Natamo Ko ang Aking Kalayaan sa Piitan!
HUMINGA ako nang malalim ng sariwang hangin na wari bang kaibang-kaiba roon sa piitan na kalilisan ko lamang. Halos hindi ako makapaniwala . . . malaya na ako sa wakas! Malaya na upang lisanin ang piitang Pranses ng Villenueve-sur-Lot. Malaya na upang magbalik sa aking lupang tinubuan, ang Espanya.
Pumasok ako sa piitan sa gulang na 23 at lumabas ako nang ako ay edad 28, noong 1976.
Habang ako ay papalayo sa piitan, ang kaaya-ayang pakiramdam ng nakuha muling kalayaan ay lalo pang sumidhi. Minsan pa’y lumingon ako upang pagmasdan ang nakatatakot na mga pader na iyon. Isang ideya ang nangibabaw sa aking isipan—samantalang nasa piitan, natamo ko na ang kalayaan!
Noong panahon ng aking pagkabilanggo, ako’y ikinulong sa limang iba’t ibang piitan. Subalit paano ba ako napasok sa mga piitang Pranses? Tiyak na hindi ito dahilan sa anumang marangal na dahilan. Ako’y isang delingkuwente. Isang kahabag-habag na pagkabata sa isang wasak na tahanan at isang pasalungat na relihiyosong pagtuturo ang humubog sa aking mapaghimagsik at palaaway na pagkatao. Talagang hindi ko mapagkasundo ang isang maibiging Diyos sa isa na pinahihirapan ang kaniyang mga nilikha sa isang hindi mapapatay na apoy. Ako’y naging isang problema. Ako’y napaalis sa limang iba’t ibang paaralan sa primarya.
Isinilang sa Barcelona, lumaki ako sa isang masamang kapaligiran. Nang ako ay anim na taóng gulang, naghiwalay ang aking mga magulang, at ako ay ipinagkatiwala sa aking ama. Gayunman, hindi niya ako binigyan ng matatag na disiplinang kailangan ko, at sa wakas, dahilan sa aking mapaghimagsik at hindi matatag na kalikasan, ipinasok niya ako sa isang repormatoryo.
Hindi ko maiwasan ang maghinanakit sa aking ama. Nadama kong ako’y pinabayaan. Hindi na kailangan pang sabihin, hindi ako lumabas sa repormatoryo na nabago.
Hukbong Pranses o Piitan sa Espanya?
Dalawang beses akong nadakip dahil sa karaniwang kriminal na pagkakasala. Pagkatapos niyan, ako ay nasangkot sa pagpupuslit at kinailangan kong tumakas tungo sa Pransiya. Ako ay 20 anyos nang panahong iyon. Ako’y dinampot ng gendarmerie (mga pulis) na Pranses, na pinapili ako—alin sa sumama ako sa French Foreign Legion o ako’y ibibigay sa mga pulis na Kastila. Pinili ko ang Legion o hukbo.
Ang tatlong taon ng paglilingkod ko sa Hukbo ay hindi nakagawa ng anumang positibong bagay sa aking personalidad. Pagkatapos ng aking unang kampaniyang militar, ako’y pinagkalooban ng tatlong buwang bakasyon. Sa panahong ito, nakasama ko ang isang pangkat ng kapuwa sundalo na nasa labas upang mag-good time. Upang pagkasiyahin at matustusan ang aming lagalag at magulong paraan ng pamumuhay, kailangan naming magnakaw. Sanay na sanay ako sa “trabahong” iyan. Pagkaraan ng mga ilang buwan kami ay nadakip ng mga pulis.
Ako’y pinaratangan ng maraming kasalanan, kabilang dito ang panghuhuwad ng mga dokumento at, ang pinakagrabe sa lahat, armadong pagnanakaw at pagkidnap. Sa panahong ito ang aking pagnanais sa kalayaan at pagsasarili ay nagkahalaga sa akin ng malaking halaga—isang walong-taóng parusa sa piitan! Ako’y dinala sa bahaging militar ng piitang Les Baumettes, Marseilles, sa timog ng Pransiya. Doon ako ay inatasan na magsilbi ng mga pagkain sa mga selda ng mga bilanggo, 63 mga selda lahat-lahat. Kailangan ko ring linisin ang mga selda at mga pasilyo.
Isang Pambihirang Pagkatagpo
Isang araw ako ay namamahagi ng mga pagkain sa mga selda nang sabihin sa akin ng sumasamang opisyal: “Mga Saksi ito.” Nang panahong iyon ay hindi ko sila makita, yamang ang mga pagkain ay mabilis na iniaabot sa isang daanan sa bawat pinto sa selda. Gayunman, ang naisip ko noong una ay, ‘Kung sila ay mga saksi sa ilang krimen, bakit sila nasa bilangguan?’ Mangyari pa, sila’y mga Saksi ni Jehova at tumatangging magsundalo dahil sa relihiyosong kadahilanan.
Pagkaraan ng mga ilang araw, samantalang naglilinis ng kanilang mga selda, nasumpungan ng aking kasama sa trabaho ang isang aklat sa wikang Pranses na may asul na pabalat. Ang mga Saksi ay inilipat sa ibang mga selda, at marahil ay may nakaiwan nito. Ibinigay niya ito sa akin, at inilagay ko naman ito sa aking mga gamit. Nang dakong huli, noong isa sa mga nakababagot, malungkot na araw na iyon, sinimulan kong basahin ito. Ito ay Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Sa kalagitnaan ng ikalawang kabanata, nabagot ako. Gayunman, bago ko ilapag ito, binuklat ko ang ilan pang mga pahina. Ang larawan sa pahina 95 ay nakatawag ng aking pansin: “1914,” “Salinlahi,” “Wakas.” Naintriga ako at binasa ko ang buong kabanata.
Nang maglaon, nagtungo ako sa aklatan, kung saan alam kong masusumpungan ko ang mga Saksi. Binabalingan ang isa sa kanila, sinabi ko, “Ipakita mo nga sa akin sa iyong Bibliya ang tungkol sa 1914 na ito.” Ang Saksi, na medyo nagtataka, ay nagsabi sa akin: “Una, basahin mo ang isa pang aklat na ito, at masusumpungan mo ang kasagutan sa ganang sarili.” Inabot niya sa akin ang aklat na “Your Will Be Done on Earth.”
Kinabukasan sa panahon ng pag-eehersisyo, nagtanong ako nang higit pang impormasyon sa kanila. Isang pag-aaral sa Bibliya ay sinimulan—isinasagawa araw-araw! Walang katapusan ang aking mga katanungan: “Kumusta naman ang tungkol sa pagsusugal?” “Iyan ay nagsasangkot ng kasakiman at pag-iimbot, at ang mga iyon ay hindi mga katangiang Kristiyano” ang tugon. (Colosas 3:5) At ito’y nagpatuloy, mga tanong tungkol sa mga bisyo, moral, mga doktrina. Bawat kasagutan ay sinusuhayan ng Bibliya.
Nadama ko na para bang kinakalas ko ang mga lubid at mga kadenang nakagapos sa akin, para bang ako’y umaalpas mula sa isang molde na nagpapahirap sa akin sa kalakhang bahagi ng buhay ko. Para bang ang mga pader sa piitan ay wala na sa ibabaw ko. Binuksan ng mga katotohanang iyon sa Bibliya ang isang bagong kinabukasan sa akin. Napag-alaman ko na ang lipunan ng tao, “ang sistema ng mga bagay” na umiiral sa ngayon, ay hahalinhan ng isang bagong lipunan ng mga taong umiibig sa batas ng Diyos at sa katarungan. Nagbago ang aking pagkatao. Sa piitan ay nadama kong ako’y malaya!—Mateo 24:3; 2 Pedro 3:13.
Isang Selda-sa-Seldang Kampaniya sa Pangangaral
Ang pagkukomberte ay ipinagbabawal sa piitan. Subalit, mangyari pa, ako’y binigyang-karapatan na mamahagi ng mga pagkain sa mga selda. Nakadama ako ng masidhing damdamin na ibahagi sa iba ang damdaming iyon ng kalayaan na nadarama ko. (Juan 8:32) Kaya ako man ay nagwawalis ng sahig o namamahagi ng mga pagkain, naglalagay ako ng mga magasin sa ilalim ng mabigat na mga pintuang bakal. Nag-iingat pa nga ako ng selda-sa-seldang rekord upang matandaan ko kung aling mga isyu ng magasin ang naiwan ko. Nagsimula na ang kaaya-ayang mga araw.
Mula sa piitang iyon ako ay nailipat sa iba pa, pati na yaong isa sa Paris. Ako’y nasa ilalim ng pagsubaybay roon sa loob ng maikling panahon upang tiyakin kung hanggang sa anong antas ako ay mapanganib. Yamang inaasahan ko ang isa pang pagbabago ng piitan, humiling ako na ako’y ipadala sa Eysses sa timog-kanluran ng Pransiya. Nasabi sa akin na may mga Saksi roon.
Oo, mayroon ngang isang kapatid doon, subalit sa loob ng tatlong taon na ako’y nasa piitang iyon, hindi nagtagpo ang aming mga landas. Siya’y nasa isang lugar na hindi ko maaaring puntahan. Gayunman ay inorganisa ko ang aking gawain sa pinakamabuting magagawa ko. Sinimulan kong mamahagi ng mga magasin sa bilangguan at sinimulan ko ang ilang mga pag-aaral sa Bibliya. Nakapagdaraos pa nga ako ng pag-aaral sa Ang Bantayan kasama ng dalawa pang bilanggo tuwing Linggo. Sa wakas, ako ay nagkaroon ng tatlong mga pag-aaral sa Bibliya—sa isang Pranses, isang Kastila, at isang taga-Morocco.
Mga Pagsubok ng Neutralidad sa Piitan
Sa alin mang piitan ang espiritu ng pagkakaisa ay bahagi ng etiko ng isang bilanggo. May mga sandaling ang iyong nakalipas na buhay, lahi, at nasyonalidad ay naglalaho, at ang bawat bilanggo ay nakadarama na siya ay nakatali sa iisang ‘tali ng pusod’ sa iisang ‘inunan’—ang bilangguan. Para bang sa pamamagitan ng pagpapasimula ng isa sa krimen, ang isa ay nagiging membro ng ‘Orden ng mga Bilanggo.’ Ang panlahat na interes ay umuobliga sa iyo na makibahagi sa mga kaguluhan sa bilangguan—pagsisiga sa iyong selda, mga pagsalakay, at mga pag-aaklas—kailanma’t mapagpasiyahan ng nakararami. Gayunman, ako ngayon ay humiwalay na sa ‘orden.’ Kailangan kong manatiling neutral at huwag masangkot sa iba pang mga gawain ng mga bilanggo.
Dahilan sa aking neutralidad, dumanas ako ng mga paghihiganti. Tatlong beses na ako ay binugbog, noong minsan isang timba ng tubig ang ibinuhos sa aking kama, tumanggap ako ng mga banta ng kamatayan. Gayunman, ay nagtataka ako, sapagkat iyan naman talaga ang maaari kong asahan. Ang iba ay sinaksak o binugbog nang husto dahilan sa pagtangging makibahagi sa mga paghihimagsik. Kung gayon bakit hindi ako gaanong nasaktan? Sa paglipas ng panahon, natalos ko na mayroon akong tagapagtanggol. Paano nangyari iyan?
Noong panahong ilipat ako mula sa Paris tungo sa piitan sa Eysses, nagpatotoo ako sa isa pang bilanggo sa grupo. Siya ay isang bilanggo na lubhang maimpluwensiya, isang mafioso (membro ng Mafia). Sinimulan namin ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang mensahe ng Kaharian ay nagkabisa sa kaniya ngunit hindi sapat na nagkabisa upang baguhin niya ang kaniyang buhay. Inihinto niya ang pag-aaral. Gayunman, siya ang naging tagapagtanggol ko! Kailanma’t magpasiya ang mga bilanggo na mag-organisa ng isang demonstrasyon, mamamagitan siya alang-alang sa akin, binabalaan sila na huwag akong pakialaman. Subalit pagkatapos noon siya ay inilipat sa ibang piitan.
Halos nang panahong ito isa pang kaguluhan ang binabalak. Binalak nilang sunugin ang bilangguan. Ako’y humiling na ikulong ako sa bartolina upang maiwasan ko ang posibleng mga paghihiganti. Siyam na araw akong hindi maaaring kausapin. Noong ikasampung araw isang panlahat na kaguluhan ang nangyari, na nagwakas sa isang sunog. Gayon na lamang kalubos ang pagkawasak anupa’t kinailangang mamagitan ang mga hukbong panseguridad. Sa kabutihang palad walang pisikal na pinsalang nangyari sa akin.
Ang pinakamahalaga sa akin ay ang bagay na sa kabila ng lahat, naisasagawa ko ang mga kampaniya sa pangangaral sa piitan. Bagaman ang pagkukomberte ay bawal, sinusuportahan ako ng direktor ng bilangguan, na ang sabi, “Ang mga ideyang ito ay hindi nakapipinsala sa sinuman.” Kinausap ko rin ang mapagkakatiwalaang mga bilanggo sa bawat lugar upang ipamahagi nila ang mga pulyeto na minakinilya ko. Maaari nilang puntahan ang mga lugar na hindi ko maaaring puntahan. Binayaran ko ang kanilang tulong ng mga garapon ng itinimplang kape.
Bautismo at Paglaya
Ako’y dinadalaw ng mga kapatid mula sa lokal na kongregasyong Pranses. Sa wakas, ipinahayag ko sa mga kapatid ang pagnanais kong mabautismuhan. Gayunman, paano namin magagawa ito? Hindi naman maaari sa loob ng piitan. Payagan kaya nila akong lumabas para sa gayong dahilan? Ang ideya ay parang isang panaginip. Isang pansirkitong asamblea ang gaganapin sa bayan ng Rodez, napakalapit sa bilangguan. Ipinasiya kong gawin ito at humingi ako ng pahintulot na dumalo.
Salungat sa lahat ng inaasahan, ako’y binigyan ng tatlong-araw na bakasyon at ako’y sasamahan lamang ng mga kapatid mula sa lokal na kongregasyon. Ang ibang opisyal sa bilangguan ay tutol sa pasiya. Kumbinsido sila na hindi na ako babalik. Ngunit ang kapahintulutan ay naipagkaloob na.
Noong Mayo 18, 1975, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ako’y malaya na! Mangyari pa, nagbalik ako sa piitan—sa pagtataka niyaong mga tutol sa aking pahintulot. Pagkatapos niyan, ako ay pinagkalooban ng dalawa pang mga kapahintulutan ng hanggang anim na araw ang bawat isa. Ginamit ko ang mga araw na iyon upang mangaral at makipagtipong kasama ng mga kapatid. Anong laking pagkadama ng tunay na kalayaan!
Noong Enero 1976, ako sa wakas ay napalaya mula sa piitan na may tatlong-taon na ibinawas dahil sa mabuting pag-uugali. Sa wakas, tinawid ko ang hangganan ng Pransiya-Espanya. Limang matitinding taon ng aking buhay ay naiwan. Pagdating ko sa Barcelona, agad akong nakipag-alam sa isang kongregasyon ng Saksi ni Jehova. Anong pagkauhaw ang taglay ko ngayon para sa isang normal na buhay!
Ang Daan Tungo sa Tunay na Pagbabago
Ako ngayo’y may asawa na. Mayroon kaming dalawang anak na lalaki at isang anak na babae, at natitikman ko ngayon kung ano ang hindi ko natikman sa aking kamusmusan—isang nagkakaisa at maligayang pamilya. Nakilala ko na si Jehova ay lubhang maawain sa akin. Kapag binabasa ko ang Awit 103, mga talatang 8 hanggang 14 na ‘siya’y hindi gumawa sa atin nang ayon sa ating mga kasalanan, ang nararapat sa atin, sapagkat ang kaniyang kagandahang-loob ay nakahihigit,’ saka ko naunawaan na tanging ang isang Diyos ng pag-ibig lamang ang makahahalili sa kasalukuyang bulok na sistema ng mga bagay.
Mula sa aking karanasan, maliwanag sa akin na ang mga piitan ay walang lakas o kapangyarihan na magpabago at hinding-hindi nito magagawa iyon. Ang kapangyarihang iyan ay kailangang magmula sa isang panloob na puwersa at pangganyak na nagpapakilos sa isipan. (Efeso 4:23) Marami ang lalo pa ngang sumasamâ sa bilangguan, at sa paglabas nila sila halos ay nasira na at hindi na maaaring baguhin pa, sa moral at emosyonal na paraan.
Nakatutuwa naman, sa aking kalagayan yaong hindi malalampasang mga pader ng piitan ay gumuho na bago pa man ako napalaya. Walang bagay ang maaaring magtakda sa katotohanan ng Salita ng Diyos, ni ito man ay maaaring ibilanggo. Alam ko iyan, sapagkat natamo ko ang aking kalayaan samantalang nasa piitan!—Gaya ng isinaysay ni Enrique Barber González.
[Larawan sa pahina 21]
Ang dating kriminal na si Enrique Barber González na nag-aaral ng Bibliya kasama ng kaniyang asawa at mga anak