Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 2/8 p. 11-15
  • Ang Pagtakas Ko Tungo sa Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagtakas Ko Tungo sa Katotohanan
  • Gumising!—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkatagpo sa mga Saksi ni Jehova
  • Paggawa ng Isang Pasiya
  • Balik sa Piitan
  • Konsiderasyon para sa Paról
  • Kalayaan at Isang Bagong Buhay
  • Isang Umuungal na Leon na Naging Maamong Tupa
    Gumising!—1999
  • Kung Paano Ako Binago ng Katotohanan Mula sa Isang Kriminal Tungo sa Pagiging Kristiyano
    Gumising!—1989
  • Natamo Ko ang Aking Kalayaan sa Piitan!
    Gumising!—1987
  • Ako’y Dating Propesyonal na Magnanakaw
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 2/8 p. 11-15

Ang Pagtakas Ko Tungo sa Katotohanan

Nang ako’y magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ako’y isang takas na bilanggo. Di-nagtagal ay nakaharap ko ang hamon ng kung paano ako hihinto ng pagsisinungaling at magsisimulang magsabi ng katotohanan.

NOBYEMBRE 1974 noon, at ako ay nasa harap ng nakatataas na hukuman ng Pender County, North Carolina, E.U.A. Kabilang sa mga paratang ang armadong pagnanakaw, pagsalakay sa pamamagitan ng isang nakamamatay na sandata, at pagpapatakbong matulin sa bilis na 145 kilometro sa bawat oras sa isang sona na ang takdang bilis ay 55-kilometro-por-ora. Nang sumunod na buwan, nang ako ay 22 anyos lamang, ako’y nahatulan sa lahat ng paratang at nasentensiyahan hanggang 30 taon sa North Carolina Department of Corrections.

Ako’y lumaki sa Newark, New Jersey. Bagaman ang aking ama ay isang opisyal ng pulisya, lagi akong nagdadala ng problema sa aking mga magulang. Ako’y gumugol ng panahon sa mga tahanan para sa mga delingkuwenteng kabataan, sa mga tahanan para sa mga kabataang nagbabagong buhay, at minsan ako’y nakulong pa nga sa mismong presinto kung saan nagtatrabaho ang tatay ko. Hinding-hindi ko malilimutan ang pagbugbog na ginawa niya sa akin noong gabing iyon! Sapat ito upang baguhin ng halos sinumang tin-edyer ang kaniyang daan​—subalit hindi ako.

Lumayas ako sa bahay, pinalilipas ang mga gabi na kasama ng isang kaibigan o lumalaboy sa lansangan. Sa wakas ako ay nakulong na muli. Laban sa kagustuhan ng aking ama, isinaayos ni Inay na ako ay makalabas sa piitan. Ang aking mga magulang, na may lima pang anak, ay nagpasiya na marahil ang militar ang kailangan ko.

Ako’y nagpatala sa hukbo, at ang iba’t ibang programa sa pagsasanay ay pansamantalang bumago sa aking pag-uugali. Subalit ako’y nagumon sa mga droga, naging sugapa ako sa heroin. Ako’y nadestino sa Fort Bragg, North Carolina, at di-nagtagal kami ng mga kasamahan ko ay nagtutungo sa bayan-bayan na nagnanakaw ng kinakailangan namin upang tustusan ang aming bisyo. Ang mga kuwento tungkol sa aming pagnanakaw ay nasa mga pahayagan at sa TV.

Hindi nagtagal ay nahuli ako ng mga awtoridad, at ako’y binigyan ng 30-taóng sentensiya na nabanggit sa simula. Sa bilangguan ay naghimagsik ako sa mga tuntunin at mga regulasyon sa loob ng mga taon subalit sa wakas natanto ko na sinasaktan ko lamang ang aking sarili. Kaya sinikap kong sundin ang mga tuntunin sa pag-asang malalagay ako sa di-gaanong mahigpit na seguridad at mabigyan ng paról o paglayang may pasubali.

Pagkaraan ng sampung taon sa loob ng bilangguan, ako’y tumanggap ng di-gaanong mahigpit na seguridad, at di-nagtagal pagkatapos niyan, ako’y inilagay sa isang kaayusan na nagpapahintulot sa piling mga bilanggo na lumabas sa piitan sa araw upang magtrabaho. Ito’y nangangahulugan na maaari akong lumabas ng piitan sa umaga at magbalik kinagabihan nang walang kasama. Isang araw ay hindi ako agad nakauwi pagkatapos ng trabaho, at ako’y napaalis sa programang iyon. Gayunman, ako’y pinahihintulutan pa ring magtamasa ng di-gaanong mahigpit na seguridad.

Pagkaraang ako’y mapiit ng halos 11 taon, ang mga tsansa kong makalabas sa pamamagitan ng paról ay tila hindi maganda. Isang mainit na umaga noong Agosto 1985, samantalang ako’y nasa labas ng bilangguan, isang pagkakataon upang tumakas ang napaharap sa akin​—tumakas nang walang nakapapansin. Nagtungo ako sa tahanan ng isang kaibigan na nakasama ko noon sa bilangguan. Pagkatapos matulog at magbihis ng damit, isinakay niya ako ng kotse at dinala sa Washington, D.C., mga 400 kilometro ang layo.

Naipasiya kong hinding-hindi na babalik sa piitan, na nangangahulugang kailangang iwasan ko ang anumang masamang gawain. Sa simula ay nagtrabaho ako nang arawan, anumang makukuha kong trabaho. Pagkatapos ay nakakuha ako ng trabaho sa isang kompaniya ng kuryente. Nang maglaon, nagawa kong kumuha ng isang sertipiko ng kapanganakan na may ibang pangalan​—Derek Majette. Ang aking pangalan, dakong sinilangan, pinagmulan, pamilya​—ang lahat tungkol sa akin ay isang kasinungalingan ngayon. Inakala kong ako’y ligtas basta walang nakaaalam. Namuhay ako nang ganito sa loob ng tatlong taon sa loob at palibot ng Washington, D.C.

Pagkatagpo sa mga Saksi ni Jehova

Isang gabi, dalawang maayos ang pananamit na mga binata ang nagtungo sa aking apartment. Nakipag-usap sila sa akin tungkol sa Bibliya, nag-iwan ng isang aklat, at nangakong babalik. Gayunman, ako’y lumipat sa ibang apartment at hindi ko na sila kailanman nakitang muli. Pagkatapos, isang umaga bago magtrabaho, tumigil ako sa isang lugar upang magkape at nakilala ko ang dalawang dalaga na nagtanong sa akin kung interesado ba akong bumasa ng magasing Bantayan. Tinanggap ko ang isa, at mula noon tuwing umaga ay nakikita ako ng mga babaing ito at nakikipag-usap tungkol sa Bibliya.

Bagaman ang mga usapan ay laging maikli, ang interes ko sa sinasabi ng mga babae ay lumaki hanggang sa punto na inaasam-asam kong makita tuwing umaga ang mga babaing ito, sina Cynthia at Jeanette. Nang maglaon nakilala ko ang iba pang Saksi ni Jehova na nangangaral nang maaga sa umaga. Inanyayahan nila akong dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall. Ako’y nangangamba, subalit tinanggap ko ang paanyaya.

Habang ako’y nakaupo’t nakikinig sa pahayag noong hapong iyon, ito ang kauna-unahang pagkakataon na narinig kong ipinaliwanag ang mga kasulatan sa gayong paraan na madaling maunawaan. Ako’y nanatili para sa pag-aaral ng Bibliya na ginagamit Ang Bantayan at natuklasan ko na maaari akong makibahagi sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan. Ibinigay ko ang aking unang komento, at pagkatapos ng pulong ako’y sumang-ayon na magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isa sa matatanda ng kongregasyon.

Di-nagtagal ako ay sumusulong sa kaalaman ng Bibliya. At, higit na mahalaga, pinahahalagahan ko ang mga katotohanan na aking natututuhan. Naaasiwa na ako sa aking buhay. Nakokonsensiya na ako tungkol sa mga kasinungalingan na sinabi ko sa mga taong ito na ngayo’y mga kaibigan ko na. Nagpatuloy akong mag-aral, iniisip ko na ayos lang basta walang nakaaalam ng katotohanan tungkol sa akin. Subalit nang panahong iyon binanggit ng aking guro sa Bibliya ang tungkol sa pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay.

Halos nang panahon ding iyon ay may nangyari na nagpabatid sa akin na ang pakikibahagi sa ministeryo, o sa anumang gawaing tulad niyaon, ay imposible malibang ayusin ko ang aking situwasyon. Nagpapagasolina ako ng aking kotse nang may biglang dumating sa likuran ko at hinawakan ang aking mga kamay sa likod ko. Nalipos ako ng takot! Akala ko ay nahuli na ako sa wakas ng mga awtoridad. Anong laking ginhawa ko nang ito pala ay isang dating kasamahan ko sa piitan! Hindi nalalaman na ako’y tumakas, tinawag niya ako sa aking tunay na pangalan at nagtatatanong ng lahat ng uri ng katanungan.

Hindi pa ako natakot na gaya niyaon mula nang araw na tumakas ako. Subalit pinag-isip ako nito nang husto tungkol sa aking kalagayan. Palagay nang ako’y nasa ministeryo sa bahay-bahay at may lumabas sa pinto na nakakikilala sa aking tunay na pagkatao? Paano ako lalabas sa paglilingkod kay Jehova at magsasalita ng katotohanan gayong ako ay namumuhay sa kasinungalingan? Ano ang gagawin ko? Patuloy na mag-aral at mamuhay sa kasinungalingan, o huminto ng pag-aaral at umalis? Nakalilito anupat kailangan kong umalis sumandali at mag-isip.

Paggawa ng Isang Pasiya

Ako’y naglakbay. Ang mahaba’t tahimik na pagmamaneho ang kinakailangan ko upang makapagpahingalay, mag-isip, at humiling kay Jehova na tulungan akong magpasiya kung ano ang aking gagawin. Noon lamang ako’y nasa daan na pabalik sa Washington, D.C., na ako’y nagpasiya​—ihinto ang pagsisinungaling at basta sabihin ang katotohanan. Subalit hindi iyan madaling gawin. Yamang nakilala ko nang husto si Cynthia, nagtapat ako sa kaniya. Niliwanag niya na kailangang ituwid ko ang mga bagay-bagay kay Jehova. Iminungkahi niya na kausapin ko ang matatanda sa kongregasyon.

Alam kong tama siya, at ako’y sumang-ayon. Ngunit yamang hindi ko natitiyak ang legal na gagawin ko, tinawagan ko ang isang lokal na abugado at ipinaliwanag ang aking kalagayan. Pinayuhan niya ako na makipagkita sa isang abugado sa North Carolina, yamang nalalaman niya ang mga pamamaraan sa estadong iyon. Kaya ako’y naglakbay patimog upang kumuha ng impormasyon tungkol sa isang abugado.

Pagdating ko sa Raleigh, North Carolina, nagtungo ako sa piitan, na naroon sa isang pangunahing lansangan. Ako’y huminto, at basta naupo at minasdan ang mataas na barbed-wire na bakod, ang mga nasasandatahang bantay sa mga gun tower, at ang mga bilanggong naglalakad-lakad sa loob ng bakod. Ako’y naging isang bilanggo sa loob ng 11 mahabang mga taon! Hindi ito isang madaling pasiya.

Gayunpaman, sinuri ko ang direktoryo ng telepono at pinili ang isang abugado. Ako’y tumawag at ibinigay ko ang gayunding impormasyon na ibinigay ko sa unang abugado na nakausap ko. Hindi siya nagtanong nang napakarami. Sinabi niya lamang sa akin kung magkano ang singil niya at na tumawag na lang ako kung handa na ako at isasaayos niya ang isang tipanan. Pagbalik ko sa Washington, D.C., dumiretso ako sa aking guro sa Bibliya.

Siya, ang kaniyang maybahay, at ang kanilang anak na babae ay parang pamilya ko na. Kaya nang gabing iyon ay nagtungo ako sa kanilang bahay, natagalan rin bago ko nasabi ito sa kanila. Subalit nang masabi ko ito, ako’y naginhawahan. Sabihin pa, sila ay nagtaka nang lubha. Gayunman, nang sila’y makabawi na sa sindak, sila’y totoong madamayin at matulungin.

Ang susunod na bagay na kailangan kong gawin ay kumuha ng perang ibabayad ko sa abugado at magpasiya kung kailan ko isusuko ang aking sarili sa mga awtoridad. Ipinasiya kong gawin ito noong Marso 1, 1989, na mga ilang linggo na lamang. Nais kong tumigil sa trabaho at tamasahin ang aking huling mga araw ng kalayaan, subalit hindi ko magawa sapagkat kailangan ko ang pera upang ibayad sa abugado.

Para bang isang kabalintunaan na ako’y nakatakas na mula sa bilangguan subalit ngayon ako ay nag-iipon ng pera upang bumalik. Kung minsan naiisip ko na kalimutan na lamang ang lahat tungkol dito at umalis. Subalit di-nagtagal, dumating ang Marso 1. Sinamahan ako ng aking guro at ng isa pa sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya sa Raleigh. Kami’y nagtungo sa opisina ng abugado at tinalakay ang mga paratang na nagdala sa akin sa bilangguan, ang haba ng aking sentensiya, at kung bakit kusa kong isinusuko ang aking sarili. Saka tinawagan ng abugado ang tanggapan ng mahistrado para sa impormasyon sa kung saan ako magtutungo. Nalaman niya na ako ay maaaring ibalik agad ng mahistrado sa piitan.

Wala sa plano ko na bumalik agad. Akala ko ay makikipag-usap lamang ako sa abugado at na isusuko ko ang aking sarili kinabukasan. Subalit ngayon, palibhasa’y nagawa na ang pasiya, kaming apat ay tahimik na nagtungo sa piitan. Natatandaan kong naisip ko sa ganang sarili, ‘Talaga bang nangyayari ito?’ Ang susunod na bagay na nalaman ko, kami ay nasa tarangkahan sa harap at nakikinig sa abugado na ipinaliliwanag sa bantay kung sino ako.

Balik sa Piitan

Pagbukas ng tarangkahan, talos kong panahon na upang magpaalam. Kami’y nagkamay ng aking abugado. Pagkatapos nagyapusan kami ng aking guro, ng aking kapuwa estudyante. Nang ako ay nasa kabilang panig na ng tarangkahan, ako’y pinosasan at sinamahan sa isang lugar kung saan ang aking personal na mga damit ay kinuha kapalit ng uniporme sa piitan. Tinanggap ko ang numero sa piitan na 21052-OS, ang numerong taglay ko rin noon.

Ang piitan ay isang yunit na di-gaanong mahigpit ang seguridad, kaya sa loob ng isang oras ako ay dinala sa piitan na maraming bantay para sa matagalan at malubhang mga salarin. Maaari ko lamang dalhin ang aking Bibliya at ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Ako’y inilagay sa isang piitan kung saan ang mga bilanggo ay mga lalaking kilala ko sa loob ng maraming taon. Inakala nilang ako’y nahuli, subalit nang ipaliwanag ko na ako’y kusang nagbalik sapagkat nais kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova, sinabi nilang lahat na ito ang pinakahangal na bagay na narinig nila.

Ang isa sa huling mga bagay na sinabi sa akin ng aking guro ay: “Huwag na huwag kang huminto sa pag-aaral.” Kaya, karamihan ng panahon ko ay ginugol ko sa pagbabasa ng Bibliya, ng aking aklat na Mabuhay Magpakailanman, at pagsulat sa mga kaibigan na nakabatid sa kung ano ang nangyari sa akin. Kabilang sa mga Saksi na sinulatan ko ay si Jerome at ang kaniyang asawa, si Arlene. Ang sulat ko ay maikli, mga ilang salita lamang ng pasasalamat at mga kapahayagan ng kung ano ang nadarama ko sa panahong ginugol ko samantalang kasa-kasama ko ang mga Saksi ni Jehova.

Di-nagtagal ay nabalitaan ko buhat kay Jerome na humingi ng pahintulot na gamitin ang aking sulat sa isang pahayag na ibibigay niya sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Pumayag ako subalit wala akong kamalay-malay sa mga kahihinatnan. Iilang Saksi lamang ang nakababatid ng tungkol sa aking pinagmulan. Kaya, gayon na lamang ang pagtataka ng marami, pagkatapos basahin ni Jerome ang aking sulat at ihayag ang aking tunay na pangalan, Brian E. Garner, sinabi niya, “Alyas Derek Majette!” Pagkatapos ako naman ang nagtaka. Dumagsa ang mga sulat ng pampatibay-loob mula sa mga kapatid na lalaki at babae​—hindi lamang sa Kongregasyon ng Petworth kung saan ako dumadalo ng mga pulong kundi buhat sa mga tao rin naman sa ibang kongregasyon.

Hindi nagtagal ako ay inilipat mula sa Sentral na Piitan tungo sa isang yunit na may katamtamang seguridad sa Lillington, North Carolina. Nang ako’y maayos na, nagtanong ako tungkol sa relihiyosong mga paglilingkod. Sa aking katuwaan nalaman ko na may mga pulong na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova tuwing Miyerkules ng gabi sa mga silid-aralan sa piitan. Hinding-hindi ko malilimutan ang pag-ibig na ipinakita, ang alalay na ibinigay, at ang mga pagsisikap na ginawa upang tulungan hindi lamang ako kundi ang lahat na nagnanais matuto ng mga katotohanan ng Bibliya sa piitang iyon. Pagkatapos malaman na ako’y nakapag-aral na noon, isa sa matatanda na nagdaraos ng mga pulong sa piitan ay agad na ipinagpatuloy ang pakikipag-aral sa akin kung saan ako huminto.

Konsiderasyon para sa Paról

Lumipas ang ilang buwan, at pagkatapos ay dumating ang pasabi na ako ay makikipagkita sa lupon na nagpapasiya kung ang isang bilanggo ay dapat palayain. Bagaman ako ay tumakas at kababalik ko lamang, hinihiling ng batas na ako ay iharap sa lupon na nagpapasiya para sa paról upang repasuhin o sa paano man ay tumanggap ng pasabi na isinaalang-alang nila ang aking kaso. Ipinaalam ko sa aking mga kaibigan na ako ay isinasaalang-alang para sa paról. Muling dumagsa ang mga sulat, hindi lamang sa akin, kundi sa lupon na nagpapasiya para sa paról.

Noong Oktubre 1989, tumanggap ako ng pasabi mula sa lupon na nagpapasiya para sa paról na ang kaso ko ay rerepasuhin. Tuwang-tuwa ako. Subalit noong araw na darating ang mga miyembro ng lupon, walang dumating. Ni may pasabi man kung kailan sila darating. Bigung-bigo ako, subalit hindi ako huminto sa aking mga panalangin kay Jehova. Pagkaraan ng ilang linggo, noong Nobyembre 8, dalawang lalaki at ako ay pinatalastasan na ang mga miyembro ng lupon na nagpapasiya para sa paról ay nasa piitan at na ako ang unang tatawagin.

Pagpasok ko sa opisina, napansin ko ang dalawang polder na punô ng mga papeles. Ang isa ay salansan ko noon pang 1974. Hindi ko tiyak kung ano ang laman ng isa pang polder. Pagkatapos talakayin sa akin ang ilang mga bagay tungkol sa kaso ko, binuksan ng isang miyembro ng lupon na nagpapasiya para sa paról ang isa pang polder. Ito’y may napakaraming liham na isinulat alang-alang sa akin. Nais malaman ng komite kung paano ko nakilala ang napakaraming taong iyon pagkatapos kong tumakas sa bilangguan. Kaya isinalaysay ko nang maikli ang aking karanasan sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ako’y hiniling na lumabas ng opisina.

Kalayaan at Isang Bagong Buhay

Nang ako’y tawaging muli, ipinaalam sa akin na ang lupon ay bumoto pabor sa “Karaka-rakang Kondisyunal na Pagpapalaya.” Walang mapagsidlan ang aking katuwaan. Pagkaraan lamang ng siyam na buwan sa bilangguan, ako’y palalayain na! Tumagal rin ang pagpoproseso sa mga papeles, kaya noong Nobyembre 22, 1989, ako ay lumabas​—hindi ko kailangang tumakbo sa pagkakataong ito​—ng bilangguan.

Noong Oktubre 27, 1990, wala pang isang taon pagkatapos kong lumaya, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ako ngayon ay maligayang naglilingkod kay Jehova sa Washington, D.C., bilang isang ministeryal na lingkod. Noong Hunyo 27, 1992, kami ni Cynthia Adams ay pinag-isa sa pag-aasawa.

Pinasasalamatan ko si Jehova, ang aking asawa at ang kaniyang pamilya, at ang lahat ng mga kapatid na lalaki at babae na tumulong sa akin na maging bahagi ng maibiging pambuong-daigdig na organisasyong iyon.​—Gaya ng inilahad ni Brian E. Garner.

[Larawan sa pahina 13]

Ang bilangguan kung saan ginugol ko ang 11 mahabang mga taon

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ang aking asawa, si Cynthia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share