Mga Salaysay ng Pananampalataya Mula sa Isang Makasaysayang Bilangguan
Sa buong daigdig, ang mga boluntaryo sa mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw sa mga bilangguan upang tulungan ang mga bilanggo na taimtim na nagnanais na maging malapít sa Diyos. Sa loob ng mahigit na 20 taon, matagumpay kaming nakapagdaos ng gayong programa ng edukasyon sa Bibliya sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Ang pag-aaral ng Bibliya sa kapaligiran ng bilangguan ay isang hamon. Bilang mga boluntaryong ministro, nakaharap namin ang mga magnanakaw sa bangko, mangingikil, mamamatay-tao, ilegal na mangangalakal ng droga, manggagantso, at mga taong nagkasala may kaugnayan sa seksuwal na gawain. Paano natulungan ang gayong mga indibiduwal?
UNA muna, maaaring interesado kang malaman kung kailan at paano unang nakapasok ang mga Saksi ni Jehova sa bilangguang ito. Ito ay noong Hulyo 4, 1918. Isang pangkat ng walong kilaláng mga ministrong Kristiyano ang inihatid sa itaas ng 15 granitong hagdan sa piitang pederal na ito. Kung sinunod ang karaniwang kaugalian noong panahong iyon, sila’y pinosasan na nakakabit sa isang kadenang nakatali sa baywang, at nakakadena ang kanilang mga paa. Ang mga bagong datíng ay espirituwal na mga kuwalipikadong lalaki na nangunguna sa International Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Hindi mahulaan ng mga lalaking iyon na mangangailangan ng wala pang isang taon upang mapatunayan na ang kanilang pagkabilanggo ay isang malaking kabiguan ng sistema ng hukuman sa pagpapatupad ng hustisya. Noong Marso 1919, ang walong ministrong Saksi ay bumaba sa mga hagdan ding iyon ng bilangguan, walang posas at malaya. Nang maglaon, sila’y napawalang-sala nang ipasiya ng mga awtoridad na bawiin ang paglilitis.a
Noong panahon ng kanilang pagkabilanggo sa Atlanta, ang Kristiyanong mga lalaking ito ay nagdaos ng mga klase sa pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, isa sa walong bilanggo, si A. H. Macmillan, ay nag-ulat na ang deputy warden ay galit noong una subalit noong dakong huli’y naudyukang bumulalas: “Kahanga-hanga ang mga leksiyon ninyo [sa mga bilanggo]!”
Sa ngayon, pagkalipas ng mahigit na 80 taon, patuloy na gumagawa ng nagtatagal na mga impresyon ang mabungang mga klase ng pag-aaral sa Bibliya sa mga indibiduwal sa mismong bilangguang iyon. Sa ilang okasyon, pinili ng mga opisyal ng bilangguan ang mga miyembro ng aming pangkat para sa pantanging pagkilala at mga gantimpalang pandangal. Ang pagiging mabisa ng mga programa sa edukasyon ng mga Saksi ni Jehova ay itinampok din sa Volunteer Today, isang pambansang pahayagan na inilathala ng U.S. Department of Justice, Federal Bureau of Prisons.
Ang isa sa mga pakinabang ng programa ng pag-aaral sa Bibliya sa mga bilanggo ay ang kapansin-pansing pagbabago sa kanilang paggawi. Bunga nito, ang ilan ay maagang napalaya sa bilangguan. Maaaring ipalagay ng mapang-uyam na mga tagamasid na ang mga preso ay nakikipag-aral lamang sa amin ng Bibliya sa layuning ito. Bagaman totoo iyan sa ilang kaso, iba naman ang kadalasang ipinakikita ng aming karanasan. Paulit-ulit ang aming katuwaan na malamang pinananatili pa rin ng aming mga estudyante ang kanilang mabuting Kristiyanong paggawi sa loob ng maraming taon pagkatapos na mapalaya sila sa bilangguan. Ang sumusunod ay ilan sa maraming karanasan na tinamasa namin sa likuran ng nagtataasang pader ng makasaysayang bilangguang ito.
Nakasumpong ng Pag-asa ang mga Bilanggong Dayuhan
Noong mga unang taon ng dekada ng 1980, kaming nangangaral sa piitan sa Atlanta ay nagtamasa ng pribilehiyo na tumulong sa maraming bilanggong dayuhan. Kapansin-pansin ang ilan sa mga pagbabago.
Si Raoulb ay nagsimula bilang isang tunay na mapanganib na bilanggo. Siya at isang kaibigan ay propesyonal na mga kriminal na nabilanggo dahil sa pagpaslang. Talagang mararahas sila, ayon sa matatanda na tumulong sa kanila. Si Raoul ay may mga kaaway na mortal. Isang lalaki ang sumumpang papatayin si Raoul, at sumumpa si Raoul na gayundin ang gagawin sa kaniya. Nasindak si Raoul nang ang kaniyang mahigpit na kaaway ay inilipat sa Atlanta. Waring tiyak na sa dakong huli ang dalawang ito na malaon nang magkaaway ay magkikita sa bakuran, sa kapitirya, o sa bloke ng selda. Gayunman, pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, si Raoul ay gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang pag-iisip, paggawi, at hitsura. Nang sa wakas ay magsalubong ang dalawang lalaki sa bakuran ng bilangguan, hindi pa nga nakilala si Raoul ng kaniyang mahigpit na kaaway! Ang madugong komprontasyon na sa wari’y di-maiiwasan ay hindi kailanman nangyari.
Nang magpasiya si Raoul na sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo, kailangang makakita ng isang angkop na sisidlan ng tubig. Tumulong ang kapilyan ng bilangguan, anupat naglaan ng isang itim na kabaong bilang isang tangkeng paliguan na gagamitin sa bautismo. Ang kabaong ay pinunô ng tubig. Subalit si Raoul ay tila mas malaki kaysa sa kabaong. Kaya dalawang matanda ang kailangang gumawang magkasama upang matiyak na lubusang mailubog sa tubig si Raoul, gaya ng hinihiling ng Bibliya. (Lucas 3:21, talababa sa Ingles) Ngayon, malaya na si Raoul at patuloy na naglilingkod bilang isang masigasig na ministrong Kristiyano.
Noong 1987, isang desisyong ipatapon ang maraming bilanggong dayuhan ang humantong sa mapanira at mainit na kaguluhan sa loob ng bilangguan na napabalita sa buong daigdig. Kumuha ng mga bihag. Gayunman, iilan lamang ang nakaaalam sa mga kuwento ng malalakas ang loob na mga bilanggong dayuhan na isinapanganib ang kanilang buhay dahil sa pagtangging sumama sa magulo at marahas na paghihimagsik. Sila ang mga estudyante ng aming mga klase ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mga lalaking ito, na dating mabilis makipag-away hanggang kamatayan, ay nanatiling neutral—hindi bahagi ng karahasan at bandalismo. Isa ngang mahusay na katibayan ng kapangyarihan ng Bibliya na baguhin kahit na ang malulupit na kriminal tungo sa pagiging mga Kristiyanong maibigin sa kapayapaan!—Hebreo 4:12.
Pagkasumpong ng Kapatawaran
Ang isa pang di-malilimot na karanasan ay yaong kay James. Isa siyang dating Saksi ni Jehova subalit hinayaan niya ang kaniyang sarili na manghina sa espirituwal. Napadala siya sa tukso at nakagawa ng pandaraya sa bangko. Natiwalag siya sa kongregasyong Kristiyano at nabilanggo sa piitang pederal sa Atlanta. Nang dakong huli ay sinabi niya sa amin: “Iyon ang pinakamiserableng yugto sa buhay ko.”
Mahirap ang buhay sa bilangguan. “Dumanas ako ng kahila-hilakbot na damdamin ng pag-iisa at kawalan ng pag-asa,” ang gunita ni James. Gayunman, ang pagkapiit niya sa isang masikip na selda ng bilangguan ay umakay sa kaniya na gumawa ng seryosong pagsusuri sa sarili. Ganito ang paglalarawan niya rito: “Ang pinakamasakit sa akin sa loob ng bilangguan ay hindi ang aking personal na paghihirap kundi kung paano ko binigo ang aking makalangit na Ama.” Pagkaraan ng ilang buwan, isa sa mga bilanggo na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga boluntaryong Saksi ay lumapit kay James at nag-anyaya sa kaniya na dumalo sa mga klase ng pag-aaral sa Bibliya. Palibhasa’y nahihiya, sa simula’y tumanggi si James. Subalit mapilit ang binata, at sa wakas ay dumalo si James sa isang pulong ng Linggo.
Naantig siyang makita ang maibiging pagmamalasakit sa mga estudyante na ipinakita ng mga Saksing nagdaraos ng klase. Nang maglaon, isang bagay pa ang hinangaan niya. Dahil sa dati niyang mga karanasan, inakala ni James na ang lahat ng relihiyosong boluntaryo ay binabayaran nang malaki para sa kanilang gawain sa mga bilanggo. Subalit sa pagkagulat niya, nalaman niya na ang mga Saksi ay hindi nagsusumite ng mga pagkakagastos at hindi tumatanggap ng kabayarang salapi para sa kanilang mga paglilingkod.—Mateo 10:8.
Buong pananabik na nagsimulang asam-asamin ni James ang mga pulong. Nasumpungan niyang mabait at nakapagpapatibay ng loob ang mga kapatid na nagdaraos ng mga pulong. Isang matanda ang partikular na hinangaan niya. “Binibilang ko ang mga araw hanggang sa susunod niyang pagdalaw,” ang gunita ni James, “sapagkat ginagawa niyang buháy ang katotohanan ng Salita ng Diyos; nakahahawa ang kaniyang espiritu. Ikinintal niya sa akin ang pangangailangan na masusing basahin ang Bibliya upang makuha ang tunay na kahulugan ng mensahe—upang dibdibin ko ito at, higit na mahalaga, upang magkaroon ng kaisipan ni Kristo.”
Nahirapan si James na maniwalang mapatatawad ng Diyos ang kaniyang mga pagkakamali. Ano ang nakatulong sa kaniya? “Ang pagpapatawad ng Diyos ay nakikita sa pakikitungong tinatanggap namin mula sa tapat at mapagsakripisyo-sa-sariling mga lalaki.c Isang bagay ang naging napakalinaw: Sa kabila ng aking kahila-hilakbot na mga kasalanan, kailanman ay hindi ipinahiwatig sa akin ng kapatid na hindi ako mapatatawad ng Diyos. Hinding-hindi ako pinabayaan ni Jehova. Nakita niya ang aking taos-pusong pagsisisi at ang pagtatakwil ko sa gayong hangal at mapandayang landasin; at sagana niya akong pinagpala.” Oo, si James ay muling naibalik sa kongregasyong Kristiyano. Nang mapalaya sa bilangguan mga isang dekada na ang nakalilipas, siya ay nanatiling aktibo at masigasig. Sa laki ng tuwa ng kaniyang asawa at pamilya, siya ngayon ay isa nang ministeryal na lingkod at kamakailan lamang ay nagbigay ng kaniyang unang pahayag pangmadla.
Pagkasumpong ng Daan
Nakilala namin si Johnny noong mga unang taon ng dekada ng 1990. Ang kaniyang pamilya ay nagkaroon ng kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova, subalit walang sinuman ang malakas sa espirituwal noong mga taon ng kabataan ni Johnny, nang kailangan niya ang espirituwal at moral na patnubay. Si Johnny ay natangay tungo sa paggawa ng krimen. Nahatulan siyang mabilanggo sa pederal na kampong bilangguan na katabi ng piitan sa Atlanta. Noong panahon ng kaniyang pagkabilanggo sa kampo, nalaman niya ang tungkol sa aming mga klase ng pag-aaral sa Bibliya at nagpasiyang dumalo.
Sa simula, halos hindi makabasa si Johnny. Subalit sabik na sabik siyang kumuha ng higit pang kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesu-Kristo anupat determinado siyang matutong bumasa nang mahusay. (Juan 17:3) Ang aming mga klase sa pag-aaral ay kadalasang nakatutulong sa mga bilanggo sa bagay na ito, lalo na kapag nasasangkot ang pag-unawa sa pagbasa at pangmadlang pagbabasa. Puspusan si Johnny sa kaniyang pag-aaral anupat iginalang at hinangaan siya ng kaniyang mga kapuwa estudyante bilang isang halimbawa kung paano dapat maging isang seryosong estudyante sa Bibliya.
Pagkaraan ng maraming buwan, si Johnny ay inilipat sa pederal na bilangguan sa Talladega, Alabama, upang dumalo sa isa sa mga programa nito sa pagtuturo may kinalaman sa droga. Pagdating niya, agad siyang nakibahagi sa mga pulong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova na idinaraos doon. Nanatili siyang aktibo hanggang sa wakas, siya ay napalaya. At nang dumating ang maligayang araw na iyon, agad na nakipagkita si Johnny sa mga Saksi sa kaniyang maliit na bayan. Siya’y mainit na tinanggap at patuloy na nag-aral at sumulong sa espirituwal.
Ang sigla at pag-ibig ni Johnny sa katotohanan ng Bibliya ay nagpasigla rin sa kaniyang ina na higit na makibahagi sa mga gawain ng kongregasyon. Siya ay isang malaking pinagmumulan ng lakas at praktikal na tulong sa kaniyang ina. Kamakailan siya ay nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova, at patuloy siyang aktibong nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.
Isang Masaganang Ani
Sa nakalipas na dalawang dekada, mahigit na 40 bilanggo sa piitan sa Atlanta ang natulungang maging bautisadong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova; mahigit na 90 iba pang bilanggo ang nakinabang din mula sa lingguhang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang iba pang mga bilanggo ay nabautismuhan pagkatapos mapalaya o mapalipat sa ibang bilangguan.
Kaming dumadalaw sa makasaysayang bilangguang ito linggu-linggo upang tulungan ang nagsisising mga bilanggo ay nagpapasalamat na makapaglingkod sa pambihirang ministeryong Kristiyano na ito. (Gawa 3:19; 2 Corinto 7:8-13) Sa malungkot na tagpo ng mga tore ng mga guwardiyang de-baril, mga bantay, mga pintuang-daan na de-kuryente, at kumikinang na mga alambreng may mga tulad-labahang talim, nalipos kami ng kagalakan at paghanga na makita ang pederal na mga kriminal na nagbabagong-buhay at nagiging matapat na mga mamamayan at tapat na mga mananamba ng Diyos.—1 Corinto 6:9-11.—Ipinadala.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong ulat ng kasong ito, tingnan ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 647-56, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Binago ang mga pangalan ng mga bilanggo.
c Hinihimok ng Ang Bantayan ng Abril 15, 1991, ang Kristiyanong matatanda na gumawa ng maawaing mga pagdalaw sa maraming indibiduwal na natiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Ang layunin nito ay upang patibayin ang loob nila na manumbalik kay Jehova.—2 Corinto 2:6-8.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 20, 21]
“Pinakitunguhan Ninyong Mabuti ang Ilan sa Aking Matatalik na Kaibigan”
NOONG Abril 1983, dinalaw ni Frederick W. Franz, na noo’y naglilingkod sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang piitan sa Atlanta sa Estados Unidos. Sabik na sabik siyang dumalaw sa partikular na bilangguang ito. Pagpasok niya sa gusali, malakas niyang sinabi sa bantay na nakaupo sa may mesa sa pasukan: “Gusto kong malaman mo na pinakitunguhan ninyong mabuti ang ilan sa aking matatalik na kaibigan dito!” Sabihin pa, nagtaka ang bantay. Ano ba ang tinutukoy ni Franz?
Mga 64 na taon bago nito, si Joseph F. Rutherford at ang kaniyang pitong kasama ay may kabulaanang hinatulang mabilanggo sa salang pakikipagsabuwatan. Nang maglaon, sina Rutherford at Franz ay naging matalik na magkaibigan at magkasama sa trabaho. Ngayon, mahigit na 40 taon pagkamatay ni Rutherford—at noon siya mismo ay mga 90 taóng gulang—si Franz ay natutuwang dumalaw sa lugar kung saan nabilanggo ang kaniyang kaibigan matagal nang panahon ang nakalipas. Walang alinlangan na naisip niya ang hinggil sa trabahong ginawa ni Rutherford at ng kaniyang mga kasama sa loob ng mga pader na iyon. Ano ba iyon?
Di-nagtagal pagdating ni Rutherford at ng kaniyang mga kasama, sila’y sinabihan ng deputy warden: “Bibigyan namin kayo ng trabaho. Ngayon, ano ba ang maaari ninyong gawin?”
“Deputy,” ang sagot ni A. H. Macmillan, isa sa walo, “wala po akong ginawa sa buong buhay ko kundi ang mangaral. Mayroon po ba kayo ng anumang katulad niyan dito?”
“Wala, ginoo! Iyan ang dahilan kung bakit kayo naririto, at sinasabi ko ngayon sa inyo na hindi kayo mangangaral dito.”
Lumipas ang ilang linggo. Lahat ng bilanggo ay hinilingan na dumalo sa serbisyo sa kapilya kung Linggo, at hangga’t maaari’y manatili para sa Sunday school pagkatapos nito. Ang walong lalaki ay nagpasiyang bumuo ng kanilang sariling klase ng pag-aaral sa Bibliya, at sila’y naghali-halili sa pagdaraos nito. “Nagsimulang dumating ang ilang mausyoso, at marami pa ang dumating,” ang paliwanag ni Rutherford nang dakong huli. Di-nagtagal ang maliit na grupo ng 8 ay lumaki tungo sa 90!
Paano tumugon ang mga bilanggo sa klase ng pag-aaral sa Bibliya? Ganito ang sabi ng isang bilanggo: “Ako’y pitumpu’t dalawang taóng gulang, at kailangan ko pang mabilanggo para marinig ang katotohanan. Natutuwa ako na dahilan dito ako’y ipinadala sa piitan.” Ang isa naman ay nagsabi: “Malapit nang matapos ang sentensiya ko; nalulungkot akong umalis . . . Maaari bang sabihin ninyo sa akin kung saan ko masusumpungan ang ilang taong gaya ninyo pag-alis ko?”
Noong gabi bago palayain ang walong lalaking ito, sila’y tumanggap ng isang makabagbag-damdaming liham mula sa isang binata na dumalo sa kanilang klase. Siya’y sumulat: “Gusto kong malaman ninyo na kayo’y nag-iwan sa akin ng isang hangarin na maging mas mabuti at mas kapaki-pakinabang na tao, kung maaaring maging gayon ang isang kaawa-awa’t napakatiwaling tao na batbat ng hirap na gaya ko. . . . Ako’y mahina, napakahina, walang higit na nakababatid nito kaysa sa akin, subalit sisikapin ko at makikipagpunyagi ako sa aking sarili kung kinakailangan, upang matamo ang lahat ng bunga mula sa binhing ito na inyong itinanim, upang matulungan ko hindi lamang ang aking sarili kundi yaon ding mga nasa paligid ko. Ang lahat ng ito ay maaaring magtinging kakatwa, palibhasa’y galing sa akin, subalit sa kaibuturan ng aking puso, totoo ang lahat ng sinabi ko.”
Sa ngayon, pagkalipas ng mahigit na 80 taon, ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya ay inihahasik pa rin ng mga Saksi ni Jehova sa piitan sa Atlanta—gayundin sa maraming iba pang bilangguan.—1 Corinto 3:6, 7.