Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Pit Bull
Karaniwang nasusumpungan ko ang inyong mga magasin na mahusay ang pagkakasaliksik, kaya nagulat ako nang mapansin ko ang mga pagkakamali sa “Kung Bakit ang Iba ay Mabangis at ang Iba Naman ay Maamo” (Marso 22, 1988). Ang aso na tinatawag na Pete sa Our Gang ay hindi isang pit bull kundi isang Amerikanong bulldog. Walang puting pit bulls na may “itim na mata”; ang asong nakalarawan sa pahina 26 ay hindi isang Akita; walang agresibong mga aso, agresibong mga may-ari ng aso lamang. Kung ang isang aso ay “maulol,” kasalanan ito ng may-ari.
D. H., Pederal na Republika ng Alemanya
Binabanggit ng pinagkunang (“Sports Illustrated”) na ang itim na bilog ng pit bull na si Pete ay “tiyak na gawa ng isang make-up artist.” Pinaninindigan namin ang pagkilala namin sa isang Akita na kasama sa grupo na nakalarawan. Ang mga komento ng mga mambabasa sa ibaba ay maaaring magpatotoo sa iyong iba pang punto.—ED.
Bilang isang magandang libangan, ako’y nagsasanay ng mga pit bull, at nalalaman ko buhat sa maraming taóng karanasan na ang ilang pit bull ay medyo mahirap pamahalaan, at sa ilang kaso sila ay maaaring maging “mapanganib.” Subalit hindi ito ang pangunahing katangian ng mga asong ito—ang katangian ng aso ay “hinuhubog” ng may-ari. Ako’y 100 porsiyentong sumasang-ayon sa artikulo. Gayunman, ang iba na nakabasa nito ay nagsasabi na idiniin ng artikulo na ang mga pit bull ay “ipinanganak na mga mamamatay-tao” at “kriminal buhat sa pagkasilang” nang walang eksepsiyon. Sana’y linawin ninyo ang puntong ito, yamang marami ang magpapakalabis tungkol sa lahing ito pagkatapos na basahin ang artikulo.
D.Q. H., Costa Rica
Iniharap ninyo ang artikulo sa isang paraan na tumutulong sa mga tao na maunawaan ang kahalagahan ng pag-uugali ng lahat ng aso, pati na ang mahalagang bahagi na ginagampanan ng may-ari. Bilang mga nagmamay-ari ng isang pit bull, natuklasan namin na taglay ang wastong pagsasanay, ang isang pit bull ay maaaring maging isa sa pinakakaibig-ibig na alagang hayop. Subalit hindi ko inaakala na ang sinumang nagmamay-ari ng isang aso bilang isang alagang hayop ay makapagsasabi, “Hindi siya mangangagat,” sapagkat ang mga hayop ay mga hayop. Hindi natin mahuhulaan ang kanilang ugali.
C.S., Estados Unidos
Dahil sa labis na pagtangkilik ng media tungkol sa mga pit bull, nakabubuting makabasa ng isang timbang na artikulo na nagpapakita na ang karamihan ng problema ay maisisisi sa abusadong mga may-ari (ang ilan ay aktuwal na pinakakain ang kanilang mga aso ng pulbura at/o pinagkatamang metal) at walang kontrol na paglalahi, alinman dito ay maaaring pagmulan ng di-katatagan sa anumang lahi ng aso.
S. S., Estados Unidos
Paglalayas
Binabanggit ng “Ang Paglalayas ba ang Lunas?” (Marso 22, 1988) ang tungkol sa isang 14-anyos na batang babae na naglayas sapagkat wala siyang malapit na kaugnayan sa kaniyang mga magulang at hindi niya sila makausap. Inaakala niya na walang nakauunawa sa kaniya. Ako’y 14 anyos, at kamakailan ay nagkaroon ako ng karanasan na gaya ni Amy sa artikulo. Lumayas ako sa bahay at nagtungo ako sa aking mga kaibigan sa katulad na kadahilanan. Ang tanging pagkakaiba sa aming kuwento ay na hindi ako nakipagtalik o napasangkot sa droga. Nang gabi ring iyon na ako ay lumayas, dumating ang aking mga magulang at sinundo ako. Kami’y nagpunta sa mga matatanda sa kongregasyon at nakipag-usap. Kami’y nagtutulungan ngayon, at alam ko na naroroon ang aking mga magulang upang tulungan ako. Alam kong mauunawaan nila anuman ang sabihin ko sa kanila. Kung nabasa ko lamang ang artikulong ito na mas maaga, hindi sana ako naglayas.
A. B., Estados Unidos