Sino ang Nagkakaroon ng mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain?
Bagaman ang makatuwirang interes sa hitsura ay normal, maaaring magkaroon ng sakit na kaugnay ng pagkain kung ang hitsura ng isa ay labis-labis na pag-iisipan. Inilalarawan ng sumusunod na panayam ang bagay na ito.
GUMISING!: Labis ba ang timbang mo, Ann, nang magsimula ang iyong mga problema?
ANN: Hindi naman, ngunit nagsisimula pa lamang akong makipag-date, at nais kong magtinging maganda.
GUMISING!: Ang pagpapahalaga mo ba sarili ay depende sa hitsura mo?
ANN: Tiyak iyon. Kapag tinitingnan ako ng mga tao, lagi kong tinatanong sa aking sarili, ‘Ano kaya ang iniisip nila?’ Lagi kong sinasabi sa sarili, ‘Upang maging kaakit-akit kailangang maganda ang katawan mo.’
GUMISING!: Kaya kung inaakala mong maganda ka, mahusay ang pakiramdam mo?
ANN: Siyempre pa! Kung tataba ako, maiinis ako sa aking sarili. Pagtingin ko sa salamin, hindi ko iniisip ang tungkol sa panloob na mga katangian.
Walang nakakaalam kung bakit ang ibang mga tao ay nagkakaroon ng sakit na kaugnay ng pagkain samantalang ang iba na nasa gayunding kalagayan ay hindi. Ang kultura, genetiks, kalusugan o biyokemikal na mga abnormalidad, at kapaligiran ng pamilya ay maliwanag na gumaganap ng bahagi. Gayunman, may ilang katangian ng pagkatao na waring nakikita sa karamihan ng mga dumaranas nito.
Sinisikap Maging Sakdal
Bilang isang grupo, karamihan niyaong may mga sakit na kaugnay ng pagkain ay mahilig maging matagumpay at mga perpeksiyunista na nangunguna sa klase o sa trabaho. Pagkatapos gamutin ang mahigit 130 pasyente na may anorexia, inilalarawan ni Dr. Hilde Bruch, sa kaniyang aklat na The Golden Cage, ang mga damdamin na karaniwan sa mga iyon: “Mayroon kang malaking takot, yaon ay ang pagiging ordinaryo, o kainaman, o karaniwan—hindi pa sapat. . . . Inaakala mong ikaw ay may halaga lamang kung mayroon kang natatanging nagawa, isang bagay na napakalaki at nakagigilalas anupa’t ang iyong mga magulang at ang ibang taong mahal mo ay mai-impress at hahanga sa iyong pagiging super-espesyal.”
Si Lee, na nagkaroon ng anorexia, ay nagsabi: “Sinisikap kong gawin ang napakagandang bagay, sinisikap kong maging pinakamagaling sa lahat ng ginagawa ko.” Kadalasan ang pagsisikap na ito na maging sakdal ay ipinakikita ng marubdob na pagnanais na palugdan ang iba, maging ang ‘pinakamagaling na batang babae sa buong mundo.’
Kung paano inuunawa ng isang babae ang kaniyang papel sa lipunan ay maaari ring gumawa sa kaniya na lalo nang mahina. Bagaman ang mga lalaki ay nagkakaroon din ng mga sakit na kaugnay ng pagkain, karaniwan nang apektado ang mga babae. Ang aklat na Surviving an Eating Disorder ay nagpapaliwanag: “Ang mga babaing nagkakaroon ng sakit na kaugnay ng pagkain ay kadalasang nagsilaking naniniwalang sila’y dapat na hindi mapaghanap sa iba. Ang mabait na babae ay tahimik, isang babaing hindi ipinakikita kung ano ang bumabagabag sa kaniya.” Gayunman, ang gayong pagpapalaki ay nagpapangyari sa ilan na makadama na hindi nila hawak ang buhay nila.
Para sa ibang babae, ang pagsisikap sa tuwina na palugdan ang iba samantalang kasabay nito ay pinipigil ang kanilang pagnanais na pangasiwaan ang kanilang buhay ay lumilikha ng panloob na alitan na maaaring humantong sa isang sakit na kaugnay ng pagkain. Si Dawn, na ngayo’y magaling na mula sa pagiging walang-pigil sa pagkain at bulimia, ay nagpapaliwanag: “Inaasahan ng aking pamilya na gawin ko ito sa kanilang paraan, sumunod sa kung ano ang nais nila para sa akin. Bagaman sa labas ako’y parang napakatiwasay at napakatalino, sa loob ko ay hindi ako gayon. Inakala kong hinding-hindi ako makaaabot sa kanilang mga inaasahan. Hindi ko mapalugdan ang sinuman—ang aking mga kaibigan o ang aking mga magulang. Saka ko natanto na maaari kong kontrolin ang timbang! Maaari akong tumaba, maaari akong pumayat, magagawa ko kung ano ang nais ko. Nagbigay iyan sa akin ng damdamin ng pagkontrol sa aking buhay. Kung makokontrol ko ito, maaari kong kontrolin ang lahat ng bagay.”
Mga Damdamin ng Di-kasapatan
Ang kawalang-kasigurahan ni Dawn ay karaniwan sa mga pag-aalinlangan-sa-sarili ng maraming may mga sakit na kaugnay ng pagkain. Sa kabila ng pagkakaroon ng talino, ang karamihan ay kulang ng pagpapahalaga-sa-sarili. Kung minsan ang labis na pagkain ay maaaring maging isang pahiwatig ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Sa wari, ang tao ay nagsasabi: ‘Wala akong halaga. Bakit ko nga ba iintindihin ang aking sarili o ang aking timbang?’ Ang gayong mga damdamin ay nagbubunga ng panlulumo, na nagpapahirap sa lahat halos niyaong may sakit na kaugnay ng pagkain.
Ano ang mga sanhi ng diwang ito ng kawalang halaga? Ang Bibliya ay sumasagot: “Dahil sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.” (Kawikaan 15:13) Iba’t ibang bagay ay maaaring pagmulan ng sama ng loob—mapait na mga kabiguan, pagtanggi, isang kapaligiran kung saan ang emosyonal na mga pangangailangan ng isa ay hindi pinapansin, o traumatikong mga karanasan noong kabataan, upang banggitin lamang ang ilan. Isinisiwalat ng pananaliksik na isang nakapagtatakang bilang ng mga pasyente na may mga sakit na kaugnay ng pagkain ay seksuwal na inabuso, hinalay pa nga.
Ngunit ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay maaari ring mangyari dahil sa mga saloobin ng iba. “Kung natatandaan ko pa napakataba ko noon at lagi na lang inuulit-ulit ito ng nanay ko,” sabi ng isang dalaga. “Ginawa ko na ang lahat upang ako’y pumayat; iyan lang ang mahalaga. Iyan ang dahilan kung bakit naiinis ako sa aking sarili at sa aking katawan.” Ang kalagayan sa lipunan ngayon, na labis-labis na pinupuri ang pagiging balingkinitan, ang dahilan kung bakit ang ilan na labis ang timbang ay napopoot sa sarili.
Sa ibang kaso ang sakit na kaugnay ng pagkain mismo ay nag-aalis sa isa ng paggalang-sa-sarili. Si Lynn, na sumusuka nang hanggang sampung beses sa isang araw, ay nagsabi: “Titingnan ko ang aking mukha sa salamin pagkatapos kong magpurga at sasabihin ko, ‘galit ako sa iyo,’ at saka ako iiyak. Para ba akong walang halaga.”
Sa loob nila, karamihan ng mga taong may sakit na kaugnay ng pagkain ay kumbinsido na ang kanilang mahalagang personalidad ay may depekto. Kaya, lahat ng kanilang pagsisikap ay nakatuon sa pagtatago ng nakamamatay na kapintasan ng kanilang kakulangan at sa paghahanap ng mga paraan upang itayo ang kanilang pagpapahalaga-sa-sarili. Ginagawa ito niyaong nagkakaroon ng anorexia sa isang pambihirang paraan. Ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng pagpapahalaga-sa-sarili ang gumagawa sa anorexia na lubhang mapanira—at nakamamatay.
Nang si Lee ay tanggihan ng lalaking kaniyang iniibig, gumuho ang kaniyang pagpapahalaga-sa-sarili. “Nais kong patunayan na pinakawalan niya ang isang magaling na bagay,” aniya. “Kaya disidido akong maging superpayat at supertalino.” Upang pumayat, hindi siya kumain at naging lubhang abala. “Naging mabuti ang aking pakiramdam. Inakala ko na ako ay talagang natatangi sapagkat nagagawa ko ang hindi nagagawa ng iba. Sa palagay ko, ‘Ako’y malakas.’ ”
Ang timbang ni Lee ay bumaba mula 73 kilo tungo sa 47 kilo. Ginugunita yaong mga nagsikap na pilitin siyang kumain, sabi niya: “Akala ko ang lahat ng mga taong iyon ay nagsisikap na sirain ang aking buhay at ang aking kaligayahan sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng aking pagpapahalaga-sa-sarili. Akala ko magiging tulad ako ng iba.” Ang saloobin na iyon ni Lee ay tipikal sa mga may anorexia, na nagsisikap magkamit ng pagpapahalaga-sa-sarili sa pagsupil ng kanilang mga naisin at sa paggawa ng hindi magagawa ng iba.
Kung ang mga damdamin ng isang babae ay pinagsamantalahan, ang kaniyang mga pagsisikap na pangalagaan ang kaniyang mahinang pagpapahalaga-sa-sarili mula sa higit pang pag-abuso ay maaaring mauwi sa anorexia. Si Shirley, halimbawa, ay naliligalig sa pagtrato sa kaniya ng mga lalaki dahil sa kaniyang nagkakahubog ng katawan. Pagkatapos ang kaniyang tatay mismo ay nagsamantala sa kaniya. “Hiyang-hiya ako at suklam na suklam anupa’t ako’y nagtungo sa aking nanay at basta nag-iiyak,” sabi ni Shirley. “Nang ako’y pumayat at nawala ang hubog ng aking katawan, wala nang lumiligalig sa akin. Malaya na ako sa atensiyon ng kalalakihan.”
Sa ibang kaso ang anorexia ay isang pagtakas sa mga tungkulin ng pagkamaygulang. “Ayaw kong lumaki at harapin ang mga pananagutan ng pamilya,” sabi ni Shirley. “Paano ko hahayaang tumaba ang aking sarili? Hindi, nunka! Hindi para kaninuman!” Nakalulungkot sabihin, ang kaniyang labis na pag-iisip na pigilin ang panahon ay humantong sa isang masakit na kamatayan dahil sa udyok-ng-sarili na pagkagutom.
Hindi lahat ng may anorexia ay ganito. Gayunman, wari bang silang lahat ay nagkakaroon ng damdamin ng kalakasan sa paggawa sa kanilang mga sarili na isa na hahangaan nila. Sila sa gayon ay nagkakaroon ng kaunting pagpapahalaga-sa-sarili. Ang pagiging payat ay ipinagmamalaki at ikinatutuwa nila.
Pakikitungo sa Masakit na mga Damdamin
Yamang ang pagkain ay nakapagpapahinahon at nakapagpapaginhawa, maaari itong gamitin nang mali upang lunasan ang mga damdamin ng kalungkutan, pagkabalisa, pagkabagot, galit, panlulumo, pagtanggi, o pagkanulo. “Sa paaralan, ako’y biktima ng isang malupit na karanasan na napakasakit pag-usapan,” sabi ni Dawn. “Kailanma’t maiisip ko ang pangyayaring iyon, o kung may kalagayang hindi ko maharap, magkakakain ako. Basta sinasabayan ko ang mga damdaming ito ng pagkain.” Ginawang manhid ng pagkain ang kirot ng kaniyang damdamin. Subalit ang kaniyang di-mapigil na pagkain nang labis ay humantong sa 45-kilong karagdagang timbang.
Kung minsan ang sakit na kaugnay ng pagkain ay nagiging isang pagtakas mula sa mga panggigipit sa buhay. Halimbawa, si Anne ay pinalaki sa isang tahanan na may amang alkoholiko at laging tinutukso tungkol sa kaniyang timbang. Ipinaliwanag niya kung bakit siya’y naging bulimic: “Ito ang paraan ng pakikitungo ko sa pang-araw-araw na kaigtingan, at ito’y gumana sapagkat kung ikaw ay labis na nag-iisip tungkol sa isang bagay, hindi mo kailangang pag-isipan ang tungkol sa iyong tunay na mga problema. Sinisisi mo ang lahat sa iyong labis na timbang at sinasabi mo sa iyong sarili na kung ikaw ay papayat, ang buhay ay magiging maganda.”
Bagaman tayong lahat ay maaaring kumain nang higit kapag tayo ay balisa o nalulumbay, ang isang taong nanganganib magkaroon ng isang sakit na kaugnay ng pagkain ay hindi gumagamit ng normal na mga paraan sa pakikitungo sa panloob na problema. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring makadama ng galit sa mga tao o sa kalagayan subalit kakain siya upang pahinahunin ang kaniyang galit kaysa ipahayag ang galit na iyon.
Ang Bahagi ng Pagdidiyeta
Ang pagsasagawa ng mahigpit na diyeta, ayon sa mananaliksik, ay pinakakaraniwang dahilan kung bakit ang mga tao ay nahihilig sa kakakain. Ang 1989 na pag-aaral tungkol sa mga dahilan ng pagtaba ay nagsisiwalat: “May kamaliang lumilitaw na ang gawi sa pagkain bilang pagtugon sa pagkabahala sa timbang ay nauugnay sa dumaraming labis ang timbang.” Ngunit bakit?
Kapag sinusunod ng mga tao ang isang mahigpit na diyeta, karaniwan nang sila’y nagbabawas ng matatamis at iba pang masarap na pagkain. Ang “bawal” na mga pagkaing ito ay nagiging isang namamalaging tukso. Kaya, kapag nagulumihanan, nabalisa, o nalulumbay, naaawa sila sa kanilang sarili. Upang pasiglahin ang kanilang kondisyon, nagpapabundat sila sa mismong mga pagkain na ipinagkait nila sa kanilang sarili. Saka sumusunod ang mas mahigpit na diyeta, na humahantong sa gayunding resulta—walang tigil na pagkain. Ang masamang siklong ito ay nauuwi sa pagtaba at sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. Ipinaliwanag ni Lee kung paanong ang pagdidiyeta ay naging sanhi ng kaniyang anorexia: “Sinubok ko ang lahat ng diyeta. Papayat ako, at pagkatapos ay muling tataba. Sa pagkakataong ito nais kong manatiling payat.”
Bagaman ang kabatiran sa mga sanhi ng isang sakit na kaugnay ng pagkain ay hindi siyang ganap na sagot upang mapagtagumpayan ito, ang kaalamang iyon ay makatutulong sa isa na makaalpas dito. Makatutulong din ito upang maiwasan ang pagsimula ng mga problema. Subalit paano kung makilala mo ang ilan sa mga katangiang ito sa iyong sarili, sa iyong pamilya, o sa isang kaibigan? Paano mapagtatagumpayan ang mga katangiang iyon?
[Larawan sa pahina 7]
Ang matinding pagkabahala sa pisikal na hitsura ng isa ay maaaring humantong sa isang sakit na kaugnay ng pagkain
[Larawan sa pahina 8]
Ang iba ay walang tigil sa pagkain upang malutas ang masakit na mga damdamin