Bakit Isang Modernong-Panahong Salot?
“ANG pagiging payat ang naging pinakamahalagang bagay sa aking buhay,” sabi ng 34-anyos na si Ann. Ang kaniyang takot na tumaba ay humantong sa isang lubhang natatakdaang pagkain at sa pagbawas ng 30 kilo ng timbang sa loob ng maikling panahon. “Naging buto’t balat siya at para bang galing siya sa piitang kampo,” sabi ng kaniyang asawa.
Pagkatapos, dahil sa gutom, magpapakalabis naman siya sa pagkain. At, upang huwag tumaba, gumagamit siya ng pamurga at pampasuka upang mawala ang pagkain. ‘Paano nga magagawa ng isa ang gayong nakaiinis na ugali?’ maitatanong mo.
“Mas madali kaysa iyong akala,” pagtatapat ni Ann. “Gusto ko lamang maging payat. May malaking panggigipit sa mga babae na magtinging balingkinitan. Ako’y binomba ng mga magasin tungkol sa pinakabagong moda, na idiniriin ang ‘payat, payat, payat.’ Kaya ako’y disididong maging superpayat at kaakit-akit.”
Sa gayon si Ann ay nahulog sa mahigpit na kapit ng sakit na kaugnay ng pagkain. Hawak siya nito sa loob ng mahabang sampung taon. Gaya ng sabi niya: “Hindi mo aakalaing ito’y hahantong dito.” Subalit si Ann ay hindi natatangi. Kabilang siya sa tinatayang isang milyong Amerikana na nagkakaroon ng alin sa anorexia nervosa o bulimia taun-taon. Maraming lalaki ang nagkaroon din ng mga sakit na ito na kaugnay ng pagkain, at maraming lalaki ang labis din sa timbang. Subalit ano ba ang mga sakit na ito?
Mga Sakit
Ang anorexia nervosa ay ipinakikilala ng matindi at matagal na kawalang gana o pagtangging kumain sa emosyonal na kadahilanan. Hindi ito dahil sa pisikal na karamdaman. Ang kalagayang ito ay humahantong sa lubhang pangangayayat. Ang tao—karaniwan nang isang dalaga—ay takot na takot tumaba at inaakala niyang napakataba niya kahit na siya’y payat na payat. Ang regla ay humihinto. Siya’y tumatangging panatilihin ang kaniyang timbang na mataas sa minimum na normal para sa kaniyang edad at taas.
Ang bulimia ay ipinakikilala ng paulit-ulit na pagkain, yaon ay, ang di-mapigil na pagkain ng maraming pagkain sa sandaling panahon. Pagkatapos, sisikapin ng isang bulimic na alisin ang mga calorie sa pamamagitan ng udyok-ng-sarili na pagsusuka, paggamit ng mga purga at pampaihi (diuretics), o masiglang ehersisyo. Ang laging pinagkakaabalahan ng bulimic ay ang hugis at timbang ng katawan.
Ang di-mapigil na labis na pagkain ay ipinakikilala ng di-mapigil na pagkain, sinusundan ng pagkadama ng pagkakasala at mga damdamin ng pagkahiya tungkol sa paggawi at sa dakong huli’y pagtaba. Ang walang-pigil sa pagkain ay waring kumakain nang labis kapag balisa o tuwang-tuwa. Kadalasan nang ang resulta’y labis na pagtaba, yamang ang mga walang-pigil sa pagkain ay karaniwang hindi nagpupurga.
Subalit ang basta pagtaba o pagpayat, o ang pagiging mataba o payat, ay hindi nagpapahiwatig na ikaw ay may sakit na kaugnay ng pagkain. Maaaring may genetiko o pisyolohikal na mga dahilan. Ang isang sakit na kaugnay ng pagkain ay umiiral kapag ang saloobin ng isa tungkol sa pagkain at timbang ay naging di-timbang. Sa gayon ang isa ay kumakain—o tumatangging kumain—dahil sa matinding kabalisahan ng damdamin.
Dumarami
Iniuulat ng karamihan ng mga autoridad ang pagdami ng mga sakit na kaugnay ng pagkain, tinatawag pa nga ito ng iba na isang epidemya. Sa isang artikulong pinamagatang “Eating Disorders: Implications for the 1990’s,” ipinaliwanag ng mga mananaliksik na ang mga sakit na ito “ay lubhang dumami mula noong 1970 at ngayon ay karaniwang naeengkuwentro sa paggagamot.” Ayon sa ulat, 150,000 ang namamatay taun-taon dahil sa mga komplikasyon na nauugnay sa anorexia nervosa at bulimia.
Gayunman, si Ann ay lubusang gumaling. Mapalad siya. Kasindami ng 21 porsiyento niyaong nagkakaroon ng anorexia nervosa ay namamatay dahil sa sakit na ito. Ang kaisipang magpatiwakal ay karaniwan sa mga may sakit na bulimia, at iniuulat ng ilang doktor na sangkatlo ng kanilang mga pasyente ay nagtangkang magpakamatay.
Apektado ng mga sakit na ito kaugnay ng pagkain ang lahat ng grupo ng edad, etniko, at lahi at sa lahat ng antas ng lipunan. Sinalakay ng lumalagong salot na ito ang maraming mayayamang bansa. Sa Hapón ang pagdami ay iniulat na “madula” sapol noong 1981. Ang Sweden, Britaniya, Hong Kong, Timog Aprika, Australia, at Canada ay pawang nagkaroon ng mga pagtaas ng bilang.
Bagaman iniulat na sa loob ng daan-daang taon, bakit ang mga sakit na kaugnay ng pagkain ay naging epidemya sa ika-20 siglo?
“Ang Dambana ng Pagiging Balingkinitan”
Pagkaraan ng 40 taon ng pananaliksik, si Dr. Hilde Bruch ay nagpapaliwanag: “Iniuugnay ko ito sa matinding pagdiriin na inilalagay ng Moda sa pagiging balingkinitan. . . . Gayunding mensahe ang dala ng mga magasin at mga pelikula, subalit lalo na ang telebisyon, inuukilkil ito, araw-araw, na ang isa ay maaari lamang mahalin at igalang kung siya ay balingkinitan.”
Bago ang taóng 1900, ang pagsusuot ng sunod sa modang mga damit ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mayayaman. Ngunit pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I (1914-18), ang pagdating ng mga department store, mga magasing pambabae, at fashion photography ay lumikha ng malaking interes sa moda sa gitna ng mga kababaihan. Ang eleganteng mga moda ay ginagawa nang maramihan sa istandard na mga sukat. Subalit para maisuot ito, ang isang babae ay kailangang may “tamang” pangangatawan. Kaya, ang mga kapintasan sa pangangatawan ay naging isang pinagmumulan ng kabiguan at kahihiyan para sa mga babae na hindi bagay sa gayong makabagong pananamit.
Pagkatapos, noong 1918, iniugnay ng unang pinakamabiling aklat sa Amerika tungkol sa pagkain ang pagkontrol ng timbang sa pagpapahalaga-sa-sarili. Ang labis na timbang sa mga babae ay ipinalalagay na isang kapintasan at isang hadlang sa lipunan. Sa kaniyang aklat na Fasting Girls, ipinaliliwanag ni Joan Brumberg ang resulta: “Sa wari, noong 1920s ang panlabas na anyo ay mas mahalaga kaysa panloob na pagkatao dahil sa hinalinhan ng panghikayat sa sekso ang espirituwalidad bilang ang ‘nagniningning na gayak’ ng babae. . . . Tinanggap ng marami ang ideya na ang laki at hugis ng katawan ay isang sukat ng sariling-halaga.”
Kaya, nagkaroon ng labis-labis na pag-iisip sa pagdidiyeta at sa pisikal na kagandahan. Ngayon, tinatayang 50 porsiyento ng mga babae sa Estados Unidos ay nasa isang diyeta sa anumang panahon, karamihan sa kanila ay dahil sa hitsura! Isang surbey na isinagawa ng magasing Glamour ay nagtanong sa 33,000 babae: “Alin ang labis na magpapaligaya sa inyo?” Apatnapu’t dalawang porsiyento ang sumagot, “Ang pagpayat.” Iyan ay halos doble ang dami kaysa anumang ibang mapagpipiliang ibinigay ng surbey, gaya ng “Tagumpay sa trabaho.”
Pagpasok natin ng 1990’s, ang pagiging payat ay naging sagisag ng lakas, tagumpay, at kagandahan. “Palibhasa’y binibigyan ng matagalan at labis na pagsamba sa dambana ng pagiging balingkinitan, hindi kataka-taka na ginagawang isang relihiyon ng napakaraming kapanahong mga kabataang babae ang pagdidiyeta,” sabi ni Brumberg. Isang maliwanag na resulta? Isang epidemya ng mga sakit na kaugnay ng pagkain.
Sa kabila ng panggigipit sa lipunan na maging payat, hindi lahat ng kababaihan ay nagkakaroon ng mga sakit na kaugnay ng pagkain. Kaya, sino ba ang lalong madaling tablan?
[Kahon sa pahina 3]
Mga Panganib sa Kalusugan Mula sa Sakit na Kaugnay ng Pagkain
Anorexia Nervosa
Mga sakit sa dugo, di-normal na mababang presyon ng dugo, di-normal na pag-aantok o panghihina, di-regular na tibok ng puso, biglang paghinto ng puso, paninilaw ng balat, mga sakit sa hormone, paghinto ng regla, pagliit ng buto.
Bulimia
Di-regular na regla, panghihina at pamumulikat ng kalamnan, pagkaubos ng tubig sa katawan, pagkahilo, pagkaagnas ng enamel ng ngipin at mga butas sa ngipin, sipunin, pagod, mga problema sa panunaw, di-regular na tibok ng puso na maaaring humantong sa biglang pag-atake ng puso, mga luha at pagdurugo sa lalamunan, mga sakit sa sikmura.
Di-mapigil na Labis na Pagkain
Mataas na presyon ng dugo dahil sa taba at pagkapagod, grabeng labis na timbang (dinaragdagan ang panganib ng diabetes), sakit sa puso, kanser, mga sakit sa hormone, at bato sa apdo o atay.