Pagmamasid sa Daigdig
Banta sa Kalayaan ng Relihiyon sa Europa
Sa isang press conference kamakailan sa Washington, D.C., E.U.A, sinabi ni Massimo Introvigne, isang Romano Katolikong iskolar mula sa Turin, Italya, na tinitipon sa ilang bansa ang mga listahan o ulat ng laban sa mga sekta. Kasali sa mga organisasyon na pinupuntirya bilang “mapanganib na mga sekta” ay ang Baptist, Budista, Katolikong karismatik, Hasidic na Judio, Saksi ni Jehova, mga Quaker, at ang Young Women’s Christian Association (YWCA). Isang ulat sa Alemanya ang bumanggit ng 800 grupo; isa sa Belgium, 187; at isa sa Pransiya, 172. Isinulat ni Introvigne na sa Pransiya, “ang mga guro ay sinisante mula sa mga pampublikong paaralan dahil lamang sa sila’y mga miyembro ng mga Saksi ni Jehova kahit matapos ang maraming taon ng marangal na paglilingkod.” Gaya ng iniulat ng serbisyo sa pagbabalita na Compass Direct, nagpahayag si Introvigne ng pagkabahala sa pagsuporta ng publiko sa mga kilusang laban sa kulto. Sinabi niya: “Maliwanag na maliwanag na ang mga kilusang ito ang siyang may pananagutan sa pagkakalat ng mapanlinlang at kadalasa’y maling impormasyon tungkol sa maliliit na grupo ng relihiyon, at ng isang di-mapagparayang pananaw ng daigdig.”
Mahuhusay na Bintana
Nakabuo ang mga mananaliksik sa University of Sydney sa Australia ng isang bintana na kusang sumasara kapag papalapit na ang isang eroplanong mababa kung lumipad. Matapos dumaan ang nakatutulig na ingay, muling bumubukas ang bintana. Ang isang mikropono sa labas, na sinusuhayan ng software na nakakabit sa bintana, ay nakasasagap din ng partikular na mga frequency ng iba pang nakatutulig na ingay, gaya ng tunog ng malalaking trak. Ipinakikita ng mga pagsubok na maaaring bawasan ng mga bintanang ito ang ingay nang hanggang 20 decibel, na inaasahang sapat para makatiyak na hindi magagambala ang pagtulog. Nagkomento ang magasing New Scientist: “Ang isa sa malalaking kapakinabangan sa sistemang ito ay ang bagay na maaaring di-mapasok ng ingay at magkaroon ng sapat na hangin ang mga gusali nang hindi kinakailangang magkabit ng mamahaling air conditioning.”
Epekto ng TV sa mga Bata
“Mas malaki ang impluwensiya ng mga cartoon at laro sa video sa paggawi ng 6- hanggang 12-taong-gulang na mga bata kaysa sa paaralan, yamang gumugugol sila ng hanggang 38 oras bawat linggo sa panonood ng TV kung ihahambing sa 23 oras sa silid-aralan,” ulat ng pahayagang El Universal sa Mexico. Sinabi ng mananaliksik na si Omar Torreblanca na itinuturo ng TV sa mga bata kung ano ang ikikilos sa partikular na mga situwasyon—ngunit hindi nalalaman ng bata kung mabuti o masama ang pagkilos na iyon. Nagpaliwanag siya: “Kapag nakapapanood ang bata ng mga cartoon o isang pelikula na doo’y maganda ang naging resulta ng pagkakagapos sa isang tauhan, malamang na gagayahin ng bata ang gawaing ito.” Ipinakita ng pagsusuri ni Torreblanca na “ikinakapit ng mga bata sa kanilang pang-araw-araw na buhay kung ano ang natututuhan nila araw-araw mula sa TV ngunit hindi ang natututuhan nila sa paaralan, yamang itinuturing nilang isang obligasyon lamang ang pag-aaral.”
Maaaring Humaba ang Buhay Dahil sa Paglalakad
Ang paglalakad araw-araw ay maaaring lubhang magpahaba ng buhay ng isa, sabi ng Asiaweek. Isang 12-taong pag-aaral ang nagtuon ng pansin sa 707 di-naninigarilyong mga lalaki na ang edad ay nasa pagitan ng 61 at 81 na nagawang maglakad. Doon sa “mga naglakad lamang ng 3.2 kilometro (dalawang milya) bawat araw—kahit na mabagal—ay nabawasan nang kalahati ang panganib na mamatay dahil sa lahat ng sanhi,” sabi ng ulat. Yaong mga hindi naglakad ay 2.5 ulit na malamang na mamatay dahil sa lahat ng uri ng kanser kung ihahambing sa mga naglakad nang di-kukulangin sa dalawang milya bawat araw. Natuklasan ng pag-aaral, na inilathala sa The New England Journal of Medicine, na maging ang paglalakad ng kalahating milya sa isang araw ay nakabawas sa bilang ng namamatay. Dati, pinag-aalinlanganan ng mga eksperto sa ehersisyo ang kahalagahan ng gayong di-gaanong nakapapagod na ehersisyo. Ngayon, sinabi sa bagong pag-aaral: “Maaaring makabuti sa kanilang kalusugan ang paghimok sa mga may-edad na sila’y maglakad.”
Nakatutulong sa mga Bata ang Musika
Ang pagtuturo sa tatlo o apat-na-taong-gulang na mga bata na tumugtog ay makatutulong sa kanila na mangatuwiran at mag-isip, sabi ni Gordon Shaw, propesor sa pisika sa University of California, Irvine. Sa murang edad na ito, madaling nabubuo ang mga koneksiyon sa utak, at ipinakita ng mga mananaliksik na ang regular na pag-eensayo kahit sa loob ng sampung minuto bawat araw ay nakatutulong upang magkaroon ng “pangmatagalang pagsulong sa paraan ng pangangatuwiran at pag-iisip ng isang bata.” Sa isang siyam-na-buwan na pagsubok, ang mga batang nag-aral tumugtog ng piyano ay inihambing sa mga grupo na nagkaroon ng pagsasanay sa computer o kaya’y hindi nagkaroon ng anumang pagsasanay. Tumaas ng 35 porsiyento ang mga marka sa pagsusulit sa talino niyaong mga natutong tumugtog ng piyano, samantalang ang dalawang iba pang grupo ay bahagya lamang o ni hindi sumulong, ulat ng Sunday Times ng London.
Ekolohiya sa Dalampasigan
Posible kaya na sirain ang isang dalampasigan sa pamamagitan ng sobrang paglilinis dito? Oo, sabi ng isang pag-aaral sa Swansea Bay, sa Wales. Ang susi sa isang mainam na dalampasigan ay ang tabing-dagat, kung saan dalawang beses na natatambak ang mga labí kapag mataas ang tubig. Kasali sa mga labí ang mga punungkahoy, inanod na kahoy, lumot, damo, at maging patay na mga hayop, na pawang napahalo sa damong-dagat. Ang paghahalong ito ay tinitirahan ng maliliit na hayop na walang gulugod na tumutulong sa pagtunaw ng nabubulok na mga halaman, na ikinakalat naman ng hangin at alon na siyang nagdidikit sa buhangin. Ang tabing-dagat ay naglalaan din ng pagkain para sa mga ibon at sa mga hayop gaya ng mga vole, daga, kuneho, at maging ng mga sorra. Ang pagkaunti ng nagtatampisaw na mga ibon na nanginginain sa tabing-dagat ang siyang ikinabahala ng mga tagapangalaga sa bagay na ang regular na paggagalugad sa dalampasigan ay nakasisira sa maselan na pagkabalanse sa ekolohiya nito. Maraming mahihilig sa dalampasigan ang nagnanais ng di-makatotohanang malinis na dalampasigan. Nag-ulat ang The Times ng London na isang panauhin ang umaasa pa nga na alisin ang maliliit na bato mula sa buhangin.
Ang Ating Pangglobong Pagkain
Naisip mo na ba kung gaano karami ang kinakain ng mga tao sa daigdig araw-araw? Nag-ulat ang pahayagang To Vima sa Gresya ng ilang nakagugulat na estadistika tungkol sa dami ng nakukunsumo araw-araw. Sa buong daigdig, dalawang bilyong itlog ang inihahanda at kinakain—sapat para makagawa ng torta na sinlaki ng isla ng Cyprus! Ang daigdig ay nakauubos ng 1.6 milyong tonelada ng mais. Popular din ang patatas, 727,000 tonelada ng mga ito! Bigas ang pangunahing pagkain ng malaking bahagi ng populasyon ng lupa, anupat 1.5 tonelada ang itinutustos sa araw-araw. Dito, 365,000 tonelada ang kinakain ng mga Tsino. Pinupuno ng 7,000 tonelada ng pinakuluang tsa ang mga tatlong bilyong tasa. Ang mga nakaririwasa sa daigdig ay nagtatamasa ng 2.7 tonelada ng caviar. Ang pangkaraniwang adulto sa Kanluraning daigdig ay kumokonsumo ng 4,000 calorie sa isang araw—kung ihahambing sa 2,500 calorie na inirerekomenda—samantalang 1,800 lamang ang katamtaman sa Aprika.
Nagtatrabahong mga Igat
Pinagtatrabaho ang mga igat sa pagsubok sa uri ng tubig sa Hapon, ulat ng The Daily Yomiuri. Limang taon na ang nakalipas, natuklasan ni Propesor Kenji Namba ng Hiroshima University na may reaksiyon sa mga igat ang bahagyang mga pagkakaiba sa uri ng tubig. Ang nakapipinsalang mga sangkap gaya ng cadmium o cyanide ay nagpapabagal sa pagtibok ng puso ng mga igat, samantalang pinabibilis naman ito ng trichloroethylene na nagiging sanhi ng kanser. Ipinagbibili ngayon ang isang makina na gumagamit sa ganitong pambihirang matalas na pakiramdam. Ang igat ay nasa isang acrylic na tubo sa makina. Habang dumadaloy ang tubig sa tubo, ang mga electrode na nakakabit sa tubo ay sumusubaybay sa pintig ng puso ng igat, at anumang pagbabago ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng pager sa isang teknisyan. Ang mga igat na pinipili para sa ganitong trabaho ay galing sa pantanging malinis na katubigan at pinapalitan buwan-buwan upang mapanatili ang ganap na kawastuan.
Mga Sinturong Pangkaligtasan at mga Namamatay sa Trapiko
Pinawalang-bisa kamakailan ng Kapulungan sa Saligang Batas ng Korte Suprema ng Costa Rica ang isang batas sa sapilitang pagsusuot ng sinturong pangkaligtasan, anupat sinabing nilalabag nito ang mga garantiya sa personal na kalayaan, ulat ng The Tico Times ng San José, Costa Rica. Mula nang lumabas ang desisyong iyan, ang bilang ng mga nagmamaneho sa bansa na gumagamit ng mga sinturong pangkaligtasan ay bumaba mula 87 porsiyento tungo sa 44 na porsiyento na lamang, samantalang tumaas naman ang bilang ng mga aksidenteng nagbunga ng kamatayan. Naglunsad ang Highway Safety Council ng Costa Rica ng isang madaliang pagsisikap na mabawasan ang bilang ng mga napipinsala, ngunit nabibigo ang pagsisikap na ito kapag hindi nagsusuot ng sinturong pangkaligtasan ang mga pasahero, sabi ng ulat. Ganito ang sabi ng kinatawan ng Council na si Manfred Cervantes: “Talagang sinisikap naming ipaunawa sa mga tao na maaari nilang maingatan ang kanilang sarili at mailigtas ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagiging mga responsableng drayber.”
Mga Kamatayang Sanhi ng Tabako
Mga 1.1 bilyon katao sa buong daigdig ang naninigarilyo, sabi ni Propesor Judith Mackay, ng Asian Consultancy on Tobacco Control. Gaya ng iniulat sa British Medical Journal, sa ikasampung pandaigdig na komperensiya hinggil sa tabako at kalusugan, tinataya na tatlong milyon ang namatay noong 1990 sanhi ng tabako. Ang bilang na iyan ay inaasahang tataas hanggang sampung milyon sa pagitan ng mga taóng 2025 at 2030. Sinabi ng Journal na sa loob ng susunod na tatlong dekada, ang pagdami ng mga namamatay sanhi ng paninigarilyo ay lilipat mula sa mauunlad tungo sa papaunlad na mga bansa. Ayon kay Propesor Richard Peto, isang propesor sa medikal na estadistika sa Oxford University, “mas marami nang namamatay sa Tsina sanhi ng tabako kaysa sa anumang ibang bansa.”