Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/22 p. 18-23
  • Dati Akong Tulisan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dati Akong Tulisan
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Ako Naging Tulisan
  • Gawain ng Tulisan
  • Pagkabilanggo at Pagsentensiya
  • Pagkatuto ng mga Katotohanan sa Bibliya
  • Pagsalansang Mula sa Kapilyan
  • Isang Kingdom Hall sa Bilangguan
  • Nabautismuhan sa Loob ng Bilangguan
  • Paggawa ng mga Alagad sa Bilangguan
  • Mga Okasyon ng Malaking Kagalakan
  • Tanging Pag-asa Para sa Katarungan
  • Isang Kapaki-pakinabang na Buhay
  • Natamo Ko ang Aking Kalayaan sa Piitan!
    Gumising!—1987
  • “Binago Ninyo ang Aking Pangmalas sa mga Saksi ni Jehova”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Isang Umuungal na Leon na Naging Maamong Tupa
    Gumising!—1999
  • Mula sa Pagiging Aktibista sa Pulitika Tungo sa Pagiging Neutral na Kristiyano
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/22 p. 18-23

Dati Akong Tulisan

MAYO 1, 1947 noon, sa Sicily. Mga 3,000 katao, kasama ang mga babae na may mga sanggol, ang nagtipon sa isang daanan sa bundok para sa taunang pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa. Wala silang kamalay-malay tungkol sa panganib na nakakubli sa kalapit na mga burol. Marahil ay nabasa mo o napanood mo pa nga sa pelikula ang tungkol sa trahedyang sumunod dito. Ang walang-awang pagpatay ay tinawag na Pagpaslang sa Portella della Ginestra, na nag-iwan ng 11 tao na patay at 56 na sugatan.

Bagaman wala akong bahagi sa trahedyang iyan, kasama ako sa pangkat ng mga separatist (mga tagapagtaguyod ng kasarinlan) na may pananagutan dito. Ang kanilang pinuno ay si Salvatore Giuliano, na kasama kong lumaki sa nayon ng Montelepre. Isang taon lamang ang tanda niya sa akin. Noong 1942, nang ako ay 19, ako’y tinawag upang maglingkod sa hukbo noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Maaga nang taóng iyon ako’y umibig at nagpakasal kay Vita Motisi. Nang maglaon, kami’y nagkaroon ng tatlong anak na lalaki; ang panganay ay isinilang noong 1943.

Kung Bakit Ako Naging Tulisan

Noong 1945, ang taon nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, ako’y sumali sa kanlurang pangkat ng Volunteer Army for Sicilian Independence (EVIS). Ito ang tulad-militar na pangkat ng pulitikal na partido ng separatist na kilala bilang ang Movement for the Independence of Sicily (MIS) o Kilusan Para sa Kasarinlan ng Sicily. Palibhasa’y isa nang takas (fugitive), si Salvatore Giuliano ay nahirang ng opisyal ng EVIS at MIS na mamahala sa aming pangkat.

Kami’y pinagkaisa ng aming pag-ibig sa aming isla ng Sicily at sa aming bayan. At galít kami sa mga kawalan ng katarungan na nararanasan namin. Kaya itinaguyod ko ang layunin ng pangkat ni Giuliano, yaon ay ang idagdag ang Sicily sa Estados Unidos ng Amerika bilang ang ika-49 na estado nito. Makatuwiran bang maniwalang posible ito? Makatuwiran nga, sapagkat tiniyak sa amin ng mga opisyal ng MIS na sila’y may malapít na kaugnayan sa Washington, D.C., at na ang pangulong Harry S. Truman ng Estados Unidos ay pabor sa pagdaragdag na iyon.

Gawain ng Tulisan

Ang gawain ng aking pangkat ay pangunahing binubuo ng pagkidnap at pagpapatubos sa kilalang mga tao. Sa pamamagitan nito’y nagkakaroon kami ng mga pondong pambili ng kinakailangang mga panustos. Walang sinuman sa mga kinidnap, na tinawag naming “mga bisita namin,” ang kailanma’y sinaktan. Kapag sila’y pinalaya, binibigyan namin sila ng resibo na gagamitin para isauli ang salaping pantubos na tinanggap namin. Sila’y sinabihan na ang resibo ay magagamit upang makuha nilang muli ang kanilang pera kapag natamo namin ang aming tagumpay.

Nakibahagi ako sa halos 20 pagkidnap, gayundin sa armadong mga pagsalakay sa mga kuwartel ng Carabinieri, isang pambansang militar na puwersa ng pulisya. Gayunman, ikinagagalak kong sabihin na hindi ako kailanman pumatay ng sinuman. Humangga sa sukdulan ang pagsalakay ng aming pangkat na separatist dahil sa hindi mabuting payo na ginawa sa nayon ng Portella della Ginestra. Ito’y isinaayos ng halos isang dosenang kalalakihan ng pangkat ni Giuliano at ipinatungkol laban sa Partido Komunista.

Bagaman ang pagpatay sa karaniwang mga tao​—pati na ang mga kapitbahay at mga tagapagtaguyod​—ay hindi sinasadya, ang mga taong sumuporta sa amin at nakadamang sila’y pinangangalagaan namin ay naniwalang sila’y ipinagkanulo namin. Mula noon, walang-awang tinugis ang pangkat ng mga tulisan ni Giuliano. Pagkatapos ng pagbibigay ng mga tip sa pulisya, marami sa mga kasama ko ang nadakip. Noong Marso 19, 1950, ako’y nahulog sa bitag at naaresto. At noong tag-araw na iyon si Giuliano mismo ay napatay.

Pagkabilanggo at Pagsentensiya

Sa isang piitan sa Palermo, kung saan ako nakulong habang naghihintay ng paglilitis, lungkot na lungkot ako dahil sa pagkakahiwalay ko sa aking bata pang asawa at tatlong anak na lalaki. Subalit, ang pagnanais kong ipaglaban kung ano ang inaakala kong tama’y nagsanggalang sa akin mula sa lubos na pagkasiphayo. Nagsimula akong magbasa upang maging abala. Isang aklat ang nag-udyok sa akin na basahin ang Bibliya. Ito ang talambuhay ni Silvio Pellico, isang Italyanong nabilanggo dahil sa pulitikal na mga kadahilanan noong ika-19 na siglo.

Si Pellico ay sumulat na lagi niyang kasama ang isang diksyunaryo at isang Bibliya sa bilangguan. Bagaman ako at ang aking pamilya ay mga Romano Katoliko, talagang wala akong narinig tungkol sa Bibliya. Kaya humiling ako sa mga awtoridad na magkaroon ng isang kopya. Ako’y sinabihan na ito’y ipinagbabawal, subalit ako’y binigyan ng isang kopya ng mga Ebanghelyo ni Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Nang maglaon, nakakuha ako ng isang kopya ng buong Bibliya, na iniingatan ko pa rin bilang isang mahalagang subenir.

Sa wakas, ang aking paglilitis ay nagsimula noong 1951 sa Viterbo, malapit sa Roma. Ito’y tumagal ng 13 buwan. Ako’y nasentensiyahan ng dalawang habang-buhay na hatol at 302 taon! Iyan ay nangangahulugan na hindi na ako kailanman makalalabas ng bilangguan nang buháy.

Pagkatuto ng mga Katotohanan sa Bibliya

Nang ako’y ibalik sa bilangguan sa Palermo, ako’y inilagay sa isang lugar kung saan isang miyembro ng aming pangkat na pinsan ni Giuliano ay nakakulong din. Siya’y tatlong taon nang naaresto bago ako nadakip. Bago nito, nakilala niya sa loob ng bilangguan ang isa sa mga Saksi ni Jehova mula sa Switzerland na nakipag-usap sa kaniya tungkol sa kahanga-hangang mga pangako sa Bibliya. Ang lalaki ay naaresto kasama ng isang kapuwa Saksi mula sa Palermo samantalang nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Nang maglaon ako’y sinabihan na ang pagdakip sa kaniya ay sinulsulan ng mga miyembro ng klero.

Sa kabila ng aking labag sa batas na mga gawain, ako’y naniniwala sa Diyos at sa mga turo ng simbahan. Kaya ako’y nagitlang malaman na ang pagsamba sa tinatawag na mga santo ay hindi maka-Kasulatan at na ipinagbabawal ng isa sa mga Sampung Utos ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba. (Exodo 20:3, 4) Ako’y sumuskribe sa mga magasing Bantayan at Gumising!, na naging napakahalaga sa akin. Hindi ko naunawaan ang lahat ng aking binabasa, subalit mientras marami akong nababasa, lalo kong nadarama ang pangangailangang tumakas, hindi mula sa bilangguan, kundi mula sa bilangguan ng relihiyosong kasinungalingan at espirituwal na pagkabulag.

Nang maglaon, natanto ko na upang palugdan ang Diyos kailangang hubarin ko ang aking dating pagkatao at magbihis ng bagong pagkatao​—isa na maamo at kahawig niyaong kay Kristo Jesus. (Efeso 4:20-24) Ang aking pagbabago ay dahan-dahan. Gayunman halos karaka-raka ay sinimulan kong gawin ang mga bagay alang-alang sa aking kapuwa mga bilanggo, at sinikap kong sabihin sa kanila ang tungkol sa dakilang mga bagay na aking natututuhan. Kaya, noong 1953 isang nakagagalak na panahon ang nagsimula para sa akin. Subalit may mga balakid.

Pagsalansang Mula sa Kapilyan

Anim na buwan pagkatapos kong sumuskribe sa Ang Bantayan at Gumising!, ang paghahatid nito ay naputol. Nagtungo ako sa tagasensura ng sulat ng mga bilanggo at itinawag-pansin sa kaniya ang tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa akin na ang kapilyan ng bilangguan ang nagpahinto ng paghahatid nito.

Hiniling ko na makausap ang kapilyan. Sa aming pag-uusap ipinakita ko sa kaniya ang kaunting nalalaman ko buhat sa Bibliya, kasali ang mga kasulatang gaya ng Exodo 20:3, 4 at Isaias 44:14-17 tungkol sa paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Binasa ko rin sa kaniya ang mga salita ni Jesus, na nakatala sa Mateo 23:8, 9, na “huwag ninyong tawagin ang sinuman na inyong ama sa lupa.” Palibhasa’y nasaktan, sinabi niyang hindi ko maunawaan ang Bibliya sapagkat ako’y isang ignoranteng tao.

Mabuti na lamang at binago ko na ang aking pagkatao​—kung hindi, ewan ko lang kung ano ang nagawa ko. Nananatiling mahinahon, ako’y sumagot: “Oo, totoo; ako’y ignorante. Subalit ikaw ay nag-aral, at wala kang ginawa upang turuan ako ng mga katotohanan sa Bibliya.” Ang kapilyan ay sumagot na upang magkaroon ako ng literatura ng mga Saksi ni Jehova, kailangan kong humiling sa Ministri ng Katarungan upang itakwil ang relihiyong Katoliko. Ginawa ko agad iyon, subalit ang kahilingan ay hindi ipinagkaloob. Gayunman, nang maglaon, nagawa kong ipatala ang aking sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at ako’y muling nakatanggap ng mga magasin. Subalit kailangan kong maging totoong mapilit.

Isang Kingdom Hall sa Bilangguan

Matagal ko nang hiniling sa direktor ng bilangguan ang isang trabahong aking mapagkakakitaan ng pera upang ipadala sa aking pamilya. Lagi niyang sinasabi na kung bibigyan niya ako ng trabaho, kailangang bigyan din niya ang iba, at hindi posible iyon. Subalit noong umaga ng Agosto 5, 1955, ang direktor ay nagbigay sa akin ng mabuting balita​—ako’y magtatrabaho bilang isang kawani sa loob ng bilangguan.

Ang trabaho ko ay nagpangyari sa akin na makamit ko ang paggalang ng direktor ng bilangguan, at may kabaitang binigyan niya ako ng pahintulot na gamitin ang bodega upang pagdausan ng mga pulong para sa pag-aaral sa Bibliya. Kaya, noong 1956, ginagamit ang tabla mula sa itinapon nang mga file cabinet, gumawa ako ng mga bangko para sa maituturing na isang Kingdom Hall, gaya ng tawag sa mga dakong pinagpupulungan ng mga Saksi ni Jehova. Nakipagtipon ako roon tuwing Linggo na kasama ng iba pang mga bilanggo, at naabot namin ang pinakamataas na bilang ng mga dumalo na 25 para sa aming talakayan sa Bibliya.

Nang maglaon, natuklasan ng kapilyan ang tungkol sa mga pulong na aking idinaraos, at siya’y galit na galit. Bunga nito, noong tag-araw ng 1957, ako’y inilipat mula sa Palermo tungo sa bilangguan ng Porto Azzurro sa isla ng Elba. Ang lugar na ito ay may nakatatakot na reputasyon.

Nabautismuhan sa Loob ng Bilangguan

Pagdating ko, ako’y inilagay sa bartolina sa loob ng 18 araw. Ako ay hindi man lamang pinahintulutang magkaroon ng aking Bibliya roon. Pagkatapos, ako’y sumulat na muli sa Ministri ng Katarungan na humihiling na ako’y payagang itakwil ang relihiyong Katoliko. Subalit, sa pagkakataong ito, humingi ako ng tulong sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Roma. Pagkalipas ng sampung buwan, dumating ang malaong-hinihintay na kasagutan. Kinilala ng Ministri ang aking pagbabago ng relihiyon! Ito’y hindi lamang nangangahulugan na maaari na akong magkaroon ng Bibliya, mga magasin, at ng iba pang literatura sa Bibliya kundi nangangahulugan din ito na maaari na akong tumanggap ng regular na mga pagdalaw mula sa isang ministro ng mga Saksi ni Jehova.

Walang pagsidlan ang aking kagalakan nang una akong dalawin ni Giuseppe Romano, na mula sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Italya. Taglay ang pahintulot ng mga opisyal ng bilangguan, gumawa ng mga kaayusan upang sa wakas ay masagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Noong Oktubre 4, 1958, sa harapan ng direktor ng bilangguan, ng komandanteng nangangasiwa sa disiplina, at ng iba pang mga opisyal, ako’y binautismuhan ni Brother Romano, kasama ang isa pang bilanggo, sa malaking banyera na ginagamit para diligin ang hardin ng bilangguan.

Bagaman halos lagi kong napag-aaralan Ang Bantayan na kasama ng ibang bilanggo, kailangan kong ipagdiwang ang taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa aking selda nang mag-isa sapagkat ang selebrasyong ito ay nangyayari pagkalubog ng araw. Ipipikit ko ang aking mga mata at mananalangin, ginuguniguni na ako’y kasama ng mga kapuwa Saksi.

Paggawa ng mga Alagad sa Bilangguan

Noong 1968, ako’y inilipat sa bilangguan sa Fossombrone, sa lalawigan ng Pesaro. Doo’y nagtamasa ako ng mabubuting resulta mula sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya. Ako’y nagtrabaho sa pagamutan, kung saan madaling makasumpong ng mga pagkakataon na magpatotoo. Tunay na isang kagalakang makita ang pagsulong ng isang bilanggo, si Emanuele Altavilla. Pagkaraan ng dalawang buwan ng pag-aaral, natanto niya na kailangan niyang ikapit ang payo ng Gawa 19:19 at sirain ang kaniyang aklat tungkol sa sining may kinalaman sa madyik. Nang maglaon, si Emanuele ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Nang sumunod na taon ako’y inilipat sa bilangguan sa isla ng Procida, sa ibayo lamang ng dagat ng Naples. Dahil sa mabuting paggawi, ako minsan pa’y naatasan sa pagamutan. Doon ay nakilala ko si Mario Moreno, isang bilanggo na isang nakumpilang Katoliko. Mayroon din siyang posisyon ng pananagutan, nagtatrabaho sa accounting department.

Isang gabi si Mario’y humingi sa akin ng mababasa, at ibinigay ko sa kaniya ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan.a Naunawaan niya agad ang kahalagahan ng binabasa niya, at sinimulan namin ang isang pag-aaral sa Bibliya. Inihinto ni Mario ang paghitit niya ng tatlong kaha ng sigarilyo sa isang araw. Bukod pa riyan, natanto niya na dapat siyang gumawi nang may katapatan kahit sa trabahong accounting na ginagawa sa loob ng bilangguan. Nagsimula siyang magpatotoo sa kaniyang katipan, at tinanggap din niya ang mga turo ng Bibliya. Di-nagtagal, sila’y ikinasal doon sa loob ng bilangguan. Sa isang kombensiyon sa Naples noong 1975, ang asawa ni Mario ay nabautismuhan. Anong laki ng kaniyang kagalakan nang malaman niya na ang kaniyang asawang lalaki ay nabautismuhan nang araw ring iyon sa loob ng bilangguan!

Ako’y pinayagan na lingguhang makipag-usap sa mga Saksi na dumadalaw sa akin sa Procida. Pinayagan din akong magluto ng pagkain na ibabahagi ko sa kanila sa bulwagan para sa mga bisita. Hanggang sampu ang maaaring naroroon sa isang panahon. Kapag dumadalaw ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ako’y kumukuha ng pahintulot na ipalabas ang kanilang mga pagtatanghal ng slide. Minsan ako’y nagkaroon ng kasiyahan na magdaos ng pag-aaral sa Bantayan noong pagdalaw ng 14 na mga Saksi. Wari bang ako’y lubusang pinagkakatiwalaan ng mga awtoridad. Sa iniatas na mga araw, hanggang pagabi na, ako’y mangangaral sa mga selda.

Noong 1974, pagkatapos gumugol ng 24 na taon sa iba’t ibang bilangguan, ako’y tumanggap ng isang pagdalaw mula sa isang hukom na nagpatibay ng loob ko na magharap ng isang petisyon para sa kapatawaran. Inaakala kong hindi angkop na gawin ko iyon sapagkat ang paggawa ng gayon ay nangangahulugang tinatanggap ko ang pagiging kasangkot sa pagpaslang na nangyari sa Portella della Ginestra, at hindi ako nakibahagi roon.

Mga Okasyon ng Malaking Kagalakan

Noong 1975 isang bagong batas ang naglaan ng pagkakaloob ng mga pahintulot sa paglabas sa bilangguan. Sa gayon, ako’y nagkaroon ng pagkakataon na daluhan, sa lunsod ng Naples, ang aking unang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Tinamasa ko ang limang di-malilimot na mga araw, kung saan nakilala ko ang higit pang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na hindi ko kailanman nakita noon.

Sa wakas, pagkalipas ng maraming-maraming taon, ang makasamang muli ang aking pamilya ay nagdulot sa akin ng pantanging kagalakan. Ang aking asawa, si Vita, ay nanatiling tapat sa akin, at ang aking mga anak na lalaki na ngayo’y mga binata na ay nasa mga edad na 20 at 30.

Nang sumunod na taon​—kung saan natamasa ko ang makalabas ng bilangguan nang ilang ulit​—iminungkahi na ako’y mag-aplay na makalaya mula sa bilangguan. Sa report ng hukom para sa probasyon tungkol sa akin, inirekomenda niya na ang aking aplikasyon ay tanggapin. Siya’y sumulat: “Masasabi nang may katiyakan​—si Mannino ngayon, kung ihahambing sa uhaw-sa-dugong kabataang nagsagawa ng mga utos ni Giuliano, ay ibang tao; siya’y lubusang nagbago.”

Nang maglaon, ang mga awtoridad sa bilangguan ng Procida ay humiling na ako’y patawarin. Sa wakas, ipinagkaloob ang kapatawaran, at noong Disyembre 28, 1978, ako’y napalaya mula sa bilangguan. Pagkatapos ng mahigit na 28 taon ng pagkabilanggo, kaylaking kagalakan na maging isang malayang tao!

Tanging Pag-asa Para sa Katarungan

Bilang isang kidnaper sa ilalim ng pag-uutos ni Salvatore Giuliano, ako’y nakipaglaban sa pinaniniwalaan kong magdadala ng tunay na kalayaan para sa aking pamilya at sa aking mga kababayan. Subalit, natutuhan ko mula sa Bibliya na gaano man kataimtim ang mga tao, hinding-hindi sila makapagdadala ng katarungan na totoong masikap na hinangad ko bilang kabataan. Mabuti na lang, ang kaalaman sa Bibliya ay tumulong sa akin na maunawaan na tanging ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang makapaglalaan ng ginhawa mula sa kawalan ng katarungan na lubhang kailangan.​—Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4.

Pinatunayan ng maraming pahayagan ang pagbabago sa aking pagkatao, na ang may pananagutan sa gayong pagbabago ay ang kaalaman sa Bibliya. Halimbawa, sinipi ng Paese Sera ang warden sa bilangguan na nagsasabi: “Kung ang lahat ng mga bilanggo ay gaya ni Franck, mawawala ang mga bilangguan, ang kaniyang paggawi ay kapuri-puri, hindi siya kailanman nakipag-away, at hindi siya kailanman bahagyang nakagalitan.” Isa pang pahayagan, ang Avvenire, ay nagsabi: “Siya’y isang huwarang bilanggo, hindi pangkaraniwan. Ang kaniyang pagpapanibagong-buhay ay higit pa sa lahat ng inaasahan. Siya’y magalang sa mga institusyon at sa mga opisyal ng bilangguan at nagtataglay ng pambihirang espirituwalidad.”

Isang Kapaki-pakinabang na Buhay

Mula noong 1984, ako’y naglingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang isang matanda at bilang isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro. Noong 1990 isang bantay sa bilangguan na binahaginan ko ng kaalaman sa Bibliya 15 taon na ang nakalipas ay tumawag sa akin sa telepono upang sabihin sa akin na siya at ang kaniyang buong pamilya ay naging mga Saksi ni Jehova.

Subalit ang aking pinakamaligayang karanasan ay dumating noong Hulyo 1995. Nang taóng iyon nagkaroon ako ng malaking kagalakan na madaluhan ang bautismo ng aking mahal na asawa, si Vita. Pagkaraan ng maraming taon, dinibdib niya ang mga turo ng Bibliya. Marahil ang aking tatlong anak na lalaki, na sa ngayon ay hindi pa tinatanggap ang aking pananampalataya, ay balang araw tatanggapin din ang natutuhan ko mula sa Salita ng Diyos.

Ang aking mga karanasan ng pagtulong sa iba na matuto ng mga katotohanan sa Bibliya ay nagbigay sa akin ng kaluguran na walang katulad. Tunay na kapaki-pakinabang nga na magtaglay ng kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan at maibahagi ito sa mga tapat-pusong tao!​—Juan 17:3.​—Gaya ng inilahad ni Franck Mannino.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 18]

Ang daanan sa bundok sa Sicily kung saan naganap ang pagpaslang

[Larawan sa pahina 19]

Nang kami’y ikasal, noong 1942

[Larawan sa pahina 21]

Madalas kong ibinabahagi ang mga katotohanan sa Bibliya sa mga bantay sa bilangguan

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking asawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share