Pagsusuri sa mga Lihim ng Igat
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ireland
NAKALITO kay Aristotle, ang sinaunang pilosopong Griego, ang mga igat. Gaano mang kasidhi ang kaniyang pagsusuri sa makinis, tulad-ahas na isdang ito, wala siyang nakitang mga sangkap sa pagpaparami ni mga binhi man. “Ang igat,” aniya, “ay hindi lalaki ni babae man, at ang mga ito’y hindi maaaring makapagparami.” Kaniyang ihinuha: “Ang mga igat ay nagmumula sa tinatawag na ‘pinakapusod ng lupa’ na kusang lumalaki sa putik at maumidong lupa.”
Natuklasan ng modernong mga mananaliksik ang misteryo tungkol sa igat. Nagpapaliwanag si Christopher Moriarty ng Department of the Marine sa Ireland na samantalang ang karamihan ng isda ay may mapagkakakilanlang mga itlog, ang igat ay hindi man lamang makikitaan ng kahit napakaliit na itlog. “Ang obaryo ng igat,” aniya, “ay hindi napapansin—halos hindi makita sa batang mga ispesimen, at ang anyo ay wala kundi maputi, mistulang paikot na laso sa mga mas husto sa gulang na uri.”
Yamang walang nangingitlog na igat ang nahuli kailanman, maging sa modernong panahon, mauunawaan mo kung bakit si Aristotle ay nahiwagaan. Palibhasa’y walang mikroskopyo, wala siyang paraan upang matuklasan kung saan nanggaling ang mga igat.
Bagaman nalutas ng mga siyentipiko ang pantanging misteryong ito tungkol sa igat, may iba pang natuklasan sila na nakalilito pa rin. Halimbawa, suriin ang siklo ng buhay ng igat sa tabáng sa Europa, at tingnan kung hindi ka magtaka.
Ang Misteryo ng Pinagmulan Nito
Sa tuwing tagsibol, milyun-milyong maliliit na igat na ang haba ay dalawa o tatlong pulgada—tinatawag na elver (mga batang igat)—ang pumupunta sa malapit na baybay-dagat ng Kanlurang Europa at Hilagang Aprika. Saan galing ang mga ito? Walang nakaaalam magpahanggang noong dekada ng 1920.
Gayunman, sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, isang nakagugulat na pagtuklas ang nagawa na nakaambag sa kalutasan ng misteryo. Napansing ang buhay ng igat, gaya ng palaka at paruparo, ay nagpapasimula sa naiibang anyo. Natalos ng mga biyologo sa kauna-unahang pagkakataon na ang isang payat, naaaninag na isda na tinatawag na leptocephalus, na may maliit na ulo at katawan na ang hugis ay gaya ng dahon ng willow, na nagbabagong anyo, ay nagiging maliit na naaaninag na larva na tinatawag na waring bubog na igat.
Pagka ang ugnayan sa pagitan ng leptocephalus at ang waring bubog na igat ay naganap, maaaring matunton ang larva ng igat na siyang pinagmulan ng mga ito. Noong 1922, natuklasan ng may kaalaman sa karagatan na si Johannes Schmidt na ang pinangingitlugan ng Atlantikong mga igat ay ang dagat ng Sargasso, isang malawak, nakakalatan ng damo na bahagi ng karagatan sa Hilagang Atlantiko. Kapuwa ang mga igat sa Amerika at Europa ay nangingitlog doon, at sa gayo’y nag-iiwan ng isa pang bakas ng hiwaga.
May Iba’t Ibang Ruta
Ang mga larva ng igat sa Amerika at Europa ay nagkakaniya-kaniya ng daan malapit sa Bermuda. “Kung paano nila nalalaman kung aling daan ang patutunguhan samantalang wala ni isa man ang nakakita ng ‘tahanan’ nito ay isang katanungang hindi masagot,” sabi ng The Fresh & Salt Water Fishes of the World. Ang aklat ay nagsasabi pa: “Para sa mga igat sa Amerika, ang pagbibiyahe ay halos 1,600 kilometro; nangangailangan ang paglalakbay nang halos isang taon. Ang igat sa Europa ay nagbibiyahe ng 5,000 kilometro o higit pa, ang kanilang paglalakbay ay tumatagal nang halos tatlong taon. Ang nakapagtataka pa ay ang bagay na ang bilis ng paglaki ng dalawang igat [na halos imposibleng masabi na magkahiwalay] ay nagkakaiba anupat ang bawat isa ay magkasinlaki na sa panahong sila’y makarating sa kanilang patutunguhan.”
Ang ilang kagila-gilalas na katutubong gawi ang pumapatnubay sa dalawang uri ng igat upang magkani-kaniya ng landas ang mga ito. Tungkol sa misteryosong kaganapang ito, ang aklat na Fishes of Lakes, Rivers & Oceans ay nagsasabi: “Kung paano at bakit nila nagagawa ang kamangha-manghang maneobrang ito ay kasinghiwaga rin ng kanilang mga pinagmulan gaya noong panahon ni Aristotle.”
Buhay sa Tabáng
Pagka natapos na ng lumalaking mga elver, na ngayo’y manilaw-nilaw na kayumanggi ang kulay, ang pagtawid nito sa karagatan, ang mga ito’y likas na naglalakbay patungo sa mga ilog upang makarating sa mga dagat-dagatan, lawa, at sapa kung saan lálakí ang mga ito tungo sa pagkahusto sa gulang hanggang sa susunod na 15 taon o higit pa. Napagtatagumpayan ng mga ito ang lahat ng mga hadlang upang maabot ang tunguhin nito.
Inilalarawan ng aklat na The Royal Natural History na “ang mga pampang ng mga ilog ay umiitim dahil sa nandarayuhang maliliit na isdang ito.” Ito’y nagpapatuloy pa: “Ang mga batang igat na ito ay napansing umaahon sa pinakaharang ng mga lawa, umaakyat sa mga tubo ng tubig o alulod . . . at ang mga ito’y dumaraan pa nga sa kapirasong lupang basa upang makamit ang kanais-nais na lugar.”
Sa Ilog Bann sa Hilagang Ireland, naglagay ang mga mangingisda ng hagdan na yari sa dayami para sa elver sa pinakamahirap na lugar ng ilog. Dito, umaahon sa mga taling ito ang mga elver patungo sa pantanging mga tangke kung saan ang mga ito’y nabibilang—20,000,000 ng mga ito taun-taon!
Pagbabago at Pandarayuhan
Pagka ang mga igat ay umabot na sa hustong gulang, may iba pang misteryosong bagay ang nagaganap. “Ang sunud-sunod na kapansin-pansing mga pagbabago na may kaugnayan sa pasimula ng paghusto sa gulang ay nagaganap,” sabi ng aklat na Fishes of the Sea. “Lumalaki ang diyametro ng mata at nagiging pambihira ang paningin para sa kalaliman ng karagatan; ang bituka ay nagsisimula nang matuyot at ang mga sangkap sa pagpaparami ay lumalaki. Ang kulay rin ay nagbabago mula sa manilaw-nilaw na kayumanggi tungo sa abuhing kulay-pilak.”
Sa tuwing taglagas, ang mga igat na husto na sa gulang ay nagsisimula ng 5,000 kilometrong pandarayuhan pabalik sa dagat ng Sargasso. Kung paano nila nagagawa ang kamangha-manghang paglalakbay na ito ay walang nakaaalam. Ang mga ito’y hindi kumakain at nakapananatiling buháy sa loob ng anim-na-buwang paglalakbay dahil sa taba na inimbak ng mga ito.
Sinasabi ng mga biyologo na minsang bumalik sa kalaliman ng dagat ng Sargasso, ang babaing igat ay nangingitlog mula 10 hanggang 20 milyong itlog, at ginagawang pertilisado ng lalaki ang mga ito. Pagkatapos ang mga maygulang na ay namamatay. Ang pertilisadong mga itlog ay lumulutang at napipisa bilang ang hugis-dahon na leptocephalus, at ang siklo ay nakukumpleto.
Bakit walang nangingitlog na igat ang nahuli kailanman? “Ang mga ito’y hindi na kumakain, yamang ang kanilang mga sangkap sa panunaw ay mahina na, kaya hindi na ito mahuhuli ng mga bingwit,” sabi ni Christopher Moriarty. “Ang mga ito’y nangingitlog sa malalim na lugar,” ang kaniyang pagpapatuloy, “at yamang ang lugar ng Dagat Sargasso ay mas malalim kaysa sa British Isles, at ang mga igat ay maiilap na nilalang, ang mga ito’y laging may malaking pagkakataon na makatakas sa mabilis-kumilos na mga baklad na lambat.”
Marahil isang araw malulutas na ang lahat ng misteryong bumabalot sa kamangha-manghang nilalang na ito. Samantala, ayon sa mananaliksik na si Moriarty, kung may kinalaman sa kahali-halinang isda, ‘ang igat ay tunay na kamangha-mangha.’
[Kahon sa pahina 18]
Mga Resipi ng Igat
Bagaman ang ilan ay naririmarim sa pagkain ng igat, sa maraming bahagi ng mundo, ang mga ito’y itinuturing bilang isang piling pagkain. Ibig mo bang subukang kumain ng igat? Tinanong ng Gumising! ang isang punong tagapagluto sa Hilagang Ireland kung paano lutuin ang isda. Narito ang dalawa sa kaniyang mga mungkahi:
Nilagang Igat: Kakailanganin mo ang dalawang katamtamang laki ng igat na mga 50 sentimetro ang haba o higit pa. Ang mga ito’y kailangang kaliskisan at alisan ng tinik at hiwain nang 5 sentimetro ang mga piraso. Kailangan mo rin ng apat na kutsara ng olive oil; ilang pirasong dinikdik na bawang; isang bungkos ng mga dahong pampalasa; katas ng isang kahel; kaunting ginadgad na balat ng kahel; kaunting pulang siling labuyo; kaunting asin; limang onsa ng pulang alak.
Ilagay ang olive oil sa kaserolang palayok o kawaling makapal ang ilalim na sapat ang laki upang mailagay ang lahat ng sangkap. Ilagay ang dinikdik na bawang, bungkos ng mga dahong pampalasa, katas ng kahel at ang balat, at pulang siling labuyo. Asnan ang mga piraso ng igat, at ilagay ang mga ito sa kaserola. Ibuhos ang alak, at dagdagan ng sapat na tubig upang masabawan ang mga igat. Lutuin nang walang takip sa katamtamang init sa loob ng mga 30 minuto hanggang sa maluto ang igat. Ihain sa pinainitang mga plato.
Igat na Jelly: Ilagay ang halos isang tasa ng binalatan, inalisan ng tinik, at tinadtad na igat sa kawali. Lagyan ng tinadtad na sibuyas, isang karot, isang tangkay ng celery, dahon ng laurel, kaunting parsley, asin at paminta, at sapat na tubig, white wine, o cider, upang matakpan ang mga sangkap. Unti-unti itong pakuluin, at pakuluan sa mahinang apoy ng mga isang oras. Ilagay sa isang sisidlan ang luto nang igat. Pakuluan ang natitirang mga sangkap hanggang sa ang mga ito’y mabawasan ng sangkapat na sukat, pagkatapos salain ang pinakasabaw sa ibabaw ng igat. Itapon ang mga gulay at mga dahong pampalasa. Palamigin ang igat at ang pinakasabaw upang maging jelly. Kainin ito na may katas ng limon at tinapay na may mantikilya, tulad ng pâté.
[Kahon sa pahina 19]
Alam Mo Ba?
Ang husto sa gulang na babaing igat sa Europa ay may habang halos 1 metro, subalit ang lalaki ay kalahati lamang ng laking iyan.
Ang ilang igat na husto sa gulang na nakatira sa hanggahang mga lawa o dagat-dagatan ay hindi na kailanman nandarayuhan. Ang mga ito’y maaaring mabuhay sa gayong mga lugar sa loob ng 50 taon o higit pa.
Ang mga igat ay maaaring manatiling buháy sa loob ng 48 oras na wala sa tubig.
Ang pinakamatandang igat na nasa ulat ay babae na nagngangalang Putte. Ito’y namatay noong 1948 sa isang aquarium sa Denmark sa gulang na 85.
Ang mga igat ay may pambihirang pang-amoy, na halos kasinselang ng pang-amoy ng aso.
[Larawan sa pahina 17]
Ang Ilog Bann sa Ireland na punúng-punô ng milyun-milyong igat