Ang Kinabukasan ng Relihiyon Sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 18—Ika-15 siglo patuloy—Kapag Nagtagpo ang “mga Kristiyano” at “mga Pagano”
“Ang relihiyon ay nasa puso, wala sa tuhod”—D.W. Jerrold, ika-19 na siglong manduduláng Ingles
ANG gawaing misyonero, isang kilalang tanda ng unang Kristiyanismo, ay kasuwato ng utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa” at maging mga saksi niya “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”—Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8.
Noong ika-15 siglo, sinimulan ng Sangkakristiyanuhan ang isang pangglobong programa na kumbertihin ang “pagano.” Anong uri ng relihiyon ang isinasagawa ng mga taong ito na “pagano” hanggang noong panahong iyon? At tumimo ba sa kanilang puso ang anumang kasunod na pagkakumberte sa “Kristiyanismo” o ito ba’y nagpangyari lamang sa kanila na lumuhod bilang pormal na pagpapasakop?
Sa Aprika may tinatayang 700 etnikong grupo sa timog ng Sahara. Dati, ang bawat isa ay may kaniyang sariling relihiyong pantribo, bagaman ang kanilang mga pagkakahawig ay nagpapakita ng iisang pinagmulan. Sa Australia, Amerikas, at sa mga isla sa Pasipiko, maraming iba pang katutubong relihiyon ang masusumpugan.
Ang karamihan ay naniniwala sa isang kataas-taasang diyos at gayunman, sumasamba sa maraming diyos, sumasamba rin sila sa ilang mas nakabababang mga diyos—pamilya, angkan, o mga diyos ng pamayanan. Itinatala ng isang pag-aaral na ginawa tungkol sa relihiyong Aztec ang mahigit 60 magkakaiba at magkakaugnay na mga pangalan ng mga diyos.
Sa Aprika at sa Amerikas, ang mga tao na may “pinakamatandang” relihiyon ay naniniwala sa isang sobrenatural na persona na kilala bilang Magdaraya. Kung minsan inilalarawan bilang ang maylikha ng sansinukob, kung minsan naman bilang ang tagapag-ayos muli ng nilalang, siya ay laging itinuturing na tusong mapanlinlang at masakim, bagaman hindi naman masama. Sinasabi ng mga Navaho Indyan sa Hilagang Amerika na itinalaga niya ang kamatayan; itinuturo naman ng tribong Oglala Lakota na siya ay isang nahulog na anghel na nagpalayas sa unang mga tao mula sa paraiso sa pamamagitan ng pangangako sa kanila ng isang mas mabuting buhay sa ibang dako. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion na ang Magdaraya ay karaniwang lumilitaw sa “mga kuwento ng paglalang,” gumaganap na “katambal ng isang espirituwal na maylikhang-diyos.”
Kahawig ng Babilonya at Ehipto, ang ilang katutubong relihiyon ay nagtuturo ng trinidad. Ang aklat na The Eskimos ay nagsasabi na ang Espiritu ng Hangin, ang Espiritu ng Dagat, at ang Espiritu ng Buwan ay bumubuo ng isang trinidad na “pangkatapusang kumukontrol sa lahat halos ng bagay sa kapaligiran ng Eskimo.”
Mga Tao—“Espirituwal na Hindi Nasisira”
Ipinaaalam sa atin ni Ronald M. Berndt ng University of Western Australia na ang mga Aborigines (katutubo) ng Australia ay naniniwala na ang siklo ng buhay ay “nagpapatuloy pagkamatay, mula sa pisikal tungo sa ganap na espirituwal na buhay, bumabalik sa takdang panahon sa pisikal na sukat.” Nangangahulugan ito na “ang mga tao ay espirituwal na hindi nasisira.”
Ang ilang tribo sa Aprika ay naniniwala na pagkamatay ang karaniwang mga tao ay nagiging multo, samantalang ang kilalang mga tao ay nagiging mga espiritu ng ninuno, karapat-dapat na igalang at dalanginan bilang di-nakikitang mga lider ng pamayanan. Sang-ayon kay Manus ng Melanesia, ang multo ng isang tao o niyaong isang malapit na kamag-anak ay patuloy na nangangasiwa sa kaniyang pamilya.
Ang ibang mga Indyan sa Amerika ay naniniwala na ang bilang ng mga kaluluwa ay limitado, kaya nangangailangan na ito ay dumaan ng “reinkarnasyon una’y bilang isang tao at pagkatapos ay alin sa isang espiritu o isang hayop.” Ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang kamatayan ng tao ay nagpapalaya sa kaluluwa para sa isang hayop o espiritu, at ang kabaligtaran, iniuugnay ang mga tao, mga hayop, at mga espiritu sa isang siklo ng pagkaumaasa sa isa’t isa.”
Kaya nga, ang mga manggagalugad noon ay nagulat na masumpungang ang mga magulang na Eskimo na maluwag sa pagdisiplina sa kanilang mga anak, tinatawag pa nga sila na “nanay” o “lolo.” Ang autor na si Ernest S. Burch, Jr., ay nagpapaliwanag na ito ay sapagkat ang bata ay ipinangalan sa isang kamag-anak na ipinahihiwatig ng katagang ginamit, at ang isang amang Eskimo ay natural lamang na “mangingimi sa ideya na paluin o pagalitan ang kaniyang lola, bagaman siya ngayon ay lumipat sa katawan ng kaniyang anak.”
Ang “kabilang buhay” ay inilalarawan ng ilang mga tribong Indyan sa Hilagang Amerika bilang isang maligayang lupang pangasuhan, kung saan ang mga tao at mga hayop ay nagtutungo sa kamatayan. Doon sila ay muling nakakasama ng kanilang mga mahal na kamag-anak subalit nakakaharap din nila ang kanilang dating mga kaaway. Inaanitan ng ilang Indyan ang kanilang mga kaaway pagkatapos na patayin ang mga ito, sapagkat maliwanag na naniniwala sila na hahadlangan nito ang pagpasok ng mga kaaway sa daigdig ng espiritu.
Ang palasak na paniniwala sa gitna ng katutubong mga relihiyon tungkol sa anyo ng buhay pagkamatay ay nagpapatunay ba na ang Sangkakristiyanuhan ay tama sa pagtuturo na ang mga tao ay may kaluluwang hindi namamatay? Hindi nga. Sa Eden kung saan nagsimula ang tunay na relihiyon, walang sinabi ang Diyos tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan; ibinigay niya ang pag-asa tungkol sa buhay na walang-hanggan bilang kabaligtaran ang kamatayan. Ang ideya na ang kamatayan ang daan tungo sa isang mas mabuting buhay ay itinaguyod ni Satanas at nang maglaon ay itinuro sa Babilonya.
Mga Kailangan ng Tao o mga Kapakanan ng Diyos?
Ang pagdiriin sa katutubong mga relihiyon ay waring nasa personal na kaligtasan o kapakanan ng pamayanan. Kaya, kung tungkol sa relihiyon ng unang mga Aborigines ng Australia, si Ronald Berndt ay sumusulat: “Ipinababanaag [nito] ang iba’t ibang pagkabahala ng mga tao sa araw-araw na pamumuhay. Nakatuon ito sa mga kaugnayang panlipunan, sa mga krisis ng pag-iral ng tao, at sa praktikal na mga bagay tungkol sa kaligtasan.”
Idinisenyo upang pakitunguhan ang gayong mga pangangailangan ng tao ay ang mga anyo ng pagsamba na kilala bilang animismo, fetisismo, at shamanismo, na umiiral sa iba’t ibang lipunan sa sarisaring mga kombinasyon at sa iba’t ibang antas ng katindihan.
Ipinalalagay ng animismo na ang may malay na buhay at ang nananahang espiritu ay bunga ng materyal na mga bagay na gaya ng mga halaman at mga bato at maging sa likas na kababalaghan na gaya ng mga bagyong may kulog at kidlat at mga lindol. Maaaring kasali rin dito ang ideya na ang mga espiritung umalis sa katawan ay umiiral na nagsasagawa ng mabuti o masamang impluwensiya sa mga nabubuhay.
Ang fetisismo ay galing sa salitang Portuges na kung minsan ay ginagamit upang ilarawan ang mga bagay na inaakalang nagtataglay ng sobrenatural na mga kapangyarihan na nag-aalok sa mga may-ari nito ng proteksiyon o tulong. Kaya ginamit ng mga manggagalugad na Portuges ang kataga upang ipangalan sa mga agimat at anting-anting na nasumpungan nilang ginagamit ng mga taga-Kanlurang Aprika sa kanilang relihiyon. Lubhang nauugnay sa idolatriya, ang fetisismo ay maraming anyo. Halimbawa, ipinalalagay ng ilang Amerikanong Indyan ang sobrenatural na mga kapangyarihan sa mga balahibo, itinuturing ang mga ito bilang mabisang mga sasakyan sa “pagpapalipad” ng mga panalangin o mga mensahe sa langit.
Ang shamanismo, mula sa salitang Tunguso-Manchurian na nangangahulugang “siya na nakakaalam,” ay nakasentro sa shaman, isang taong ipinalalagay na may kakayahang magpagaling at makipagtalastasan sa espiritung dako. Ang arbularyo, doktor kulam, mangkukulam—alinman sa mga salita ang nais mong gamitin—ay nagsasabing tinitiyak ang kalusugan o ibabalik ang kapangyarihan sa panganganak. Baka kailanganin ang paggamot, gaya ng nangyayari sa ilang mga tribo sa gubat ng Timog Amerika, na iyong butasan ang iyong mga labi, ilong, o tainga, na pintahan mo ang iyong katawan, o na magsuot ka ng ilang palamuti. O baka ikaw ay sabihan na gumamit ng mga pampasigla at mga narkotiko, gaya ng tabako at dahon ng coca.
Palibhasa’y mahina sa doktrina, hindi masabi ng katutubong mga relihiyon ang tumpak na kaalaman tungkol sa Maylikha. At sa pagtataas sa mga pangangailangan ng tao na higit kaysa mga kapakanan ng Diyos, ninanakawan nila siya ng kung ano ang nararapat sa kaniya. Kaya samantalang sinisimulan ng Sangkakristiyanuhan ang modernong-panahong gawaing misyonero nito, ang tanong ay: Mapalalapit kaya ng “mga Kristiyano” ang mga puso ng “pagano” sa Diyos?
Noong ika-15 siglo, sinimulan ng Espanya at ng Portugal ang isang programa ng panggagalugad at pagpapalawak ng kolonya. Habang ang mga kapangyarihang Katolikong ito ay nakatutuklas ng bagong mga lupain, kinukumberte naman ng simbahan ang mga katutubong mamamayan, kinukondisyon sila na tanggapin ang kanilang bagong “Kristiyanong” pamahalaan. Ang mga utos ng papa ay nagbigay sa Portugal ng karapatang misyonero sa Aprika at Asia. Saka, pagkatapos matuklasan ang Amerika, isang guniguning linya ang iginuhit sa gitnang-Atlantiko ni Papa Alejandro VI, na nagbibigay karapatan sa Espanya sa kanluran at sa Portugal naman sa silangan.
Samantala, ang mga Protestante ay abalang-abala sa paghahanap ng kanilang sariling posisyon laban sa Katolisismo upang isaisip ang pagkumberte sa iba, ni hinimok man kaya ng mga repormador na Protestante na gawin nila ang gayon. Maliwanag na si Luther at si Melanchthon ay naniwala na ang katapusan ng mundo ay napakalapit na anupa’t huli na ang lahat upang marating ang mga “pagano.”
Gayunman, noong ika-17 siglo, isang kilusang Protestante na tinatawag na Pietism ang nagsimula. Isang bunga ng Repormasyon, idiniin nito ang personal na relihiyosong karanasan na higit sa pormalismo at idiniin ang pagbabasa ng Bibliya at relihiyosong pangako. Ang “pangitain [nito] tungkol sa isang sangkatauhan na nangangailangan ng ebanghelyo ni Kristo,” gaya ng pagkakalarawan dito ng isang manunulat, ay sa wakas nakatulong upang ibunsod ang Protestantismo sa “bapor” ng gawaing misyonero noong dakong huli ng ika-18 siglo.
Mula sa halos sangkalima ng populasyon ng daigdig noong 1500, ang katumbasan ng nag-aangking mga Kristiyano ay dumami tungo sa halos sangkapat noong 1800 at tungo sa halos isa sa tatlo noong 1900. Sangkatlo ng daigdig ngayon ay “Kristiyano”!
Talaga bang Gumawa Sila ng mga Alagad na Kristiyano?
Ang mga bakas ng katotohanan na nasumpungan sa katutubong mga relihiyon ay nababawi ng maraming elemento ng Babilonikong kasinungalingan, subalit ito ay totoo rin sa nag-apostatang Kristiyanismo. Kaya ang karaniwang relihiyosong pamanang ito ang gumagawang madali para sa “mga pagano” na maging “mga Kristiyano.” Ang aklat na The Mythology of All Races ay nagsasabi: “Walang rehiyon sa Amerika ang waring nagbigay ng napakarami o gayon kapansin-pansing pagkakahawig sa Kristiyanong ritwal at simbolismo na gaya ng Mayan.” Ang pagsamba sa krus at iba pang mga pagkakahawig sa ritwal “ang nagtaguyod pa sa pagbabago ng relihiyon na may kaunting sigalot.”
Ang mga Aprikano—na sa loob ng mga 450 taon ay regular na kinidnap ng “mga Kristiyano” at dinala sa Bagong Daigdig upang maglingkod bilang mga alipin—ay nagpalit din ng relihiyon “na may kaunting sigalot.” Yamang sinasamba ng “mga Kristiyano” ang patay na Europeong “mga santo,” ano naman ang masama sa pagsamba ng mga Aprikano sa mga espiritu ng mga ninuno ng “paganong mga Kristiyano”? Kaya, ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang voodoo . . . , isang pagsasama ng relihiyon mula sa mga relihiyon sa Kanlurang Aprika, pangkukulam, relihiyong Kristiyano, at alamat . . . , ang naging tunay na relihiyon ng maraming tao sa Haiti, pati na yaong naturingang Katoliko.”
Inaamin ng Concise Dictionary of the Christian World Mission na ang pagkakumberte sa Latin Amerika at sa Pilipinas ay panlabas lamang, sabi pa na “ang Kristiyanismo sa mga rehiyong ito ngayon ay punô ng pamahiin at kawalang-alam.” Para sa mga Aztec, Maya, at mga Inca, ang “‘pagkakumberte’ ay basta nangangahulugan ng karagdagang diyos sa kanilang panteon.”
Tungkol naman sa mga Akan ng Ghana at Côte d’Ivoire, si Michelle Gilbert ng Peabody Museum of Natural History ay nagsasabi: “Ang tradisyonal na relihiyon ay nagpapatuloy sapagkat para sa karamihan ng mga tao inaakala nila na ito ang pinakamabisang sistema ng paniniwala, isa na patuloy na nagbibigay ng kabuluhan sa daigdig.”
Si M. F. C. Bourdillon, ng University of Zimbabwe, ay bumabanggit tungkol sa “relihiyosong pagkilos” sa gitna ng mga miyembro ng relihiyong Shona, na ang sabi: “Ang iba’t ibang anyo ng Kristiyanismo kasama ang sarisaring tradisyonal na mga kulto ay pawang naglalaan ng isang malaking relihiyosong pagtugon na maaaring pagpilian ng isa, depende sa kaniyang mga pangangailangan sa mga sandaling iyon.”
Subalit kung ang “paganong mga Kristiyano” ay kakikitaan ng pagpapaimbabaw, kawalang-alam, pamahiin, at pagsamba sa maraming diyos, kung itinuturing nila ang tradisyonal na mga relihiyon na mas mabisa kaysa Kristiyanismo, kung ipinalalagay nila na ang relihiyon ay isa lamang kombinyenteng bagay, pinapayagan sila mula sa isa tungo sa isa gaya ng idinidikta ng mga kalagayan, sasabihin mo ba na ang Sangkakristiyanuhan ay gumawa ng tunay na mga alagad na Kristiyano?
Kung Hindi mga Alagad, Ano Sila?
Totoo, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagtayo ng daan-daang mga paaralan upang turuan ang mga hindi marunong bumasa at sumulat. Nagtayo sila ng mga ospital upang pagalingin ang mga maysakit. At sa isang antas, itinaguyod nila ang paggalang sa Bibliya at sa mga simulain nito.
Ngunit napakain ba ang “mga pagano” ng matigas na pagkaing espirituwal ng Salita ng Diyos o mga mumo lamang ng apostatang Kristiyanismo? Inalis ba ang mga paniwala at gawaing “pagano” o ito ba’y binalot lamang sa kasuotang “Kristiyano”? Sa maikli, nahikayat ba ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang puso ng mga tao sa Diyos o pinilit ba lamang nito ang mga “pagano” na lumuhod sa harap ng mga dambanang “Kristiyano”?
Idinagdag ng isang kumberte sa apostatang Kristiyanismo sa kaniyang nakaraang mga kasalanan ng kawalang-alam ang mga bagong kasalanan ng mapagpaimbabaw na Kristiyanismo, sa gayo’y dinudoble ang kaniyang dinadalang pasanin ng konsensiya. Kaya, para sa Sangkakristiyanuhan, angkop ang mga salita ni Jesus: “Inyong sinasaliksik ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isang kumberte, at pagkatapos ay inyong ginagawa siyang dalawang ulit na hinog sa pagkapuksa na gaya ninyo.”—Mateo 23:15, Phillips.
Maliwanag na hindi natugunan ng Sangkakristiyanuhan ang hamon ng paggawa ng mga alagad. Mas mabuti bang natugunan niya ang hamon sa pandaigdig na pagbabago? Sa aming susunod na labas, sasagutin ng artikulong “Ang Sangkakristiyanuhan ay Nakikipagbunô sa Pandaigdig na Pagbabago” ang tanong na iyan.
[Larawan sa pahina 17]
Naabot ng tunay na mga misyonerong Kristiyanong ito sa Dominican Republic ang puso, hindi lamang ang mga tuhod