Ang Matinding Hirap Ko sa Flight 232
Gaya ng inilahad ng isang nakaligtas
Nang ang United Airlines Flight 232 ay bumagsak sa isang taniman ng mais sa Iowa noong nakaraang taon, 110 pasahero at tripulante ang namatay. Subalit, kapansin-pansin, 186 ang nakaligtas.
“DAHIL sa di-inaasahang pangyayari tayo’y lalapag sa Sioux City,” babala ng piloto. “Ito’y magiging mahirap.”
Hulyo 19, 1989 noon, at kami ng mister ko ay patungo sa Chicago upang dumalo sa isang kombensiyon ng isang kompaniya ng computer na ang mister ko, si Kevin, ang nangangasiwa. Nagbiyahe na kami mula sa Albuquerque patungong Denver, kung saan nakita namin ang isang kaibigan na patungo sa kombensiyon ring iyon subalit sakay ng ibang eruplano. Natatandaan ko pang nagbiruan pa kami tungkol sa kung sino ang mauunang dumating sa Chicago. Ang aming eruplano, ang United Flight 232, ang unang umalis; yaong isa ay nakaiskedyul na lumipad pagkalipas ng sampung minuto.
Sira sa Eruplano
Walang anu-ano, noong panahon ng pagkain namin sa eruplano, may malakas na ingay, at ang eruplano ay umalog at bumaba. Di-nagtagal sinabi ng piloto na nawalan kami ng isang makina at na kami’y mahuhuli ng dating sa Chicago. Siya ay mahinahon.
Ang mga flight attendant ay balisa subalit hindi naman masyado. Pinag-uusapan ng lahat ang kalagayan, subalit walang nagpapanik. Nang malaon, nalaman ko na ang eruplano ay makalilipad lamang sa kanan sapagkat ang mga linyang haydroliko ay naputol nang mawala ang isang makina.
Di-nagtagal ipinahayag ng piloto na kami ay lalapag sa Sioux City, Iowa, at na magiging maalon ang aming paglapag. Sinabi niya na ang lahat ay magiging maayos, subalit tinagubilinan niya kami na maghanda para sa isang crash na paglapag. Ipinakita ng mga flight attendant kung papaano hihigpitan ang aming mga tali sa upuan at kung paano susunggaban ang aming mga bukung-bukong.
Mula nang masira ang makina, nag-iiyak na ako, at hindi ako makahinto. Hinawakan ako ni Kevin, at bumigkas siya ng isang panalangin sa Diyos na Jehova para sa aming dalawa. Gayon na lamang ang kagalakan namin na ang aming dalawang anak na babae, anim at dalawang taóng gulang, ay hindi namin kasama sa paglalakbay na ito!
Inabot at hinawakan ng babaing katabi ko, kasama ang kaniyang dalawang anak na lalaki, ang aking kamay habang kami’y papalapag. Ang eruplano ay bumaba nang marahan, at ang buong akala ko ay matiwasay kaming nakalapag nang magunita ko na kami’y lumapag.
Pagkaligtas at Pagpasok sa Ospital
Pinanatili kong nakapikit ang aking mga mata at nadama kong para bang ako’y nasa isang roller coaster, na nakakakita ng liwanag ng araw sa aking nakapikit na mga mata. Ang huling bagay na natatandaan ko ay na ang aking mga sapatos ay hinihigop, at sinikap kong baluktutin ang aking mga daliri sa paa upang panatilihin ito.
Nang imulat ko ang aking mga mata, madilim, at ako’y gumagalaw. Ang aking upuan ay itinataob ng isang tagasagip. Kami’y nasa bukid. Ang nakikita ko ay itim at berde, at ang araw ay sumisikat nang matindi. Si Kevin ay nakatali pa rin sa tabi ko. Tinawag ko ang kaniyang pangalan, subalit hindi siya sumasagot.
Inilagay nila ako sa lupa, kung saan bumangon ako sa pamamagitan ng aking mga siko. Tinanong ko kung nakaligtas ba ang aking asawa. Umiling ang tagasagip. Nagrelaks lamang ako. Noong sakay na ako ng ambulansiya, naririnig ko ang lahat ng ingay subalit hindi ako nakikinig. Nadarama kong namamaga ang aking mata.
Sa Marion County Health Center, ang mga tao ay mapagmalasakit at matulungin, lalo na ang isang nars na nagngangalang Lori. Gising ang diwa ko at ibinigay ko ang numero ng telepono ng aking kapatid na babae sa Albuquerque, at siya’y tumawag upang ipaalam sa aking pamilya na ako’y buháy.
Akala ko dahil sa ako ay nasa Iowa, walang dadalaw sa akin. Subalit noong unang gabing iyon, dalawang matatanda mula sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa akin sa ospital. Ang mga Saksi roon ay patuloy na dumalaw, tumawag, at sumulat noong buong apat-na-araw na paglagi ko. Ang United Airlines ay nagbukas ng kuwenta sa J. C. Penney’s, at ipinamili ako ng mga Saksi upang may maisuot ako.
Kinabukasan nagulat na naman ako nang ang aking nanay, ang kapatid kong babae, at ang mga kapatid at magulang ni Kevin ay pawang dumating upang makapiling ko. Walang sinuman sa kanila ang nagpaalam sa akin na si Kevin ay patay na, kaya umaasa pa rin ako na kabilang siya roon sa mga di-kilalang napinsala.
Nang panoorin ko ang balita sa telebisyon, hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Hindi ko alam na bumagsak kami! Nang inaakala kong kalalapag pa lamang ng aming eruplano, ipinalagay ko na kami’y ligtas. Hindi ko man lamang naisip kung bakit kami ay nasa labas ng eruplano. Ang hanay ng mga upuan na kinaroroonan namin ni Kevin ay nasa likuran ng pakpak. Kami’y nasa gitnang bahagi ng limahang upuan, at nang sumabog ang eruplano, ang mga upuan ay humagis sa lupa. Si Kevin at ang katabi kong babae ay namatay, subalit ang kaniyang mumunting mga anak na lalaki at ako ay nakaligtas.
Isang tagasagip—ang tanging naaalala ko—ay dinalaw ako sa ospital. Na ang iba ay nabuhay at na ang iba pa ay namatay ay nakaligalig sa kaniya. Ito ay nangyari dahil sa ‘ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay nangyayari sa kanilang lahat,’ paliwanag ko. (Eclesiastes 9:11) Hindi inatasan ng Diyos ang ilang tao sa mga upuan kung saan sila ay mamamatay at ang iba ay sa mga upuan kung saan sila ay makaliligtas. Ibinigay ko sa kaniya ang pulyeto sa Bibliya na Ano ang Pag-asa para sa mga Patay? at ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay.” Kami’y nagyapos, at sa palagay ko mas mabuti ang kaniyang pakiramdam nang umalis siya.
Si Lori, na gumamot sa mga sugat ko sa emergency room, ay patuloy ng pagdalaw sa akin sa buong panahong itinigil ko sa ospital, kahit na hindi ako kasali sa listahan niya ng mga pasyente. Hinangaan niya ang aking panloob na lakas, at sinikap kong ipaliwanag sa kaniya na galing ito sa aking Diyos, si Jehova, na siyang tumutulong sa akin upang makayanan ito.—Awit 121: 1-3.
Patuloy na Pagpupunyagi
Noong Linggo, Hulyo 23, handa na akong kompletuhin ang aking paggaling sa bahay. Habang kami ay sumasakay sa eruplano, pinahinahon ko ang aking sarili at itinuon ko ang aking isip sa aking paghinga upang huwag akong magpanik. Nang makita ako ng aking dalawang-taóng-gulang na anak, si Mercedes, na nakabalot ng benda at pasâ, ayaw niyang lumapit sa akin. Nangailangan ng tatlo o apat na araw bago siya naging malapit na muli sa akin. Si Tarrah ay tuwang-tuwa na makitang muli ang kaniyang ina, subalit hinahanap-hanap niya ang kaniyang itay.
Lalong mahirap para sa akin na harapin ang katotohanan ng kaniyang kamatayan nang makasama ko yaong mga nakakakilala kay Kevin at yaong mga nakasaksi sa kaniyang espirituwal na pagsulong (siya ay magpapabautismo sana bilang isang Saksi ni Jehova noong Oktubre). Sabi ng iba ang Santa Fe ay hindi pa nakakita ng mas malaking libing na gaya ng kaniyang libing. Alam niya kung paano maging isang kaibigan at naapektuhan niya ang buhay ng maraming tao.
Natanto ko na kailangan kong maging abala at na wala nang bubuti pang gawain kaysa ang ministeryong Kristiyano. Noong Abril at Mayo, nakibahagi ako sa gawaing pag-aauxiliary payunir, isang uri ng buong-panahong ministeryo. Ngayon ako’y disididong gawin iyon muli sa Setyembre. Ang masangkot sa ibang tao at sa kanilang mga problema ay talagang nakatulong. Isinaayos ko rin ang paggawa ng mga bagay sa paligid ng bahay, gaya ng paglalagay ng mga tabing sa mga bintana, paglalagay ng wallpaper sa silid kainan at silid-aralan, at muling binarnisan ang mesa sa silid-kainan.
Noong panahon ng aksidente, ako’y nagdaraos ng dalawang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado sa Salita ng Diyos, at pagkatapos ng pagbagsak ng eruplano isang dating estudyante ang nagnanais na ipagpatuloy na muli ang kaniyang pag-aaral. Lahat ng tatlong estudyante ay nagtanong: ‘Bakit iniligtas ka ni Jehova at hindi iniligtas si Kevin, gayong ginagawa rin niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang palugdan ang Diyos?’
Ipinaliwanag ko sa kanila ang kaibhan sa pagitan ng isang pagkilos ng Diyos at ng likas na sakuna o isang aksidente. Sa isang pagkilos ng Diyos, tayo ay binibigyan ng babala ng Diyos na may mangyayari. Ang halimbawa nito ay ang Baha noong panahon ni Noe. Sa kasong iyon sinabi ng Diyos kay Noe kung ano ang gagawin upang maiwasan ang malaking sakuna. Siya ay magtatayo ng isang daong. Sa kabilang dako, ang mga aksidente at likas na mga sakuna ay di-sinasadya at walang pinipiling apektado ang lahat, mabuti at masama. Walang nakakaalam na may masisira sa aming eruplano. Kung nalaman nila iyon, wala sanang sumakay rito. Ang pagkaligtas ko ay isa rin aksidente na gaya ng kamatayan ni Kevin.
Hindi nalalaman ng mga taong nagsasabing “malakas” ako kung gaano kadalas na halos maiyak ako. Nangangailangan ng panahon bago ko malimutan ang karanasang ito. Nagagawa kong ipakipag-usap ang tungkol kay Kevin o tingnan ang mga litrato at maging mabuti pa rin ang aking pakiramdam hanggang sa ako’y mag-isa; saka ako naiiyak. Napakasakit para sa akin na mawalan ng asawa pagkatapos ng napakaikling panahon naming magkasama, pitong taon lamang.
Ang aking munting mga anak na babae ay nagbibigay ng higit na pansin sa kaninumang kapatid na lalaki na dumadalaw sa amin, kung minsa’y nangungunyapit sa kanilang mga paa upang huwag silang umalis. Si Tarrah ay nagalit noon at kung minsan ay umiiyak nang hindi nalalaman kung bakit. Mahusay naman siya sa klase, at sinisikap niyang sabihin sa kaniyang mga kaklase ang tungkol sa pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Sinisikap naming gawing simple ang aming buhay at gawing paraan ng pamumuhay ang Kristiyanong ministeryo. Sa tulong ni Jehova magagawa namin iyon. Mga isang taon na ang nakalilipas, pinatibay-loob ako ng isang kaibigan na sumige at magsimulang maglingkod bilang isang regular payunir. Ako’y natutuwa’t tinanggap ko ang pampatibay-loob na iyon. Bilang isang buong-panahong ministro, na tinutulungan ang iba na matuto tungkol sa mga layunin ng Diyos ay nakatulong sa akin na ituon ang isip sa dakilang layunin ng Diyos na lumikha ng isang makalupang paraiso at buhaying-muli ang mga patay na mahal sa buhay. (Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4)—Gaya ng inilahad ni Lydia Francis Atwell.
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ng aking asawa bago ang paglipad ng eruplano
[Picture Credit Line sa pahina 25]
UPI/Bettmann Newsphotos