Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Pit Bull Ako’y nagmay-ari ng isang pit bull, at siya ang pinakamalambing at pinakamaamong aso na aking inalagaan. Sa gayon ako’y nasaktan sa titulo ng artikulong “Mga Diyablong Aso?” (Mayo 22, 1992) Ang titulong ito ay nagbibigay ng idea na lahat ng pit bull ay may kaugnayan kay Satanas at sa bagay na masasama. Baka ang basta pagkakaroon ng pit bull ngayon ay maaaring makayamot sa iba. Gayunman, ako’y sumasang-ayon na ang mga tao ay kailangang mag-ingat kung sila’y nag-iisip na magkaroon ng isa. Aking irerekomenda na kanilang alamin ang kinalakhan ng aso at ang mga magulang nito. Suriin din kung ang aso ay naalagaang mabuti. Kung gayon nga, malamang na ito’y magkaroon ng mabuting ugali.
L. H., Estados Unidos
Ang aming titulo ay sinipi lamang sa pahayagang Britano, na malimit gamitin ang salitang ito upang ilarawan ang hindi maintindihang pit bull. Hindi namin sinasabi na ang mga asong ito ay likas na sataniko; ni ipinasiya man namin na di-dapat magkaroon ng mga ito. Subalit dahil sa totoong potensiyal na panganib, hinimok namin ang mga nagmamay-ari ng pit bull na kumuha ng higit pang pag-iingat na masupil ang gayong mga hayop.—ED.
Pagpupunyaging Mabuhay Pagkatapos na mabasa ang artikulong “Ang Aking Pakikipagpunyaging Mabuhay,” nais kong magpasalamat kay Hans Augustin at sa kaniyang asawa. (Abril 22, 1992) Nais ko silang pasalamatan sa kanilang tibay ng loob at sa kanilang halimbawa ng katapatan kay Jehova sa kabila ng pagdurusa. Batid kong mabuti ang uri ng karanasang kanilang dinaranas, at palagi ko silang nagugunita at nananalangin para sa kanila.
A. Y., Pransiya
Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulo, at dumadaloy sa aking mukha ang mga luha. Ang gayong mga artikulo ay nagpapakita na tayo’y maraming kahanga-hangang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae sa buong mundo na labis na nagtitiis subalit nananatiling matatag sa kanilang pananampalataya. Tayo rin ay natulungang maalaala na malaki o maliit man ang ating suliranin, ang pangunahing bagay ay manatiling nakatuon sa panahon kapag ang lahat ng masasamang karanasang ito ay hindi na sasagi pa sa isipan.
R. T., Estados Unidos
Pagiging Iba Salamat sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Kong Maging Iba?” (Hunyo 8, 1992) Ako’y 18-taóng-gulang na Kristiyano, at aaminin ko na talagang mahirap na maging iba mula sa ibang mga kabataan. Pagka kanilang itinatanong, “Bakit hindi ka nananamit na gaya namin?” o, “Bakit hindi ka pumunta sa sayawang ito?” at iba pa, kailangan ng tibay ng loob upang makasagot at makapagpaliwanag. Subalit sa tulong ni Jehova at ng magasing Gumising!, nagawa ko iyon. Salamat sa inyong pagmamalasakit sa amin!
H. O. N., Brazil
Mga Ipis Ang artikulong “Ang Namamalaging Ipis” ay lubhang kawili-wili. (Enero 22, 1992) Ikinapit ng aking pamilya ang mga impormasyon, at simula noon, si la cucaracha ay hindi na nakita pa sa aming tahanan.
B. H., Estados Unidos
Napag-aralan ko sa paaralan ang tungkol sa mga ipis halos tatlong taon na ang nakalipas. Subalit hindi ko itinuring ang mga ito na kapaki-pakinabang. Ako’y namanghang malaman na ang mga ipis, na karaniwang ipinapalagay na mga kaaway, ay nakatutulong sa ilang paraan. Ngayon ay nauunawaan ko rin kung bakit mahirap sugpuin ang mga ito, maging ng mga pestisidyo.
E. A., Nigeria
Ako’y nagtaka na hindi ninyo binanggit ang boric acid bilang “panggamot” para sa pagsugpo ng ipis. Ginagamit namin ito sa bahay, at talagang mabisa!
S. D., Estados Unidos
Nagbabala ang mga mananaliksik na ang boric acid ay maaaring maging lubhang mapanganib sa kalusugan ng mga sanggol at mga bata. Tingnan ang “Mula sa Aming mga Mambabasa” sa Oktubre 22, 1984, labas ng “Gumising!”—ED.