Tanong
◼ Anong mga babala ang dapat nating bigyang-pansin kapag nagpapatotoo sa mga bilanggo?
May di-kukulangin sa walong milyong bilanggo sa buong daigdig, na ang ilan ay nagpakita ng interes sa mabuting balita. (1 Tim. 2:4) Isang tanggapang pansangay ang tumatanggap ng mga 1,400 liham bawat buwan mula sa mga bilanggo at sa mga miyembro ng kanilang pamilya na humihiling ng literatura o personal na pagdalaw. Bagaman taimtim ang interes ng maraming bilanggo, ipinakikita ng karanasan na ang ilan ay nagkukunwaring interesado, anupat naghahangad na magsamantala sa bayan ng Diyos. Dahil dito, dapat bigyang-pansin ng lahat ang sumusunod na mga babala hinggil sa pagpapatotoo sa mga bilanggo.
Sa maraming kaso, binibigyan ng patotoo ang mga bilanggo sa pamamagitan ng liham. Mahigpit na inirerekomenda na huwag makipagsulatan ang mga kapatid na babae sa mga lalaking bilanggo, kahit na ang layunin ay upang tumulong sa espirituwal na paraan. Ang pananagutang iyan ay dapat asikasuhin lamang ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki. Maaaring atasan ang kuwalipikadong mga kapatid na babae na makipagsulatan sa mga babaing bilanggo na nagpahayag ng taimtim na interes sa katotohanan sa Bibliya. Hindi dapat magpadala ng pera o personal na mga regalo sa mga bilanggo, sa kabila ng katotohanan na maaaring humiling sila nito.
Kapag nagpakita ng interes ang isang bilanggo, dapat ibigay ang kaniyang pangalan at adres sa kongregasyong malapit sa pasilidad ng bilangguan. Kadalasan nang alam ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki roon kung paano asikasuhin ang iba’t ibang kalagayan na maaaring bumangon. Kung hindi alam ang kongregasyon, dapat ipadala ang impormasyon sa tanggapang pansangay.
Hindi naman masamang magdaos ng mga pulong ang naatasang mga kapatid na lalaki kasama ng mga bilanggo upang sabay-sabay na makapag-aral ang ilan. Gayunman, hindi dapat ganapin sa mga bilangguan ang pantanging mga okasyon kung saan malayang nakikisalamuha ang mga mamamahayag sa mga bilanggo. Karagdagan pa, hindi katalinuhan na basta-basta na lamang dumalaw sa bilangguan ang mga mamamahayag at magkaroon ng malapít na pakikipagsamahan sa mga bilanggo.
Nawa’y “maging maingat [tayong] gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati” habang ibinabahagi natin ang mabuting balita sa mga bilanggo.—Mat. 10:16.