“Binago Ninyo ang Aking Pangmalas sa mga Saksi ni Jehova”
IYAN ang naging reaksiyon ng isang pinuno ng bilangguan sa Poland, sa isang artikulo tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova na naiulat sa ating isyu ng Oktubre 15, 1998. Isinalaysay ng artikulong “Kapag Tumugon ang mga May Pusong Bato,” ang tagumpay ng mga Saksi ni Jehova sa gawaing pangangaral sa mga bilanggo sa Wołów, Poland.
Bago ilabas sa publiko ang kababanggit na magasing Bantayan, isang pantanging pulong hinggil sa pagbibigay nito sa mga bilanggo ang isinaayos noong Setyembre 13, 1998, sa kulungan sa Wołów. Kabilang sa mga inanyayahang dumalo ang lokal na mga Saksi, bautisado at interesadong mga bilanggo, at maraming pinuno ng kulungan. Ang sumusunod ay ilan sa mga obserbasyon ng mga nagsidalo.
Si Jerzy, isa sa mga Saksi ni Jehova na nabautismuhan sa bilangguan mahigit nang limang taon ang nakalilipas, ay nagsabi: “Maligayang-maligaya ako, yamang nababasa ko ngayon kung gaano kalaking pagsisikap ang ibinuhos ng mga kapatid sa kalapit na mga kongregasyon para lamang tulungan kami.” Kaniya pang idinagdag: “Patuloy kong pinagsisikapang pasulungin ang aking sarili, at nakikita ko kung paanong hinuhubog ako ni Jehova.”
Ang isa pang bilanggo na nagngangalang Zdzisław ay nagkomento hinggil sa gawaing pagpapatotoo sa bilangguan: “Sa kasalukuyan, apat na bilanggo ang naghahandang magpabautismo, at patuloy na dumadalo sa mga pulong sa aming bulwagan ang bagong mga interesado. Ang artikulong ito ay isang matinding pampatibay-loob sa amin na palawakin pa ang gawain sa larangang ito.” Anong pagkapositibong saloobin, bagaman 19 na taon pa ang kailangang gugulin ni Zdzisław sa bilangguan!
Pagkatapos mabasa ang artikulo tungkol sa kulungan sa Wołów, isang pinuno ng bilangguan ang nagsabi: “Kami’y labis na naparangalan. Hindi ko akalaing magkakaroon ng positibong publisidad sa 130 wika sa daigdig ang kulungang ito. Gusto ko kayo, at pinahahalagahan ko ang inyong pagsisikap alang-alang sa mga bilanggo.” Isa pang opisyal ang nagdagdag: “Binago ninyo ang aking pangmalas sa mga Saksi ni Jehova. Ang pangmalas ko sa inyo noon ay mga panatiko. Ngayon, nakikita ko na kayo ay mga taong may prinsipyo.”
Ang direktor ng bilangguan sa Wołów, si Marek Gajos, ay ngumiti at nagsabi: “Noong una, inisip namin na kaunti lamang ang inyong magagawa. Inisip namin na isa lamang kayo sa mga relihiyon na nangangarap na baguhin ang mga bilanggo sa pamamagitan ng Bibliya. Gayunman, nang makita namin ang bunga ng inyong panimulang gawain, nagpasiya kaming makipagtulungan nang husto. Siyam na taon na kayo ngayong nagpupunta rito nang walang-sawa, at lubos kong pinahahalagahan ang inyong nagawa na sa ngayon.”
Paano naman tinanggap ng karamihan ng mga bilanggo sa Wołów ang artikulo? Gayon na lamang kainteresado ang mga bilanggo anupat naubos ang suplay na magasin ng mga Saksi sa bilangguan. Nagpakita rin ng interes ang mga opisyal ng bilangguan sa pamamagitan ng paghiling nila ng 40 ekstrang sipi para sa kanilang mga sarili. Upang matugunan ang dumaraming pangangailangan, tumulong ang lokal na mga kongregasyon at naglaan ng 100 ekstrang sipi para sa mga kapatid sa bilangguan. Kasabay nito, dumami ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong sa bilangguan.
Sinabi ni Piotr Choduń, isang opisyal ng bilangguan na nakipagtulungan nang husto sa mga Saksi ni Jehova: “Pinagpasiyahan naming i-displey ang artikulo sa mga iskaparate sa loob ng bilangguan. Umaasa kami na lahat ng mga bilanggo na hindi pa nakikipag-aral ng Bibliya sa inyo ay magbabasa ng magasin.”
Ang mabuting halimbawa ng mga Saksi at ang kanilang masigasig na pangangaral ay patuloy na umaani ng mabubuting bunga. Karagdagan pa sa 15 bilanggo na sumulong hanggang sa punto ng pagpapabautismo, 2 opisyal ng bilangguan ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, at isa pang opisyal ng bilangguan ang humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Mangyari pa, ibinibigay ng mga kapatid na nangangaral sa bilangguan sa Wołów ang lahat ng papuri sa Diyos na Jehova para sa kanilang tagumpay.—Ihambing ang 1 Corinto 3:6, 7.
[Larawan sa pahina 28]
Tatlong saksi at isang preso sa presentasyon ng magasin sa lecture hall ng bilangguan