Kapag Kaaway Mo ang Pagkain
Kapag naiisip ang tungkol sa mga taon ng kaniyang pagkatin-edyer, tandang-tanda ni Jean na siya’y naging puntirya ng panunukso at panunuya. Ang dahilan? Siya ang pinakamatangkad at pinakamalaking babae sa kanilang klase. Pero hindi lang iyan. “Masahol pa sa pagiging malaki, ako’y mahiyain at asiwang kumilos sa harap ng mga tao,” sabi ni Jean. “Lagi akong malungkot, gusto kong mapabilang sa isang grupo, pero kadalasan, para akong tagalabas.”
Kumbinsido si Jean na ang laki niya ang siyang dahilan ng lahat ng kaniyang problema at na ang isang balingkinitan at magandang pigura ang siyang lulutas ng lahat. Hindi naman matabang-mataba si Jean. Sa kabaligtaran, sa taas na anim na talampakan at 145 libra, hindi naman labis ang kaniyang timbang. Gayunpaman, natatabaan si Jean sa kaniyang sarili, at sa edad na 23, nagpasiya siyang magpapayat. ‘Kapag payat na ako,’ katuwiran niya, ‘magugustuhan na ako ng ibang tao. Sa wakas, tatanggapin ako at ituturing na espesyal.’
“Ang ganiyang mangmang na pangangatuwiran ay umakay sa labindalawang-taóng bitag na pinanganlang anorexia nervosa at bulimia,” paliwanag ni Jean. “Pumayat nga ako, pagkapayat-payat anupat muntik na akong mamatay, pero sa halip na magkaroon ng maligayang buhay, sinira ko ang aking kalusugan at nakaranas ng mahigit sa isang dekada ng panlulumo at kahapisan.”
HINDI nag-iisa si Jean. Ayon sa isang pagtantiya, 1 sa 100 Amerikana ang nagkakaroon ng anorexia nervosa habang tin-edyer o kabataang adulto, at marahil tatlong ulit ng bilang na iyan ang may bulimia. “Maraming taon na akong nagsusuri sa mga kampus ng paaralan at mga kolehiyo,” sabi ni Dr. Mary Pipher, “at tuwiran kong nakikita na palasak higit kailanman ang mga sakit na nauugnay sa pagkain.”
Nagkakaiba-iba rin ang mga ito. Dati’y inaakalang sakit ng mayayaman, ang mga sakit na nauugnay sa pagkain ay itinuturing na ngayong pangkaraniwan sa lahat ng antas ng lahi, lipunan, at kabuhayan. Dumarami kahit ang mga lalaking nasuri na may ganitong sakit, kung kaya ang mga sakit na nauugnay sa pagkain ay tinawag ng magasing Newsweek na “mga walang-itinatanging mandarambong.”
Subalit ang lalo nang nakababahala ay ang bagay na pabata nang pabata ang katamtamang edad ng mga ginagamot dahil sa mga sakit na nauugnay sa pagkain. “May mga batang babae na wala pang 10, may 6 na taong gulang pa nga, na isinasailalim sa mga programa ng ospital,” sabi ni Margaret Beck, pansamantalang direktor ng isang pagamutan sa Toronto para sa mga sakit na nauugnay sa pagkain. “Maliit pa rin ang bilang na ito,” sabi pa niya, “pero lumalaki ito.”
Kung isasaalang-alang ang lahat, milyun-milyon ang may mga sakit na nauugnay sa pagkain—lalo na sa mga bata at kabataang babae.a “Ang pangmalas nila sa pagkain ay naiiba sa pangmalas ng karamihan ng tao,” sabi ng social worker na si Nancy Kolodny. “Sa halip na kumain kapag nagugutom, kumain para sa nutrisyon at mabuting kalusugan, kumain para masiyahan, o kumain para makasalo ang iba, sila ay may kakatwang kaugnayan sa pagkain at gumagawa sila ng mga bagay na hindi itinuturing na ‘normal’—gaya ng di-pangkaraniwang mga ritwal bago kumain, o kailangang agad na ilabas nila sa katawan ang kanilang kinain.”
Suriin natin ang dalawang pangkaraniwang sakit na nauugnay sa pagkain: ang anorexia nervosa at ang bulimia nervosa.
[Talababa]
a Yamang mas marami kaysa sa mga lalaki ang mga babaing may sakit na nauugnay sa pagkain, sa seryeng ito ay kadalasang tutukuyin natin ang may karamdaman sa kasariang pambabae.