Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/8 p. 8-10
  • Posible ba ang Tunay na Pagbabago?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Posible ba ang Tunay na Pagbabago?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Papel ng Bibliya
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Ang Lunas ba ay Nakadaragdag sa Problema?
    Gumising!—2001
  • Mga Salaysay ng Pananampalataya Mula sa Isang Makasaysayang Bilangguan
    Gumising!—2001
  • “Binago Ninyo ang Aking Pangmalas sa mga Saksi ni Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/8 p. 8-10

Posible ba ang Tunay na Pagbabago?

“Walang sinuman ang makapipilit sa kaniyang kapuwa-tao na magbagong-buhay. Dapat na ang pagbabago ay magmula sa mismong indibiduwal at ninanais niya ito.”​—VIVIEN STERN, A SIN AGAINST THE FUTURE​—IMPRISONMENT IN THE WORLD.

ISANG mahalagang susi sa tunay na pagbabago ng mga bilanggo ang edukasyon at ang pag-iiba ng mga pamantayan at pangmalas. Walang alinlangan, may taimtim na mga indibiduwal na nagsisikap na turuan at tulungan ang mga bilanggo. Ang mainam at walang-pag-iimbot na gawain ng gayong mga tao ay talagang pinahahalagahan ng maraming bilanggo.

Malamang na ikatuwiran ng ilang tao na ang mga bilangguan sa kabuuan ay wala nang pag-asang mareporma at na halos imposibleng magbago ang mga bilanggo sa gayong kapaligiran. Bagaman maaaring totoo na ang pagbibilanggo lamang ay hindi nagkikintal sa isip ng bagong mga pamantayan, natulungan ng pagtuturo sa Bibliya ang ilan na magbago ng kanilang buhay. Ipinakikita nito na posible ang pagbabago ng mga indibiduwal.

Sa ngayon, sa tulong mula sa Bibliya, ang ilang bilanggo ay nakagagawa ng mga pagbabago na nagbubunga ng tamang pag-iisip at paggawi. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Paano ito naisasagawa?

Ang Papel ng Bibliya

Maraming tao ang nakadarama na ang relihiyon ay maaaring magkaroon ng malaking papel sa pagtulong sa mga bilanggo na magsisi sa kanilang dating mga gawain. Siyempre pa, ang pangunahing problema rito ay na ang anumang pagbabago ng pagkatao na ibinunga ng pagkakakulong ay maaaring maglaho minsang mapalaya na ang bilanggo. Ganito ang pagkasabi ng isang bilanggo: “Marami ang nakasusumpong kay Kristo sa lugar na ito​—ngunit kapag umalis na sila rito, iniiwan din nila si Kristo!”

Ipinakikita ng karanasan na ang tunay na pagbabago ay dapat maganap sa loob​—sa isip at puso ng kriminal​—at na ito ay dapat na nakasalig sa taimtim na pagsisisi sa nakalipas na masamang gawa. Ang isang programa ng edukasyon sa Bibliya ay makatutulong sa isang indibiduwal na matutuhan kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kabalakyutan at kung bakit ito mali. Makapagbibigay ito sa kaniya ng matitibay na dahilan upang naising ihinto ang gayong landasin.

Nagsasagawa ang mga Saksi ni Jehova ng gayong programa ng edukasyon sa Bibliya sa maraming bilangguan sa buong daigdig, na may magagandang resulta. (Tingnan ang pahina 10.) “Natulungan kaming malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa layunin ng buhay at sa mga pagpapalang nakalaan sa hinaharap para sa sangkatauhan,” komento ng isang bilanggo, anupat idinagdag pa niya: “Ito’y isang kamangha-manghang edukasyon!” Isa pang bilanggo ang nagkomento: “Gumagawa kami ng mga pasiya salig sa payo ng Diyos. . . . Nakikita namin ang mga pagbabago sa aming sarili. Alam na namin kung ano ang dapat unahin sa buhay.”

Sabihin pa, ang pangangailangang magbago ay umaabot hanggang sa labas ng mga pader ng bilangguan. Ang tunay na solusyon sa krisis ng bilangguan ay nakasalalay sa pag-aalis ng pangangailangan para sa mga bilangguan. Ang isa sa maluluwalhating katotohanan sa Bibliya na nakaantig sa puso ng napakaraming bilanggo ay ipinahayag sa pangako ng Diyos: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:9, 29.

Kapag nangyari iyon, ang nakahihigit na mga pamantayan ng Diyos ay ipatutupad ng isang walang-katiwaliang pamahalaan na kapuwa maibigin at matatag, ang makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo​—ang pamahalaan na siyang itinuro sa mga Kristiyano na ipanalangin. (Mateo 6:10) Sa bagong sanlibutang iyon, ang lahat ng maninirahan ay babaguhin sa pamamagitan ng pag-aaral ng nakahihigit na mga kautusan ng Diyos. Kung magkagayon, higit kailanman ay magkakatotoo na “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) At ano ang magiging resulta? Ang mga masunurin-sa-batas na maninirahan sa bagong sanlibutan ay ‘makasusumpong nga ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.’​—Awit 37:11.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Pagbibigay ng Pag-asa sa mga Bilanggo

Mahigit na sa 20 taon, ang mga boluntaryong ministro ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng isang matagumpay na salig-sa-Bibliyang programa ng pagtuturo sa pambansang bilangguan sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Sa panahong iyon, mahigit sa 40 bilanggo ang natulungan na maging bautisadong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, at mahigit sa 90 iba pang mga bilanggo ang nakinabang din sa regular na mga pag-aaral sa Bibliya.

Kinausap kamakailan ng Gumising! ang ilang tagapagturo ng Bibliya na walang-pag-iimbot na gumawa sa bilangguang iyon.

◼ Bakit napakabisa ng edukasyon sa Bibliya sa pagganyak sa ilang bilanggo na magbago ng kanilang buhay?

David: Maraming bilanggo ay mga taong hindi napagpakitaan ng pag-ibig, maging sa kanilang pagkabata. Kaya nang malaman nilang minamahal sila ng Diyos at nang malaya nilang nasasabi sa kaniya sa panalangin ang kanilang niloloob at pagkatapos ay sinasagot niya ang kanilang mga panalangin, nagiging tunay siya sa kanila. Ang kanilang puso ay nagaganyak na mahalin din siya.

Ray: Ang isa sa mga bilanggo na inaralan ko ng Bibliya ay inabuso nang siya’y bata pa. Nang tanungin ko siya kung ano ang nakaakit sa kaniya kay Jehova, sinabi niya na kapag natutuhan mo ang katotohanan sa Bibliya, natutuklasan mo na talagang nauunawaan ka ni Jehova. Ito ang nag-udyok sa kaniya na magnais na matuto pa ng higit hinggil sa personalidad ng gayong Diyos na maibigin.

◼ Sinasabi ng iba na umaanib sa relihiyon ang mga bilanggo dahil may iba silang motibo​—upang gumaan ang sentensiya nila o magpalipas lamang ng panahon. Ano ang ipinakikita ng inyong karanasan?

Fred: Kapag pumunta ang mga bilanggo sa aming mga pag-aaral, hindi namin pinupukaw ang kanilang emosyon. Inaaralan lamang namin sila ng Bibliya. Sa di-kalaunan, nababatid nila na sila’y tuturuan hinggil sa Bibliya at na iyan lamang ang aming ginagawa. Ang ilang bilanggo ay nagpupunta sa akin at humihingi ng tulong sa pagharap sa kanilang mga kaso sa korte. Hindi ko ito ipinakikipag-usap sa kanila. Bilang resulta, yaong mga nagpupunta sa aming grupo ng pag-aaral at nananatili roon nang matagal ay talagang nagnanais na matuto tungkol sa sinasabi ng Bibliya.

Nick: Ang isang bagay na napansin ko ay ang mga pagbabago na ginagawa ng ilang bilanggo habang sila’y nasa bilangguan. Ang ilan sa kanila ay naging mga bautisadong ministro at lubhang nagdusa dahil sa ibang mga bilanggo. Napakahirap niyan para sa kanila. Kung hindi lamang naantig ng Bibliya ang kanilang puso, hindi sila makapananatiling tapat sa gayong mga kalagayan.

Israel: Sa pangkalahatan, sila’y mga taong may masidhing hangarin na matuto tungkol kay Jehova, at ipinahahayag nila ito sa isang nakaaantig na paraan. Makikita mo na ito’y nagmumula sa kanilang puso.

Joe: Naunawaan na ng mga naging tunay na Kristiyano kung bakit napasamâ ang kanilang buhay. Nauunawaan din nila na maaari pa silang magbago​—nabibigyan sila ng pag-asa. Ngayon ay maaari na nilang taimtim na asahan ang katuparan ng mga pangako ni Jehova para sa kinabukasan.

◼ Bakit hindi ang mga bilangguan lamang ang makapagpapabago sa mga kriminal?

Joe: Ang layunin ng mga bilangguan ay, hindi upang baguhin ang mga kriminal, kundi upang ibukod sila mula sa ibang mga tao sa lipunan. Iyan ang pinakaugat ng suliranin​—ang saloobin ng sistema ng bilangguan hinggil sa mga taong ito.

Henry: Hindi kayang baguhin ng mga bilangguan ang puso ng mga nagkasala. Uulitin ng karamihan sa mga taong ito ang kanilang mga krimen kapag nakalaya na sila.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Maraming bilanggo ang natulungang matuto ng katotohanan ng Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share