Mga Punungkahoy na Nagpaparusa sa mga Magnanakaw
Sa ilang bansa ang Christmas tree ay itinuturing na mahalagang-mahalaga sa pagdiriwang ng Pasko, subalit hindi lahat ng nagnanais ng isang puno ay handang magbayad para sa isa nito. Ang mga parke at tinamnang mga right-of-way ng maraming haywey sa Estados Unidos ay sinalakay ng mga magnanakaw ng punungkahoy. Sa paghahanap ng ulirang puno ng fir, spruce, o pino, pinuputol at hinihila ito ng mga magnanakaw kahit na sino pa man ang may-ari ng lupa.
Ang ibang estado ay nagsimulang gumanti. Noong Kapaskuhan ng nakaraang taon, sinimulang ispreyhan ng mga autoridad sa iba’t ibang rehiyon sa gawing hilaga ang ilang mga punungkahoy ng natatanging kemikal. Hindi ito napapansin sa lamig sa labas ng bahay, subalit minsang ang puno ay nasa loob na ng mainit na sala ng magnanakaw, maaamoy na ang kemikal. Sang-ayon sa The Wall Street Journal, ito ay mabaho na “parang pabrika ng abono.”
Tinataya ng direktor ng parke sa Monroe, Connecticut, na ang bayan ay nawalan ng daan-daang mga punungkahoy dahil sa mga magnanakaw sa nakalipas na mga taon. Subalit mula nang ang mga opisyal ng bayan ay naglagay ng paunawa sa lokal na mga pahayagan na nagbababala sa mga magnanakaw na ang magagandang punungkahoy ay, sa katunayan, mabahong mga bomba, umunti ang mga pagnanakaw.