Tungkulin ng Isang Doktor
MGA pitong taon na ang nakalipas, si Dai Suzuki, isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki, ay namatay bilang resulta ng isang aksidente sa trapiko. Pinaratangan ng media ang mga magulang ni Dai ng kapabayaan dahil sila, bilang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, ay tumangging salinan ng dugo ang kanilang anak. Ang mga magulang ni Dai ay mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng imbestigasyon ng pulisya, napatunayan na walang kapabayaan sa bahagi ng mga magulang.
Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa Hapón at saanman ang mga pagsisikap ng mga doktor na magligtas ng buhay at sila ay handang makipagtulungan sa mga tauhan ng medisina. Ginagamit nila ang makabagong medisina at tinatanggap nila ang medikal na paggamot, maliban na lamang sa pagsasalin ng dugo. Ngunit kung ang isang medikal na pasiya ay may epekto sa kanilang katapatan sa mga simulain ng Bibliya, sila’y sumusunod sa Diyos. (Gawa 4:19) Ang Bibliya ay maliwanag na nag-uutos: “Patuloy na layuan . . . ang dugo.”—Gawa 15:29.
Kaya sa halip na ikompromiso ang kanilang paniwala sa mga utos ng Diyos, pinipili ng mga Saksi ni Jehova ang mga paggamot na hindi nagsasangkot ng pagsasalin ng dugo. Totoo, ang pangangailangan para sa gayong kahaliling paggamot ay maaaring maging isang hamon para sa mga nasa medikal na propesyon. Subalit parami nang paraming doktor at mga administrador ng ospital ang nakasusumpong ng mga paraan upang pagbigyan ang mga kahilingan ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, binanggit ng isang pahayagan sa Hapón, ang Mainichi Shimbun, na kamakailan ay “sinusugpo ng ilang ospital hangga’t maaari ang pagdurugo at handa silang magsagawa ng operasyon nang walang pagsasalin ng dugo.”
Binanggit ng artikulo na sa Ospital ng Ageo Kosei, 14 na mga operasyon sa mga Saksi ni Jehova ang matagumpay na isinagawa nang walang pagsasalin ng dugo sa pagitan ng 1989 at Enero 1992. Idiniriin ng ospital ang tungkol sa may kabatirang pahintulot. Ang patakaran nito ay ipakipag-usap sa mga pasyenteng Saksi ang inaasahang dami ng mawawalang dugo at ang mga panganib na nasasangkot sa operasyon nang walang pagsasalin ng dugo. Pagkatanggap ng isang nasusulat na dokumento mula sa pasyente na nag-aalis ng pananagutan sa doktor at sa ospital, isinasagawa ng doktor ang operasyon nang walang pagsasalin ng dugo.
Ano ang nag-udyok sa ospital na ito na tanggapin ang mga pasyenteng Saksi at igalang ang kanilang pinipiling paggamot, kahit na ito ay tinanggihan ng ibang ospital? Sang-ayon sa Mainichi Shimbun, ganito ang paliwanag ni Toshihiko Ogane, direktor ng ospital: “Tungkulin ng isang doktor na igalang niya ang karapatan ng pasyente na gumawa ng pangwakas na pasiya at gawin ang pinakamagaling na magagawa niya na ipinahihintulot ng kaniyang kasanayan sa pakikipagtulungan sa paggamot sa sakit. Ang may kabatirang pahintulot ay napakahalaga mula sa paninindigang iyan.”
“Ang mga Saksi ni Jehova naman sa kanilang bahagi,” susog ng pahayagan, “ay nagtatag ng mga hospital liaison committee sa 53 lunsod sa buong bansa para sa kanilang mga kapananampalataya. Ang layunin ng mga komiteng ito ay makipag-ayos sa mga ospital sa pagsasagawa ng operasyon nang walang pagsasalin ng dugo.” Bunga nito, maraming ospital ng unibersidad at medikal na mga institusyon ang handa ngayong bigyan ang mga Saksi ng mapagpipiliang paggamot.
Sa kasalukuyan, mahigit na 1,800 doktor sa Hapón at mahigit na 24,000 sa buong daigdig ang handang makipagtulungan sa mga Saksi sa pagbibigay sa kanila ng mga kahalili sa pagsasalin ng dugo. Mahigit na 800 na mga hospital liaison committee ang nakipag-alam na sa mga manggagamot na itinuturing itong “tungkulin ng isang doktor” na igalang ang karapatan ng pasyente na pumili.