihira ang isinusuko ang kanilang sarili—hindi sa kasong pagpatay! Tinawag nila ang pulis sa Bangor, Maine, upang matiyak. Pagkalipas ng isang araw at kalahati, ako’y nasa bilangguan sa Bangor. Kinabukasan isang lokal na Saksi ang dumalaw sa akin. Nang ganapin ang paglilitis, si Stargell ay nagpunta sa Maine upang maging isang saksi alang-alang sa akin. Doon ay ipinagtapat ko ang kasalanang pagnanakaw at pagpatay; na ibinalita ng ulong-balita ang resulta at binanggit ako na “Mahinahon Habang Binabasa ng Hukom ang Hatol na Habang Buhay.” Pagkaraan ng isang buwan ako ay nasa bilangguan ng estado sa Maine, mapipiit ng 15 taon hanggang habang-buhay. Doon man ay dinalaw ako ng mga Saksi.
Ang pagtanggap sa akin ng mga bilanggo ay iba-iba. Nilibak nila ako sa ‘pagiging tangá upang isuko ang aking sarili,’ lalo na yamang inihinto na ng mga pulis ang paghahanap sa akin. Nang malaman nila na ginawa ko ito dahil sa pag-aaral ng Bibliya, kinantiyawan nila ako, tinatawag akong ‘isang tupa sa gitna ng mga lobo.’ Ang pag-abuso ay laging berbal, hindi kailanman pisikal. Sa kalakhang bahagi, humiwalay ako sa mga bilanggo.
Ang katotohanan ay naging isang pananggalang sa akin. Nang maglaon natanto nila ‘ang taong ito’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y neutral. Hindi siya makikisangkot sa anumang kaguluhan dito sa loob.’ At, kilala nila ang mga Saksi kaya hindi sila lumalapit sa akin upang pagbilhan ako ng droga o papagnakawin ako para sa kanila. Nabatid din ng mga opisyal na nangangasiwa sa bilangguan na hindi ko lalabagin ang mga tuntunin. Iningatan nitong malinis ang aking rekord at binigyan ako ng higit na kalayaan.
Minsan noong panahong ito, ako’y nailihis mula sa aking paghahanap ng katotohanan ng Bibliya. Hindi naman sa sinadya kong ihinto ito. Ito’y dahil sa hindi ko pagsunod sa Hebreo 2:1, kung saan tayo ay binabalaan na tayo ay dapat na “huwag patangay.” Gayunman, ako’y napatangay. Kahit sa bilangguan, maaari kang masilo ng materyalismo! Isang pagkakataon ang nabuksan kung saan maaari akong gumawa ng mga bagay-bagay para idispley sa showroom sa bilangguan. Binibili ng mga bisita ang mga bagay na ito, at ang karamihan ng pera ay napupunta sa mga bilanggo na gumawa nito. Kaya nasangkot ako sa paggawa ng mapagkikitaan ng pera, at naapektuhan ang aking personal na pag-aaral.
Pagkatapos ay nag-isip ako: ‘Bakit mo ba isinuko ang iyong sarili? Bakit ka bumalik at nagpakulong? At ngayon ay ihihinto mo na ang iyong pag-aaral sa Bibliya? Malabo yata iyan! Mabuti pang hindi mo na isinuko ang iyong sarili.’ Isa sa problema ko ay na nahihirapan akong maniwala na talagang pinatawad ako ni Jehova sa pagpatay ng isang tao. Ang isa sa mga guwardiya ay isang Saksi, at nakita niyang ako’y nanlulumo dahil dito. Kaya ikinuwento niya sa akin ang ilang mga bagay na nagawa niya nang siya ay naglilingkod sa Vietnam bago siya naging isang Saksi.
“Ano ang gumagawa sa iyo na lubhang natatangi?” tanong niya. “Tingnan mo ang lahat ng buhay ng mga sibilyan na napatay ko. Nang salakayin ng aming pangkat ang mga nayong Vietnamese, pinatay namin ang maraming tao, marami sa kanila ay walang malay na mga babae at mga bata. Sa palagay mo ba’y hindi ako binabagabag niyan ngayon? Hindi ko ito malilimutan! Gayunman nadarama kong pinatawad ako ni Jehova, ang Diyos ng walang katapusang awa. Ang ginawa mo ay wala pa sa kalingkingan ng kasamaang nagawa ko. Napatay mo ang isang tao; ako nga hindi ko malaman kung gaano karami ang napatay ko!”
Iyon ang kailangan ko. Pinag-isip ako nito, binulaybulay ko ang awa at kapatawaran ni Jehova sa mga talagang nagsisisi. Kaya sa wakas ay inihinto ko ang aking materyalistikong mga pinagkakaabalahan at nagbalik ako sa aking iskedyul ng pag-aaral ng Bibliya. At naging gayon nga mula noon.
Sa wakas, isang lingguhang pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa akin, at minsan isang buwan ako ay pinapayagang lumabas na kasama ng mga Saksi para sa mga asamblea sa labas. Noong minsan, dalawa pang mga bilanggo at ako ay nag-aaral ng Bibliya. Kami’y higit na pinagkakatiwalaan at binibigyan ng higit na mga pribilehiyo. Alam ng mga opisyal na hindi na nila kami kailangang maingat na subaybayan. Noong minsan kami ay pinayagang magtungo sa mga selda upang mamigay ng mga pulyeto, pati ng mga paanyaya sa isang palabas na slide ng mga Saksi ni Jehova. Mahigit na 20 ang dumalo.
Si Jehova, ang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, at ang maibiging tulong ng tapat na mga kapatid ay nakatulong upang ako’y magpatuloy. Samantalang nasa bilangguan ay tumanggap ako ng maraming nakapagpapatibay na mga kard at sulat mula sa mga Saksi, at ito’y isang espirituwal na pampasigla sa aking espiritu. Lahat ng ito ay humantong sa aking bautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig noong 1983 upang sagisagan ang aking pag-aalay upang gawin ang kalooban ni Jehova—pagkatapos ng pitong taon sa mahigpit-seguridad na piitan ng estado ng Maine.
Pagkatapos ng dalawang taon, makalipas ang siyam na taon sa loob ng mahigpit na seguridad, ako’y inilipat sa isang kalapit na piitan na hindi gaanong mahigpit ang seguridad. Pagkalipas ng isa at kalahating taon, ako’y inilipat sa isang work-release na pasilidad sa Bangor. Doon ang mga bilanggo ay ipinadadala sa mga proyektong trabaho, umuuwi kinahapunan sa pasilidad. Pagkaraan ng anim na buwan ako’y ipinatawag para sa aking unang paglilitis para sa paglayang may pasubali o parol. Isa man sa mga guwardiya o bilanggo ay hindi nag-aakalang ako’y mabibigyan nito. “Walang nabibigyan nito sa unang pagkakataon,” sabi nila. “Wala!”
Subalit ako’y nabigyan ng parol. Totoo, kakaunti ang nabibigyan nito sa unang pagkakataon. Ang karaniwang bilanggo ay nagsisinungaling at sinisikap na salungatin ang lupon na nagbibigay ng parol, at narinig na nilang lahat iyan noon. Nakikita nila ang nasa likuran pa niyan. Humarap lamang ako sa kanila at sinabi ko, ‘Ganito ako, ito ang ginawa ko, ganito ako nagbago, at ito ang balak kong gawin.’ Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa aking pag-aaral ng Bibliya, tungkol sa mga pagbabagong nagawa nito sa akin, at tungkol sa aking pagiging isang Saksi ni Jehova. Nakikita nila ang mga pagbabagong iyon.
Sa palagay ko ang bagay na isinuko ko ang aking sarili, na kapuwa ang aking ugali at ang rekord ng aking trabaho ay mabuti, at na ang mga simulain ng Bibliya na napag-aralan ko ay nababanaag sa aking saloobin at paggawi—lahat ng iyan ay nagpatotoo sa akin. At nanalangin ako kay Jehova at umasa sa kaniya. Nais kong isipin na mayroon siyang kagagawan dito, at inaasahan kong hindi ito kapangahasan sa bahagi ko. Sa paano man, binigyan ako ng parol ng lupon. Noong Pebrero 1987, pagkaraan ng 12 taon sa bilangguan, ako’y malaya na.
Noong Abril 30, 1988, ako’y nag-asawa sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Mayroon siyang tatlong anak sa unang pag-aasawa. Bilang isang pamilya, mayroon kaming lingguhang pag-aaral ng Bibliya. Dinadaluhan namin ang lahat ng miting sa Kingdom Hall. Ipinangangaral namin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa bahay-bahay. Gumagawa kami ng mga pagdalaw muli sa lahat ng interesado, at nagdaraos kami ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga nagnanais nito. Pagkalipas ng ilang taon ng limitadong pangangaral sa bilangguan at halos ay hindi ako nakadadalo, talagang kahanga-hangang makibahagi “taglay ang pinakamalaking kalayaan ng pagsasalita” sa mga gawaing Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova!—Gawa 28:31.
Lahat ng ito ay posible sapagkat ang tumpak na kaalaman ng Salita ng Diyos ay tumulong sa akin na alisin ang aking dating kriminal na pagkatao at magsuot ng isang bagong Kristiyanong pagkatao na ayon sa larawan at wangis ng Diyos na Jehova.—Colosas 3:9, 10.
Tiyak, sa kaso ko ‘ang salita ng Diyos ay matalas at makapangyarihan’ upang putulin ako mula sa aking nakaraan at baguhin ako bilang isang masunurin-sa-batas na miyembro ng lipunan at isang mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Hebreo 4:12) Lahat ng kapurihan ay kay Jehova, “ang Ama ng magiliw na awa at Diyos ng lahat ng kaaliwan.”—2 Corinto 1:3.—Hiniling na huwag ilagay ang pangalan.
[Blurb sa pahina 18]
Isang gabi ang aking karera sa pagnanakaw ay nagwakas sa pagpatay
[Blurb sa pahina 19]
Alin sa ihinto ko ang pag-aaral ng Bibliya o isuko ko ang aking sarili
[Blurb sa pahina 20]
Ang pulis ay hindi makapaniwala. Bibihira ang isinusuko ang kanilang sarili—hindi sa kasong pagpatay!
[Blurb sa pahina 21]
Kami’y pinayagang magtungo sa mga selda upang mamigay ng mga pulyeto sa Bibliya