Ang Lunas ba ay Nakadaragdag sa Problema?
“Ang pandurusta at pagpapahina sa loob ng mga bilanggo ang siyang pinakamasamang paraan ng paghahanda sa kanila sa daigdig sa labas ng bilangguan.”—ISANG EDITORYAL SA THE ATLANTA CONSTITUTION.
SA MARAMING kaso, ang mga bilangguan ay nagsisilbing pamigil lamang—at ito’y pansamantala lamang. Kapag pinalaya ang isang bilanggo, talaga bang napagbayaran na niya ang kaniyang krimen?a Kumusta naman ang mga biktima o ang mga mahal sa buhay ng mga ito? “Ako ang ina ng isang batang pinaslang,” pamamanhik ni Rita nang ang taong napatunayang pumatay sa kaniyang 16-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay palayain pagkatapos lamang ng tatlong-taóng sentensiya. “Pakisuyong huminto sandali. Pag-isipan ito. Maguguniguni mo ba kung ano ang ibig sabihin nito?” Tulad ng ipinakikita sa kaso ni Rita, kadalasa’y namamalagi ang trahedya bagaman matagal nang natapos ng mga korte ang kanilang gawain at nalimutan na ang mga ulong-balita hinggil dito.
Ang isyung ito ay hindi lamang dapat ikabahala niyaong mga naapektuhan ng krimen kundi pati na rin ng lahat ng iba pa. Kung tutuusin, nakapagbagong-buhay man ang mga bilanggong pinalaya o naging manhid na dahil sa kanilang karanasan sa bilangguan, ito ay may tuwirang kaugnayan sa iyong kapayapaan ng isip kung hindi man sa iyo mismong kaligtasan.
Mga Paaralan Para sa mga Kriminal
Hindi laging lubos na napipigilan ng mga bilangguan ang kriminal na paggawi. “Kapag gumasta ng maraming salapi sa pagtatayo ng isa na namang selda sa halip na tulungan ang bilanggo na magkaroon ng paggalang sa kaniyang sarili, ito’y kadalasang umaakay lamang sa higit pa—at mas malubhang—krimen,” sulat ni Jill Smolowe sa magasing Time. Si Peter,b na gumugol ng 14 na taon sa bilangguan, ay sasang-ayon sa mga salitang iyan. “Karamihan sa aking mga kapuwa bilanggo ay nagsimula sa paggawa ng maliliit na krimen, pagkatapos ay sumulong sila sa mas malalaking krimen sa ari-arian, at sa wakas ay nagtapos sila sa malulubhang krimen laban sa ibang mga tao,” sabi niya. “Para sa kanila, ang mga bilangguan ay tulad ng mga paaralang panghanapbuhay. Lalabas sila sa bilangguan nang masahol pa kaysa dati.”
Bagaman pansamantalang inaalis ng mga bilangguan ang mga kriminal sa mga lansangan, tila kakaunti lamang ang nagagawa ng mga ito—kung mayroon man—upang mapigilan ang krimen sa loob ng mahabang panahon. Madalas na minamalas ng mga kabataang lalaki sa matao at matatandang pamayanan sa lunsod ang pagkabilanggo bilang isang ritwal sa pagiging adulto. Napakadalas na sila’y nagiging mga pusakal na kriminal sa dakong huli. “Hindi ka binabago ng bilangguan,” sabi ni Larry, na gumugol ng kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa paglalabas-masok sa bilangguan. “Ang mga lalaking ito ay lumalabas sa bilangguan at muling gumagawa ng gayunding bagay.”
Ang ‘paglalabas-masok’ na ito ang maaaring siyang dahilan kung bakit, ayon sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, 50 porsiyento ng lahat ng malulubhang krimen ay kagagawan ng humigit-kumulang sa 5 porsiyento ng mga kriminal. “Kapag ang mga bilanggo ay walang kapaki-pakinabang na paraan na mapaggagamitan ng kanilang panahon,” komento ng magasing Time, “madalas na ginugugol nila ang mga oras sa pagkimkim ng labis-labis na hinanakit, bukod pa sa pag-iipon ng mga pamamaraan ng mga kriminal, na . . . kanilang gagamitin sa mga lansangan.”
Ang kalagayang ito ay hindi lamang sa Estados Unidos. Si John Vatis, isang manggagamot sa isang bilangguang militar sa Gresya, ay nagsabi: “Ang aming mga bilangguan ay naging napakagaling sa paggawa ng mga taong mapanganib, mararahas, at mababalasik. Kapag pinalaya, karamihan sa mga bilanggo ay nagnanais ‘gumanti’ sa lipunan.”
Ang Ibinabayad ng Lipunan
Ang krisis sa bilangguan ay nakaaapekto sa mismong pitaka mo. Halimbawa, tinataya na sa Estados Unidos, gumagastos ang mga nagbabayad ng buwis ng mga $21,000 para sa bawat bilanggo taun-taon. Ang mga bilanggo na mahigit na sa edad na 60 ay maaaring ginagastusan nang tatlong beses ng halagang iyon. Sa maraming bansa, ang pagtitiwala ng publiko sa mga bilangguan ay nababawasan dahil sa ilan pang mga dahilan. May mga nababahala hinggil sa mga kriminal na maagang pinalalaya at gayundin sa mga nagkasala na nakaiiwas sa mga sentensiya sa bilangguan dahil sa ilang legal na teknikalidad na natuklasan ng isang magaling na abogado. Karaniwan nang ang mga biktima ay hindi nakadarama ng sapat na proteksiyon laban sa higit pang pamiminsala, at maaaring wala silang gaanong impluwensiya sa legal na proseso.
Lumalaki ang Pagkabahala ng Publiko
Ang pagtitiwala ng publiko sa mga bilangguan ay hindi naisusulong ng di-makataong mga kalagayan na kinakaharap ng mga bilanggo, tulad ng inilalarawan sa kalakip na kahon. Ang mga bilanggo na nakaranas ng di-makatarungang pakikitungo habang tinutupad nila ang kanilang sentensiya ay malabong magbagong-buhay. Dagdag pa rito, ikinababahala ng ilang grupo para sa mga karapatang pantao ang di-makatuwirang dami ng mga miyembro ng mga grupong minoridad na nasa mga bilangguan. Pinag-aalinlanganan nila kung ito ba’y nagkataon lamang o kung ito’y resulta ng pagtatangi sa ibang lahi.
Itinawag-pansin ng isang ulat ng Associated Press noong 1998 ang kalagayan ng mga dating bilanggo sa Holmesburg Prison, sa Pennsylvania, E.U.A., na humingi ng kabayaran dahil sa di-umano’y paggamit sa kanila sa mga eksperimento sa mga kemikal habang nakakulong. At kumusta naman ang pagbabalik ng mga chain gang (pangkat ng mga kriminal na ikinakadena nang sama-sama) sa Estados Unidos? Iniuulat ng Amnesty International: “Ang pagtatrabaho ng gang ay tumatagal nang 10-12 oras na kadalasan ay sa init ng araw, na may napakaiikling pahinga para sa pag-inom ng tubig, at isang oras para sa pagkain ng tanghalian. . . . Ang tanging kasilyas na magagamit ng mga bilanggong kabilang sa chain gang ay isang nabibitbit na arinola sa likod ng isang gawa-gawang pantabing. Ang mga bilanggo ay sama-sama pa ring nakakadena habang ginagamit ito. Kapag hindi magagamit ang arinola, ang mga bilanggo ay napipilitang tumingkayad sa lupa sa publiko.” Siyempre pa, hindi naman ganoon ang lahat ng bilangguan. Gayunpaman, ang di-makataong pakikitungo ay nagpapababa sa pagkatao ng kapuwa mga bilanggo at niyaong mga nagpapataw nito.
Nakikinabang ba ang Komunidad?
Likas lamang na ang karamihan sa mga komunidad ay nakadaramang mas ligtas sila kapag ang mapanganib na mga kriminal ay nakabilanggo. Nais ng ibang mga komunidad ang mga bilangguan sa iba’t ibang kadahilanan. Nang isasara ang isang bilangguan sa maliit na bayan ng Cooma sa Australia, nagprotesta ang mga tao. Bakit? Dahil naglalaan ang bilangguan ng trabaho para sa komunidad na iyon na naghihirap sa ekonomiya.
Kamakailan ay ipinagbili ng ilang pamahalaan ang kanilang mga bilangguan sa mga pribadong negosyo para mapababa ang gastusin. Nakalulungkot, ang mas maraming bilanggo at mas mahahabang sentensiya ay nakabubuti sa negosyo. Kaya ang katarungan ay maaaring mahaluan ng komersiyalismo.
Sa katapus-tapusan, nananatili ang pangunahing katanungan: Binabago ba ng mga bilangguan ang mga kriminal? Bagaman ang sagot ay malimit na negatibo, baka magulat kang malaman na ang ilang bilanggo ay natulungang magbago. Tingnan natin kung paano.
[Mga talababa]
a Bagaman tinutukoy namin ang mga bilanggo bilang mga lalaki, ang mga simulaing tinatalakay ay tumutukoy sa pangkalahatan kapuwa sa mga bilanggong lalaki at babae.
b Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 6, 7]
Isang Sulyap sa mga Bilangguan
PAGSISIKSIKAN: Ang mga bilangguan sa Britanya ay may malubhang problema sa pagsisiksikan, at hindi naman kataka-taka! Ang lupaing iyan ay ikalawa sa may pinakamataas na tumbasang bilang ng mga bilanggo sa buong Kanlurang Europa, na may 125 bilanggo sa bawat 100,000 ng populasyon. Sa Brazil, ang pinakamalaking bilangguan sa São Paulo ay itinayo upang makapaglaman ng 500 bilanggo. Sa halip, 6,000 ang nakatira rito. Sa Russia, ang mga selda na makapaglalaman lamang ng 28 bilanggo ay tinitirhan ng 90 hanggang 110. Napakalubha ng suliranin anupat nagririlyebo ang mga bilanggo sa pagtulog. Sa isang bansa sa Asia, 13 o 14 na bilanggo ang pinagsisiksikan sa isang tatlong metro-kuwadradong selda. Samantala, sa Kanlurang Australia, nilunasan ng mga opisyal ang kakulangan ng lugar sa pamamagitan ng paggamit ng mga shipping container upang tirhan ng mga bilanggo.
KARAHASAN: Ang magasing pambalita na Der Spiegel sa Alemanya ay nag-ulat na sa mga bilangguan sa Alemanya, ang malulupit na bilanggo ay pumapatay at nagpapahirap dahil sa “labanan ng magkakakompetensiyang mga pangkat para sa ilegal na mga negosyo sa inuming de-alkohol at narkotiko, sekso, at labis na pagpapatubo.” Madalas na ang mga etnikong kaigtingan ang nagpapalubha sa karahasan sa bilangguan. “May mga hinatulan mula sa 72 bansa,” sabi ng Der Spiegel. “Di-maiwasan ang alitan at mga pag-aaway na humahantong sa karahasan.” Sa isang bilangguan sa Timog Amerika, sinabi ng mga opisyal na sa katamtaman, 12 bilanggo ang napapatay buwan-buwan. Sinabi ng mga bilanggo na doble nito ang aktuwal na bilang, ulat ng Financial Times ng London.
SEKSUWAL NA PANG-AABUSO: Sa artikulong “Ang Krisis sa Panggagahasa sa Bilangguan,” sinasabi ng The New York Times na sa isang katamtamang pagtaya sa Estados Unidos, “mahigit na 290,000 lalaki ang ginagahasa sa bilangguan taun-taon.” Nagpapatuloy ang ulat: “Ang nakapanghihilakbot na karanasan sa seksuwal na karahasan ay karaniwan nang hindi miminsan, anupat madalas na ito’y nagiging isang pang-araw-araw na panghahalay.” Tinataya ng isang organisasyon na sa mga bilangguan sa Estados Unidos, mga 60,000 tinututulang gawain sa sekso ang nagaganap araw-araw.
KALUSUGAN AT KALINISAN: Ang paglaganap ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik sa gitna ng mga bilanggo ay lubusang napatotohanan. Ang tuberkulosis sa gitna ng mga bilanggo sa Russia at sa ilang bansa sa Aprika ay nakatatawag ng pansin ng pandaigdig na publisidad, gayundin ang pagpapabaya sa larangan ng panggagamot, kalinisan, at nutrisyon sa maraming bilangguan sa buong daigdig.
[Larawan]
Isang siksikang bilangguan sa São Paulo, Brazil
[Credit Line]
AP Photo/Dario Lopez-Mills
[Larawan sa pahina 4, 5]
Ang bilangguang may pinakamahigpit na seguridad ng La Santé sa Paris, Pransiya
[Credit Line]
AP Photo/Francois Mori
[Larawan sa pahina 6]
Mga babaing nasa bilangguan sa Managua, Nicaragua
[Credit Line]
AP Photo/Javier Galeano